Everything was perfect. Siguro ay ito ang pinaka-perfect date nila, para kay Fiona. The food was indeed superb. Noon pa siya nakaranas kumain ng iba’t ibang cuisines, tulad ng French, Thai, Indian, at Spanish. May tinatawag na beef bourguignon (o beef burgundy na may red wine, carrots, onion, garlic, at iba pa), Tom Kha Gai (o chicken in cocounut soup), Tandoori chicken, at pisto (na may tomatoes, onions, eggplant, green and red peppers, at olive oil).
“Patatabain mo ba ako lalo, ha?” aniya sa lalaki habang umiinom ng kiwi juice.
Ngumiti naman sa kanya ang lalaki. “Bae, kahit tataba ka pang lalo, wala akong pakialam, basta masaya ka. At kapag masaya ka, masaya rin ako. Now, how about dessert?”
Napailing ang dalaga sa kanyang nobyo. He snapped his fingers, and the staff came. Dalawang waiters ang umasikaso sa kanila habang ang chef ay nasa kusina.
Napahanga siya sa ganda ng restoran ng pamilya ng binata. Hindi lang ito iyon. May marami pang iba. Ang yaman-yaman naman kasi ng mga ito.
Habang naghihintay sila ay nag-uusap sila. She took note of their surroundings. Glass ang dingding na one-way mirror. Double doors na glass din at nasa kanang bahagi nila ito. Ang lighting fixtures naman ay LED lights na recessed at maliwanag ito. May abstract and food paintings na nakasabit sa dingding. Ang bawat mesa ay salamin at walang nakapatong na anumang bagay, maliban sa ginagamit nila na pakuwadrado at may candelabra at saka flower vase na may tatlong yellow calla lily.
“So, ang lakas ng loob mong bigyan ako noon ng purple calla lily sa harap ng magulang ko para sabihin mong passion ang ibig sabihin noon?”
Napatawa sa kanya ang nobyo. “Oo. I passionately love you, bae. Natural lang ‘yon. Hindi mo lang alam,” makahulugang anito.
She rolled her eyes. Ayaw na niyang isipin kung ano iyon at baka pupunta lang sa R18+ kahit pa sabihing tumuntong na sila bilang new adults. “So, ano naman ‘tong yellow?”
“This is to express my gratitude to you,” anitong inabot ang kanyang kamay at saka pinisil habang seryosong nakatitig sa kanya. “To thank you for being my bae, for simply being with me.” Inangat nito iyon para halik-halikan ang kamay niya. Titig na titig pa rin ito sa mga mata niya.
Tumikhim ang waiter at inilagay sa mesa ang kanilang Greek dessert ngunit hindi pa rin binitiwan ni Cyler ang kamay niya.
“This is baklava, with phyllo dough, orange, walnuts, almonds, pistachos, honey, and butter. Enjoy!” anang waiter nang nakangiti sa kanila.
“Salamat po!” sabi ng dalaga sa waiter.
Umalis na ito dala ang wala nang lamang pinggan. Hindi pa rin binitiwan ng nobyo ang kanyang kamay. Ang isang kamay lang nito ang gumalaw at inilagay sa gitna nila ang dessert. Kinuha ng kanan niyang kamay ang kutsarita. Susubo sana siya nang hinila nito nang marahan ang kamay niya kaya napatingin siya rito. Umiling ito at saka sinubuan siya sa halip. Napangiti siya habang nginunguya ang pagkain.
‘Ang sobrang tamis naman!’ aniya sa isip. Hindi lang ang kinakain niya kundi ang binata rin.
Sinubuan na rin lang niya ito at kumindat ito sa kanya nang maharot.
***
“I’ll do that,” sabi ni Cyler kay Fiona.
Nakita niyang nahihirapan ang dalaga sa pagkabit ng Valentine decoration sa pinto ng kanilang classroom. Bukas ay kasali sa Valentine’s Day door decoration contest ang kanilang klase.
May naka-arch na malaking pink ribbons at red plastic apples na naka-chain mula sa sahig hanggang tuktok ng pintuan ang dekorasyon. Sa gitna naman ay may malaking nakapormang cupcake na may hearts at saka may nakasulat na “Valentine Wish: Be Mine.”
Nakakulong ngayon ang dalaga sa pagitan niya at ng pinto. Nakatalikod ito sa kanya. Halatang hindi ito mapakali dahil sa posisyon nito pero napangiti na lang siya.
“Hmm… Be mine,” sabi niyang ibinulong sa dalaga pagkakabit niya roon.
“H-huh?” Napalingon ito sa kanya at muntik nang magtagpo ang kanilang mga labi. Langhap nila ang hininga ng isa’t isa. Kapwa hindi normal ang paghinga nila, pati na ang pagpintig ng kanilang puso. Para siyang mababaliw sa bango ng dalaga na lumukob sa katauhan niya. Kung hindi lang siya gentleman ay noon pa niya talaga ito ninakawan ng halik sa labi. Kaso ayaw naman niya dahil parang hindi pa handa si Fiona. At ayaw niyang isipin nitong iyon lang ang habol niya sa kanilang relasyon.
“My… uhm… Valentine wish,” mahinang aniyang nakatitig sa mga mata ng dalaga. Ang ganda-ganda talaga ng mga mata nito lalo na sa malapitan. Kahit na para na itong maduduling sa katitig sa kanya.
“Cyler…”
Biglang may tumikhim. “Are you done decorating here and flirting with each other, huh?” anang Mrs. Delgado na nakataas ang kilay pero may panunudyo naman sa ngiti at mga mata.
Kapwa napatuwid silang dalawa ni Fiona. “Y-yes, ma’am,” sabay na lang nilang sagot nang mahina. Napahiya. Kapwa namula silang dalawa.
Sinipat-sipat ng kanilang adviser ang dekorasyon. “Hmm. Not bad. Extra points for you two and everyone who helped you with it.”
Nagkangitian na lang silang dalawang magkasintahan.