Kabanata 78
VIANNA MAY POV
Hindi ko alam kung ano ang maramdaman nang makita ko sa labas ng gate, ang mga magulang ni
Romeo. Ayoko sanang papasukin sila. Ayoko sanang harapin o kausapin sila. Pero hindi ko magawa.
Hindi ko magawang maging bastos sa mga taong naging mabuti naman sa akin noon. Naging mabuting
magulang.
Ang sikip ng dibdib ko habang kaharap sila. Bukod sa alam kung nalulungkot at nahihirapan sila.
Bumabalik din sa alaala ko ang mga ginawa sa akin ni Romeo. Lahat! Sana nga iniwan ko na lamang sila
at hindi na nakinig sa sasabihin nila. Wala na kasi akong paki' ano man ang mangyari sa anak nila. Bilang
pagrespeto na lamang ang ginawang pagharap ko sa kanila.
Nagkamali sila sa ginawang paglapit at pahingi ng tulong sa akin. Binuhay lamang nila ang galit sa puso
ko. Tama sila, wala silang karapatan na lumapit o humingi ng tulong sa akin para sa anak nila pero bakit
pa sila lumapit? Sana naisip nila kung ano ang maramdaman ko, at hindi lang ang nararamdaman nila.
Dahil ako iyong sobrang nasaktan. Kami ng asawa ko na nagdusa sa kamay ng anak nila. Hindi lang pisikal
na sakit ang pinaranas niya sa amin, dinurog ng anak nila ang puso ko ng paulit-ulit. Muntik nang mawala
sa akin ang asawa ko.
Imbes makaramdam ako ng awa, imbes na lumambot ang puso ko. Tumigas pa lalo. Dapat nga
humagulgol na ako sa iyak ngayon pero nangibabaw ang galit ko. Galit ako sa mga magulang ni Romeo.
Nandoon na kasi kami sa punto ng paglimot. Pero anong ginawa nila. Binalik nila sa alaala ko ang mga
nangyari. Nakakainis!
Sana hayaan na nila kami na maging masaya. Sana kalimutan na lang nila na minsan naging parte kami sa
buhay ng isa't-isa. Sana magkalimutan na lamang kaming lahat. At hayaang maghilum ang mga sugat sa
puso na gawa ng anak nila.
Sa unan na hawak ko binunton ang sama ng loob. Paulit-ulit ko iyong sinuntok hanggang sa mapagod.
Kumawala ang buntong-hininga ko pagkatapos. Saka ko naisip ang asawa kong tinaboy ko kanina. Bigla
akong nalungkot. Hindi ko gustong itaboy siya. Pero hindi ko rin maintindihan ang sarili. Ngayon miss ko
na siya, gusto ko na siyang mayakap kahit mabaho siya. Miss ko na ang amoy niya.
Gusto ko na siyang makita, ngunit hindi ko naman magawang bumangon at lumabas para humingi ng
sorry. Dati kapag malungkot ako, kapag masama ang loob ko. Gusto ko nasa tabi lamang ang asawa ko.
Gusto kong inaalo at nilalambing niya ako. Pero ngayon mas gusto kong mapag-isa. Ayoko ng magulo.
Ayoko ng kinukulit ako. Ayoko ng maingay at lalong ayokong may katabi.
Lumingon ako sa pinto, baka sakali nasa labas lamang siya. Pero parang wala. Dati kasi kapag nag-inarte
ako hindi siya umaalis, tatayo lamang siya sa may hamba ng pinto at kapag lumingon ako. Ngiti niya ang
bubungad sa akin. Ngayon talagang iniwan niya siguro ako.
Hindi ko mapigil ang umiiyak. "Di," ngawa ko.
"Asawa ko, bakit?" Natigil ang ngawa ko nang makita ang ulo niya na dumungaw sa pinto.
"Akala ko, iniwan mo ako..." humikbi kong sabi.
Kasabay ng paghakbang niya palapit sa akin ang matamis na ngiti. "Ako, iiwan ka? Hindi mangyayari
'yon! Kahit awayin mo pa ako ng awayin hindi ako lalayo. Mahal na mahal nga kita... ikaw ang buhay ko,"
lambing niya kasabay ang paglapat ng labi sa akin.
"Di..." takip ang palad sa bibig, panay duwal ko ng lumapat ang labi niya sa akin.
"Ano... mabaho na naman ang hininga ko?! irita nitong tanong.
Pagtango lang ang tugon ko na ikinangiti naman niya kalaunan. May dinukot ito sa bulsa.
"Asawa ko..." nakangiting pinakita sa akin ang pregnancy test. "Umalis ako sandali kanina para bilhin
'yan. Sa tingin ko kasi..." Hawak niya ang tiyan ko, at napahawak na rin ako.
"Bakit ang dami naman yata ng binili mo?" Umiiling kong sabi habang nakatingin sa hawak na pregnancy
test. Lima kasi ang binili.
"Para siguradong tama nga resulta," sagot niya. "Sige na tayo kana." Tinulungan niya akong tumayo at
inalalayan papunta sa banyo.
"Di... ano ba? Talagang hindi ka pakapaghintay?" Ngisi lamang ang tugon nito.
Nakabukaka pa nga kasi ako para kumuha ng sample. E, atat itong asawa ko.
Tinaob ko ang mga pregnacy test na pinatakan ko ng urine. Dumagundong ang kaba ko habang
nakatingin lamang sa mga pregnancy test.
"Handa ka na ba asawa ko?" Pigil hininga itong tumango.
"Yes!!" sigaw niya at napasuntok pa sa ere nang makita ang dalawang linya sa mga pregnancy test.
"Magiging daddy na ako!" tuwang-tuwa nitong sigaw at agad akong niyakap.
Paulit-ulit nitong nilapat ang labi sa akin. Kada lapat niya, naduduwal ako na ikinatawa niya ng husto.
"Di!" tama na..." awat ko sa kaniya. Sinalag ko na rin ang mukha niya na pinipilit pa rin akong halikan.
"Tama na nga, Di!" pahikbi at inis ko na awat sa kan'ya. Ang tigas ng ulo. Hindi masarap sa pakiramdam
ang maduwal parang sumasama ang mga bituka ko, lalo at walang mailabas.
Hagikhik ang tugon niya at niyakap ako ng mahigpit. "Mahal kita, asawa ko..." malambing, ngunit
seryoso ang pagbigkas niya sa mga salitang iyon.
"Mahal din kita... kahit nakakasuka ka!" sagot ko, kasabay ang mahinang tawa.
Akalain mo ba naman, matapos ang masakit at nakakagalit na tagpo namin ng mga magulang ni Romeo
kanina, akala ko tuluyan ng masisira ang aming araw.
Pero heto, at napalitan ng walang katumbas na saya. Magiging magulang na kami ng asawa ko at
magiging pamilya. Hindi ako makakapayag na sisirain pa kami ng masakit na alaala.
"Asawa ko... alis pa ba tayo ngayon?" malambing na tanong ng asawa ko kasabay ang pinong halik sa
leeg ko habang ang kamay banayad na hinahaplos ang tiyan ko.
"Maya maya, asawa ko," sagot ko.
"Kung gayo'n ay pwede pa." Kasabay ng tanong niya ang dahan-dahan pag-gapang ng kamay niya
paakyat sa dibdib ko.
Walang kupas talaga itong kalandian ng asawa ko. Matapos ang nangyari kanina. Parang wala lang sa
kaniya. Hindi man lang nag-abalang magtanong kung maayos na ba ang pakiramdam ko o hindi na ba
ako galit.
Tampal sa noo ang tugon ko sa kan'ya. "Tumigil ka nga, masama ang pakiramdam ko," pikit-mata kong
sabi.
"Aray naman! Asawa ko, naglalambing lang, e!" Hinawakan niya ang kamay ko at dinala iyon sa labi.
Walang salita na tumitig siya sa akin.
Syempre, alam ko ang ibig sabihin ng mga titig niya. Ang nangyari kanina. "Hindi pa maayos ang
makiramdaman ko, masama pa rin ang loob, at galit pa rin ako. Pero dahil sa magandang biyaya na
ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Ang galit na iyon, naibsan ng kaunti." Ngiti at mahigpit na yakap na
lamang ang tugon niya.
Bumuntong-hininga ako. Dapat ang isipin ko ngayon ay paano alagaan ang sarili, para sa amin ng baby.
Ayokong mag-isip ng kahit na anong makakasama sa baby ko.
"Iyan ba ang naibsan ang galit? Kung makahugot ng hininga ang lalim."
"Hinga ng ginhawa 'yon," sagot ko. "Ayoko nang isipin iyong nangyari kanina, asawa ko. Tama na iyong
alam nila na hindi ko kayang ibigay ang tulong na hinihingi nila."
"Kung ano ang sa tingin mo na tama, at makagagaan sa loob mo asawa ko, gawin mo. Lagi mo lamang
tandaan, nandito lang ako palagi sa tabi mo. Hindi ka iiwan, at mahal na mahal ka pa rin kahit dumuwal
ka pa ng dumuwal." Yapos at hagikgik ang tumapos sa sinabi niya. May kasama pang kindat.
Hindi pa man buo ang baby namin sa tiyan ko. Sumipa na agad. Iba pa rin talaga ang epekto sa akin ng
mga lambing ng asawa ko. Walang sablay na napapalipad ang mga paruparo ko sa tiyan.
"Maligo ka na," sabi ko at tinulak siya ng bahagya.
"Na naman?! Ligo na naman?!" reklamo niya, at tumiim ang bibig pagkatapos. "Asawa ko... "
"Bakit?" tanong ko. Pabitin kasi ang salita niya.
"Sabay na tayo..." landi niya. May pakagat pa ng ibabang labi.
Hindi na ako nakapagreklamo agad na niya kasi akong binuhat at dinala sa banyo at sabay nga kaming
naligo. Ligo with a twist! Nadali na naman ako nitong malandi kong asawa. Na tuwang-tuwa kapag
naduduwal ako.
Bakit naman kasi ganito ako maglihi! Ang mabango sa pang-amoy ko noon na gustong-gusto kong
amoyin, ngayon ay ang baho na.
Sakay na kami ng kotse, papunta sa bahay ni Mama. Sigurado akong matutuwa iyon sa magandang
balita. Ngayon, mapapa-oo ko na talaga siya na sa amin na titira.
Masayang ngiti ang salubong niya sa amin. Sabay halik sa pisngi naman ang bati namin sa kaniya.
"Ma... nakapag-isip ka na ba?" agad kong tanong hindi pa man kami nakapasok ng bahay.
"Anak naman, pumasok na muna tayo. Iyan agad ang nasa utak mo," pag-iwas niya sa tanong ko.
Nakasunod lamang sa amin ang asawa ko. Bitbit ang mga rosas ni Mama.
"Kasi nga po, Ma... hindi ako mapalagay. Mag-isa ka lang dito. At saka, gusto ko kasama ka na namin sa
bahay."
Tumabi ang asawa ko kay Mama, matapos nitong ilapag ang mga rosas. "Ma, pagbigyan mo na ang
asawa ko. Kailangan niya kasi ng taong hindi mabaho," nakangising sabi ng asawa ko.
"Mabaho? Aba ay maligo ka! Ka guwapong lalaki, mabaho pala!" sermon ni Mama.
Ang cute ng reaksyon ni Mama. Umayos ng upo at nanlaki pa ang mga mata. Tingin ko nga gusto niya na
amoyin ang asawa ko.
Tawang-tawa naman ang asawa ko sa reaksyon niya. "Ma... mabango po ako... ilang beses na rin akong
naligo ngayong umaga. Pero ang baho ko pa rin daw!"
Natutop ni Mama ang bibig. Agad may namuong luha sa mga mata. Lumapit ako at niyakap siya.
"Magiging lola ka na, Ma! Kaya sa bahay ka na, ha?! Kailangan ko rin talaga ng gabay... iyong hindi
mabaho!"
Sumulyap ako sa asawa na nagkamot ng ulo. Bakas ang tuwa sa mukha at niyakap na rin sa Mama.
"Oo, na! Sa inyo na ako, titira! Pero paano itong bahay?" bumakas naman ang lungkot sa mukha niya.
Mabigat talaga sa loob niya na iwan itong bahay namin na siyang naging tirahin namin simula noon.
Noong panahon na kami pa lamang dalawa ang magkasama at magkaramay. Ang bahay na naging saksi
sa paglimot sa masakit na na alaala.
"Nay Violy, ako na po ng bahala dito sa bahay!" biglang sulpot ni Nelson. Sabay bumaling ang tingin
namin sa kaniya.
"Bakit, umalis ka na naman sa tinutuluyan mo? May tinakasan ka na naman?" Pang-uusisa ni Mama.
Alam na niya kasi ang style nitong si Nelson. Kapag gustong hawakan sa leeg ng mga babaeng dini-date.
Biglang iwas.
"Tinakasan agad? Umalis ako kasi badtrip doon. Lagi na lamang akong pinagkakaguluhan ng mga babae!
Hindi maka-get over sa guwapo kong face!"
"Sira-ulo ka talaga! Mahangin pa!" Naduro na lamang ito ni Mama, kasabay ang pag-iling.
"Pero, Nay... seryoso, ako na po ang bahala rito. 'Wag po kayong mag-alala, magbabayad po ako buwanbuwan! Ang laki yata magpasahod iyang manugang ninyo!" Nguso niya ang asawa ko.
Sabay na lamang kaming natawa. Masaya na rin kami ng asawa ko, para dito sa kaibigan namin. Bumalik
na kasi sa dati. Hindi na laging lutang. Iyon nga lang at hindi nawawalan ng babae. Pero kahit na malandi
at loko-loko ito. Hindi naman sabay-sabay ang babae niya. Pero laging may nakapila. Sa mukha ba
naman niya at gandang katawan, sinong hindi pipila.
"Via," tawag nito sa akin at inabot ang rosas. Umiling ako pero tinanggap din naman.
"Isang daan 'yan, Nelson!" singil ni Mama.
"Nanay, talaga... singil agad!" reklamo niya.
Kapag kasama talaga namin itong si Nelson. Hindi matigil ang tawanan. Iniikot-ikot ko ang hawak na
rosas at inamoy iyon.
"Via! May sakit ka ba?!" tarantang tanong ni Nelson nang maduwal ako. " P're, tayo' na! Ngingiti-ngiti ka
lang diyan!" Gusto pa yatang awayin ang asawa ko.
"Nelson, ang OA! Parang naduwal lang," sabi ko.
"Kaya nga may sakit ka! Tara na ospital!" akmang tatayo na ito.
"P're, bukas pa schedule namin sa Ob-gyn," nakangiting sabi ng asawa ko.
"Ob-gyn?" kunot-noo nitong tanong kasabay ang pagkislap ng mga mata at akmang yayakapin ako. Pero
agad pumagitna ang asawa ko.
"Ayaw talaga, pasalisi!" nasabi na lamang ni Nelson. "Pero congrats! Magiging tito na ako!" tuwang-tuwa
na sambit niya. Sarili pa niya ang binati. Iba talaga!
Masaya kaming umalis ng bahay. Si Nelson na rin lang ang tumulong kay Mama, magligpit ng mga gamit.
Pupunta pa kasi kami sa bahay ng mga biyenan ko. Nandoon na rin sila Danica at Anthony. Syempre,
sasabihin din namin sa kanila ang magandang balita.
Hindi pa rin mawala ang ngiti namin habang binabaybay ang daan papunta sa bahay ng mga biyenan ko.
Nasa labas lamang ang tingin ko. Masayang tinatanaw ang mga street vendor na nadadaanan namin.
"Asawa ko, hinto!" sigaw ko.