Chapter 5 His Last Wish

"Jerson?"

Wala sa sariling humarap si Jerome sa direksyon ng taong tumawag sa pangalan ng kakambal. Bumungad sa kaniya ang isang babaeng mukhang nasa mid-forties na ang edad, hanggang leeg ang kaniyang itim na itim at makintab na buhok na may mangilan-ngilang puti. Nakasuot ng magarang damit at kita sa itim nitong sasakyan ang estado nito sa buhay.

"Si-sino po kayo?"

Mapait na ngumiti ang ginang.

"Mukhang totoo ngang wala na siya," sambit niya na hindi umabot sa mga tenga ni Jerome. Bakas sa kaniyang tinig ang kalungkutan. Agad niya itong binura at ngumiti. Inilahad ang kamay sa binatang kaharap.

"Sabihin na lang nating, kaibigan ako ni Jerson. I'm Maru Izakawa."

Nag-aalinlangan man, tinanggap ng binata ang kamay ng ginang.

"Jerome po."

"Kamukhang-kamukha mo siya, si Jerson," bigla nitong bulalas. "Kambal kayo?"

Tumango lang si Jerome. Sandali silang yinapos ng naka-i-ilang na katahimikan, nang basagin ito ng ginang.

"Jerome, I need to talk to you about something. Busy ka ba?"

"Hindi naman po."

"Iho, ito." Inabot sa kaniya ng tindera ang kaniyang mga pinamili.

"Sandali lang po," paalam niya sa ginang.

"Bayad po. Salamat."

"Salamat din, iho."

Mabilis siyang bumalik paharap sa ginang.

"Tungkol saan po ba ang pag-uusapan natin?"

Inilibot ng ginang ang mga mata sa paligid, nang mapansin ito ng binata, sinundan niya ang mga tingin ng ginang.

"I think it's not a good idea to talk here. Malapit lang ang bahay niyo 'di ba? Doon na tayo mag-usap," suhestiyon niya.

"Tama po kayo. Sumunod po kayo sa akin," sabi niya at nagsimulang maglakad habang nakayuko.

"Ah, Jerome."

Tumigil siya at humarap sa ginang.

"Po?"

Tinuro ng ginang ang sasakyan at agad niyang naiintindihan ang ibig sabihin nito.

"Hindi na po—"

"No, I insist. Don't worry, hindi ako masamang tao. Wala akong gagawing masama sa'yo. I know you shouldn't trust strangers but please trust me."

Nakita ni Jerome ang walang tigil na paggalaw ng mga labi ng mga tao sa kaniyang paligid, kaya kahit natatakot man, mas pinili niyang sundin ang suhestiyon ng ginang.

...

Kanina pa naglalakbay ang utak ni Jerome sa balitang napanood niya kanina. Sapat na ba ang post na 'yon upang mapatunayang inosente siya? Sapat na ba 'yon para muling bumalik sa normal ang buhay niya?

Napatingin siya sa labas ng kotse. Nahagip ng kaniyang paningin ang grupo ng mga kabataang masayang nagtatawanan. Ingit. Iyon ang makikita sa kaniyang mga mata. Nang ang mga ito'y mawala, ibinalik niya ang tingin sa harap.

Hindi siya makapaniwalang nagawa iyon ni Reina. Kung nagkatawang-tao ang kaduwagan, walang dudang si Reina iyon. Walang 'ni katiting na katapangan sa katawan ang dalaga, kaya't nagdududa siya. At bakit ngayon pa, ngayon pa kung kailan sirang-sira na ang buhay niya? Ngayon pang tinanggap na niyang kapalaran niya ang mamuhay karugtong ang katagang kriminal. Noon niya kailangan ang pagtestigo niya, pero hindi nito ginawa. Bagkus ay nagtago. Sobra-sobra ang pagsisisi niyang tinulungan niya ang dalaga at ang kuya nito. Nagsisisi siyang nakilala niya ang dalawa, dahil kung hindi nagtagpo ang kanilang mga landas, sigurado siyang wala siya kasulukuyang sitwasyong kinasasadlakan niya. Pero, may mabuting bunga din naman ang pangyayaring iyon. Dahil dito, nakilala niya ang mga taong totoong nagmamalasakit sa kaniya.

Ang mundo niyang nilamon ng kadiliman ay nagkaroon ng munting liwanag dahil sa post na iyon. Pag-asa. Pag-asang babalik pa sa dati ang buhay niya. Buhay na hindi siya tinatawag na kriminal. Buhay kung saan pwede siyang makapaglakad sa kalye ng taas-noo.

"Patay na si Jerson, tama?"

Natigilan si Jerome at gulat na napatingin sa ginang. Sandali siyang nag-isip kung dapat niya bang sagutin ng tapat ang katanungan na iyon. Mali, hindi iyon katanungan, isa iyong kompirmasyon. Ayaw niya sanang magsabi ng totoo sapagkat kinokonsidera pa din niya ang suhestiyon ng ina sa kabila ng pag-asang babalik na ulit ang buhay niya sa normal, subalit nararamdaman niyang malapit ang ginang sa kaniyang kakambal at isa pa, walang kasiguraduhang babalik pa nga talaga ang buhay niya sa dati, lalo pa't maimpluwensiya ang pamilyang nasa likod ng paghihirap niya, kaya sigurado siyang hindi magiging madali ang lahat. Minsan na nilang namanipula ang katotohanan, kayang-kaya nilang gawin ulit iyon. Kaya, marahan siyang tumango.

"Condolence. Are you two close?"

"Uhm."

"Does it mean na, alam mo ang lahat tungkol sa kaniya?"

Agad na tumango si Jerome ng walang pag-aalinlangan.

"Are you, sure?" nakangiting saad nito.

Natigilan ang binata. Sa tono ng pananalita ng ginang, tila ba may alam ito na hindi niya alam. Saglit siyang nagduda at tinanong ang sarili kung alam nga ba niya ang lahat ng tungkol sa kapatid. Pero sa huli, nagtiwala siya sa tibay ng kanilang relasyon at tumango.

"Ganoon ba?" sabi nito na tila hindi kumbinsido.

Pareho silang tumahimik at itinuon ang pansin sa labas ng bintana.

...

Malakas na bumukas ang pintuan ng tahanan nina Jerome at iniluwa ang kaniyang ina dahilan para halos mapatalon sa gulat ang Lola ng binatang tahimik na nanonood ng telebisyon. Halata sa mukha ng ina ni Jerome ang saya. Dali-dali siyang lumapit sa matanda.

"Napanood niyo ba, ma? Napanood niyo ang balita kanina?"

"Oo naman," masayang bulalas ng matanda.

"Si Jerome, ma?" Agad siyang tumayo at inakyat ang hagdan upang magtungo sa kwarto ng anak.

"Wala siya dito sa bahay. Lumabas siya kanina."

Dahil sa sinabi ng matanda, napatigil ang ina ni Jerome. Napatingin siya sa labas ng marinig ang pagbukas ng gate nila. Dali-dali siyang lumabas. Napangiti siya ng makita ang anak na naglalakad papasok, ngunit naglaho iyon ng makita ang babaeng nasa likod ng binata.

"Maru?" bakas sa boses niya ang pagkadisgusto sa ginang.

Nagulat si Maru ng makita ang ina ni Jerome subalit agad iyong napalitan ng sarkastikong ngiti. Agad niyang naiintindihan ang sitwasyon.

"Iba talaga maglaro ang kapalaran, 'no, Lyllet?"

...

"Magkaibigan ho ba sila?" tanong ni Jerome sa kaniyang Lola. Nakatayo silang tatlo—siya, ang kaniyang lolo't lola—sa hamba ng pinto, nakamasid sa dalawang ginang na kanina pa nagsusukatan ng tingin. Magkaharap na naka-upo ang dalawa sa kahoy na upuan sa bakuran, sa gitna nila ay kahoy na lamesa.

"Oo, dati. Ano bang tawag do'n? Ah! Best friend! Mag-bestfriend silang dalawa, pero nang mamatay ang papa mo, pinutol na din nila ang kanilang pagkakaibigan."

Bago niya pa man maitanong kung anong ibig sabihin ng kaniyang Lola, sinagot na ito ng kaniyang Lolo.

"Asawa niya ang nagmamaneho ng truck na bumangga sa Papa mo," walang emosyon nitong wika. Naikuyom ni Jerome ng mariin ang kaniyang kamao at masamang tinitigan ang ginang. Marahil naramdaman nito ang matalim niyang mga titig, lumingon ito sa kaniya at siya'y nginitian dahilan para naikuyom niya din ang mga ngipin upang pigilan ang nagngingitngit niyang kalooban.

...

"Hindi mo man lang ba ako aalukin ng kahit tubig, bisita mo ako."

"Hindi kita inimbita at kahit kailan hindi ko babalakin. Anong sadya mo?" nakahalukipkip niyang sabi at sumandal.

"Fine. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa," may kinuha siyang piraso ng papel sa mamahalin niyang wristlet at dahan-dahang ini-slide sa mesa palapit kay Lyllet.

"Ano ito?" tanong niya habang kinukuha ang papel. "Address namin?"

"Ibinigay sa akin iyan ni Jerson no'ng huli kaming nagkita. He told me that, there is someone here that could fulfill his promise," may lungkot sa boses niyang sabi at tumingin sa direksyon ni Jerome. Nginitian niya ito, ngiting para talaga kay Jerson.

"Promise? Don't tell me, mama ka ng boyfriend niya?"

"Uhm. Nagulat din ako kanina nang makita kita. Who would've thought na tadhana na mismo ang kusang tutupad sa ipinangako natin dati without us knowing. Remember—"

"Stop it. Wala akong oras para mag-reminisce ng nakaraan natin."

Napabuntonghininga na lamang si Maru.

"Alam ko ang tungkol sa pangakong iyon ng anak ko. Huwag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para kumbinsihin siya, pero, kung ayaw niya talaga, hindi ko siya pipilitin."

"Dahil ba—"

"Hindi, hindi dahil sa galit ako sa'yo lalo na sa asawa mo, kun'di dahil nirerespeto ko ang desisyon niya. Buhay niya, pagpapasiya niya, responsibilidad niya, at pananagutan niya. Pareho tayong magulang, Maru, mga ina. Alam kong naiintindihan mo ang ipinupunto ko."

"He doesn't know about it, right? His brother's last wish."

Bumuntonghininga lamang si Lyllet at tumayo.

"Makakaalis ka na."

Kinuha ni Maru sa kaniyang bag ang cheke at ballpen, pero sa halip na halaga ng pera, pangalan ng ospital at room number ang isinulat niya.

"If ever, na sana, makumbinsi mo siya, nandiyan kami."

Tinanggap ni Lyllet ang nakalahad na papel at tumalikod.

"Hindi na ba talaga pwedeng maibalik ang dati?" tanong ni Maru na nakapagpatigil sa kaniya.

"Kung maibabalik mo ang buhay ng asawa ko, pwede," malamig na turan ng ina ni Jerome at muling humakbang.

"Aksidente ang nangyari, Lyllet," napabuntong-hininga si Maru. "Patuloy pa rin akong aasa. Hindi man ngayon, o sa susunod na bukas, maghihintay ako hanggang sa dumating ang araw na mapatawad mo kaming mag-asawa sa kasalanang hindi naman namin sinadya."

Nagpatuloy lamang si Lyllet sa paglalakad papasok ng bahay habang pinagmamasdan ni Maru ang papalayong likod ng dating matalik na kaibigan.

'Sana nga dumating ang araw na iyon, Maru.'

...

Napatigil si Jerome sa pagbubukas ng kaniyang laptop ng makarinig ng mahihinang katok sa pinto ng kaniyang silid. Balak niya sanang hanapin ang post na tinutukoy sa balita kanina.

"Maaring bang pumasok?" tanong ni Lyllet.

"Pasok po kayo, Ma."

Agad naagaw ng isang dilaw na notebook, na dala-dala ng kaniyang ina, ang atensiyon ni Jerome. Kumunot ang kaniyang noo ng iabot nito ito sa kaniya.

"Ano po ito?"

"Diary ni Jerson. Basahin mo ang pinakahuling pahina, para sa'yo iyon."

Dumulas ito sa kaniyang kamay ng tinanggap niya ito at bumukas sa mismong pahinang gustong ipabasa ng kaniyang ina.

"Bakit? Bakit hindi niyo agad sinabi sa akin 'to?" tanong niya habang walang tigil na lumalandas ang mga luha sa kaniyang pisngi.

"Kasi ayokong isipin mo na hanggang sa huli, kapakanan pa rin ni Jerson ang iniisip ko. Ayaw kong saktan ka pa lalo. Hahayaan kitang magdesisyon. Kahit ano man ang maging pasya mo, tatanggapin namin ng buo.