Chapter 23: True Love
Pasado alas-otso ng umaga nang magising si Charina sa mga tili ni Romina. “Inaantok pa ako. Nagbabawi ako sa pagod at puyat.”
“Mamaya ka na matulog! Kailangan mo nang bumangon dahil pinapagising ka ng jowa mo!”
“Si Vladimir?”
“Oo.”
“Bakit ba? Mga thirty minutes pa. Mag-power nap lang ako.”
“Bumangon ka na! Bahala ka dahil baka baldado na ang jowa mo paggising mo!”
“Baldado? Bakit?” Mabilis na siyang napaupo sa kama.
“Nandoon sa mga puno ng niyog ang jowa mo. Aakyat para kumuha ng buko dahil gagawa raw kayo ng fresh na buko salad.”
“What?”
“Seryoso ako, ‘Day,” anito at lumabas din ng kuwarto.
“Abnoy na lalaki!” Natataranta na siyang bumangon at nagsuot lang ng roba para itakip sa katawan niya dahil manipis na nighties lang ang suot niya. Agad na siyang lumabas at hindi na naghilamos o nagsepilyo. Para pa siyang hinahabol ng mga doberman sa mansiyon sa bilis ng pagtakbo niya. Pagbaba niya sa hagdan ay naroon pa si Romina na sadyang hinihintay siya. Hinihingal na siya pero tuloy lang siya sa pagtakbo palabas ng bahay. Malakas ang kabog ng dibdib niya. Pagdating niya ay eksaktong poporma pa lang si Vladimir paakyat sa puno. “Vladimir! Subukan mo lang umakyat diyan makakatikim ka sa akin,” sigaw niya kaya napatingin ang lahat sa kanya.
Nakangiting humarap sa kanya ang lalaki at sinalubong siya. "Aakyat akow para kumuha ng bukow."
"Bakit ka pa aakyat? Pwede naman tayong bumili sa palengke!?"
“Kasi sabi mow mas maganda ang fresh galing sa punow.”
“Fresh pa rin ang nasa palengke dahil bagong angkat ang mga buko! Huwag kang aakyat lagot ka sa akin!”
“Hayaan mow na. Para mas fresh ang bukow,” sabi nito at hinapit siya saka mariing hinalikan. “For my goodluck kiss,” nakangiting sabi nito at binitawan siya. Mabilis na naglakad ito sa puno at nag-stretching na.
Patakbo na siyang lumapit dito. “Huwag ka nang umakyat please. Baka mapaano ka pa. Dito ka na lang. Bumili na lang tayo sa palengke.”
“Kaya kow naman. Kasama sa training kow ang rock climbing to condition my body.”
“Pero iba iyon! Dito wala kang harness!”
“Don’t worry too much, sweetheart. I will take care.”
“Ayoko!”
“Ganitow na lang, kapag nakakuha akow ng bukow at nakababa nang ligtas, boyfriend mo na akow. Kapag hindi, basted na akow.”
“Kapag umakyat ka, bubugbugin kita, maniwala ka,” angil pa niya na tinawanan lang nito.
“Huwag kang mag-alala, anak, noong kolehiyo ay umaakyat din iyan sa puno ng niyog,” pagpapakalma sa kanya ni Nanay Vicky.
“Pero iba na po ngayon,” nag-aalala pa ring sabi niya.
“Magtiwala ka sa lalaking mahal mo, hija,” nakangiting sabi ni Tatay Tiyago.
Wala na siyang nagawa kundi pagmasdan na lang ito dahil pinigilan na siya ng mga staff sa mansiyon. Todo dasal siya habang umaakyat lang ito. “Lord, pababain Niyo po siya nang ligtas, hindi ko na po siya aawayin.” Napatili na siya nang makita niyang bahagyang dumulas ang isang paa nito dahil nagkamali ng pagkakaapak pero agad na nakabawi ito. “Vladimir, bumaba ka na diyan! Huwag mo akong pag-alalahin nang ganito,” aniya at tinakpan na ang mukha para hindi ito makita. Naiiyak na siya sa kaba.
“Nasa tuktok na pala ang boylet mo, Charing,” tili ni Romina.
“Bumaba ka na kasi diyan, makulit na lalaki,” sabi niya sa pumipiyok na boses dahil malapit na siyang maiyak pa sa takot. Medyo nakahinga siya nang maluwag nang mabilis na malaglag ang mga buwig ng buko. Pagkalipas ng ilang minuto ay nakita niyang huminto na ito at naghanda na para bumaba. Agad na siyang kinabahan ulit kaya hindi siya tumingin dito.
“Charina, my sweetheart,” tawag ni Vladimir.
“Bumaba ka na diyan, abnoy,” sigaw niya rito dahil pag-angat niya ng tingin ay nasa kalagitnaan pa ito at kumaway sa kanya. Muli na siyang nagtakip ng mukha hanggang marinig niyang nagtilian ang mga tao kaya muli na siyang napatingin. Nagpalakpakan na ang lahat nang makababa ang lalaki. Agad na siyang tumakbo at yumakap dito. Wala na siyang pakialam kahit pawis na pawis ito. Sumubsob na siya sa dibdib nito at napahikbi. “Buwisit ka! Pinaiyak mo ako.”
“Huwag ka nang magalit.”
Sinuntok niya nang mahina ang dibdib nito. “Don’t do it again,” aniya habang patuloy sa pag-iyak. “Paano kung nahulog ka? Paano na ako?”
Napangiti na ito. “I’m here, safe and sound. I told you I would be careful. I don’t want to leave you.”
“Mahal na mahal kita,” aniya habang pinapahid ang mga luhang naglandas sa mukha.
Napahinto ito at tinitigan siya. “Really?”
“Hindi pala! Pinaiyak mo ako! Naiinis ako sa ‘yo! Umakyat ka kahit ayoko! Sabi ko bubugbugin kita,” aniya at pinagkukurot ito sa tagiliran. Tumigil lang sila nang marinig ang tawanan ng mga tao.
“You’re my girl now,” nakangiting sabi nito.
“Oo na,” aniya at niyakap ito kaya lalong nagtilian ang mga babae kasama si Romina.
Pagdating ng hapon ay nakagawa na ng buko salad si Charina. Alam niyang magugustuhan iyon ng kanyang bagong boyfriend. Boyfriend. Masarap sa pandinig at pakiramdam. Kakaibang kilig ang nararamdaman niya, hindi katulad nang sagutin niya si Harold. Ayaw na niyang isipin ito dahil masaya na naman siya kay Vladimir. Nang puntahan niya ito sa kuwarto ay walang sumasagot kahit ilang beses na siyang kumatok. Pagbalik kasi nila ng bahay ay naligo na ito at sinabing matutulog muna. Hindi na rin ito sumabay ng tanghalian kaya nag-alala na siya.
Naglagay na siya ng pagkain sa mga plato at inilagay sa tray. Naglagay na rin siya sa mangkok ng buko salad at umakyat papunta sa kuwarto nito. Pinabuksan niya na ang pinto ng kuwarto nito kay Mayumi na agad umalis nang makapasok siya. Malamig na malamig ang kuwarto na nagmumula sa air conditioner nito. “Vladimir?” Walang ring sumasagot. Naglakad pa siya at pagliko niya sa kanan ay naroon ito at nakadapa sa kama.
“Charina…” Mahina ang boses nito. Akmang babangon pa ito nang malukot ang mukha.
“Hmp! Nabugbog ang katawan mo. Masakit ba?”
“Yes, baka kulang na ako sa exercise.”
“Hindi ka kulang sa training at exercise. Talaga lang makulit ka dahil magkaiba ang rock climbing sa pag-akyat sa puno ng niyog.”
“S-sorry.”
“Bakit ka nag-so-sorry.”
“I am weak.”
“You’re not,” sabi niyang napangiti. “You are my handsome hero,” aniya at umupo sa tabi nito habang hinahaplos ang pisngi nito. Diyan ka lang at bibigyan kita ng massage. Marunong naman siya niyon dahil marunong magtawas ang lola nila ni Belle kaya naturuan silang maghilot at magmasahe.
Pagbalik niya ay dala na niya ang bote ng langis. “Bawal kang maligo hanggang mamayang gabi ha,” aniya habang hinihilot ito.
P-perow, hindi pa akow naliligow.”
“Basta bawal! Pagkatapos kitang hilutin, matulog ka ulit. Mas magiging masakit ang buong katawan mo kapag pinilit mong maligo.”
Pagkatapos niyang mag-masahe ay nakangiti na ito sa kanya bagaman napapapikit na. “Charina.”
“Bakit?”
“Please say it again,” anito sa paos na boses at halatang antok na antok na.
“Mahal na mahal kita. Matulog ka muna,” aniya at hinimas ang buhok nito. Ngumiti lang din ito nang matipid at ilang sandali lang ay humihilik na ito. “Ang bilis ko pa talagang na-fall sa ‘yo kahit mayabang ka masyado. Pasalamat ka sobrang cute mo at labs na kita. Pa-kiss muna sa poging lalaki.” Dinampian niya na ito nang magaang halik sa pisngi. Pinagmasdan niya muna ito nang ilang minuto bago siya tumayo at binitbit ang tray palabas ng kuwarto.