__
“Bumalik Ka Na (Have You Back)
By Cupid Wizard”
Hindi ko alam kung ano ang nakain ng babaeng ito at biglaan na lamang naging mabait sa akin.
Gusto niya raw ikuwento sa akin ang kwentong binasa ni Ma’am Ricaborda para hindi ako mahuli sa klase. Aanhin ko ba ang mga ito, kung nalalabi na lang ang mga araw ko sa mundo? Hindi pa rin ako makapaniwalang magkasintahan sila ni Bro Chalmer. Ang akala ko ay ginagago lang nila ako, pero nakikita kong seryoso si Bro Chalmer kapag ikwenikwento niya sa akin si Tukayo. Gusto ko siyang komprontahin kong mahal niya ba talaga ito o itutulad lang din niya si Tukayo roon sa mga ibinasura niyang mga babae? Paanong nailihim nila ang kanilang relasyon kay Sir Villarico? Marahil ay tago ang kanilang relasyon, pero nang makita ko ang kanilang suot na damit, parang biglaan akong nanghina. Couple Shirt sa Friday? Siguro naman nakita iyon ng itay ni Tukayo. Baka nga, tanggap siya ng ama nito. Kasi kung hindi, hindi niya hahayaang sumama si Tukayo sa kay Chalmer. Hindi niya hahayaang lantaran silang magsusuot ng couple shirt sa araw ng eskwela.
“Wait lang, akala ko ba ayaw mong magdyowa kasi nga study first muna.” Patuloy lang niyang binabasa ang kwento kaya inawat ko siya. Sa totoo lang alam ko na naman ang nangyari sa kwento e. Ang hindi ko lang alam ay kung bakit nag-atubili siyang basahin ito sa piling ko? Napahinto siya dahil sa aking tanong. Tinutukan ko ang kanyang mga mata upang siguraduhin kong magsisinungaling siya o hindi. Nagpakawala siya ng malalim na hininga at mariing ibinigkas sa akin ang mga katagang hindi ko inaasahang marinig sa kanya, “Kung anuman ang meroon kami. Sa amin na lang iyon. Wala ka ng pakialam doon.
“Tapusin mo na nga iyang binabasa mo. Wala naman pala akong pakialam e. Wala na rin akong pakialam diyan sa mga binabasa mo.” Padabog ko siyang iniwasan ng tingin. Hindi ko alam pero parang gusto ko ng kasuntukan ngayon. Gusto kong ilabas iyong sakit na nararamdaman ko.
“Okey! Huminahon ka! Tumingin ka sa akin.” Hindi ko siya tinapunan ng tingin. “Nagising na lamang ako, isang umaga na mahal ko na siya!” Hinawakan niya ang mukha ko at isang dangkal na lamang ang layo at labis kong ikinalungkot ang kaniyang mga tinuran. Nakakapanghinang malaman mula mismo sa bibig niya kung gaano niya kamahal ang isang tao. Wala akong nagawa kundi titigan lang siya.
“SIge na! Magbasa ka na! Makikinig ako!” Kasabay ng pag-iwas ko na ng tingin sa kanya ay ang pagpatak ng likido sa aking mga mata. Marahan ko na lamang itong pinahiran,
Nagpatuloy siya sa pagbabasa sa kuwento. Imbis na makinig sa kwento ay biglaan na lamang nanumbalik sa akin ang unang beses ng aming pagtatagpo. Ang nakaraang naging dahilan ng malaking pagbabago sa aking buhay.
_
“Gago ka pala e. Siguro hindi ka mahal ng pamilya mo kaya ka nagkakaganyan. Nakakahiya ka. Dinadamay mo pa ang kaklase ko sa mga kabalastugan mo! Wow! Akala mo cool ka? Patapon ka, Boy. Kung ako sa iyo ay mag-aral ka ng mabuti, nang hindi masayang ang pinagbabayad ng kapamilya mo sa iyo!” isang malakas na suntok at mapanamang mga kataga ang kanyang isinumbat sa akin. Habang binibigkas niya iyon ay para siyang isang anghel sa aking paningin. Ang sarap titigan ang kanyang maamong mukha at nangungusap na mga mata. Hindi ako makapagsalita at tila ba ang buong paligid ko ay siya lamang ang nakikita.
Hindi ko namalayan ang dumudugo kong bibig buhat sa kanyang malakas na pagkakasuntok dahil parang wala akong ibang maramdaman sa sarili ko kundi ang pagkabog ng aking dibdib. Ito na yata ang sinasabi nilang ‘Love at first sight.’ Nakakabakla pala. Ayaw ko nito. Pero, parang gusto ko na rin.
SInuntok niya lang naman ako dahil sa kaklase niyang si Jeany. Ilang beses na kasi kaming nagsama ni Jeany na lumalabas sa eskwelahan kahit pa may klase. Wala akong pakialam sa grado ko. Aanhin ko naman iyon kung hindi naman iyon ang titingnan kapag naghanap ka ng trabaho. Ang pag-aaral ay hindi kung sino ang matalino, iyon ay kung sino ang kayang magtapos hanggang dulo. Kahit pasaway ako, alam kong kaya kung bumawi. Naalala ko nga ang grado ko noong 1st year, halos pula ang lahat. Science iyon e. Ang sabi ni Ma’am Banaag kapag daw hindi ako makakuha ng 85 na grado ay bagsak na ako sa kanyang subject. 70 ang grado ko sa unang markahan, 75 naman sa pangalawang markahan dahil siyempre nagtitinutinuan ako sa mga sandaling iyon, at 70 ulit sa pangatlong markahan dahil muli na naman akong nagka-cutting class. Sa huling markahan doon na ako nagpupursiging paangatin ang aking grado. Laking gulat ng mga kaklase ko at palagi akong nasa klase. Akala nga raw nila ay huminto na ako. Pinagtatawanan na nga rin nila ako, kasi wala na raw akong pag-asa. Ang daming pagsusulit na pinagbutihan kong sagutin. HIndi na rin ako, huli sa mga ipinapasang mga proyekto. Laking gulat na lamang ni Ma’am Banaag na sa huling exam namin ay naging wala akong maling sagot. Ipinatawag niya ako para tanungin ng iba pang tanong, ngunit nakakaya ko namang sagutin lahat. Doon ko nakuha ang imbis na 85 lamang na grado ay mas malaki pa rito. 93 ang ibinigay ni Ma’am sa akin. Bagay na naging dahilan kaya pumasa ako sa 1st year.
—
“Bro!” Biglaan akong nabalik sa hwisyo dahil tinapik ni Chalmer ang aking balikat. Ibinigay niya sa akin ang prutas na hiniwa niya. Habang lumapit siya kay Tukayo. Isa lang naman ang magkatulad sa pangalan namin, pero gusto ko talaga siyang tawaging Tukayo. Gusto kong kapag tawagin ko siya ay ako talaga mismo ang tatak sa isipan niya.
“Babe, para namang hindi ka pinapakinggan nitong kaibigan ko e. Gusto mo ako na lang makinig sa iyo. Doon tayo sa bahay. Makikinig ako sa iyo, buong gabi,” Inaalisan ni Chalmer ng takip ang saging na kanyang hawak habang ibinibigkas ito kay Tukayo. Parang gusto ko silang paghiwalayan sa mga ginagawa nilang pagtititigan.
“Kayong dalawa, kumuha nga kayo ng kwarto! Tssk!” naiinis ko silang tinapunan ng tingin. Gusto kong sumabog bigla sa kanilang dalawa. Hindi ko lubos maisip na ang mga ginagawa kong pagsisikap para mapansin ni Tukayo ay mawawalang saysay dahil lang kay Chalmer.
“Umayos ka kasi. Umalis ka na muna, Babe. Tatapusin ko muna ang kwento para naman hindi mabitin si Kael!” Kael? Bakit sa hinahaba ng pangalan ko e, iyan pa ang naisip niyang itawag sa akin? Maari kayang tulad ko ay gusto niya ring tumatak din sa utak ko na kapag may tumawag sa akin sa pangalang ‘Kael’ ay siya na agad ang iisipin ko? Hindi naman siguro.
‘Sige na nga. Bro, ayusin mo iyang nobya ko kung hindi ako mismo ang papatay sa iyo!”
“Cha!” Umalis na lamang bigla si Chalmer ng masilayan ang nagagalit na mukha ni Tukayo. Ang malakas niyang pagsasalita sa pinaikling pangalan ni Chalmer ay biglang nagpataranta sa kanya.
“Saan na nga ulit tayo?” pagtatanong niya habang binubuklat ang libro at hinahanap ang huling eksenang kanyang binasa.
“Walang tayo!” seryoso ko siyang tinitigan, nang biglaan na lamang siyang natahimik. Kalaunan ay humalakhak siya at sinabayan ng mga katagang, “Hugot ba iyon? Hindi nakakakilig. Nakakatawa.”
Tumawa na lang din ako para sabayan siya. Ngayon lang ang unang beses na makita ko siyang nakangiti at hindi seryoso. Matagal ko na siyang tinititigan sa malayuan pero hindi ko man lang nakitang ngumiti siya at humalakahak ng ganito. Parang gusto ko siyang araw araw na pasayahin. Parang gusto ko siyang araw araw na masdan na ganito. Ang mga halakhak niya ay parang isang musika, na hindi ko na nararamdaman ang sakit na aking iniinda. Nakikiaayon lamang ako sa kung paano siya tumawa.
“Alam ko na kung nasaang eksena na tayo. Doon sa biglaan na lamang namatay ang kanyang ama…”
Pagkamatay ng ama? Ayaw ko ng marinig ang mga kasunod. Lalo akong mahuhurapan.
=====