Matalim na tiningnan nina Cynthia at Jenna si Fiona. Nasa gym sila at pawis na pawis ang dalawa habang siya ay prenteng umiinom ng soft drink.
“Ano?” tanong niya sa mga ito nang patay-malisya.
Hinagod siya ng tingin ng dalawa. “Seriously, best? Akala ko ba tubig na lang ang likido na iniinom mo, ha?” sumbat ni Jenna sa kanya.
“Eh… ‘di ko nga kasi mapigilan ang sarili ko. Ba’t kasi may nagtitinda diyan sa tapat ng gym? Dapat ‘yong healthy lang ang tinitinda nila. Kita nga nilang may gym dito, eh. Para silang regular na tukso, ano?” palusot niya. Alam niyang mali pero kasi hindi niya mapigilan ang simbuyo ng nakakauhaw na soft drink kaya nagpatukso talaga siya.
Inagaw ni Cynthia ang soft drink mula sa kanya at itinapon iyon sa pinakamalpit na basurahan. Hinila naman siya ni Jenna para patakbuhin sa treadmill. Suot niya ang white jogging pants, white shirt, at black shoes. Samantalang ang dalawa ay naka-yoga pants at sports top na pinaresan ng sneakers. Ang ganda naman talaga ng kurba ng katawan ng mga ito. Sa katunayan ay ang daming kalalakihang nakatitig sa mga ito. Ang manyak tingnan. Eh, siya? Para siyang bariles. Kung may tititig man sa kanya ay hindi maganda iyon. Hindi paghanga kundi panlalait.
Nagpatuloy na lang siya sa pagtakbo sa treadmill. Hindi niya nakaligtaan ang paghikayat ng pinsan at kaibigan niya para maging suporta niya sa kanyang ginagawa.
“Hayan, best. Go ka lang, okay?” pampalakas-loob sa kanya ni Jenna.
Napansin pa rin niya ang pasulyap-sulyap na mga kalalakihan sa gawi nila. Batid naman niyang sa dalawang kasama niya nakatingin ang mga ito mula noon hanggang ngayon. Napabuga na lang siya ng hangin habang tumatakbo sa treadmill. Ilang buwan na rin silang ganito pero wala pa ring pagbabago sa timbang niya. Kumislot tuloy ang mukha niya na napalingon saglit sa kaibigan niyang tumatakbo na rin sa treadmill sa kaliwa niya habang ang pinsan ay nasa kanan niya.
“Parang gusto ko nang sumuko, best, Ate,” aniya sa mga ito na humahangos. Parang natutuyuan na siya ng lalamunan at pawis na pawis na siya. Nakadikit sa malaking katawan niya ang suot. Pati buhok niya ay basa na rin sa pawis.
“What?” anang Cynthia.
“Ano?” sabay namang bulalas ni Jenna.
Pinindot niya ang button sa LED display ng treadmill para pabagalin ang takbo nito at naglalakad na lang siya. Humawak siya sa safety handrail para hindi mangudngod. Baka mamaya ay mauna pa ang nguso niya. Pakiramdam niya rin kasi ay nanghihina na ang mga tuhod niya at hapong-hapo na ang kanyang mga hita at paa. Bukod pa roon ay pakiramdam niya lumalaki ang legs niya.
“Lumaki lalo ang timbang ko, eh. Hindi ako lumiliit!” reklamo niya sa dalawang kasama. “Alam mo naman ‘yon, Ate Cynthia, ‘di ba? Kaya bakit ko pa ba pipilitin ang sarili ko kung hindi ko naman magawa?”
Pilit naman niyang sinusunod ang dieta ng pinsan. Kaya lang ay kapag galing silang gym, lamon naman siya nang lamon pagdating sa bahay. Ilang araw niya lang nasunod ang dieta at unti-unti na rin siyang sumusuko. Gutom talaga siya. Daig niya pa ang mga malnourished sa Africa na hindi kumakain nang maraming araw. Sa katunayan ay unti-unti na siyang nade-depressed dahil dito. Mukhang wala na siyang pag-asa. Siguro nga ay hindi talaga sila para isa’t isa ni Cyler.
‘Mahal kita, Cyler pero hanggang doon na lang yata tayo,’ miserableng naisip niya at saka pinatigil ang treadmill at napaupo roon.
Gumaya sa kanyang ginawa ang best friend at pinsan. Tumulo na lang bigla ang luha niya.
“Hindi ko na talaga kaya. Sinubukan ko naman, eh! Alam n’yo ‘yon. Hindi ko talaga ‘to magagawa! Hindi na!”
“Fiona, it’s just been a few months. Tapos ka na ng high school. Ano, siguro mas mabuti ay sa ‘kin ka na muna tumira. Doon ay mas mamo-monitor kita,” pahayag ni Cynthia. “Ako na ang bahala kina mama at papa mo, okay?”
Lumabi siya sa pinsan at umiling.
“Best, huwag ka namang sumuko na lang nang basta. ‘Di ba, ito ‘yong gusto mo? Kaya nga nandito kami ni Ate Cynthia para sa ‘yo, eh. Hindi ka namin susukuan. Ano, gusto mong makitira rin ako sa kanya at nang may pangalawa kang bantay?” Hinawakan nito ang kamay niya. “Best, ‘di ba nangako ka sa sarili mong hindi mo lang ‘to gagawin para kay Cyler kundi para na rin sa sarili mo? Quitting is never an option if you have a goal to achieve. Don’t stop until you grasp it in your hands! Sigurado akong kaligayahan at peace of mind ang kapalit ng lahat ng paghihirap mo ngayon, best.”
Lalo lang siyang napangawa, hindi alintana ang usapan at tawanan ng ilang taong nasa gym.
“Ayoko na nga. Uuwi na ako!” aniya pa na suminok-sinok. Pinahid niya ang mga luha sa pamamagitan ng kanyang likod-kamay.
Hinawakan ni Jenna ang kanyang kamay at tinitigan siya nang maigi. “Kung hindi mo ‘to gagawin ngayon at magkikita kayo ni Cyler, maaatim mo ba ‘yon? Alam nating mahal ka niya pero sa ginagawa mong ‘to, para na ring ayaw mong may magbabago sa pagitan n’yo. Gusto mo bang magiging stagnant kayong dalawa habang-buhay?”
“Eii… Hindi ko nga kaya. Kung hindi naman maging kami ni Cyler, hindi talaga kami para sa isa’t isa, best! Ayoko siyang maging basagulero habang-buhay nang dahil sa ‘kin. Kaya… kahit ganito ako at wala siya sa tabi ko, magiging okay lang siya, ‘di ba? Marami namang babae riyan. Kung gusto niya⸺”
Tinutop ni Jenna ang kanyang bibig. “Sige, sige. Magpakadambuhala ka na lang habang-buhay! Magpakalungkot ka na lang kung gusto mo dahil ‘yong lalaking mahal mo ay wala naman na sa buhay mo. Malay mo, nahihirapan siya ngayon dahil sa ‘yo. Kahit na hindi na nga siguro siya basagulero saan man siyang lupalop na ngayon ay hindi naman siya masaya.”
Napangiwi ang dalaga sa narinig. “Ang harsh mo naman, best!”
Dinuro siya nito. “Tumigil ka at hindi na kita best friend!” nanggalaiting anito at nag-walk out.
“Uy, ‘wag ka namang ganyan, best! Bumalik ka!” Akma niyang sundan ito pero umupo sa sakong niya si Cynthia. Napatigil siya at tiningnan ito.
“Alam kong mahirap, Fiona. Kaso… wala naman talagang madali sa buhay ng tao. Lahat mahirap. Pero dapat na isipin mo na lang na para ito sa sarili mo at hindi para sa ibang tao. Mahalin mo ang sarili mo. Tikisin mo ‘to kung kailangan alang-alang sa pagmamahal na ‘yon. In this case, tikisin mo ang masasarap na inumin at pagkaing hindi nakabubuti sa ‘yo at sa katawan mo. Dahil kapag ginawa mo ‘yon, isipin mo na lang kung sinu-sino ang magiging masaya sa achievement mo⸺hindi lang ikaw kundi pati na rin ang mga mahal mo sa buhay. You know so well that we just want you to have a healthy life, a healthy body. We don’t condemn or fat-shame you or anyone who are obese. We are just trying to remind you that it’s about your health. For that, you have to do something! It’s never too late to do it.”
Napatitig ang dalaga sa kanyang pinsan. “Pero… paano kung hindi talaga mangyayari sa ‘kin ‘yan, Ate?”