Chapter 2

Yumuko kaming sabay ni Red sa harap ng hari, yumuko rin ang dalawang nasa likuran ko. Si Third at Victoria.

"Mag-iingat po kayo rito , Ama," usal ni Red.

"Huwag kayong mag-alala sa akin, alalahanin ninyo ang mga sarili ninyo. Ayaw kong mawalan ng anak. Jay, alagaan mo ang kapatid mo." Napahigpit ang paghawak ko sa aking bitbit na pana.

"Makakaasa po kayo, Ama." Sabay yuko ko.

"Third, Victoria, kayo rin. Mag-iingat kayo," dagdag pa ng hari.

"Salamat po sa inyong pag-aalala, mahal na hari," sambit ni Third habang nakayuko.

"Pipilitin po naming manalo," si Victoria naman ngayon.

Umaga nang umalis kami sa Ashlan papunta sa sinasabing isla kung saan gaganapin ang patimpalak. Habang namamaalam, kitang-kita namin ang mga mata ng mga taong umaasa sa amin. May mga magulang na malungkot dahil sa pag-alis ng kanilang anak, ngunit kahit mahirap ang mawalay sa pamilya. Kailangan namin iyong gawin para sa ikakaligtas ng lahat.

"Paalam, Ama, Ina," sambit ulit ni Red. Nakita ko ang paghawi ni Ina sa kanyang luha sabay yakap kay Red ng napakahigpit.

"Ipangako mong babalik ka, kayo ng kuya mo." Bulong ni Ina kay Red habang hinahaplos ang likod nito.

"Pangako, Ina." Humiwalay si Red sa pagkakayakap. Sunod na lumapit sa akin si Ina at ako naman ang kanyang niyakap ng napakahigpit.

"Mahal kita," tangi niyang sambit. Hindi ako sumagot, alam kong alam ni Ina na mahal na mahal ko rin siya.

"Umalis na kayo," si Amang hari naman ngayon ang nagsalita. Kumalas ako mula sa pagkakayakap kay Ina at tumingin sa hari.

"Aalis na po kami." Agad akong tunalikod at nag-umpisang maglakad palayo. Ganuon rin ang ginawa ng iba naming kasama. Nakailang hakbang pa lang ako ngunit napatigil ako nang muling magsalita si Ama.

"Red." Napatingin kaming lahat kay ama. Nasa kay Red ang tingin niya. Humakbang siya papalapit kay Red at niyakap ito na may halong mahinang pagtapik sa likuran ng anak, "Bumalik ka ng ligtas." Pagkatapos banggitin ang mga salitang iyon ay agad tumalikod ang hari at mabilis na naglakad papasok sa loob ng palasyo.

Hindi ko maintindihan kung bakit pinayagan pa ni Ama si Red na sumama kung ganuon lang rin ang pag-aalala niya rito.

Bahagya akong nagulat ng tapikin ako ni Red sa balikat. Tiningnan ko siya ng masama. "Pano ba iyan, mukhang sa akin lang nag-aalala si Ama?" bulong niya sa akin at ngumiti pa na tila ba nang-iinis.

Isip bata!

Hinampas ko ang kanyang kamay na nakahawak sa balikat ko pagkatapos ay tumuloy na sa paglalakad.

____________

Narating namin ang isla sa loob ng isang oras na paglalakbay. Dala namin ang aming mga gamit at iba pang pangangailangan, tulad ng pagkain at mga damit.

Kung iisipin ng mabuti hindi ito isang patimpalak. Isa itong totoong laban, walang rules na susundin, ang tanging hangad lang naming lahat ay ang manalo at ang makaalis sa lugar na ito ng ligtas.

"Jay, nagpadala na ako ng mga taong magmamasid sa kampo ng kalaban. Ang sabi ng isa, dumating na sila at naghahanda na sa ngayon." Sandali akong napatigil sa paghimas sa matulis na bahagi ng aking kutsilyo.

"Naglagay na rin ako ng mga taong magiging bantay sa apat na bahagi nitong isla, katulad ng inutos mo." Dugtong pa ni Third sabay upo sa tabi ko.

Nakaupo kami ngayon sa ilalim ng isang malaking puno. Sa harap namin nakalatag ang mga tents na ginawa namin. Abala ang iba naming kasama sa paghahanda at pagbabantay, anumang oras ay maaari kaming sugurin ng mga Artemis.

"Anong plano mo? Susugod ba tayo?" patuloy niya.

"Hindi. Hihintayin natin silang sumugod. Kilala natin si Drake, mataas ang tingin niya sa kanyang sarili. Sila ang susugod dito at kapag nangyari iyon, isa iyong kalamangan para sa atin." Ipinagpatuloy ko ang haplos sa aking patalim.

"Si Red," Napatigil ulit ako nang banggitin ni Third ang kapatid ko. Sa puntong iyon ay ibinaba ko na ang hawak kong patalim at ipinasok muli sa  loob ng aking suot na sapatos. "Ako na ang magbabantay sa kanya para sa'yo."

Tumayo ako at humakbang nang hindi nagsasalita ngunit hindi pa man ako tuluyang nakakalayo ay muling nagsalita si Third. "Alam kong masama ang loob mo sa kanya kaya ako na ang bahala." Dugtong niya na nagpatigil sa akin.

"Gawin mo ang gusto mong gawin." Malamig kong wika at nagpatuloy na sa paglalakad papasok sa loob ng bahay na gawa sa kahoy. Nag-iisa lang ako sa bahay na ito. Magkasama naman sa isang tolda si Red at Third, talagang pinapanindigan niya ang sinabi niyang babantayan niya ang kapatid ko.

Palubog na ang araw. Nagsimula nang maging tahimik ang paligid. Kakatapos ko lang maligo, ngayon habang nakatingin sa salamin ay kitang-kita ko ang mga bakas ng sugat na natamo ko sa mga nagdaang ensayo at biglaang labanan noon.

Sa dami ng sugat ko ay napako ang tingin ko sa pilat na pinakamalaki sa lahat. Ito ay nasa bandang tiyan ko, limang pulgada ang haba ng sugat.

Natamo ko ito noong labinlimang taong gulang pa lamang ako. Sa gubat sa likod ng palasyo, habang nag-eensayo ako ay nahuli ko ang lalaking pinadala ng mga Artemis para magmasid sa hari.

Nagtagpo kami at nagkaroon ng isang madugong engkwentro na halos ikamatay ko. Natalo ako sa oras na iyon at nakatakas ang kalaban. Galit na galit ang hari ngunit wala silang nagawa.

Tahimik akong nakatitig sa katawan ko sa harap ng salamin nang biglang may kumaluskos sa likuran ko kaya mabilis kong hinablot ang tuwalya na nakasabit sa malapit para itakip sa ibabang parte ng aking hubad na katawan pagkatapos ay sunod kong dinampot ang aking patalim at nagtago sa likod ng pintoan.

May naririnig akong hakbang papalapit sa kinaroroonan ko. Mas hinigpitan ko ang paghawak sa patalim. Hinintay kong makapasok sa loob ng silid ang kalaban at nang maramdaman ko ang paghakbang niya sa pinto ay agad akong lumabas at sinunggaban iyon.

Mahigpit na naka-lock ang kamay kong may hawak na patalim sa leeg niya.

"Sino ka?" Mas idiniin ko pa ang patalim sa leeg niya.

"S-sandali. Jay! Ako ito, si Victoria."

Mabilis kong tinanggal ang braso ko sa leeg niya nang marinig ang kanyang boses.

Napamura ako, "Muntik na kitang mapatay!" singhal ko sa kanya. Madilim ang paligid kaya hindi ko maaninag ang kanyang mukha.

Nang kumalma ay saka siya humarap sa akin, "Grabe ka, Jay! Muntik nang malaslas itong... aahh!" Napakunot ang noo ko nang magtakip siya ng kamay sa mukha, "Ba-bakit nakahubad ka?!" natataranta niyang tanong. Doon ko lamang naalala na wala pala akong suot na damit.

Bahagya rin akong nataranta ngunit nagawa kong maging kalmado, "Lumabas ka muna. Mag-usap tayo pagkatapos kong magbihis."

"O-okay!" Tumango siya saka nagmadaling lumabas ng silid.

Namumula ang mukha niya. May sakit ba siya?

___________

"Bakit ka nandito?" bungad ko sa kanya nang makalabas ako ng silid. Nakasandal siya sa gilid at naka-cross arms.

"Gusto lang kitang bisitahin. Matagal-tagal na rin na hindi tayo nakipag-usap ng tayo lang." Naglakad siya at umupo sa isang bakanteng upuan.

Tama siya. Matagal na ngang hindi kami nakapag-usap ng ganito.

"So, anong gusto mong pag-usapan?" May isa pang upuan sa tapat kung saan nakaupo si Victoria kaya roon ako umupo.

"Si Luna." Naningkit ang mga mata ko sa kanyang sinabi.

At ano naman ang tungkol sa babaeng iyon at bakit gusto niyang pag-usapan?

"Isa siya sa pinakamalakas sa kanila. Kapag napatay natin siya ng mas maaga hihina ang puwersa ng kalaban at siguradong matatalo natin sila."

"Tama ka, pero hindi natin siya mapapatay ng ganuon kadali. Sa tingin ko magaling siya."

"Sa tingin mo?" tanong niya. Tumango ako. "Parang nakuha na niya ang atensyon ng isang Jay Sebastian." Awkward siyang tumawa.

"Sa tingin ko masyado ka lang nag-iisip, malakas siyang kalaban kaya dapat lang na kilalanin ko siya," seryoso kong sabi.

"Oo nga naman, tama ka. Pasensya na."

"Wala kang dapat ihingi ng tawad."

"Kung ganu'n, aalis na ako." Tumayo siya at tahimik na lumabas ng bahay.

Nakatingin lang ako sa kanya habang palabas siya. Matagal na kaming magkakilala ni Victoria pero may mga pagkakataong hindi ko mabasa ang iniisip at kung minsan hindi ko maintindihan ang mga ikinikilos niya.

Ako lang ba? O  may gusto talaga siya sa akin?

Pagkatapos maghapunan ay sandali akong lumabas sa bahay para kausapin ang aking mga kasama. Sinabi ko lang sa kanila na maging mapagmatyag sa paligid at palaging maghanda dahil anumang oras ay may mangyayaring labanan.

Kanya-kanyang bumalik ang aking mga kasama sa kanilang mga puwesto matapos kong magsalita. Habang nakatayo ako roon at pinagmamasdan ang nagsisialisan kong nga kasama tila ba nakaramdam ako ng kakaiba. Pakiramdam ko ay may nakatingin sa akin.

Mabilis kong nilibot ang tingin ko sa paligid at napako ang mga mata ko sa kaliwang banda kung saan may malaking puno ng kahoy. Madilim sa parteng iyon kaya wala akong nakikita ngunit alam kong may tao roon.

Ilang segundo pa ay may narinig akong kaluskos na nanggagaling sa bandang iyon. Kasunod nu'n ay ang isang itim na anino na animo'y tumatakbo palayo.

Tumatakas siya!

Linagay ko ang pana sa likuran ko at agad na hinablot ang patalim na nakasiksik sa suot kong sapatos pagkatapos ay mabilis na tumakbo papunta sa gawi kung saan ko narinig ang kaluskos.

Mabilis ang pagtakbo ko kaya hindi gaano malayo ang agwat namin. Madilim, tanging sinag ng buwan lang ang nagsisilbing liwanag namin kaya hindi ko masabi kung sino siya.

Pabilis nang pabilis ang kanyang pagtakbo. Kapag wala akong gagawin at talagang tuluyan na siyang makakatakas.

"Tigil!" sigaw ko. Tumigil siya sa pagtakbo ngunit nakatalikod parin. Sa puntong ito ay nakatutok na ang palaso ko sa kanya at doon ko na rin natiyak na isa siyang tunay na tao, "Huwag kang magkakamaling tumakbo ulit. Hindi ka na makakalayo," dugtong ko.

Puwede ko siyang patayin kaagad ngunit mas mabuti kong mahuhuli ko siya ng buhay. Kailangan kong malaman ang binabalak nila.

"Espiya ka na ipinadala ng Artemis, hindi ba?" Tanong ko habang papalapit sa kanya. Maingat at may halong pagmamatyag ang ginawa kong paghakbang.

"Sumagot ka!" sigaw ko. Tahimik lang siya.

Lumapit pa ako at nang susunggaban ko na sana siya ay bigla niya akong siniko ng malakas. Alam kong gagawin niya iyon kaya agad akong nakaiwas.

Humarap siya sa akin, nakita ko ang mabilis na pagbunot niya ng patalim mula sa kanyang baywang at ang pagtaas niya ng kamay para saksakin ako. Nakaiwas ako sa ginawa niyang pagsugod, napaatras ako ng konti at hindi sinasadyang nabitawan ko ang hawak kong pana at palaso.

Nagpatuloy siya sa pagsugod. Gamit ang kaliwang kamay ay sinubukan niya akong suntukin sa mukha ngunit agad akong umilag. Nang makakuha ng tyempo ay mabilis kong hinawakan ang kanyang braso at nilibot sa kanyang likod. Napaliyad siya, nawala ang kontrol niya sa kanyang katawan at nang mangyari iyon ay itinuloy ko na ang plano.

Malakas ko siyang itinulak at nang matumba ay saka ko siya idiniin sa lupa. Hawak ko parin ang isang braso niya. Ipinatong ko ang isang tuhod ko sa kanyang likuran bilang suporta, ngayon dalawang braso na niya ang hawak ko.

"Anong binabalak ninyo?" mariin kong tanong.

Ewan ko ba pero parang lumiwanag ang paligid.

"Sumagot ka!"

Narinig ko ang kanyang mahinang pagtawa, "Wala kang makukuha. Mas mabuti kung papatayin mo na lang ako!"

Naningkit ang mga mata ko nang marinig ang kanyang boses. Isang babae?

Puwersahan ko siyang pinaharap upang makita ang kanyang mukha. Itinaas ko ang kanyang dalawang kamay at hinawakan ito ng mahigpit gamit ang aking kaliwang kamay at idiniin sa lupa para siguradong hindi siya makawala saka ko tiningnan ang kanyang mukha.

Siya?

Nanlaki ang mga mata ko matapos makita ang kanyang mukha.

"Ano pang hinihintay mo? Patayin mo na ako!" pabulong ngunit mariin niyang sabi.

"Masusunod. Kung iyan ang gusto mo."