He’s Mine!
Hindi ko alam pero kanina ko pa nariring ang katagang iyan. Pagpasok na pagpasok ko pa lang sa gate ay may kakaiba na akong naririnig. May biglaan na lamang lumalapit sa akin, tapos biglang magtatawanan.
Nakikinig na lamang ako at lihim na tumitingala sa mga nararaanan ko. Ano ba ang meroon sa mga selpon nila at bakit nagagawa nilang tumawa paharap sa akin, tapos ibaling ang tingin sa hawak na selpon. Pasalamat talaga sila at lowbat ang selpon ko dahil kung hindi kanina ko pa susulungin ang mga nagsisitawanan. Ano na naman kaya ang nagawa ko?
“Ano ba? Huwag nga ninyo akong paglalaruan!” inis kong itinulak ang lalaking nasa likuran ko na batid ko ay nakasunod sa akin. Wala na akong nagawa, naiinis na ako sa mga nanlilisik na mga mata. Para bagang may isang malaking kasalanan ako.
“Nanunulak ka na, ngayon. Bie.” Hindi ako makapaniwala sa kung sino man ang aking naitulak. Kasalanan ko ba kung sunod siya ng sunod sa akin? Malay ko ba kung pati siya ay alam ang pinagkakaabalahan ng mga estudyante.
“Bakit ka kasi sunod ng sunod?” Nilapitan ko siya at hinila pabalik sa akin. “Ano ba ang meroon ngayon at parang may mga taong pinagchichismisan ako?” Biglang nagbago ang reaksyon sa kanyang mukha. “Sabihin mo sa akin. Ano na naman ang kalokohan ang ginawa mo para pagpyestahan na naman ako ng mga estudyante?” Kwenelyuhan ko siya ng mahina. “Ikinalat mo ba na bitter pa rin ako dahil sa pagkatalo ko? Ano? Magsalita ka!” sinigawan ko siya dahil sa inis. HIndi ko alam kung ano ang mukha na pinapakita niya sa akin. Kasi, nakangiti pa rin siya kahit galit na galit na ako. Pinagloloko niya ba talaga ako?
“Pinagpipiyestahan ka nila kasi.” Sinamaan ko siya ng tingin. “SIno ba kasi si ‘He’s Mine’?” tanong niya habang itinuturo niya… Ako? Anong ba ang pinagsasabi niya. Hindi ko pa rin siya maintindihan.
“Anong ‘He’s Mine’?” nagugulumihan kong untag sa kanya. Bakit parang ako lang ang hindi nakakaalam kung ano ang ‘He’s Mine’? Baka bagong pelikula? Bagong kanta? Bagong…
“Iyong mga nakasulat sa likod ng damit mo. HIndi mo ba iyan binasa?” litanya niya. Ano ba ang nakasulat sa damit ko? “Huwag mong sabihin sa akin na may nagbigay sa iyo niyan.”
“Oo, bago e. Ano?” Agaran akong tumakbo papunta sa may palikuran. Marahan akong tumingin sa salamin. Sinulyapan kung ano nga ba ang nakasulat sa suot kong damit. Kaya pala, ‘He’s Mine’. Big deal ba sa kanila ang ganitong bagay at pagpipiyestahan nila ako? Wala na ba silang magawa kundi makialam sa buhay ng ibang tao? Simpleng suot na damit lang, issue na. Hays!
Ano ba ang gagawin ko? Malilintikan talaga ako ni Daddy kapag nalaman niya ang mga pinagsasabi ng mga estudyante rito sa eskwelahan. Sana naman hindi ito umabot sa kanya. Kailangan ko ng lumabas dito. Siguro naman, hindi susuotin ni Chalmer ang damit na ibinigay ko sa kanya. Ayaw niya naman sigurong suwayin siya bilang bakla. Ang pangit kaya niyang tingnan kapag suot ang kulay pink. Pangit nga ba?
“Alam nyo ba, si Jam. Iyong ang bilin sa atin sa eleksyon na aral muna bago dyowa. May dyowa na raw. May ka-couple shirt siya. Ang nakasulat sa likod ng damit niya, He’s Mine, habang iyong sa boy, She’s Mine. Ang sweet hindi ba? Kulay pink pa!”
“Oo nga e. Ang gwapo noong boy sa kulay pink na damit. Sino kaya ang pangalan noong boy?
“Umayos nga kayong dalawa. Magdyowa nga hindi ba? May balak pa yata kayong mang agaw.”
“Hindi namin iyan ginagawa no. Bagay kaya silang dalawa. Sana all.” Lalabas na sana ako ng banyo ng may narinig akong bulong bulungan kaya napahinto ako. Patay na! Akala ko hindi niya susuotin? Pahamak na damit naman ito o. Bakit ba naman kasi hindi ko man lamang tiningnan muna ang mga nakasulat saka bilhin? Akala ko kasi mga cartoon character lang ang mga nakaimprinta e. Iyon kasi ang mga nakikita ko sa pinagbilhan ko. Hays!
“Bie!” Saktong sakto. Dumating din siya. My knight and shining armour. Wearing his jacket.
“JM! Hubarin mo naman iyong jacket mo. Please!” pagmamakaawa ko sa kanya. Nagmamakaawa pero hinahablot ka na naman para hubarin niya.
“Bakit naman? Bakit ka ba natatakot? Sino ba kasi ang nagbigay ng damit mo na iyan?” Kung saan saan siya lumilingon habang nakikipag usap sa akin. Napapansin ko naman si Chalmer sa malapitan sa amin. Kita ko siya na nakatalikod at tama nga sila. Nasa likod ng damit din niya ang mga katagang nakaimprenta, She’s Mine.
“Basta!” Hinihila ko siya papasok sa loob ng banyo. Kailangang hindi niya makita.
“Ano ka ba? Panbabae ito!”
“Hubarin mo na kasi!” Tumunog ang bell kaya agaran niyang hinubad ang kanyang jacket. Lumabas na rin siya agad. Mabuti na lamang talaga at nagdamit siya at nagsuot ng jacket. kung hindi, hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Matapos kong suotin ang kanyang jacket ay dumiritso na kami sa aming silid. Wala ng gaanong estudyante sa mga oras na lumabas kami.
Mabuti na lang din at wala pa si Ma’am Datulayta sa loob ng aming silid. Kung hindi malalagot na naman ako sa kanya. Magkasabay kaming umupo ni JM.
“Ms. Villarico, Sure ka bang sa akin ang isip mo ngayon? Sa leksyon ko ang utak mo, ngayon?” tanong ni Ma’am Datulayta matapos namin siyang batiin ng magandang umaga.
“Yes! Ma’am. I am sorry, Ma’am.”
“Okey. Accepted. But, I will not give you a special treatment. Hindi kita bibigyan ng Preliminary Exam. Pagbutihin mo na lang ang finale exam ninyo.”
“Opo.” Labag man sa loob ko pero kailangan kong tanggapin na hindi ako makakapag-exam. Siguro, pagbubutihin ko na lamang ang finale exam namin. Kayang kaya ko naman iyon.
—
“Huwag mong sabihin sa aking bigay ni Chalmer ang damit na suot mo?” Umiwas ako ng tingin kay Chalmer nang masilayan ko siyang papalapit sa amin ni JM. Napansin iyon ni JM kaya agaran niya akong kinompronta.
“Hindi. Ako ang nagbigay sa kanya,” mahina kong pagkakasaad.
“Bakit naman? Seryoso ka ba? Ako nga na halos tatlong taon mo ng nakakasama, hindi mo mabigyan ng damit? Siya pa kaya?”
“Next time. Bibigyan kita. Gusto mo jacket pa e?!” Bakit nga ba hindi ko siya naiisip na bigyan? Siguro, sa susunod na lang din.
Nagpatuloy ang mga bulung bulungan pero binabaliwala ko na lang. Nakita ko rin si Daddy kanina pero parang wala rin siyang alam. Mabuti naman kung ganoon nga. Sana hindi siya makarinig.
__
“Daddy, Wala kaming pasok sa last period. Mauuna na akong umuwi sa iyo.” Maayos naman ang takbo ng buo kong klase. Hanggang sa nalaman kong wala si Ma’am Ares, ang guro namin sa last period. Ito na rin ang chance ko na makapunta kay Kael.
“Okey. Basta, huwag kang sumama doon sa ka-couple shirt mo o doon sa may ari ng jacket mo!”
“Daddy. You know me. Hindi ako ganoon.”
“Alam ko naman iyon, anak. Kaya nga hindi ako nagsasalita kasi kilala kita.”
“Daddy naman. Kaya, love kita e.” Niyakap ko si Daddy at saka ako umalis.
Naglakad ako papalabas ng gate. Kita ko na si Chalmer sa kanyang sasakyan, kaya marahan akong lumapit sa kanya.
“Ang tagal mo naman, Babe!” nakatalikod niyang saad sa akin.
“Shut up! Huwag mo akong sabihan tungkol sa damit natin. Hindi ko alam na ganiyan pala ang nakasulat.”
“Defensive mo naman, Babe. Pinapaselos mo yata ako. Mas pinili mong suotin ang jacket na may apelyido na Ampao kaysa sa couple shirt natin!”
“Tama na! Puntahan na natin si Kael!”
====