“Anak, balita ko ay sinampal ka raw ni Jeany?” Nanlaki ang mata niya ng marinig ito sa kanyang ama. Hindi naman iyon nakakagulat, pero hindi pa rin niya inaasahang ibibigkas ito ng kanyang ama sa harap ng kanyang ina at kapatid.
“Bunso? Huwag mong sabihin sa aking hindi ka lumaban? Palaban tayo!” Natigil ang kanyang kuya sa pagsasalita dahil sa mga mata ng kanilang ama at ina na nakaabang. Unti-unti na rin kasi siyang nakakadama ng sakit buhat sa unti-unting pag-apak ng paa ng kanyang ama sa kanya.
“Sino ba si Jeany, Sweetie?” untag ng kanyang Mommy.
“Si Jeany? Siya iyong ex ni Mike Kael Jam na iniligtas ko sa pagiging bad influence nito sa kanya.” Kumagat ng fried chicken si Jam Bie. “Hindi ba nagkalat iyong mga larawan ko!”
“Oo! Ang pogi noong lalaking ka-couple shirt mo. Nakita ko, kanina sa social media account ko.” biglaang sambit ni Ricxian.
“Hindi naman, Kuya. Mas pogi ka pa rin doon. Habulin ka kaya ng mga babae! Kaya nga pambato kita e. Bigla ko tuloy gusto na agad na magkaapo,” biglang salita ng ama nito.
“Oo nga, Daddy. Ang pogi kaya ng Kuya Ricxian ko. Walang makakatalo!”
“Alam ko ang ginagawa mo. Ilalayo mo kami sa totoong kwento. So, anong meron sa kay Jeany at Chalmer?” Kumagat ng fried chicken ang Mommy niya.
“Mommy! Daddy! Kuya Ricxian! Kasi, kumalat iyong larawan namin ni Mike Kael Jam sa buong campus!” Inisa-isang nahihiyang tiningnan ni Jam Bie ang kanyang kapamilya.
“Aba e. Masyado namang selosa iyong sinasabi mong Jeany, Bunsoy.” Pinaglalagay ni Ricxian ang mga balat ng fried chicken sa isang plato dahil hindi siya mahilig kumain dito. Nasa laman kasi ng manok ang sustansya nito. “Ano ba ang nasa larawan?”
“Mommy! Hindi ba may sinabi ako sa iyong aksidenteng halik?”
“Si Kael?” Tumango siya rito. “Huwag mong sabihing may kumuha ng larawan ninyong dalawa na naglapat ang inyong mga labi?” Nahihiyang tumango rin siya rito.
“Bunsoy! May first kiss ka na? Aba! Inunahan mo pa ako a!” pagalit na tono ng pananalita nito.
“Bakla ka kasi, Kuya!” Biglang natahimik si Ricxian mula sa narinig sa kapatid niya. Nasapo rin ni Jam Bie ang kanyang mga bibig dahil dito.
“‘Anong bakla? Walang bakla sa anak ko? Hindi ba, Kuya!” Hindi makapagsalita si Ricxian at palipat lipat lamang ng tingin sa kanyang mga kasamahan. Nanghihina siyang kinakain ang saging bilang panghimagas.
“Ricxian?” untag ulit ng kanyang ama. Natatakot siyang magsalita.
“Alvertuh! Ayusin mo nga ang tono ng pananalita mo. Natatakot tuloy ang anak natin.” nagsalita na ng tuluyan ang kanilang ina. Hindi na nito mapigilan na magsalita dahil sa panginginig ng anak niyang lalaki.
“Sorry, Kuya!” nahihiyang saad ni Jam Bie.
“Anong sorry, Jam Bie? Ano ba ang kasalanan mo sa kapatid mo? Hindi naman siya bakla? Walang bakla sa lahi natin! Kakasabi nga lang niya sa mas pogi pa siya roon sa…”
“Daddy! Bakla ako!” Hindi na pinagpatuloy pa ni Ricxian ang kanyang Daddy na magsalita dahil pursigido na siyang sabihin ang lahat. Hindi na siya natatakot kong palayasin man siya nito o itakwil bilang parte ng pamilya. Matagal na niyang lihim na itinatago ang kanyang pagkatao. Ngayon na siguro ang tamang panahon para man lang magpakatotoo siya sa sarili niya. Ang hirap ng maglihim sa mga tao sa paligid,
“Ano? Ulitin mo nga ang sinasabi mo?” Kwenelyuhan siya ng kanyang ama. Nanginginig man pero tumingin siya sa mga mata nito. “Daddy, matagal ko ng gustong sabihin ito sa iyo. D-Daddy, bakla ako!”
Nataranta si Jam Bie at nilapitan ang ina upang umawat, Biglaan na lamang sinuntok ng kanilang ama si Ricxian. Dumugo ang mga labi nito.
“Sige, Daddy. Saktan mo ako. K-kahit suntukin mo pa ako ng maraming beses. Wala ka ng magagawa, Bakla ako!” Biglang naiyak si Jam Bie buhat sa narinig sa kanyang kuya. Saksi siya kung paano ilang beses nagbalak magsabi ang kanyang kuya, subalit, palagi na lamang nauudlot. Saksi siya kung paano ito, nahihirapang tinatago ang kanyang pagiging bakla.
“Wala sa lahi natin ang bakla!” Akmang susuntukin na naman ulit ni Alvertuh ang anak na bakla nang biglang umawat ang kanilang ina.
“D-Daddy, Ilang ulit na nga akong nagpakalalaki para lang hindi ka magalit. Pero, shuta! Bakla ako.” Habang pumapagitna ang kanilang ina ay ginagawa na ito ni Ricxian bilang pagkakataon upang magsalita. “Noong bata pa ako, gusto ko ng barbie doll, kaso gusto mo baril ang bilhin ko. Kaya sinunod kita kasi mahal kita e, Daddy kita. Alam kong alam mo kong ano ang the best for me.”
“Then, try harder. Mag-training kang mag-pulis. Siguro naman, mawawala pa iyang kabaklaan mo!” Umaaawat pa rin ang kanilang ina habang pinipilit na abutin ni Alvertuh ang anak na kinaiinisan.
“I-iyan ka na naman! Magdidisisyon ka na naman para sa sarili ko. Tapos, susundin naman kita.” Lumapit si Jam Bie sa kapatid niyang nahihirapan ng magsalita. “Lahat ng mga iniutos mo sinusunod ko. Gusto kong maging guro tulad mo, pero mas gusto mong maging abogado ako. Gusto mong pag-uwi ko ng bahay ay mag-aral pa rin ako. Daddy. Wala akong naging bestfriend kasi ang killjoy ko raw. Kapag may gala iyong mga tropa ko noong highschool, hindi ako sumasama kaya hindi na nila ako, isinasama sa tropa,” bumuhos ang mga luha sa mga mata ni Ricxian.
“Kung ayaw mo na pala ng mga pamamalakad ko bilang Daddy mo. Lumayas ka sa pamamahay na ito!” Itinuro ni Alvertuh ang pintuan palabas.
“Ang unfair naman, Daddy. Ginawa ko naman ang lahat para sa iyo. For once, pwede bang suportahan mo naman ang desisyon ko!”
“Nanunumbat ka? Kung hindi dahil sa akin, hindi ka makakapagtapos ng pag-aaral. Kung hindi dahil sa akin, baka nasa kalsada ka pupulutin. Kung hindi dahil sa akin…”
“Alvertuh!” Hindi na napigilan ng kanilang ina na umawat at magsalita. “Huwag ka namang ganyan sa anak natin!”
“Ayaw ko ng makita ang mukha ng salot na iyan. Wala tayong lahing may dugong berde!” Naiinis na nasapo ni Alvertuh ang kanyang mukha. Gustong-gusto na niyang suntukin ang mukha ng anak upang magising sa katotohanan.
Wala ng nagawa si Ricxian kundi dahan dahang lumakad palabas ng kanilang bahay. Hinihila naman siya ni Jam Bie, upang hindi na ito umalis.
“Pero iyong salot na sinasabi mo ay nagpapakatotoong tao. Iyong dugong berde niya ay nananalaytay sa iyo. Alam mo ba, noong minsang naaksidente ka, malapit ka ng mamatay dahil maraming dugo ang nawala sa iyo!” Biglang natauhan si Alvertuh buhat sa narinig sa asawa. “Alvertuh, dugo niya ang dinonate niya para lang mailigtas ang pinakamamahal niyang Daddy.” Huminga ng malalim ang asawa ni Alvertuh. “Kahit ano pa siya, pamilya natin siya. Anak natin siya, kaya Alvertuh, huwag mo namang hayaang mawalan tayo ng anak dahil sa pride mo!”
“Kasi…”
“Paano na lang kung bakla ulit ang pinagbubuntis ko? Papalayasin mo na naman ba?” Nanlaki ang mata ni Alvertuh sa narinig buhat sa asawa.
“Buntis ka? Magkaka-baby na ulit ako!”
“Iyon ay kung hindi ito magiging bakla!” Tumatango ito.
“Ricxian!” Tumakbo si Alvertuh para habulin ang anak. “Kuya!” Nagulat si Ricxian ng makita ang ama sa pintuan ng kanilang bahay. Papara na sana siya ng sasakyan upang tuluyang makaalis na. “Huwag ka ng umalis. Hindi ko naman gustong paalisin ka e. Ang gusto ko lang ay maging lalaki ka. Pero, kung anuman ang gusto mo. Wala na akong magagawa, kundi suportahan ka.”
Hindi makapaniwala si Ricxian sa narinig mula sa kanyang ama. Nagyakapan silang dalawa. “Anak, tanggap kita. Patawad kung huli na akong natauhan.”
“Group hug!” Nag-iiyakan silang magkayakap na buong pamilya.
“Teka lang baka maipit!” litanya ng kanilang ama.
“Lumayo kayo sa Mommy ninyo.” Hinawakan ni Alvertuh ang tiyan ng asawa. Nagulat ang dalawang mga anak sa ginagawa ng kanilang ama.
“Buntis ka?” magkasabay na tanong ng dalawa.
“Yes! Magkakaroon na kayo ng bunsong kapatid!” Nabalot ng kasiyahang ang magkapamilyang kanina ay muntikan ng magkawatakan dahil sa malalabong bagay.
Ang buhay ay masaya kapag nagpapakatotoo ka. Huwag mong hayaang magpakain ka sa pride mo, kung ayaw mong mawala ang mahahalagang tao sa iyo. Sa huli, ang pamilyang nagmamahalan ay hindi masisisira kahit anong pagsubok man ang pagdadaanan.
“Teka nga, Sweetie. Bakit ka nga ulit sinampal ni Jeany? Hindi pa tayo tapos!”
“Ermat! Kasi ang haba ng hair nitong ating only girl natin. Maraming pang nahumaling, kaya iyong mga kyemeng tuod inggit.” maarteng pagkakalitanya ni Ricxian na gumagalaw pa ang mga kamay kung saan saan.
===========