Chapter 3 A Mother's Pain
"Bakit? May kaibahan ba, Jerome?" basag ang boses na sigaw ng kaniyang ina. Ang kaninang blangkong mukha nito'y napalitan ng lungkot at napuno ng mga luha.
"Magmula ng araw na iyon, pinatay mo na ang sarili mo. Hindi na kita kilala! Sobrang laki ng pinagbago mo. Alam naman natin pareho na wala kang kasalanan, kaya bakit mo pinaparusahan ang sarili mo?"
Walang nagawa ang dalawang matanda kun'di ang panoorin ang mag-inang maglabas ng sama ng loob sa isa't isa. Alam nila ang plano ng kanilang anak, wala silang pagtutol dito dahil alam nilang para ito sa ikabubuti ng kanilang apo at sa ikatatahimik ni Jerson.
Mapangutyang napangisi ang binata. Marahas niyang pinahid ang luha at pinatigas ang ekspresyon ng kaniyang mukha.
"Pwede ba, ma, huwag kayong magpanggap na para bang kilalang-kilala niyo ako dahil simula ng magkasakit si Jerson at mamatay si papa, wala na kayong ibang nakita kun'di ang kakambal ko, lahat kayo puro Jerson! Ako? Ako mismo ang nagpalaki sa sarili ko. Parusa? Hindi ko pinaparusahan ang sarili ko ma! Ito ang tunay na ako!"
Binalewala ng ginang ang mga salitang binanggit ng binata. Totoong kay Jerson niya binaling ang halos lahat ng atensiyon niya, ngunit hindi ibig sabihin na wala siyang pakialam kay Jerome. Sinusubaybayan niya ang anak ng palihim kaya kilalang-kilala niya ito taliwas sa sinasabi ng binata.
"Kahit anong sabihin mo, itanggi mo man ng paulit-ulit, kita ng dalawang mata ko ang epekto ng maling paratang na iyon sa'yo. Hindi mo alam kung gaano kasakit sa akin na makita kang unti-unting binabago ng mga masasakit na salita ng mga taong wala namang alam sa tunay na nangyari. Jerome, hindi na ikaw 'to."
Dahan-dahang lumapit ang ina. Maingat niyang hinawakan ang mga kamay ng anak.
"Hindi ka masaya anak at hindi ka magiging masaya hanggang nakadikit sa pangalan mo ang salitang kriminal. Mabuhay ka bilang si Jerson at kalimutan na natin ang nangyari. Sa ganoong paraan lang babalik sa normal ang buhay natin."
Marahas na binawi ng binata ang mga palad.
"At ano, ma? Magpanggap na perpekto? Perpektong anak, apo, estudyante, perpektong tao? Sa tingin niyo magiging masaya ako do'n? Mas magiging miserable lang ang buhay ko! Kalimutan? Sige, kalimutan natin! Ang ibang tao ba ma makakalimot din kapag ginawa natin iyon? Malilimutan ba nila ang pagmumukhang 'to? Mga taong hindi alam ang tunay na nangyari? Kayo ba ma alam niyo? Gaano kayo kasigurado na lahat ng sinabi ko sa inyo totoo?"
Natahimik ang ginang.
"Hindi buo ang tiwala niyo sa akin. Nagdududa kayo."
"Oo, nagdududa ako! Sa puntong 'to kung kailan paniwalang-paniwala na silang ikaw ang pumatay sa baklang iyon, paano mo patutunayang inosente ka? Bukod sa naiisip kong paraan, may naiisip ka bang iba para maibalik sa normal ang buhay mo, ang buhay ko at buhay ng buong angkan natin? O, mas gusto mong mabuhay habangbuhay na nakadikit sa pangalan mo ang katagang kriminal! Hindi ka ba napapagod?"
Natahimik si Jerome. Ayaw niya. Ayaw na ayaw niya. Pagod na pagod na siya. Pero, hindi pa siya gano'n kadesperado para talikuran ang tanging bagay na nagbibigkis sa tunay na siya.
Huminga nang malalim ang ginang para pigilan ang sariling makapagsalita ng mga bagay na hindi niya sinasadya.
"Ang akin lang anak, bumalik ka, tayo sa dati at ang paraan lang na nakikita ko para maging posible iyon, ay ang gamitin mo ang pangalan ni Jerson. Kahit bitbitin mo lang ang pangalan niya, wala na akong pakialam kung anong klase ng buhay ang landasin mo. Ipangako mo lang na sa pagkakataong 'to, mas magiging ingat ka upang hindi na maulit ang kamalasang iyon."
"Ang dami mong satsat, ma! Ang sabihin mo sawang-sawa ka nang mag-alaga ng anak na kriminal!"
Tuluyan ng napigti ang pisi ng pasensiya ng ginang at nagawa ang bagay na ayaw niyang mangyari.
"Oo! Sawang-sawa na ako! Sawang-sawa na akong mabuhay bilang ina ng kriminal! Sa tingin mo ba ikaw lang ang apektado? Buhay mo lang ang apektado? Buhay mo lang ang nagbago? Hindi! Pati buhay ko, buhay naming buong pamilya mo at buhay ng lahat ng mga taong konektado sayo! Kapag lumalabas ako, hindi ko magawang iangat ang ulo ko dahil sa hiya! Hindi mo alam kung gaano kasakit sa isang ina ang matawag na pabaya at walang kwenta! Kapag tinatanong ako ng kung sinong ponchopilato kung paano ko kayo pinalaki, kung paano magpalaki ng kriminal, wala akong maisagot! Isa iyong napakalaking insulto sa akin. Hindi pa ba sapat ang pagtitiis ko sa loob ng dalawang taon? Hirap na hirap na ako, Jerome! Hirap na hirap na ako! Hindi ko naman 'to ginagawa para sa akin lang, ginagawa ko ito para sa buong pamilya natin lalong-lalo na para sa'yo! Ayaw mo bang bumalik sa normal ang mga buhay natin?"
"Ma, kaya naman nating maging masaya na hindi ako nagpapanggap na ibang tao!"
"Sige, sabihin mo nga, paano? Paano! Hanggang bitbit mo ang isinumpang pangalan na iyan, hinding-hindi tayo magiging masaya! Hindi kahit kailan! "
Nilagpasan niya ang ina at pumanhik paitaas ng hagdan. Wala ng silbi ang makipagtalo pa sa ginang. Kahit anong sabihin nila, hindi nila makukumbinsi ang isa't isa. Mas lalo lang lalalim ang mga sugat na dati'y peklat na lamang.
"Napakabastos! Saan ka pupuntang bata ka? Kinakausap pa kita! Bumalik ka dito!"
Mabilis na lumapit ang matandang mag-asawa upang pakalmahin ang kanilang anak.
"Hayaan mo na," bulong ng babae.
Tumigil si Jerome at nakangiting humarap sa ina.
"Ma, magiging masaya ako. Gagawin ko ang lahat para mangyari iyon. Kaya, gawin niyo rin kung ano sa tingin niyo ang makapagpapasaya sa inyo. Wala kayong maririnig sa akin."
"Ang makapagpapasaya lang sa akin ngayon ay ang pagsang-ayon mo na mabuhay bilang si Jerson. Kalimutan mo na ang pangalan mong walang ibang dinala sa pamilya natin kun'di kamalasan at kahihiyan," malamig nitong turan at naglakad palabas ng bahay.
Pinagmasdan ng binata ang unti-unting paglalaho ng likod ng kaniyang ina. Ipagpapatuloy na sana niya ang pag-akyat sa kwarto, nang aksidenteng magtama ang kanilang mata ng kaniyang lola. Nginitian niya lang ito ng peke at tumuloy na. Pilit niyang pinipigil ang pagtulo ng kaniyang mga luha dahil sa masasakit na salitang sinambit ng ina.
Ibinagsak niya ang katawan sa malambot na kama at agad na ipinikit ang mga mata. Nagbabakasakaling maaalis ng tulog ang sakit na kaniyang nararamdaman.
Hindi pa man nag-iinit ang kaniyang likod sa kama'y sunod-sunod na nag-vibrate ang telepono niyang nakapatong sa bedside table senyales na may natanggap siyang mensahe. Agad niya itong inabot.
"Mukhang kailangan ko na namang magpalit ng sim card," puno ng panghihinayang niyang sabi bago buksan ang mensaheng natanggap.
"Mamatay ka na!" basa niya dito.
Mapait siyang ngumiti.
"Senyales na ba 'to?"
Napabuntong-hininga siya at mabilis na in-off ang telepono, tinanggal ang sim card at itinapon na lang basta. Iyon na ang ika-sampu niyang sim card ngayong buwan. Hindi niya talaga lubos maisip kung paano nalalaman ng mga taong iyon ang numero niya.
Muling ipinikit ni Jerome ang mga mata hanggang sa tuluyan siyang lamunin ng kadiliman.
...
"Ma, mali ba ako?" umiiyak na tanong ng ina ni Jerome sa matandang katabi. "Gusto ko lang naman siyang mapabuti eh at tuparin ang hiling ni Jerson. Mali ba iyon?"
"Shhh! Hindi. Pero sana, sinabi mo kay Jerome ang tungkol sa hiling ng kapatid niya. Alam mo naman kung gaano kalapit ang kambal mo sa isa't isa, hindi ba? Hindi iyon magdadalawang-isip kung alam niyang kagustuhan iyon ng kapatid niya. Isa pa, karapatan niya iyon."
"Paano ko sasabihin ma? Paano? Ayaw kong isipin niya na hanggang sa huli kapakanan pa din ni Jerson ang inuuna ko. Masasaktan na naman siya."
Mahigpit siyang yinakap ng ina at marahang sinuklay ang kaniyang buhok gamit ang mga daliri nito.
"Mas makakabuting ibigay mo na lamang sa kaniya ang diary ni Jerson. Hayaan mong siya mismo ang makabasa sa huling hiling niyang iyon. Hayaan mo siyang magpasya."