Chapter 9 Surge of Memories
Pikit-matang humihikab si Jerome habang tinatahak niya ang daan patungong kusina kung saan niya naririnig ang maya-mayang kalansingan ng mga metal at ang sagitsit na nililikha ng kung anong ipiniprito.
Sa kaniyang harapan, nagpamalas ang isang eksenang hindi niya inaasahan dahilan para gumuhit ang malapad na ngiti sa kaniyang labi. Bumagal ang takbo ng oras, kitang-kita niya bawat galaw ni Jhasphere. Nakatalikod ito sa kaniya habang abala ito sa pagluluto, nakasuot siya ng apron na may pink na tali. Kumikinang siya. Literal, dahil sa liwanag ng araw na pumapasok mula sa salamin na bintana. Sobrang linis at ayos ng buong paligid, kahit isang kalat wala. He is smiling widely. Halatang nag-e-enjoy siya sa ginagawa. Walang alam sa pagluluto ang binata. Pero sinusubukan niya. Mas lalo pa tuloy lumawak ang ngiti sa labi ni Jerome.
Pero, ang katotohanan ay sadyang malupit. Sobrang layo ng imahinasyon ni Jerome sa reyalidad. Sobrang kalat ng buong kusina. Nagkandahalo-halo na ang iba't ibang tinalupang gulay. Ang mga balat naman ng mga ito'y nagkalat sa sahig at sa lababong puno ng mga hugasin, sunog na pagkain at mga plastic bags. Daig pa ni Jhasphere ang isang mandirigma, ang kaniyang espada ay sandok at ang kalasag nama'y takip ng kaldero, panangga sa nagtatalsikang patak ng mantika. Tagaktak na ang pawis ng binata. Damang-dama ni Jerome ang paghihirap ni Jhasphere.
Naiiling siyang ngumisi. Tahimik siyang lumapit sa kinaroroonan ng kasintahan. Yinakap niya ito mula sa likod at pinatay ang stove gamit ang isa niyang kamay.
"Morning." Maiksi niyang bati.
Nagulat man, agad na sumagot si Jhasphere.
"Good morning," nakangiti niyang turan at puno ng sigla.
Dahan-dahan siyang humarap kay Jerome at ngumiti ng matamis. Magnanakaw sana siya ng halik, pero mabilis na natakpan ni Jerome ang sarili niyang labi gamit ang kaniyang palad at umiling.
Kumunot ang noo ni Jhasphere.
"Bakit?"
"Hindi pa ako nakakapag-toothbrush o nakakapagmumog man lang."
Napangisi ang binata at maingat na tinanggal ang kamay na nakatakip sa labi nito.
"Wala akong pakialam," naka-ngiti niyang sabi matapos halikan ng mabilis si Jerome. Walang kahit na sino ang makapagpapaliwanag kung gaano kasaya si Jerome ng mga sandaling iyon. Pakiramdam niya'y kompleto na siya. Ang pagmamahal na ipinagdamot sa kaniya ng mga magulang at kamag-anak ay ibinigay sa kaniya ng lalaking kaharap nang walang pag-aalinlangan. Siya ang bumuo sa kaniya na hindi niya maiwasang matakot sa kaisipang panandalian lang ang lahat. Ang saya, ang tamis, ang relasyon nila. Mahal niya siya at alam niyang mahal din siya ni Jhasphere. Pero, hanggang kailan? Batid niyang sa mga tulad niya na nabibilang sa ikatlong kasarian, hindi umiiral ang salitang panghabang-buhay sa isang relasyon. Darating at darating ang araw kung kailan matatapos ang lahat. Ang tanging magagawa lang niya ay sulitin ang bawat segundong magkasama sila.
"Nagluluto ka?" tanong niya habang pinupunasan ang pawisang mukha ng binata gamit ang kaniyang dalawang palad.
"Hindi ba halata?" natatawang wika ni Jhasphere.
"Naninigurado lang." Nakatingkayad na sinuklay pataas ni Jerome ang buhok ni Jhasphere gamit ang dalawang kamay. Pagkatapos, ipinulupot niya ang mga braso sa leeg ng binata. "Para kasing mas nagkakalat at nagsusunog ka kesa nagluluto," turan niya habang nakasilip sa kalat na nasa likod ng kasintahan.
Inipit ni Jhasphere ang pisngi ni Jerome sa pagitan ng kaniyang dalawang palad hanggang sa mapanguso siya.
"An'sama mo." Minasahe niya ito nang marahas at ninakawan ng halik sa labi bago niya pinakawalan ang namumula ng pisngi nito. "Ayan. Okay na. Pinapatawad na kita."
Kunot ang noo at matalim ang mga titig na ipinupukol ni Jerome kay Jhasphere.
"Bakit?" natatawa niyang saad.
"Ang sakit!" sigaw niya at minasahe nang marahan ang kaniyang mga pisngi. Tinawanan lang siya ng binata.
"Diyan ka lang. Huwag kang gagalaw. Maghihilamos lang ako. Tulungan na kita sa pagluluto baka mamaya hindi lang ang pagkain ang masunog mo kun'di itong buong bahay. Diyan ka lang!" Hindi na hinintay pa ni Jerome ang sagot ni Jhasphere. Agad siyang tumalikod at tinahak ang daan papuntang banyo.
Tumayo ng tuwid si Jhasphere habang ang mga braso'y nakadikit sa kaniyang katawan at sumaludo.
"Yes, ma'am na may lawit!"
"Siraulo!" natatawang pahabol na sigaw ni Jerome dahilan para humagalpak ng tawa si Jhasphere.
Bakla si Jerome. Iyon ang sikretong ayaw niyang malaman ng kahit sino sa kaanak niya. Para sa kaniya mas katanggap-tanggap ang kamuhian nila siya dahil sa asal-kalye niyang ugali kesa sa kung ano ang kasarian niya. Kaya hangga't kaya niyang itago, patuloy siyang magpapanggap na masamang tao hindi lang makita sa mga mata nila ang pagkadismaya.
...
"Ano bang lulutuin natin?" tanong ni Jhasphere kay Jerome na naghuhugas ng mga kamay.
"Ang tanong," wika niya habang iwiniwisik ang mga daliri, "may laman pa ba ang ref na pwedeng mailuto? Inubos mo na 'ata eh."
Binuksan niya ang ref na nasa tabi lang niya at gaya ng kaniyang inaasahan halos simot na ang laman nito. Wala na siyang ibang makita kun'di tubig. Liban sa isang balot ng karne ng baboy sa ibaba.
"Adobo?"
"Okay. So, anong first step?"
"Cooking show lang?" natatawa niyang saad. Inabutan niya siya ng isang buong bawang at sibuyas. "Hiwain mo ang mga 'yan."
"Uubusin ko itong bawang?" tanong niya na tila hindi makapaniwala.
"Oo. Okay lang 'yan. Baka nga kulang pa iyan eh. Narinig ko kasi dati na kapag mas marami daw 'yong bawang mas masarap daw 'yong adobo. Wala naman masama kung ita-try natin, 'di ba? Malay mo totoo."
Nagtaas lang ng balikat si Jhasphere. "Okay." Hinawi niya ang mga kalat sa countertop gamit ang kaniyang maskuladong braso. Nilinis ang tadtaran at sinunod ang inutos ni Jerome subalit natigilan ng may maalala.
"Teka nga." Umayos siya nang tayo at humarap kay Jerome. "Hindi ba, hindi ka rin nagluluto?"
"Hindi nga!" Mabilis niyang sabi kasabay ng pagharap niya kay Jhasphere. "Kaya nga hihingi tayo ng tulong kay kuya Google. Pahiram ako ng phone mo." Inilahad niya ang dalawang kamay at nag-puppy eyes. Na-iling na lang si Jhasphere habang kinukuha niya sa kaniyang bulsa ang kaniyang cellphone.
"Ito oh. Ba't 'di na lang ang cellphone mo ang gamitin mo?" Bumalik siya sa ginagawa.
"Nasa taas. Nakakatamad kunin. Ba't ba? May itinatago ka bang baho dito? Porn? Oh my! May babae ka 'no?"
Ngumisi so Jhasphere.
"Parehong meron. Nandiyan sa gallery. Check mo."
Masamang tinitigan ni Jerome si Jhasphere. Binuksan niya ang cellphone ng binata at tumambad ang lockscreen nitong close up photo ng natutulog na siya. Tulo-laway pa. Hindi tuloy maalis-alis ang nang-aasar na ngiti sa labi ni Jhasphere.
"Ba't ba ito ang lockscreen mo? Wala bang iba? Iyong maganda sana. Para ka namang tanga."
Tumawa lang si Jhasphere.
Nang i-unlock niya ito, tumambad naman ang litratong nakahiga sila sa court suot ang kaniya-kaniya nilang jersey. Parehong naka-ngiti ng malapad habang nakatingin sa camera.
"Tingin-tingin mo?"
"Wala!" pasigaw niyang sabi na pilit nilalabanan ang mga ngiti. Mabilis niyang hinanap ang gallery. Ang laman nito ang naging dahilan upang tuluyang manaig ang mga ngiting kanina niya pa pinipigil. Maraming folders, pero dalawa ang kapansin-pansin. Ang folder na, "The Woman I Loved the Most" at "The Person I Loved the Most" na parehong may higit sa isanglibong mga larawan, ang mama niya at si Jerome.
"Kinilig ka?"
"Bato lang ang hindi kikiligin. Hindi naman ako bato."
"Hindi nga! Pero 'singtigas ng bato ang ulo mo!"
"I love you," seryoso niyang sabi. "Kinilig ka?"
"Well, hindi rin naman ako bato," sabay silang tumawa. "Ano na ba kasing sunod?"
"Saglit lang. Ikaw kasi ang dami mong alam."
"Parang ikaw hindi. Sige nga, paano ka nakakasiguradong may bawang at sibuyas ang adobo?"
Tumigil sa pag-scroll si Jerome.
"Hindi lang naman ako puro kain. Inaalam ko din kung ano ang ingredients na ginamit 'no, baka mamaya tao na pala ang kinakain ko. Isa pa, nakikita ko kapag nagluluto si mama."
...
"Pagsabay-sabayin na natin," suhestiyon ni Jhasphere. "Okay lang naman siguro 'yon 'no?"
"Sigurado ka?"
"Ba't ako tinatanong mo? Ikaw iyong nagbasa 'di ba?"
"Ewan. Sige na. Ilagay mo na lahat."
Matapos nilang igisa ang bawang at sibuyas, inilagay na nila lahat ng sangkap ng adobo.
"Gaano ba karami ang ilalagay na toyo't suka?"
"Tantiyahin mo na lang."
"Paano 'yon?"
"Ako na nga."
Hinablot niya ang bote ng toyo't suka at basta-bastang binuhos ang laman nito.
"Okay na siguro iyon 'no?"
"Okay na 'yon."
Nang kumulo, sabay nila itong tinikman. Napatingin sila sa isa't isa at humalakhak. Hindi sila makapaniwalang masarap ang kinalabasan, medyo maalat pero pwede na..
...
"It's amazing how a single dish could bring back a lot of memories," bulong ni Jerome na may mapait na ngiti sa labi habang nakamasid sa adobong baboy na kasalukuyang kumukulo.
"May sinasabi ka?" tanong ni Jhasphere matapos tikman ang niluluto. Hinalo niya ito bago tinikpan at humarap sa katabi.
"Wala." Buntong-hininga niyang sabi. "Tanggalin mo nga 'tong posas! Paano tayo kakain? Subuan?"
Nakangising tumango si Jhasphere.
"Jhasphere!"