“Babe! Help me!” Ang buong paligid ay nababalot ng baha. Nanginginig akong nakatayo sa palutang-lutang na bangka. Agaran kong narinig ang tawag mula sa malayuan sa akin, alam ko kung sino iyon, kabisado ko ang malamyos na boses ng pinangyarihan.
“Cha!” Tinawag ko siya ng malakas ng masilayan ko ang papalapit ng buwayang ubod ng kintab ang matatalinis na ngipin. Walang pakundangan naman siyang tumalon at humawak sa isang nakalutang na kabinet.
“Tukayo! Tulungan mo ako!” Agaran akong tumingin sa aking likuran nang marinig ko ang isa na namang pamilyar na boses. Gulagulanit na ang damit nito na dala siguro ng ilang beses na pagkabanga sa mga matatalinis na bagay.
“Kael!” Itinuro ko ang buwayang papalapit sa kanya. Naging mahirap para sa kanya ang sumakay sa nakalutang na sasakyan dahil sa kanyang damit na nahihirapan siyang tanggalin.
“Bie! Hawakan mo ako!” Isang gulong ang paparating ang agaran kong binigyan ng pansin. Lumapit ako ng bahagya rito ngunit hindi ko malapitan,
“JM!” halos maubos ang hininga ko, habang sinasambit ang pangalan ni JM, dahil sa buwayang papalapit sa kanyang banda. Agaran naman siyang gumawa ng paraan para hindi makita ng buwaya.
“Babe! Help me!” Napatingin ako sa likuran ko at kitang-kita kong malapit na sa akin si Chalmer. Inialok ko ang aking kamay, agaran niya naman itong hinawakan.
“Kumapit ka!” Sa ngayon ay dalawa na kaming nakaupo sa maliit na bangka. Nagkakaroon na ako ng pag-asa na makaligtas kami sa delubyong nangyayari.
“Tukayo!” Nakarating na rin si Kael malapit sa aming sinasakyang bangka. Inialay ko ang aking kaliwang kamay sa kanya, subalit, biglaan na lamang lumakas ang agos ng tubig kaya ko siya nabitawan.
“Bro!” Madalian namang nakapag-rescue si Chalmer at naabot ang kamay nito matapos kong mabitawan. Umaalog-alog na ang sinasakyan naming tatlo, matapos tuluyang mailigtas namin si Kael, at sumakay na rito.
“JM! Dahan dahan lang. Lumapit ka sa amin!” Bumuhos ang isang malakas na ulan. Sanhi, upang tuluyang lumakas ang agos ng baha. Nanlalamig na ako sa ginaw na dulot ng ulan. Maganda rin naman ang naging epekto ng pagbaha, dahil dumiretsong gumalaw ang sinasakyan naming bangka patungo sa kinaroroonan ni JM.
“Sa wakas. Magkasama na rin tayong apat!” Sa gitna ng papalakas na buhos ng ulan at patuloy na pagtaas ng baha ay nabuhayan akong makakaligtas kaming apat. Gumagalaw galaw ang buong bangka. Napapahampas-hampas ito sa mga nasasagaang mga nakalutang na bagay, sirang kahoy o naputol na mga puno.
“Maghawak-hawak tayo ng kamay!” saad ko sa kanila. Nakakatakot na kasi ang bawat paghampas, parang nanghihina ako at baka biglaan na lamang masira ang sinasakyan namin.
“Bro! James Martin! Tukayo! Unti-unti na tayong lumulubog. Ang bangkang ito ay para sa dalawang tao lamang!” nataranta ako sa tinuran ni Kael. Tiningnan ko ang inaapakan namin, mukhang tama siya.
“Ako na lang ang tatalon. Ikaliligaya kong mailigtas si Bie, bago ako mawala!”
“No!” bigla silang napatingin sa aking malakas na pagkakabigkas.
“Babe! I am willing to sacrifice my life for you!”
“HIndi!” Namumuo na ang mga luha sa aking mga mata habang pinagmamasdan silang tatlo na nawawalan na ng pag-asa.
“Ang drama naman ninyong dalawa. Basta, ako. Kung ito na ang huling araw ko sa mundo, gusto kong sabihin na, mahal na mahal kita, Tukayo!”
“Wala! Walang tatalon. Sabay sabay tayong makakakaligtas.”
“Babe! Pakawalan mo na ako. Unti-unti na tayong nalulugmok!’
“Tukayo! Bitawan mo na ako!” Hindi ako makatango. Lalong naninikip ang dibdib ko. Nilalakasan ko na lamang ang paghawak kamay kina Chalmer at Kael. Habang nasa harapan ko si JM.
“Kung gayon, Bie. Kailangan mong pumili sa aming tatlo. Kailangan mong piliin kung sino ang gusto mong makasama hanggang sa dulo! Kailangan….”
___
“Hindi!” Namulat ako mula sa nakakapanghinang panaginip. Habol hininga kong hinihigop ang hangin habang pinupunasan ang mga luha sa aking mga mata. Isang panaginip na parang makatotohanan. Pinapahiran ko pa rin ang mga luha sa aking mga mata, na hindi tumitigil sa pag-agos.
“Anak! Ano ang nangyari? Binangungot ka na naman ba?” Tumango naman ako, kaya agaran akong niyakap ni Mommy.
“Hindi mo pa rin ba nasasabi sa kay Kael ang panaginip mo?” Hinahaplos niya ang aking buhok,
“N-nagawa ko na, Mommy. Kanina nga, nalaman ko… bigla na lang daw nagkahimala at nawala ang cancer niya. Bukas na bukas din daw, makakalabas na siya,” sumisinop akong magsalita. Para akong lasing.
“Bakit napanaginipan mo pa rin?” Kailangan ko ng ikwento kay Mommy ang lahat. Alam ko namang hindi siya magagalit e. Mabait kaya siya sa akin, alam kong tutulungan niya ako.
“Mommy! May sasabihin ako sa iyo!” Biglang humarap sa aking mukha si Mommy at pinahiran na rin ang mga luha sa aking mga mata.
“Ano iyon , sweetie?”
“Alam mo ba? Si Kael?” Tumango siya. “Sinabi niya sa akin na matagal na niya akong gusto. Kaya siya nagbago at nagpursigidong mag-aral dahil sa akin. Mommy, Mahal niya raw ako!”
“Mahal mo rin ba?” mapang-asar na litanya ni Mommy habang kinikirot ang mukha ko.
“Mommy!” Ngumiti lang siya. “Kilala mo pa rin ba iyong tabachoy na nerd at inakusahang cheater noong 1st year ako?”
“Ah! Si Cha, The Nerdy Tabachoy! Ano naman ang meron sa kanya?” Alam na alam talaga ni Mommy. Magaling talaga siyang tagapakinig kapag may problema ako.
“Hindi na siya, tabatchoy. Hindi na rin siya pangit. Lalong lalo na hindi na siya nerd. Ang pogi na niya ngayon, Mommy. Ang laki ng pinagbago niya.”
“So, ayaw mo kay Kael, kasi gusto mo na si Cha? Ganoon ba?”
“Mommy no!” Napalayo ako bigla buhat sa pagkakayakap sa kanya. “Mommy, nagpa-pogi siya, nagpapayat siya. Marami ang binago niya sa buhay niya dahil sa akin. Kung hindi ko raw pinapamukha sa kanya ang mga ganoon ay baka isa pa rin daw siyang pangit at nerd na tabatchoy. Mommy, nagtapat siya sa akin. Kaya pala hinahayaan niya lang na awayin ko siya rati, kasi gustong gusto na niya ako. Ma, mahal na mahal niya rin ako!”
“Ang haba ng hair naman ng baby sweetie ko. Ano naman ang nangyari kagabi at nalasing daw si JM kaya ka ginabi sa pag-uwi?” Hinablot ko ang selpon at hinanap ang nagkalat na larawan sa social media. Ipinakita ko ito kay Mommy.
“Couple Shirt! Sinagot mo na siya, anak? I’m happy for you!’’
“Mommy, hindi.” Natahimik bigla si Mommy at aktong itinataas ang kamay na parang hinuhuli ng mga pulis. “Nasa tiangge kasi ako noon. Tapos naalala kong nabasa ko ang damit ni Chalmer. Kaya naisipan ko siyang bilhin. May nakita akong ‘Buy One Take One’ kaya roon na ako bumili. Hindi na ako nakapagpili. Sinabi ko na lang na kahit ano basta pink ang kulay.”
“Ganoon pala. Bakit may yakapan at titigan?” Gumagalaw pa ang mga mata ni Mommy na nakatingin sa akin, habang may pagkislot siyang ginagawa sa tagiliran ko.
“Nagkataon lang yan, Mommy!” Ngumiti ako. “Nagpakalasing si JM kasi nakita niya ang larawan na iyan. Mommy, si JM pala iyong nakakausap ko sa social media account ko, na minsan tumutulong sa mga assignment ko at minsan din ay nagbibigay payo sa akin kapag may problema ako.”
“Si Mr Doraemon. Iyong pinagseselosan ko kasi imbis na ako ang dapat sumbungan mo sa mga hinaing mo sa buhay e. Mas pinipili mo siyang i-chat!” Tumayo si Mommy. Dati kasi, biglaan na lang daw niyang napapansin na hindi na ako nagsasabi sa kanya ng mga problema ko. Tapos, nalaman na lang niya bigla na may nakaka-chat pala akong sumbungan ko ng problema.
“Mommy. Kaya siya naglasing kasi selos na selos na siya. Kung gusto ko na raw pala magdyowa, sana sinabi ko para ligawan niya ako. Mommy, mahal niya ako!”
“Ang taray naman ng anak ko. May tatlong leading man. Teka nga, baka naapakan ko na ang mahaba mong buhok!?” Tumatalon talon si Mommy habang natatawang tumitingin sa akin.
“Mommy naman e.” Padabog akong tumayo.
“Anak, sino ba ang gusto mo?” Lumapit siya sa akin, tumingin sa aking mga mata at hinawakan ang aking mga kamay.
“Mommy kasi!” seryoso ko siyang tinitigan. “Napanaginipan ko silang tatlo. Nasa bangka kaming apat habang bumabaha ng malakas.”
“Tapos?”
“Papalubog na ang bangka. Lahat sila gustong sumuko, maisalba lang ako. Maliit lang ang bangkang sinasakyan namin, hanggang dalawa lang ang kailangang manatili. Hanggang sa sila na mismo ang nagtatanong sa akin kung sino ang pipiliin kong manatiling kasama ako.”
“Sino ang pinili mo?”
“Iyon na nga e. Nagising na ako!”
“Alam mo, anak. Kahit sino pa ang piliin mo, kahit ano pa ang piliin mo. Nandito lang ako para sa iyo.” Nagyakapan kaming dalawa. The best talaga itong si Mommy.
========