Chapter 6: Believe

"KUMUSTA ang trabaho?" tanong ni Dexter kay Ashton nang makita ito sa kanilang opisina. Pauwi na sana siya dahil alas syete na ng gabi ngunit tumawag ito at pinabatid na dadaan ito roon.

"Wala pa naman akong nakikitang kakaiba roon. Kailangan ko ng assistant upang mapagtakpan ang gawain ko kapag nawawala ako sa aking opisina roon." Sagot niya dito habang hinihilot ang sintido.

"Kunin mo si Amelia, ang pinakamagaling mong trainee." Sagot ni Dexter.

"Gusto ko rin pasundan sa inyo ang isang babae."

Napakunot ang noo ni Dexter na tumingin sa kaibigan. "Siya ba ang prime suspect?"

"I'm not sure pero isa siya sa kasagutan sa kasong ito."

"May hinahawakan ng ibang kaso si Micko, si Cloud naman ay may problemang kinakaharap kung kaya huhugot ako mula sa mga lalaking trainee."

"Piliin mo si Wigo Krizostomo kung available siya. Mabilis siyang kumilos at madiskarte." Suhistyon ni Ashton sa kaibigan nang maala ang isa sa magaling na tinuruan mula sa kupunan ng kalalakihang trainee.

"Iyan lang ba ang pinunta mo dito?" Tanong niya sa kaibigan habang nililikom ang mga papael na nasa kanyang lamesa. Kanina pa siya pinapauwi ni Sasha dahil hindi makatulog kapag wala siya at naglilihi.

"Naniniwala ka ba sa multo?" biglang naitanong ni Ash.

"Anak ka ng tokwang, huwag ka magbiro ng ganyan at gabi na!"

Natawa si Ashton sa tinuran ng kaibigan, "pwera biro, bro, naniniwala ka ba sa multo?" pangungulit niya dito.

"Naturukan ka na naman ba nang ecstasy at kung ano-ano ang naisip mo ngayon itanong?" Nakangisi na buska ni Dexter kay Ashton.

"May nagmumulto sa hospital, Bro." Hindi nagpapigil na kinuwento sa kaibigan ang nangyari sa kanya kanina.

"Putcha, doon pa naman gusto magpa-checkup ni Misis tapos may multo? Baka naman ex-girlfriend mo iyon?" biro ni Dexter dahil hindi siya naniniwala sa kalokohan ng kaibigan.

"Ulol! Buhay pa lahat ng ex-girlfriend ko!" Natatawa na sagot ni Ashton sa huli.

"Malay mo, nakakausap mo pa ba lahat ng ex mo?" nakangising tanong niya muli kay Ashton.

"Malabo, bro, alam ko na may kaugnayan ang kaso ngayon sa babaeng nagmumulto." Seryuso na si Ashton sa pagkakataon na ito.

"Kalokohan mo!" Binato niya ng isang papel si Ashton. "Umuwi ka na nga at matulog at ako'y uuwi na rin." Umiiling na ani ni Dexter at nagmamadaling lumabas na ng opisina. Nagmamadali siya hindi dahil sa natakot sa multo, kundi dahil takot na matutukan ng baril ng asawa kapag na late pa siya ng uwi.

Pumalatak si Ashton at sumunod na rin sa kaibigan. ayaw niya na munang isipin ngayon ang tungkol sa babaeng nagpaparamdam sa kanya at pagod siya.

...

HINDI mapakali si Yvonne sa kinahigaan. Malapit na magmadaling-araw ay dilat pa rin ang kanyang mga mata. Nakaukit sa kanyang balintataw ang mukha ng babae na nakita sa likuran ng dalawang doctor kanina. Dilat ang mga mata at puno ng dugo ang mukha. Ang buhok ay nagtatayuan na tila tinatangay ng hangin. Napalitan ng kuryosidad ang takot na nadarama ngayon. Iniisip kung ano ang nais ipahiwatig ng babaeng naka puti ng damit. Sa tagal na nitong nagpaparamdam sa kanya, ngayon lang ito nagpakita ng buo at sa likod pa ng dalawang doctor.

Ayon sa kanyang ina, kailangan niya matulungan ito bago pa tuluyang maging itim na kaluluwa ang babae at hindi na makaalis sa mundong ibabaw habang buhay. Napadalas na ang pagpaparamdam nito sa kanya ngayon. Ang layo na ng mukha ng babae sa kilala niya noon. Puno ng galit ang mabanaag sa mga mata nitong nandidilat pero ramdam nita ang lungkot na bumabalot sa pagkatao niyon. Mukhang malapit na niyang matukoy kung sino ba talaga ang pumatay dito. Ang kailangan niya lang gawin ay sundan ang dalawang doctor.

Hindi siya maaring magkamali, ang bagong doctor sa hospital ay may kinalaman at ito ang nakita niya sa loob ng morgue. Pero si Meynard? Napatanong siya sa kaniyang sarili kung paano nagkaroon ng ugnayan ang lalaki sa kaluluwa. Muli niyang ipinikit ng mariin ang mga mata at sinikap naakatulog.

...

ITO ANG adress at larawan ng babae, kailangan mo siyang sundan kahit saan magpunta." Inabot ni Dexter kay Wigo ang maliit na larawan at papel kung saan nakasulat ang adress ni Yvonne Karls.

"Maganda ah, sayang naman at naging suspect." Kumento ni Wigo nang makita ang larawan.

"Huwag mo na pagnanasaan dahil may kaibigan iyan na multo."

Muntik nang maibuga ni Wigo ang iniinum na kape sa biro ng kanilang big boss. "Boss naman, kaya ba pinasusundan iyan upang malaman kung sino ang multo?"

Napapailing si Dexter habang tumatawa sa tauhan na madali matuto pero madali rin magpaniwala.

Napakamot si Wigo sa kanyang batok nang mahinuha na pinagtitripan lang siya ng kaharap. Ilang beses na ba siya napapagtripan ng mga ito dahil magaling daw siya mamakla ng katropa? Kahit bagohan lang siya sa kupunang iyon, pantay-pantay ang trato sa kanilang lahat roon. Kapatiran lang ang turingan kahit na sa mga kasamahang kababaihan doon.

"Isabay mo na si Amelia papuntang hospital at doon ka na magsimula ng trabaho dahil doon din nagtatrabaho ang babaeng susundan mo." Malumanay na utos ni Dexter sa lalaki.

"Areglado, Boss!" Sumaludo pa siya dito bago umalis. "Amilot, tayo na!" Malakas na tawag niya sa babae na naging kaibigan na rin niya.

Nakasimangot na sumama si Amelia kay Wigo dahil tinawag na naman siya ng binata sa mabantot na pangalan.

Sa hospital ay maagang pumasok si Ashton sa trabaho kinabukasan. Hindi pa siya nakapasok sa kanyang opisina ay sinalubong na siya ng isang nurse at sinabi ang masamang balita.

"Doc, ang pasyente mo po kahapon ay patay na!"

"What? Paano nangyari iyon at bakit hindi ninyo ako tinawagan for emergency kagabi about this?" Galit na tanong niya sa nurse. Ito ang night shift at alam niya na hinihintay lamang nito ang kapalit at pauwi na rin.

"Hindi na rin naman daw po kasi maisalba na kung kaya hindi ka na pinatawag. At saka narito si Doctor Meynard kagabi at siya ang nag-asikaso sa pasyente."

Napamura si Ahston nang mahina dahil sa galit. Pasyente niya ang namatay at sa kanya ang balik ng hindi magandang record pagka nagkaganoon. Pero nagtaka siya kung bakit si Meynard ang nandito kagabi gayong hindi naman nito hawak ang pasyente.

"I'm sorry, Doc!" Hinging paumanhin ng nurse sa binata. Alam niya kung bakit ito galit ngayon bilang doctor ng pasyente.

"Kailangan ko ang records niya, dalhin mo sa opisina ko bago ka umuwi." Hindi na niya hinintay ang sagot ng kausap, dumiritso na siya sa loob at isinuot ang kulay puting coat bilang doctor.

Magkasunod lang na pumasok ang inutusang nurse at si Yvonne na bakas sa mukha ang pag-aalala.

"Ano ang nangyari, Doc?" may pagtataka na tanong ni Yvonne sa binata na seryosong binabasa ang records ng pasyenteng namatay.

"Nasaan ang laboratory record ng pasyente?" Sa halip ay tanong niya sa dalaga.

"Ang sabi po sa akin ng staff doon, sila na ang magbibigay sa iyo ng result."

"Darn!" Pabagdak na binitiwan ni Ashton ang hawak na papel sa lamesa.

Napakunot ng noo si Yvonne pagkarinig sa pagmumura ng binata. Parang hindi ito doctor kung umasta ngayon.

"Kunin mo ngayon din ang record!" Bahagyang napataas ang timbre ng boses niya dahil sa frustration.

Nataranta naman na tumalikod si Yvonne upang kunin ang hinahanap nito. Wala siyang idea kung bakit ganoon na lang ang inaasta ng binata. Pagbalik niya ay napasimangot siya dahil wala ito roon at naabutan ang isang magandang babae. Pero syempre, mas maganda pa rin siya dito.

"Pakilapag na lang dito, Miss. Ako nga pala SI Amelia, ang secretary ni Doctor Montiz." Pakilala nito sa kanya.

Ngumiti si Yvonne dito at nagpakilala rin. lumabas din agad siya upang tignan ang bangkay. Naabutan niya si Ashton doon at sinusuri ang bangkay. Natutop niya ang bibig nang mapagmasdan ang bangkay, nakadilat ang mata nito.

"Alam ko na hindi siya ang nasa likod nito!" naisatinig niya ang laman ng kanyang isip ng pabulong.

"What?" tila nabinging tanong ni Ashton sa nurse.

Sasagot pa sana si Yvonne ngunit dumating na ang embalsamador at pinalalabas sila.

"Susuriin ko muna siya sandali," ani Ashton sa lalaki.

"Hindi mo na po trabaho iyan, doc dahil patay na. Nagmamadali po ang pamilya niyan at gusto nang maiuwi upang paglamayan."

Tinignan muna ni Ashton ang embalsamador at ang bangkay bago lumabas kasama si Yvonne.

Kinausap ni Ashton ang pamilya ng pasyenteng namatay at humingi ng paumanhin kasama ng pakikiramay. Nagtaka pa siya dahil tila hindi gaano nasaktan ang mga ito sa pagkawala ng anak. Ni hindi manlang nagtanong sa kaniya kung bakit ito namatay o ano ang ikinamatay. Ang gusto ng mga ito ay huwag na galawin ang katawan ng anak ng mga ito. Pagbalik niya ng opisina ay agad niyang tinignan ang laboratory record ng namatay.

"Amelia," tawag niya sa kanyang tauhan. "May ipapagawa ako sa iyo."

Mabilis na lumapit ang babae sa kanya at binasa ang isinulat niya sa papel. Agad din niyang pinunit iyon at itinapon nang makuha na nito ang nais niyang ipagawa.

Mabilis na tumalima si Amelia at pasimpleng pumasok sa morgue. Nakalabas na ang isang embalsamador at naiwan na lang ang nag-aayos sa bangkay. Abala ito sa pagpipintura sa mukha ng bangkay kung kaya hindi napansin ang kanyang paglapit. Nakita niya ang bagay sa tabi nito na kailangan niyang makuha, ang dugo ng bangkay.