Chapter 1

Dito sa bayan ng Ashlan ang lahat ay namumuhay na naaayon sa gusto ng bawat isa. Dating lugmok ang bayan na ito, laging mayroong kaguluhan subalit nang magkaroon ng hari ay nagawa niyang baguhin ang lahat. Ang pagiging mapagmataas ay hindi na mawawala sa aming mga Nephilims dahil isa iyon sa katangian namin ngunit hindi iyon ang dahilan upang magkagulo kami.

Dahil sa tulong ni Haring Hesu ay nagawa naming kontrolin ang aming sarili, kaya umunlad ang bayan na ito at naging produktibo. Bilang isang Ashlan ay hindi ko hahayaang masira ulit ang bayan na ito, gagawin ko ang lahat para ma-protektahan ang lahi ko.

Kilala ko ang Artemis, mabangis sila dahil mabangis din ang Hari nila. Wala silang awa at hindi nila iniisip ang kapakanan ng lahat. Wala silang gusto kundi ang manalo at maghari-harian.

Ngayon na pumayag sila sa inalok ng hari, sisiguraduhin kong kami ang mananalo.

_____

"Jay!" Napatigil ako sa pagpapatulis ng palaso nang may tumawag sa akin sa baba. Naka-upo ako sa sanga ng isang malaking puno, walang may alam na dito ako pumupunta maliban kay Third kaya naman walang gana ko siyang tiningnan sa ibaba.

Si Third Esquival ay isa sa pinakamatalik kong kaibigan, sabay kaming lumaki. Anak siya ng matalik na kaibigan ni Ama kaya parang kapatid na rin ang turing ko sa kaniya. Siya iyong tipo ng tao na hindi mo mahuhulan kung ano ang kaniyang iniisip. Magaling siyang magmasid sa paligid kaya kahit kilos bata siya kung minsan ay hindi mo masasabing wala siyang kwenta dahil marami siyang alam.

"Ang kapatid mong si Red, nagmamakaawa siya ngayon sa hari para payagan siyang lumahok sa paligsahan," nag-aalalang wika ni Third.

"Ano?!" Kaagad akong tumalon mula sa sanga ng puno at mabilis na naglakad papasok ng palasyo. Naramdaman ko naman ang pagsunod ni Third sa akin.

Matigas talaga ang ulo ng batang 'yon!

Alam kong magaling makipaglaban ang kapatid kong si Red, subalit masyadong mapanganib ang paligsahan na iyon. Buhay ang nakataya, isa pa kapag namatay kami pareho sa paligsahan ay wala nang lalaking magtatanggol sa pamilya namin.

Pumasok kami sa palasyo at doon naabutan namin si Red na nakaluhod sa harap ng hari. Matanda na ang hari, kulay puti na ang kaniyang balbas at mapapansin na rin ang pag-kulubot ng kaniyang mga balat. Sa tabi ng hari ay nakatayo ang kaniyang tagabantay.

"Ama," sabay yuko ko sa harap ng hari.

"Kamahalan," pagbigay galang naman ni Third.

Ang hari ng Ashlan na si haring Hesu ay ang aking ama. Ako ang panganay niyang anak at bunso naman si Red. Masasabi kong iginagalang kami sa bayan na ito at isa rin sa pinakamalakas kaya naman kailangang may manggagaling na kalahok sa pamilya namin, at ako iyon.

Pagkatapos magbigay galang ay saka ko hinarap ang nakaluhod na si Red. Nakalagay sa gilid niya ang panang ibinigay ni ama sa kaniya.

"Ama, payagan niyo na akong pumunta sa paligsahan," sambit niya.

Napakunot ang noo ko sa sobrang inis dahil sa kaniyang sinabi. Hanggang kailan niya susuwayin ang utos ko?

Lumuhod ako sa harap niya at mahigpit na hinawakan ang kaniyang balikat, "Red,"mariin kong wika sabay pisil sa kaniyang balikat na ikinapanginig ng kaniyang mga mata.

Tiningnan ko siya ng masama upang ipahiwatig sa kaniya na tutol ako sa gusto niyang mangyari subalit kaagad niyang iniwas ang tingin niya. Hinawi niya ang kamay ko saka siya tumayo at tumingin ulit sa hari. Napayuko na lamang ako at napapikit.

Bakit ba ang tigas ng ulo niya? Well, hindi na ako naninibago, kahit minsan naman hindi niya ako sinunod. Hindi ko alam kung bakit naiinis siya sa akin, gusto ko lang naman iparamdam sa kaniya na kailangan niya akong sundin dahil mas matanda ako sa kaniya at mas marami akong alam.

"Ama, parang awa niyo na, payagan niyo na po ako."

Tumayo ako at humarap din sa hari, naghihintay sa kaniyang kasagutan.

"Ama, alam niyo naman kung gaano kadelikado ang paligsahang iyon. Matanda ka na, kapag sasama si Red at may mangyayaring masama sa aming dalawa, wala nang matitirang lalaki na magtatanggol sa pamilya natin," saysay ko.

Matalino ang hari kaya alam kong naiintindihan niya ang ibig kong sabihin.

Yumuko ang hari at sandaling nag-isip. Tumingin naman si Red sa akin at kaagad ay kumurba ang ngiti sa kaniyang mga labi na tila ba iniinis ako. Huminga ako ng malalim sabay iwas ng tingin dahil pakiramdam ko ay konti na lang mauubos na ang pasensya ko.

Palaisipan sa akin kung saan nagmana si Red, hindi naman ganito ang ugali ni ama at mas lalong hindi matigas ang ulo ni ina. Hindi niya ako iginagalang bilang kaniyang nakakatandang kapatid, sinusuway niya ang lahat ng payo ko sa kaniya at hindi niya ako tinatawag na kuya na para bang isang sakit ang pag-sambit sa salitang iyon na hindi niya mabigkas-bigkas.

"Amang hari, ano pa'ng silbi ng pagiging lalaki ko kung matatalo tayo ng mga Artemis at magiging alipin nila tayo. Kung sasama ako, mas malaki ang pag-asang mananalo tayo," buong tapang na sambit ni Red.

"Third," pagtawag ni ama sa tahimik na si Third. Agad namang humakbang ang lalaki palalapit sabay yuko.

"Kamahalan."

"Anong masasabi mo?" tanong ni ama sa kaniya.

Tumingin si Third sa akin at tinitigan ako ng ilang segundo bago yumuko ulit.

Isa rin si Third sa mga magiging kalahok sa paligsahan. Katulad ko ay magaling din siyang makipaglaban, sabay kaming nagsanay hanggang sa lumaki kami. Hinahangaan ko siya katulad ng paghanga niya sa akin.

"Sang-ayon ako sa sinabi ni Red, Kamahalan."

Napalingon ako kay Third at agad ay pinandilatan siya. Hindi ko inaasahang kakampihan niya si Red, akala ko ay naiintindihan niya ako subalit katulad lang din pala siya nina Ama at Red na hindi naiintindihan ang ibig kong sabihin.

Napasapo na lamang ako sa mukha ko. Gusto kong mag-mura pero ano pa nga bang silbi nu'n, siguradong papayagan ni Ama si Red na sumama sa amin. Kahit hindi ko nakikita ay alam kong malapad ang ngiti ni Red ngayon, hindi ko tuloy mapigilang tanungin ang sarili ko kung naging mabuti ba akong kapatid, siguro hindi.

"Sige, papayagan kitang sumama pero ipangako mong ipapanalo ninyo ang laban, dahil kung hindi wala na akong anak na matitira," aniya ni Ama.

Hindi ko maintindihan kung bakit nagawa niya pang magbiro. Ako na lang yata ang natitirang matino sa pamilyang ito.

"Salamat po, ama. Pangako, gagalingan namin," bakas sa boses ni Red ang pagkatuwa.

Hindi na ako naglaan ng oras para tingnan pa ang mga reaksyon nila, matamlay akong nagpaalam sa mahal na hari pagkatapos ay tahimik na lumabas ng palasyo.

______

Naglalakad ako papunta sa likurang bahagi ng palasyo kung saan nandoon ang malaking puno na pinupuntahan ko nang tawagin ako ni Third. Sinundan niya pala ako, napahinto ako sa paglalakad subalit hindi ko siya nilingon hanggang naramdaman ko na lang na nasa tabi ko na siya.

"Pasensya na," sambit niya.

Nagpatuloy ako sa paglalakad, gano'n din siya hanggang sa makarating kami sa ilalim ng malaking puno kung saan doon kami ay naupo. Nakatitig ako sa palaso na ginawa ko kanina nang magpakawala si Third ng isang malalim na paghinga. Ang totoo, ito ang unang beses na nakita ko si Third na tahimik, dati siyang maingay at makulit.

"Naaawa ako sa sarili ko," sambit niya habang nakatingin sa kawalan.

Dahan-dahan kong nilapag ang palaso sa tabi ko saka tumingin rin sa kawalan. Katulad ni Third ay naaawa rin ako sa sarili ko. Pakiramdam ko nangyari ito sa amin dahil ito ang kabayaran sa kasalanang nagawa ng aming mga magulang, minsan parang gusto kong pagsisihan ang pagiging Nephilim ko, pero kahit ilang beses ko itong pagsisihan wala nang magbabago.

"Talaga bang dahil sa pamilya ni'yo kaya mo tinututulan ang gusto ni Red, o baka naman nag-aalala ka lang sa kaniya?" tanong ni Third sa akin.

Sandali akong natahimik ngunit kaagad ring kumurba ang mga ngiti sa labi ko, isang hindi makapaniwalang ngiti. Sa mga oras na ito, sino pang may pakialam sa tunay na dahilan kung bakit ako tumututol sa gusto ni Red, pinayagan na rin naman siya, kaya ano pa ang silbi nu'n.

"Para namang may pakialam ka," walang gana kong sagot sa kaniya.

Humarap siya sa akin at mahina akong itinulak, "Syempre naman no! Kilala ko si Red, magaling siyang makipaglaban, marunong siyang gumamit ng pana, katulad mo, maganda ang hubog ng katawan at palagi ring nananalo sa mga pagsasanay na ginagawa rito kaya kung iisiping mabuti, malaki ang maitutulong niya sa atin pero ayaw mong sumama siya," huminto siya sa pagsasalita at sandaling tumingin sa akin. Tinaasan ko naman siya ng kilay.

"Ano?!"

"Hays! Kilala kita, alam kong natatakot ka lang na mapahamak siya," mariin niyang wika.

Napailing-iling na lamang ako, parang kanina lang ang tahimik siya tapos ito na naman siya ngayon, bumalik na naman ang pagka-madaldal niya. Napatingin ako sa katabing puno kung saan may dumapong isang ibon. Mabilis kong dinampot ang ginawa kong mga palaso pagkatapos ay agad na tumayo, mukhang nagulat naman si Third dahil sa mabilis kong pagkilos kaya napanganga ito habang tinitingnan ako.

"Patatawarin kita sa pagtataksil mo sa akin kung matatalo mo ako," aniya ko sa kaniya. Halatang naguguluhan siya sa aking sinabi kaya itinuro ko ang ibon, "Kung sino ang makakahuli sa…" Hindi pa man ako tapos sa pagsasalita ay tumayo na si Third at mabilis na tumakbo papalapit sa puno kung saan dumapo ang ibon sabay pakawala ng isang palaso. Tinamaan ang ibon subalit daplis lang kaya nakalipad pa ito. Lumipad ang ibon palayo na agad ring sinundan ni Third.

"Kahit kailan talaga madaya siya." Saysay ko saka tumakbo sa direksyon na pinuntahan ng ibon.

Mayroong isang malawak na kakahuyan dito sa likod ng palasyo, dito kami kadalasang nagsasanay, naging isa itong masukal na gubat dahil sa mga punong natumba at mga sangang naputol kaya naman mahihirapan ang sino mang hindi pamilyar sa gubat na ito.

Ilang metro lang ang agwat namin ni Third, mabilis siyang tumakbo ngunit nagawa ko parin siyang habulin. Lumingon siya sa akin sabay tawa ng malakas na umalingawngaw sa gubat.

Sa unahan namin ay mayroong isang malaking puno na natumba at nakaharang sa daan, huli na para mag-iba ng daan. Papalapit na si Third sa puno at naghahanda ng tumalon nang bigla akong nakaisip ng isang plano na nakapagpangiti sa akin. Binunot ko ang isang patalim na nakalagay sa gilid ng baywang ko at nang akma ng tatalon si Third ay saka ko itinapon ang patalim sa kaniya sabay sigaw ng pangalan niya. Lumingon siya sa akin at agad ay nakita niya ang patalim na papunta sa kaniya, nagulat siya sa ginawa ko kaya nagkulang ang lakas ng pagtalon niya dahilan upang sumagi ang isang paa niya sa puno na naging sanhi ng pagbagsak niya sa lupa.

Tumalon ako papunta sa kabila at nilagpasan si Third, sakto namang dumapo ang ibon sa isang puno kaya huminto na ako sa pagtakbo. Kumuha ako ng isang palaso mula sa likuran ko saka naghanda para tumira ngunit bago ko pa man tuluyang pinakawalan ang palaso ay nilingon ko muna ang nakadapang si Third saka nginitian.

"Pa'no 'yan, talo ka,'' panunukso ko sa kaniya. Isinobsob niya ang mukha niya sa mga tuyong dahon.

Ibinaling ko nang muli ang tingin ko sa ibon sabay hila ng bowstring, "Patay ka na ngayon," sambit ko. Papakawalan ko na sana ang palaso nang biglang may tumamang palaso sa ibon na nanggaling kung saan at naging dahilan ng pagkahulog ng ibon sa lupa. Alam kong ang tirang iyon ay hindi nanggaling kay Third kaya mabilis akong lumingon-lingon sa paligid.

"Paano 'yan, ako ang nanalo." Sambit ng isang babae habang pababa mula sa isang mataas na puno.

"Victoria?" Gulat kong sambit sabay baba ng mga kamay ko na may hawak na pana. Tumalon siya sa lupa pagkatapos ay nilapitan si Third at tinulungan tumayo bago umupo sa natumbang puno.

"Hindi man lang kayo nagyaya," sambit niya na may halong pagkalungkot.

Naglakad ako at linapitan ang ibon na nahulog saka pinulot ito. Makikita ang isang malaking butas sa dibdib ng ibon kung saan tumama at lumusot ang palaso ni Victoria. Napangiti na lang ako, parang kailan lang tinuturuan pa namin siyang gumamit ng pana pero ngayon magaling na siya.

Victoria Mashita ang kaniyang buong pangalan, anak siya ng isa pang kaibigan ni Papa at kaibigan rin ng ama ni Third, sabay-sabay kaming lumaki kaya kilala na namin ang isa't-isa.

Mayroon siyang mga mapupungay na mga mata at maalon na buhok, matangkad din siya at maganda ang hubog ng katawan kaya nga nagtataka ako kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang kasintahan.

"Bakit nasaan ka ba?" Tanong ni Third kay Victoria sabay pagpag sa damit niya, "Huwag mong sabihing may kasintahan ka na?" dugtong pa nito.

"Gusto mo na bang mamatay, Third?" naiiritang sagot ni Victoria na ikinatuwa ko.

Hindi na talaga sila nagkasundo.

"Ah, pasensya na, nakalimutan ko. 'Yung mga katulad pala ni Jay ang mga tipo mo," sabay kindat ni Third sa akin. Umiling-iling na lang ako sabay upo sa lupa, "Matangkad, halos walang kalamnan. Hindi maitim at hindi rin maputla, walang suot na hikaw at higit sa lahat magaling makipaglaban."

Tumalon si Victoria mula sa puno na kinauupuan niya saka nilapitan si Third at sinapak.

"Tigilan mo nga ako," naiinis na sambit ni Victoria.

Akmang sasapakin pa niya ulit ang lalaki nang agad namang lumayo si Third para umiwas.

"Okay!" sambit nito habang nakataas ang mga kamay.

"Balita ko pinayagan ng hari si Red na sumama," saysay ni Victoria. Lumapit siya sa akin saka kinuha ang patay na ibon upang suriin kung saan niya ito tinamaan. Tumango naman ako.

"Ikaw, sasama ka ba?" tanong ko sa kaniya.

Ngumiti siya saka tumango, "Um, gagawin ko 'to para sa pamilya ko at para sa bayan."

Maliit pa ang kapatid ni Victoria at matanda na ang kaniyang mga magulang kaya walang manggagaling na kalahok sa kanila kung hindi siya lamang. Isang labing-walong taong gulang na babae na walang gusto kung hindi ang mamuhay ng payapa ngunit ipinanganak na may ibang kapalaran, katulad namin.

Maraming alam si Victoria pagdating sa mga kalaban, kilala niya ang mga malalakas sa kanila at alam niya rin ang mga kahinaan ng mga ito. Bata pa lamang siya nang simulan niyang pag-aralan ang mga Artemis ngunit hindi pa rin sapat ang mga nalalaman niya para talunin sila sa isang madugong labanan.

________

Ilang araw na lang ay ipapadala na kami sa isang isla kung saan gaganapin ang laban. Isang isla na mayroong dalawang headquarters, ang isa ay para sa amin habang ang isa naman ay tutuluyan ng mga kalaban. Walang uuwi hanggat walang nauubos na lahi.

Sa ngayon ay nakapili na ang hari sa mga magiging kalahok, tatlumpung kalahok na manggagaling sa lahi namin. Nagsasanay na sila ngayon sa tulong ng mga matatanda at mga taong eksperto sa pakikipaglaban.

Pinatawag ng hari sina Victoria, Third at kaming dalawa ni Red at ang iba pang mahahalagang tao para sa isang pagpupulong. Magkatabi kaming apat na nakaupo habang ang hari naman ay nakaupo sa dulo ng mesa.

"Victoria," pagtawag ng hari sa atensiyon ni Victoria. Agad namang tumayo si Victoria saka nagbigay galang sa hari pagkatapos ay inilahad ang isang malaking papel sa mesa.

"Eto ang mapa ng isla," pagsisimula niya. Nagsilapitan naman kami para tingnan ang papel.

Pagkatapos pag-aralan ang isla ay sunod ipinakilala ni Victoria ang mga makakalaban namin. Isa na roon ang anak na lalaki ng hari ng Artemis, si Drake Silvestre.

"Labinsiyam na taong gulang, kilala siya bilang isang arrogante, walang awa, at kinatatakutan. Magaling siyang gumamit ng pana, patalim, at magaling siya sa taekwondo."

Ang totoo, walang hindi nakakakilala kay Drake Silvestre, pinag-uusapan siya ng mga tao kahit dito sa bayan namin dahil sa kaniyang angking galing sa pakikipaglaban at sa kaniyang masamang ugali.

"Ano ang kahinaan niya?" tanong ni Red.

Ngumiti si Victoria sabay lapag ng isang litrato sa gitna ng mesa, "Luna Stellerio, ang babaeng ito ang kahinaan niya."

"Shutacca! Ang ganda!" manghang bigkas ni Third.

"Anong koneksyon ni Drake sa babaeng ito?" pagtatanong ko.

"Alam ng lahat na may nararamdaman si Drake sa babaeng ito subalit mukhang nabigo siyang paibigin ang babae. Sabay silang lumaki kaya malapit sila sa isa't-isa." saysay ni Victoria.

Hindi maipagkakailang maganda nga ang babae. May maikli at kulay itim na buhok, singkit ang mga mata at may mga matutulis na mga tingin na nakakuha sa atensyon ko. Hindi siya iyong tipong papatol sa isang Drake Silvestre.

Ano pa man ang koneksyon nila sa isa't-isa sisiguraduhin kong pagsisisihan nilang ipinanganak silang Artemis.