Chapter 3

"Ano pang hinihintay mo, young master Jay? Patayin mo na ako bago pa ikaw ang mapatay ko."

Pinansingkitan ko siya ng mata, "Bakit mo nalaman ang pangalan ko?" Nakapatong pa rin ako sa kanya habang ang isang kamay ay nakahawak sa dalawang pulso niya.

Ngumisi siya, "Sino bang hindi nakakakilala sa panganay na anak ni haring Hesu? Ang mga katulad mo ay dapat lang na makilala ko." Inangat niya ang kanyang ulo at inilapit sa mukha ko. Sobrang lapit ng mga mukha namin na kahit ang paglunok niya ay naririnig ko.

Ano bang meron sa babaeng ito?

Bakit nag-iinit ang katawan ko?

Ngumiti ako. Nakita ko ang pagtaas ng kaniyang isang kilay. Akala niya yata ay matatalo niya ako, kung ganito siya kung maglaro hindi ko siya bibiguin.

Habang nakangiti dahan-dahan kong nilapit ang mukha ko sa kanya. Napaatras ang ulo niya hanggang sa dumikit na ulit ito sa lupa, bumilis ang kanyang pagkisap nang mapansing ilang pulgada na lang ang agwat ng aming mga mukha.

"Hindi mo dapat ako inakit." Bulong ko at mas inilapit pa ang mukha sa kanyang leeg. Naramdaman ko ang biglang paninigas ng kanyang katawan. Ninakawan ko siya ng tingin at natawa ako nang makitang nakapikit siya.

Loser!

"T-tumigil ka. Pa-patayin mo nalang a-ako," bakas sa kanyang boses ang panginginig.

"Maghintay ka." Napamura siya nang idikit ko ang aking labi sa kanyang leeg. Ewan ko ba pero nag-eenjoy akong tuksuin siya. Alam kong hindi ko dapat ginagawa ito pero anong magagawa ko, isip ang kalaban ko. Isa pa, isa lamang itong laro, maya-maya ay papatayin ko rin siya kaagad.

Nagpupumilit siyang kumawala kaya mas hinigpitan ko ang paghawak sa kanyang mga kamay. Nahihirapan din siyang tumayo dahil nakaupo ako sa kanyang tiyan.

Hindi pa ako nakontento at binigyan ko pa siya ng maliliit na halik sa leeg. Nakangisi ako sa loob-loob ko habang pinapakinggan ang mga matutulis na salitang lumalabas sa kanyang bibig. Galit na galit siya ngunit wala siyang ibang magagawa.

"Papatayin kita!" mariin niyang sabi. Inangat ko ang aking ulo at tiningan ang kanyang mukha.

Aasarin ko sana siya ngunit nagulat ako nang makita ang butil ng luhang kumawala mula sa kanyang mga mata.

Umiiyak siya?

Bigla akong natahimik. Nakatingin lang ako sa kanya at hindi alam ang gagawin. Hihingi ba ako ng tawad? Bakit ako hihingi ng tawad? Pinatay ko na dapat siya kanina pa.

Bakit ako nakakaramdam ng awa? Tila ba gusto ng mga kamay kong punasan ang kanyang basang pisngi. Hindi ako mapalagay habang tinitingnan siyang umiiyak. Bakit?

"Jay? Jay, nasaan ka?!" Napalingon ako nang marinig ang boses ni Victoria. Naririnig ko ang mga yabag niya kaya alam kong nasa malapit lang siya.

H-hindi puwede!

Tiningnan ko si Luna at nakita kong nakatitig siya sa akin. Naghihintay marahil sa sunod kong gagawin.

Ang ganda ng kanyang mga mata, kumikisap na parang bituwin. Para bang tinatawag ako ng kanyang mga labi. Pakiramdam ko, gusto ko siyang halikan...

*smack

I kissed her.

Ang lambot ng kanyang labi. Para bang ayaw kong humiwalay.

Alam kong nagulat siya sa ginawa ko. Nagulat din ako.

"Run!" bulong ko sa kanya sabay bitaw sa kanyang mga kamay. Nang makatayo ako ay agad din siyang tumayo. Tiningnan niya ako sa mga mata ko bago siya tuluyang tumakbo palayo.

Anong ginawa ko?

Ilang segundo lang ang lumipas simula nang mawala sa paningin ko si Luna at ngayon ay nasa harap ko na si Victoria.

"Jay?! Nandito ka lang pala. Ano ka ba? Kanina ka pa namin hinahanap? Pinag-alala mo ako," sunod-sunod na wika ni Victoria. Nakatayo lang ako roon na parang wala sa sarili. Nakatingin sa gawi kung saan nawala si Luna.

"Jay!" Nagulat ako nang bigla akong yakapin ni Victoria. Isang mahigpit na yakap ang ginawa niya sa akin, "Sa susunod na umalis ka, magpaalam ka naman o hindi kaya ay isama mo ako."

"Victoria," bahagya kong tinanggal ang kanyang mga braso na nakapulupot sa akin, "Ayos lang ako. May narinig lang akong kaluskos kanina banda rito, akala ko kalaban pero nagkamali ako," pagsisinungaling ko.

"Salamat naman kung ganun. Kung nagkataon na nawala ka..."

"Hindi ligtas dito. Bumalik na tayo," pagputol ko sa kanya. Nauna akong maglakad pabalik, hindi ko na hinintay pa na matapos siya sa pagsasalita. Ayaw kong umasa si Victoria. Magkaibigan kami at ayaw kong masira iyon.

Ilang minuto kaming naglakad ni Victoria bago tuluyang nakabalik sa aming kuta. Agad kaming sinalubong ni Third nang makita niya kaming paparating.

Bakas sa kanyang kilos ang pag-aalala. "Saan ka ba nagpunta? Bigla-bigla ka nalang nawawala," iyon kaagad ang sinabi niya nang makalapit siya sa akin.

"Nagmasid lang ako sa paligid. Magpahinga na kayo." Dumiretso ako sa paglalakad papunta sa aking tinutulugan.

"Anong nangyari?" rinig kong bulong ni Third kay Victoria. Hindi ko na iyon pinansin at nagpatuloy na lang sa paglalakad.

Hanggang ngayon ay hindi ko parin maintindihan kung bakit ko ginawa iyon kay Luna. Iyon ang unang beses naming magkita, dapat pinatay ko siya kaagad ngunit sa halip na patayin ay bakit pinatakas ko siya?

Matamlay kong binuksan ang pinto at nang makapasok ay agad kong sinindihan ang ilaw.

"Bumalik ka na pala."

Mabilis akong napalingon matapos may magsalita sa likuran ko. Si Red, nakasandal siya malapit sa pinto habang nakatutok ang tingin sa hawak niyang maliit na punyal.

"Bakit ka nandito?" Umupo ako sa upuan na nakaharap sa kanya at tiningnan siya ng seryoso.

"Gusto ko sanang magkape kasama ang pinakamamahal kong kapatid," sarkastiko niyang wika.  Tumayo siya ng tuwid at nagsimulang maglakad papalapit sa akin.

Napahawak ako sa aking kilay, "Hindi ako nagkakape," walang gana kong sagot. "Bumalik ka na at magpahinga," dugtong ko pa.

Narinig ko ang kanyang mahinang pagtawa. Nagpatuloy siya sa paghakbang at huminto sa likuran ko.

Ilang segundo pa ay naramdaman ko na lang ang matulis na bahagi ng punyal sa leeg ko.

"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!" gulat kong tanong. Hindi ako makagalaw dahil mas diniinan niya ang pagtutok ng punyal sa akin.

"Bakit mo siya pinatakas? Isa kang taksil!"

Na-nakita niya?

Tila ba nanigas ang buo kong katawan dahil sa kanyang sinabi. Hindi ko alam ang gagawin at mas lalong hindi ko alam ang isasagot.

"Sumagot ka! Bakit mo hinayaang makatakas ang babaeng iyon?!" singhal niya.

"Red, kumalma ka." Tinapik ko ng mahina ang kanyang kamay na may hawak na punyal ngunit sa halip na ilayo niya iyon sa akin ay mas lalo niya pa iyong idiniin na nagpahapdi sa leeg ko. Ramdam ko ang pagdaloy ng dugo at ang paghapdi sa parte kung saan nakatutok ang punyal.

"Hindi ko inaasahang kaya mo pala akong patayin." Usal ko habang nakangisi.

Hindi siya sumagot. Ilang minuto pa ay naramdaman ko na lang ang paglayo ng punyal mula sa aking leeg.

"Kapag nagtagpo ang landas naming dalawa. Papatayin ko siya nang hindi nagdadalawang isip!" Walang lingon siyang naglakad palabas pagkatapos magbanta sa akin.

Para bang nabunutan ako ng tinik sa puso nang mawala sa paningin ko si Red. Aaminin kong nagulat ako sa kanyang ginawa.

Hindi ko siya kayang labanan dahil alam kong nagkamali ako. Ang ginawa ko kanina ay maituturing na pagtataksil at nasaksihan iyon ni Red, kaya paano ako lalaban?

Tumayo ako at nagpunta sa harap ng salamin. Mayroong maliit na sugat sa leeg ko. Napangiti ako habang tinititigan iyon.

Ang mokong na iyon? Ang lakas ng loob niya para sugatan ang kanyang kapatid.

Marahil ay iyon ang nakita ni Ama sa kanya kaya pinayagan niya itong sumama sa amin. Pinayagan niya ito dahil may tiwala siya kay Red at alam niyang gagawin ni Red ang tama.

Pagkatapos gamutin ang sugat ay napagpasyahan kong magpahinga na. Hindi ko alam kung anong oras na, ang alam ko lang ay lumalalim na ang gabi.

______________

"Jay!" Napabalikwas ako ng bangon sabay hawak sa aking mga gamit pandigma nang marinig ang pagtawag ni Third. "Sumasalakay ang kalaban!" sigaw niya nang makapasok sa silid ko.

Mabilis akong tumayo at sumunod kay Third palabas ng bahay. Hindi pa man ako tuluyang nakakalabas ay rinig na rinig ko na ang samot saring tunog ng mga gamit pandigma at sigawan.

Nakahanda na ang pana sa kamay ko at palaso. Kulang na lang ay itira iyon sa kalaban.

"Third, alalahanin mo ang ipinangako mo!"

"Huwag kang mag-alala. Mag-iingat ka!"

Pumunta siya sa gawing kanan habang ako naman ay pumunta sa kaliwa kung saan naroroon ang maraming kalaban.

Sana lang hindi magtagpo ang landas namin.