Chapter 7: Bangunot
"Sino ka?" Malakas na tanong ng lalaki na kakapasok lang sa loob ng morgue. Bumalik ito roon upang kunin ang ilan sa gamit na naiwan.
Gulat din na napalingon kay Amelia ang babae na nagpipintura sa mukha ng bangkay.
"Huh, ahm nautusan ako na tumulong sa pag-ayos sa bangkay." Palusot na sagot niya at inakbayan ang babae. Sasagot pa sana ito upang itanggi siya ngunit mabilis niyang nakapa ang ugat sa batok nito at pinaralisa.
"Kilala mo ba siya, Ding?" tanong ng lalaki sa babae.
Pinagalaw niya ang ulo ng babae bilang pagtango. "Pagod na daw siya, sige na kunin mo na ang kukunin mo at kailangan na namin itong tapusin." Siya na ang sumagot sa lalaki habang inaayos ang suot na mask sa mukha gamit ang isang kamay.
May pag-aalinlangan na dinampot ng lalaki ang malaking bag nito at binitbit palabas. Bago tuloyang lumabas ay nilingon muli ang dalawang babae.
Nakahinga ng maluwag si Amelia nang maisara na ang pinto. Mabilis na ibinulsa ang nakuhang dugo at sa isang pitik niya sa mukha ng babaeng naparalisa ay nagulat ito na tila nagising mula sa mahimbing na pagkatulog.
"Teka, ano ang ginagawa mo dito?" nagugulohang tanong ng babae sa kanya.
"May pinakukuha lang ang kasama mo pero wala dito kaya maiwan na kita." Mabilis niyang sagot at walang pagmamadali na lumabas upang hindi siya mahalata.
Nagkibit balikat na lamang ang naiwan at pinagpatuloy ang ginagawa.
Agad na inalis ni Amelia ang mask na nasa mukha bago lumiko sa pasilyo kung saan maraming tao at daan papuntang opisina ni Ashton.
"Wala bang nakapansin sa iyo?" tanong ni Ashton habang inaabot ang maliit na bote mula kay Amelia.
"Nakita nila ako, doc, pero may takip ang mukha ko at nagawan ko ng paraan gamit ang technique na itinuro mo." Nagyayabang na ani ni Amelia. Masaya siya dahil for the first time ay nagamit niya ang natutunan mula sa doctor.
"Magaling! Maasahan ka na talaga at maari mo na iyan magamit sa ex-partner mo at hilaw na matapobre mong biyanan." Nakangisi na biro niya sa dalaga. Bago pumasa ang mga ito at tinuruan, inaalam muna nila ang background ng bawat isa sa mga ito at kung hanggang saan ang diterminasyon. Kung saan ang mga ito humuhugot ng lakas at tapang at ninais na mapabilang sa Eagle's Wings.
"Thank you, Doc!" taas noo na sagot ni Amelia at may kakaibang tumatakbo sa isip nang maungkat ang kanyang nakaraan.
Makalipas ang sampung minuto, dumating si Yvonne. "Pinatatawag mo daw ako, Doc?"
"Maari mo bang alamin kung ano ang blood type ng dugong ito?" Inabot niya dito ang maliit na bote.
Nagtataka man ay kinuha niya ito mula sa kamay ng binata. Tatalikod na sana siya nang magsalita muli ito.
"Kailangan ko iyan ngayon din kung kaya hintayin mo ang resulta at ibigay sa akin."
"Ura-urada?" ang naibulong niya.
"May sinasabi ka?" mukhang dumoble ang edad niya sa pagkakataong ito dahil sa kakaisip sa kaso.
"Wala po, Doc!"
Napasunod ang kanyang tingin sa nurse nang tumalikod ito. Ang sexy nito sa suot na bestidang puti na uniform bilang nurse.
"Ang sexy niya, doc, noh?" biro ni Amelia sa binata nang mapansin ang pagsunod ng tingin nito sa nurse.
"Sexy nga, kaso mukhang barako umasta," palatak na sagot niya dito. "Sundan mo siya, alam mo na kung ano ang gagawin mo." Dugtong pa niya at pinaalis na ang madaldal niyang assistant.
Nakangiti lang si Amelia na tumalikod at pasimpleng sumunod sa laboratory room. Kailangan masiguro na nagawa ng magandang nurse ang trabaho nito.
Ramdam ni Yvonne na may nagmamatyag sa bawat galaw niya. Pauwi na siya ay naroon pa rin ang kakaibang pakiramdam. Palinga-linga siya habang nag-aabang ng sasakyan pauwi. Maraming tao sa paligid kung kaya hindi niya matukoy kung sino ang sunusunod sa kanya. Pagkasakay ng jeep, lima ang nakasabay niya. Dalawang lalaki at tatlong babae na kasabay niya rin sa pagbaba sa lugar ng inuupahang bahay. Ang mukha mga babae ay pamilyar sa kaniya pero ang mga lalaki ay hindi. Mabilis ang mga hakbang na naglakad na siya papasok sa bahay na tinutuloyan.
Wala ang ka board mate niya pagkapasok sa loob. Kahit papaano ay natuwa siya dahil mukhang naka move on na ang kaibigan mula sa pagka broken hearted nito. Balita niya sa babaeng nabuntis ni Luis ay naghihinagpis pa rin ito hanggang ngayon. Nagdasal siya bago natulog, sana ay hindi muna siya dalawin ng masamang panaginip dahil gusto niyang matulog ng mahimbing ngayon.
....
NAGTIPON ang apat sa conference room ng kanilang agency kahit gabi na nang pinaalam ni Ashton ang bagong natuklasan sa kaso.
"Hindi magkatugma ang blood test ng pasyente ko na namatay kahapon." Pagsisimula ni Ash sa meeting nila. Duda siya kanina sa laboratory record ng biktima kaya pa sekrito niyang pinakuha ang dugo ng bangkay kay Amelia.
"Ilang araw naratay ang pasyente at ano ang sakit?" Tanong ni Cloud kay Ashton habang tinitignan ang larawan ng bangkay. Walang bakas na kung ano mang sugat sa katawan nito.
"Nang dumating ako sa hospital na iyan ay nakaratay na siya. Ang findings ng unang doctor na humahawak bago ipinasa sa akin ay ang pabalik-balik na lagnat."
"Nakakapagtaka, ano mayroon sa hospital na iyon at may namamatay sa iba't ibang paraan?" Nangungunot ano noo ni Micko habang tinitignan din ang larawan ng mga taong patay na mula noong tatlong taon na ang nakalipas.
"Ang isa pa na ipinagtataka ko ay hindi manlang nag-complain ang pamilya ng pasyente. Sa nakikita ko ay may kaya sila sa buhay. Minadali pa na maiuwi ang bangkay." Dagdag pa na paglalahad ni Ashton sa natuklasan.
"Tingin ko ay magkaiba ang kaso na ito sa mga naunang kaso—tatlong taon na ang nakaraan." Naisatinig ni Micko ang napansin sa kaso.
"Tama, iniugnay lamang nila ito at ginaya dahil sa inilabas nating balita upang litohin ang batas." Sang-ayon naman ni Cloud sa pinsan nito.
"May mali pa rin at iyon ang kailangan kong alamin." Sagot ni Ashton sa dalawa, hindi nawawala sa isip ang kakaibang nararamdaman at sa nagpaparamdam na multo sa kanya. Hindi siya naniniwala sa ganoon pero malakas ang kutob niya na may dahilan kung bakit napadpad siya sa hospital na iyon nang araw na iyon.
"Balitaan mo na lang kami kung may bago kang matuklasan." Ang naisatinig ni James at tumayo na upang mauna na sa pag-uwi.
"Mauna na rin ako, maiwan na kayong mga single dito." Segundang paalam ni Dexter sa mga naroon.
Hindi na tumutol ang tatlo, naiwan silang tatlo at pinaglamayan ang kaso.
"May report na ba si Ruel?" Pukaw na tanong ni Ashton upang basagin ang katahimikan.
"Kararating niya lang kahapon doon at hindi pa siya nakapag umpisa mag-imbistiga." Sagot ni Cloud at hindi hinihiwalay ang tingin sa papel na binabasa.
Isa si Ruel sa bagong eagle, lahat ang mga ito ay binibigyan na nila ngayon ng trabaho bilang unang pagsubok sa mga ito. Doon na sila nakatulog na tatlo sa opisina. Kanya-kanya ng pwesto sa malaki at mahabang sofa at mga mukhang batang lansangan kung makahilata.
Nasa kasarapan na sila ng tulog nang magising sina Cloud dahil sa ingay ni Ashton.
"Nasaan ka?"
Nagkatinginan ang magpinsan nang magsalita si Ashton habang nakapikit ang mga mata.
"Nasaan ka?" pag-uulit na tanong ni Ashton.
"Nandito, ang ingay mo!" naiiritang sagot ni Micko.
Si Cloud ay pumikit muli ngunit agad ding napadilat ng mga mata nang magsalita muli si Ashton.
"Bakit ayaw mong magpakita?" may halong takot na wika ni Ashton.
"Sino ba ang kausap ng isang iyan?" tanong ni Micko kay Cloud.
Umangat ang kalahating katawan ni Cloud at ipinatong ang siko sa kinahigaan upang masalo ng kamay ang sariling ulo. Inaninag niyang mabuti ang mukha ni Ashton dahil dim ang ilaw na gamit nila ngayon. Sa tingin niya ay binabangungot ang kaibigan kaya nang magsalita itong muli ay ibinato na niya ang kaniyang unan sa mukha nito.
"Huhhhh... nasaan ang kalaban?" Naalimpungatan na tanong ni Ashton kasabay ng pagbagsak niya sa sahig mula sa kinahigaan.
"Walang kalaban, magpatulog ka kung ayaw mong matulog!" Singhal ni Cloud sa kaibigan.
Si Micko ay tawang-tawa sa mukha ni Ashton na iinot-inot tumayo habang hawak ang nasaktang balakang. Kahit kailan talaga ay ang sungit ng kaniyang pinsan. Alam ng binabangungot ang kaibigan nila ay ganoon pa ang ginawa.
"Sino ang nambato?" bakas sa mukha ni Ashton ang pagkairita dahil naputol ang panaginip na gusto niya sanang malaman. Tinignan niya si Micko na hindi pa rin tumitigil sa pagtawa. Itinuro nito si Cloud na nakahiga na muli at nagtulog-tulogan.
"Para kang baka na ngawa ng ngawa habang natutulog!" aroganteng wika ni Cloud habang nanatiling nakapikit ang mga mata. Ramdam niya ang masamang titig sa kanya ni Ashton.
"Istorbo ka, ayon na eh, naudlot pa!" Padabog na nahiga muli si Ashton sa higaan.
"Ano ba kasi ang napaginipan mo?" amuse na tanong ni Micko sa kaibigan.
Hindi na niya sinabi dito dahil alam niyang lalo lang siya pagtawanan ng huli. Baka mabato rin siya ulit ni Cloud ng matigas ng bagay. Alam niyang walang maniwala sa kanya sa kung ano ang laman ng kanyang panaginip tungkol sa multo. Ibinato niya pabalik kay Cloud ang unan nito bago bumalik sa pagtulog.