Kabanata 77
Matamis na ngiti ang bungad sa akin ng asawa ko. Suot ang apron at may hawak na sandok.
"Magandang umaga, asawa ko," malambing kong bati kasabay ang mahigpit na yakap at malutong na
halik sa labi.
"Magandang umaga, asawa ko," tugon nito, ngunit agad na binaklas ang kamay ko at tinulak pa ako
palayo.
Humaba tuloy ang nguso ko at nagtatakang tumitig sa kaniya. Ngayon lamang nangyari ito, na parang
ayaw niya madikit sa katawan ko.
Maliban na lamang kung may tampuhan kami. Talagang hindi ako makakalapit. Pero ngayon wala. Ang
sarap nga... ay... este, ang saya nga ng gising namin.
Talagang wala akong maisip na ginawa ko na maaring ika-galit na naman niya. Pero ilang araw ko na
talagang napapansin na laging mainit ang ulo niya. May mood swing lagi.
"Ang baho mo!" pasinghal nitong sabi.
"Ako... mabaho?! Kakaligo ko nga lang. Kita mo nga at basa pa ang buhok ko," kunot noo kong reklamo.
Inamoy ko pa ang sarili. Pati kilikili at hininga ko. Sigurado akong mabango ako at hindi ako mabaho.
"Asawa ko, galit ka ba? Kung may nagawa man akong mali o hindi mo gusto, sabihin mo at pag-usapan
natin ng maayos. Hindi ganito na sasabihin mong mabaho ako, kahit hindi naman." tampo kong saad,
ngunit may kasamang lambing. Sinubukan ko pa ulit ang lumapit at akmang yayakapin na naman siya.
Pero ang laki ng hakbang niya pa-atras. "D'yan ka lang!" banta niya, tinutok pa sa akin ang hawak na
sandok. "Ang baho mo nga, Di! Ang sangsang ng amoy mo! Bumalik ka nga sa taas, maligo ka nga!" Takip
na ang palad sa ilong niya.
"Asawa ko... katatapos ko nga lang maligo," giit ko. Pero pandidilat ang tugon niya.
"Ay, basta! Maligo ka, 'wag kang magkamaling lumapit sa akin kung hindi ka pa naliligo!" nakahalukipkip
na siya at seryosong nakatitig sa akin.
"Anong problema mo?" halos pabulong ko na lamang na tanong. Mga babae talaga ang hirap intindihin.
Nagtatampo at nagtataka man sa naging akto niya, sumunod na lamang ako para iwas gulo. Kahit naman
anong sabihin ko, siya at siya pa rin ang masusunod. Mahal ko kasi, kaya pagbibigyan ko na lamang, kay
sa lumala pa ang aming tampuhan.
Padabog akong naglakad paakyat ng hagdan. Nakabusangot pa ang mukha ko na nakatingin pa rin sa
kaniya. Habang siya salubong ang mga kilay na sinundan ako ng tingin.
Agad akong naligo. Para tuloy akong adik sa ligo. Katatapos ko lamang maligo kanina bago bumaba. Heto
at naligo na naman. Anong ka-artehan na naman ba itong ginagawa ng asawa ko. Ang aga-aga,
naghahanap ng gulo.
Plano pa naman naming puntahan si Mama mamaya. Tapos inaway naman ako. Matalas pa naman ang
pakiramdam ng beyanan ko na iyon. Alam agad kung may tampuhan kami. Kahit anong akting pa ang
gawin namin. Bistado pa rin kami.
Matapos magbihis, inamoy ko pa ulit ang sarili baka sabihin naman niya na mabaho ako. Sakaling sabihin
pa rin niya na mabaho ako... may problema na ang ilong niya. Nailing na lamang ako. Ang bango ko kaya.
Sarap na sarap nga siya na amoy-amoyin ako lagi, lalo na kapag bagong ligo ako. Bakit ngayon biglang
nag-iba na? Sawa na ba siya sa amoy ko? Sawa na ba siya sa mga lambing ko tuwing umaga?
Pero naisip ko, talagang nag-iba ang ugali niya, panlasa niya, ngayon pati pang-amoy niya. Hindi kaya...
Bumilog ang mga mata ko. Kumabog ng malakas ang dibdib ko. Dali-dali akong lumabas ng kwarto. Ang
lapad ng ngiti at sobrang excited dahil sa naisip ko.
"Asawa ko, Vi!" nasa ikalawang palapag pa lamang ako. Sigaw ko na ang pangalan niya. Halos tumalon
na nga ako sa hagdan, agad ko lamang marating ang asawa ko. Hindi ko maawat ang sayang
nararamdaman, hindi pa man sigurado kung tama ba ang naisip ko.
Ngunit ang saya at malapad na ngiti ay biglang napalis nang makita ang mga taong kapapasok lamang ng
bahay. Bumabagal ang paghakbang ko, na animo biglang nag slow-mo ang mundo ko habang nakatingin
sa mga bisitang dumating. Walang iba, kung hindi ang mga magulang ni Romeo.
Bakas ang lungkot, hiya at alinlangan sa mga mukha nila nang tumingin sa akin. Pero hindi sila ang
concern ko, hindi nararamdaman nila ang inaalala ko. Kung hindi ang asawa ko. Alam ko kasi na hindi
niya gustong makita ang sinuman na may kaugnayan kay Romeo.
Humigpit ang kapit ko sa railings. Sumagi kasi sa isip ko ang sinabi ni Nelson, noong nasa isla kami, na
may nangyari nga kay Romeo. Pero winaglit ko iyon sa isipan, ni ang banggitin iyon sa asawa ko ay hindi
ako nagtangka.
"Upo, po kayo," mahinahong wika ng asawa ko, na nagpahinto sa pag-iisip ko.
Agad namang umupo ang mag-asawa. Magkahawak kamay at hindi maitago ang pagkabalisa.
Nilapitan ko siya at hinawakan ang mga kamay. Malungkot na tingin ang naging tugon niya. Bakas sa
mukha ang pagpipigil sa mga luha.
Tipid na ngiti at nangungusap na tingin ang pinukol ko sa kaniya. "Sige na, kausapin mo na sila kahit
sandali lang," halos pabulong kong sabi.
Matamlay na sumunod ang asawa ko. Yuko ang ulo na umupo sa harap ng mga magulang ni Romeo. Sila
nga na walang kinalaman sa kagagawan ng anak nila at naging mabait sa kaniya noon. Hirap na harapin
ng asawa ko, ni ang tingnan ang mga ito ng diretso hindi niya magawa.
Paano na kaya ang demonyong anak nila.
Sana mali ang hinuha ko. Sana hindi ang naiisip kong dahilan, kaya sila narito. Kung nagkataon na tama
ang naisip ko. Baka hindi na ako makapagtimpi pa at makapagsalita ako ng masama.
Para kasing dinudurog ang puso ko habang nakatingin sa asawa kong hirap-hirap. Gusto ko na silang
paalisin at sabihing huwag ng bumalik. Huwag ng guluhin ang buhay namin na unti-unti naming binubuo.
Hindi ko maiwasan na mainis sa sarili. Sana hindi na muna kami bumalik dito sa syudad. Sana hindi na
muna ako bumalik sa trabaho. Sana lumayo na muna kami ng matagal. Hindi sana nalulungkot ang
asawa ko. Sana hindi niya kaharap ang mga magulang ni Romeo, na nagpapahirap ng kalooban niya
ngayon. Ang daming sana. Pero wala na akong magawa, nandito na sila. Kaharap na sila ng asawa ko.
"Ano po ang sadya ninyo at naparito kayo?" Yuko-ulong tanong ng asawa ko.
Bumuntong-hininga ako bago lumapit sa kanila. Nilapag ko ang malamig na tubig at mga baso sa mesa
saka umupo sa tabi ng asawa ko.
"Ah... ano kasi, Vianna May," panimula ng Mommy ni Romeo. Sumulyap pa ito sa asawa saka tumingin
ulit sa amin. "Alam namin... pinipilit ninyong kalimutan ang mga nangyari. Pero...
"Sabihin n'yo na po... 'wag na natin itong patagalin." inip na saad ng asawa ko.
Parang hirap na hirap kasi itong bigkasin ang salitang gustong sabihin.
"Alam namin... wala kaming karapatan na lumapit sa'yo. Sa inyo ng asawa mo. Matapos ang ginawa ng
anak namin. Pero... Vianna May, kailangan namin ng... " natutop nito ang mukha at hindi na nagawang
tapusin ang sinasabi dahil sa hindi mapigil na pag-iyak.
Naikuyom ko agad ang mga kamay ko. Tungkol nga kay Romeo kung bakit sila naririto. Walang imik na
nakatingin lamang ang asawa ko sa dalawa, ngunit humigpit ang paghawak sa kamay ko.
"Vianna May... alam namin na hindi tama itong ginagawa namin. Pero... ikaw lamang makakatulong sa
anak namin! Tulungan mo si Romeo, Vianna May!" Daddy ni Romeo ang nagsalita. Puro iyak na lamang
kasi ang ginagawa ng asawa.
"Tulong? Bakit ko tutulungan ang anak ninyo?! Bakit ko tutulungan ang taong nanakit sa akin noon?!"
litong tanong ng asawa ko.
Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawa. Haplos ko na ang likod niya. Ramdam ko na rin ang pagbigat
ng paghinga niya. Tuluyan na rin na pumatak ang mga luha niya. Luha ng sama ng loob, luha ng galit.
Kaya nga hindi ko sinabi sa kaniya ang sinabi ni Nelson noon. Dahil alam kung ito ang mararamdaman
niya. Alam kong magugulo na naman ang isip niya. Alam kung babalik na naman ang masamang
bangungot na unti-unti na naming binaon sa limot.
Nagsisimula na kami na bumuo ng bagong alaala. Alaala na puro saya lang. Ngayon guguluhin na naman
ng Romeo na iyon. Gugulihin na naman nila.
"Vianna May... kailangan ka ng anak namin," walang ligoy na saad ng Daddy ni Romeo.
Kumuyom ang kamao ko, kasabay ang pagpanting ng tainga ko.
"Kailagan ng anak ninyo?!" gigil kong tanong. "Alam n'yo ba kung gaano ka hirap iyang hinihingi ninyo sa
asawa ko?! Hinihingi ninyo ang tulong niya para sa taong nanakit at nagpahamak sa amin?!" hindi ko na
napigil ang magtaas ng boses. " Umalis na kayo..."
Hindi pa sana ako tapos magsalita pero naputol iyon dahil sa mapaklang tawa ng asawa ko. Pinahid nito
ang namumuong luha sa mga mata at tumayo.
"Pasensya na po. Ayokong maging bastos. Pero ano man ang nangyayari sa anak ninyo, labas na po ako
do'n! Wala na akong paki ano man ang mangyari sa kaniya! Umalis na kayo!"
"Vianna May... please..." paki-usap ng Mommy ni Romeo. Pinagdaop pa ang mga kamay.
"Ako po ang makiki-usap sa inyo! Hayaan niyo naman po kami na kalimutan ang nangyari... pinipilit ko
na po na kalimutan ang lahat na ginawa ng anak ninyo sa akin, sa amin ng asawa ko! 'Wag niyo na po
kaming guluhin! 'Wag ng ipaalala sa amin! Ayoko nang makarinig ng kahit na anong tungkol sa kaniya.
Umalis na po kayo, paki-usap!"
"Vianna May... pakinggan mo muna kami..." akmang hahawakan ng Mommy ni Romeo ang kamay niya
pero agad nitong inilayo at umatras.
"Umalis na po, kayo!" Walang lingon na humakbang palayo at patakbong pumanhik sa taas ang asawa
ko, sinundan na lamang namin ng tingin. Hindi naman matigil ang pag-iyak ng Mommy ni Romeo habang
yakap ng asawa.
Bumuntong-hininga ako. Ang bigat ng pakiramdam ko. Gusto ko silang sigawan. Gusto ko silang
ipagtabuyan. Pero pinili ko pa rin ang magtimpi. Kahit galit ako, nandoon pa rin ang pag-intindi ko sa
nararamdaman nila bilang magulang na nagmamalasakit sa anak.
Tumayo ako sa harap nila.
"Diego... paki-usap... "
Umiling ako. "Tama na po... kahit anong paki-usap pa ang gawin ninyo, walang mangyayari. Narinig n'yo
naman ang sinabi ng asawa ko. Umalis na po kayo... at 'wag na sana kayong bumalik. Wala na kaming
magagawa para sa anak ninyo. "
Matamlay na tumayo ang mag-asawa. Bagsak ang mga balikat at mabagal ang mga hakbang palabas ng
pinto. Muli pa silang sumulyap sa akin.
Alam kong kabastusan ang ginawa naming pagtaboy sa kanila. Pero sana naisip nila, kung nasasaktan
man sila ngayon dahil sa nangyari sa anak nila. Mas doble ang sakit na nararamdaman namin. Pinaalala
na naman nila ang napagdaanan naming hirap sa kamay ni Romeo.
Patakbo akong umakyat ng hagdan, pag-alis ng mga magulang ni Romeo.
"Asawa ko... " tawag ko sa kaniya.
Takip ang unan sa mukha niya at wala man lang tugon sa pagtawag ko, ni kunting galaw man lang wala.
Lumapit ako at humiga sa tabi niya. "Asawa ko..." malambing kong tawag, kasabay ang yakap sa kaniya
mula sa likod.
"Iwanan mo muna ako, Di, please! Gusto ko munang magpag-isa." malamig ang tuno ng boses niya.
Parang kinurot ang puso ko. Pero naiintindihan ko ang nararamdaman niya. Kung nasasaktan man ako
ngayon, mas lalo na siya.
Walang imik na tumayo ako at lumabas. Pero sumandal lamang ako sa gilid ng pinto. Hindi ako lumayo.
Hindi ko siya iiwan. Kahit itaboy niya ako ng paulit-ulit. Dito lang ako, maghihintay hanggang sa humupa
ang galit niya.
Mabuti na lamang talaga at hindi ko sinabi sa kaniya ang sinabi ni Nelson noon sa isla. Kung nagkataon,
kami sana ang nagkaproblema.
"P're, si Romeo... nilipat sa psychiatric hospital." simula ng salaysay niya.
Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon no'ng marinig ang balitang iyon. Hindi ko alam ang
sasabihin ko.
"Hindi inaasahang magkita kami ng mga magulang niya, noong pinuntahan ko si Jane sa ospital. Nakaconfine si Romeo do'n. Ilang beses na raw pinagtangkaan ang sariling buhay. Laging bukam-bibig si Via.
P're gusto nilang kausapin ang asawa mo. Gusto nilang humingi ng tulong para sa anak nila. Baka si Via
lamang daw ang mapagpakalma kay Romeo."
Mapaklang tawa ang tugon ko kay Nelson noon. Makapagpakalma... hibang ba sila. Hindi nga nagawa ng
asawa ko na mapakalma ang tarantadong iyon noong matino pa ang pag-iisip niya. Ngayon pa kaya na
tuluyan na itong nabaliw.