Inaya ni Cyler na mag-date sila ni Fiona dahil Valentine’s Day naman. Nanalo ang kanilang Valentine decoration sa contest at nandoon pa sa classroom ang kanilang mga kaklase para lantakan ang malaking Valentine cake na isa sa mga prizes. Ipinuslit na niya ang girlfriend habang busy na ang lahat pero naratnan nila si Benjie na nakasandal sa kotse niya mismo. Parang inaabangan talaga sila nito.
Napatitig ito sa kanilang magkahawak na mga kamay. Akmang magbawi na sana si Fiona ng kamay pero mahigpit niya itong hinawakan. Natatakot yata ito kay Benjie lalo nang mapanuya itong nakatitig sa matabang girlfriend niya.
“So, may nangyari na nga talaga sa pagitan n’yong dalawa sa AVR more than a month ago, Fiona?” bungad ni Benjie. He looked at Fiona with his hooded eyes and smirked tauntingly.
Hinila ni Cyler si Fiona para itago sa likod niya. “Slander us again, and you’ll see what I’ll do to you, Benjie.”
Napangisi pang lalo ang kausap.
“Just get out of the way, kung ayaw mong bumalik sa Guidance Office,” matabang na dagdag niya pero makahulugan, puno pa rin ng babala.
Benjie chuckled this time. Umalis ito sa pagkakasandal sa kotse niya. Hindi naman mabilis. Marahan pa nga. Samantalang ang mga mata nito ay lumipat sa babaeng nasa likuran niya.
“You’re such a loser, Cyler. Hindi ko alam kung may problema ka sa mata o sa utak, eh. Kita mo naman siguro ‘tong dambuhalang si Fiona.” Sadyang ginagalit siya nito.
Napatiim-bagang si Cyler. “Offend me and my girlfriend more, Benjie, at gagawin kong lampaso ‘yang mukha mo mula sa parking lot hanggang kalsada. At hindi kita tatantanan doon hanggang sa makikita kong makalbo ‘yang ulo mong walang lamang utak kundi masamang hangin.” Pilit niyang huwag undayan ng suntok si Benjie sa harap ni Fiona na kumakapit na ngayon sa kanyang kamay na tila alam na ang nasa isip niya. Nabasa na nito iyon nang bahagyang kumilos ang kamay niya.
“Halika na, Cyler. Umalis na tayo,” bulong na lang nito sa kanya.
Nanunuya pa ring nakangisi si Benjie sa kanila nang pinagbuksan niya ng pinto si Fiona. Binigyan na lang niya ng isang matalim na tingin si Benjie. Babawi na lang siya sa susunod.
***
Natutuwa si Cyler nang napangiti si Fiona dahil sa ganda ng nakitang tanawin habang sakay sila sa cable car sa Tagaytay Highlands. Maganda ang mga berdeng kahoy, damo, sapa, at ang kabuuang resort na nakikita nila.
Sila lang dalawa ang nasa loob ng cable car. Kinuha niya ang cell phone at marahang hinila ang babae paupo sa tabi niya. Nagtatanong ang mga mata nitong napabaling sa kanya.
“Let’s document this special day,” marahang himok niyang nakangiti. Hinalikan niya sa pisngi ang dalaga habang nagse-selfie at napangiti ito nang tingnan ang cute na kuha nilang dalawa. “Isa pa,” dagdag niya. He was quite satisfied at the result of the first picture dahil patagilid ang anggulo.
“Hoy, hindi ka nga humingi ng permiso, ah. May pangalawa pa?” ungot nitong tinutukoy ang halik.
“Sige na, beau,” lambing niya. Inakbayan niya ito at hinalikan sa buhok.
“Beau? Hindi na bae?” taas-kilay na anito.
“In Gaelic, your name means beautiful, white, and fair. For short, beau na rin ang tawag ko sa ‘yo. Ayaw mo no’n, dalawa ang panlambing ko sa ‘yo?” sabay kindat niya.
Napangiti ito sa kanya nang matamis. It meant she liked it. Pansin niyang kinikilig ito pero pilit huwag ipakita sa kanya.
“Sige, maghanda ka na sa pangalawang picture natin,” anito. Lumapat ang malambot nitong labi sa kanyang pisngi at kinuhanan na niya iyon ng selfie.
Kahit lalaki siya ay kinikilig din naman siya nang halikan ni Fiona. Ramdam niya ang mainit at malambot nitong labi sa kanyang pisngi. Nilingon niya ito at hinawakan sa baba saka hinalikan nang marahan sa labi. Ang tamis. Ang tamis ng halik ng dalaga at ang lambot ng mga labi nito. Parang walang humpay ang paglukso ng kanyang puso nang mga sandaling iyon, lalo na nang marahan itong tumugon sa kanya. Ayaw niya itong matapos pa.
Pagkatapos ng cable car ride nila ay magkahawak-kamay silang naglibot sa resort at saka kumain sa restoran. Mga bandang alas diyes na ng gabi niya inihatid pauwi ang dalaga. Nagpaalam naman na ito sa mga magulang na kahit papaano ay walang negatibong sinasabi tungkol sa relasyon nilang dalawa, lalo na’t palagi naman siyang bumibisita rito kapag weekend. Kilala na rin siya ng ina at ama ng nobya at hindi katulad ang mga ito ng sariling mga magulang. Her parents were always warm to him, bagay na masarap sa damdamin kapag nasa bahay siya ng nobya.
Una pa lang bisita niya noon sa kasintahan ay mainit siyang tinanggap ng mga ito kahit na pinangaralan silang dalawa na maghinay-hinay lang dahil hindi pa sila tapos sa pag-aaral. Nangako naman siya sa mga itong iingatan niya ang nag-iisang anak ng mga ito na lalong ikinatuwa ng dalaga. Kita pa niya ang pagmamahal sa mga mata nito.