Para kay Fiona ay uneventful ang prom. Nakita naman niya si Cyler pero katulad niya ay nakaupo lang ito sa isang tabi at nanonood sa kanilang mga kaklase na sumasayaw sa dance floor at nag-e-enjoy nang sobra. Kahit si Jenna ay sumasayaw kasama si Keith. Nalaman niya kasing inaya ito ng kaibigan ni Cyler para maging prom date.
Tumayo na siya para pumunta ng banyo. Sa suot na bestidang kulay itim na may palamuting sequins at pinaresan ng high-heeled shoes ay disente naman siyang tingnan. Maganda rin ang pagkakaayos ng kanyang buhok at makeup, salamat sa pinsan niyang dinala talaga siya parlor. Lumitaw ang ganda niya kahit sa katabaan niya.
Napasinghap na lang siya nang paglabas niya ng banyo ay nakitang nakaabang sa kanya si Cyler. Sinunggaban siya nito sa kamay at niyakag nang marahan papunta sa rooftop ng venue, ang hotel na pagmamay-ari ng ina nito. Nalaman niyang libre ang lahat dito at sagot ng pamilya ng binata kaya laking tuwa ng mga taga-school admin. Kasama na rito ang mga pagkain, drinks, DJ, band, at photo booths para sa mga may gustong magpakuha roon bilang memento.
Wala na siyang nagawa kundi ang sumama sa binata. Walang ibang tao roon nang makaakyat sila dahil sa naaaliw ang lahat sa baba.
“Can we make this prom memorable for us, at least?” mahinang pakiusap ng lalaki sa kanya. Nagsusumamo ang mga mata.
“H-ha?” Bigla siyang kinabahan. Ramdam pa naman niya ang panunulay ng nakakakiliting banayad na elektrisidad na dumaloy sa buo niyang katawan dahil sa pagkakahawak nito sa kamay niya. “Ano’ng ibig mong sabihin? Huwag mong sabihing⸺”
Bigla nitong hinapit ang kanyang baywang sa isang kamay at ang isa naman ay humawak sa pisngi niya. Sa malamlam na ilaw ng mga poste roon ay nagtama ang mga mata nila at kinumutan siya ng mabango nitong amoy. Ramdam niya ang init ng katawan nito nang dumikit ito sa kanya. Gusto man niyang umiwas ng tingin ay parang hawak nito ang paningin niya. There was something in his eyes that made her heart tremble with love and longing.
“In the past, I never knew I could love someone as I loved you. Hindi ko man lang naisip na posibleng mangyari sa ‘kin na hindi man lang nakatikim ng pagmamahal mula sa mga magulang ko. But for these past two years, I want you to know… na sa ‘yo naiipon ang pagmamahal ko. You’re my love bank, Fiona, my bae-beau.”
Biglang lumundag ang puso niya at mabilis itong tumibok nang walang pakundangan. Hindi niya alam na maririnig niya ang mga salitang ito mula kay Cyler.
“Cyler.”
Ngumiti nang marahan ang binata at hinaplos nang banayad ang kanyang pisngi. Ramdam niya ang pagmamahal nito.
“But I know you won’t take me back,” malungkot na dagdag ng binata.
“Cyler…” Hindi niya alam kung ano ang dapat sasabihin nang mga sandaling iyon. Ang puso niyang nagmamahal sa binata ay gustong abutin din ang pisngi nito, haplusin, at halikan ito sa labi. Oh, how she missed him! Kahit na nakikita naman niya ito palagi sa kanilang paaralan ay miss na miss pa rin niya ito. Miss niya itong makasama nang solo, nang makipaglambingan—at oo, ang makipaglandian sa boyfriend niya. Miss niya na rin ang halik at yakap nito. Pero dapat niyang gawin ito. Dapat na makipaghiwalay siya para sa kabutihan nilang dalawa. Their relationship had become toxic because of the people that surrounded them. At hindi niya hahayaang lalong mapasama si Cyler nang dahil dito, nang dahil sa kanya. Kaya nga kahit na labag sa loob ay napilitan siyang i-block ang numero nito upang hindi siya matuksong tawagan ito at makipagbalikan dito.
Isa pa, kailangan niya pang ayusin ang kanyang sarili. Sa mga mata ng mga taong mapanghusga, alam niyang hindi lang ang SHS ang dapat niyang malampasan dahil kahit sa labas ay kinukutya pa rin siya nang dahil sa kanyang katabaan. Oo, nandoon pa rin ang discrimination. Hindi maiiwasan iyon. Kapag ganoon ay alam niyang hindi rin magbabago si Cyler dahil alam niyang ang alam lang nitong solusyon ay ang pakikipagbasagan ng mukha. Hindi naman puwedeng ganoon na lang palagi at habang-buhay na lang. Kung saka-sakali. It would bring them both to damnation.
O kaya naman ay baka darating din ang panahon na magsasawa si Cyler sa kanya, sa pagtatanggol sa kanya. Tao lang naman ito at may sukdulan din ang lahat. Ayaw niyang darating ang araw na iyon. Kaya habang may magagawa pa siya ay dapat na gawin na niya ito. At kapag hindi pa rin magbabago sa kanya si Cyler, malay niya kung sila nga rin sa huli?
“I love you so much, Fiona!” madamdaming pahayag ni Cyler.
Napapikit na lang ang dalaga nang unti-unti ay yumuko ito at inilapit ang mukha para halikan siya sa labi. Buong puso niya itong tinugon. Nagpapaalam na muli sa lalaking mahal na mahal niya. Panalangin niya ay magiging maayos din ang lahat. Piping dasal niya ay sana hindi magbabago ang pagmamahal ni Cyler sa kanya kahit na magkahiwalay man silang dalawa. Na sana balang araw ay magkakaroon din sila ng happily ever after katulad ng sa mga fairy tales na nabasa niya.
Magtitiis siya hanggang sa mangyari iyon. Sana nga lang na darating ang araw na iyon at hindi magiging huli para sa kanilang dalawa…