Napakamot ng batok si Fiona na napatingin kay Cyler nang alanganin. “Papa naman. Kailangan n’yo pa bang banggitin ‘yon? Eh, hindi nga niya ‘yon sinadya, ‘di ba?”
“At binilhan pa niya ako ng regalo para sa birthday ko, mahal. Washing machine ‘yon,” paalala ng ina nito.
Nilakihan ni Felipe ng mata ang asawa bago bumaling sa anak. “Binukulan ka sa ulo, Nana. Wala akong tiwala rito. Paano kung puso mo na ang susunod na saktan nito katulad no’ng… Sino ba ‘yong ang akala mo kung sinong magaling na bata, ha?” Ayaw paawat ng ama ng dalaga.
“Huwag mo na ngang banggitin si Orwin sa anak natin!” mahina at mariing anang ina ng dalaga pero sapat na para marinig niya iyon.
“Uh… Sir, alam ko po ang tungkol sa kuwentong iyan at hindi po ako katulad ni Orwin. Kaya nga po ako nandito para ipakita sa inyong malinis ang intensyon ko kay Fiona.” Sinalubong niya ang paningin ng ama ng dalaga. Ilang segundo rin silang nagkatitigan at walang umiwas habang abot-abot ang kaba sa kanyang dibdib. Ang tibay naman kasi ng ama ng dalaga. Pero ayaw niyang magpatalo. Ayaw niyang ipakita ritong natatakot siya o kaya ay anuman. Hanggang sa magsalita ito.
“Ayokong marinig na sinaktan mo ang anak ko, Cyler. Wala akong pakialam kung saang pamilya ka galing at kung gaano kayo kayaman. Ang gusto ko lang ay malaman mong mahal namin ang anak namin at ayaw siya naming nakikitang nasasaktan. Kahit anong gusto niya, pilit naming ibinibigay sa abot ng makakaya namin. Kaya sana gano’n din ang gagawin mo para mapaligaya mo ang anak namin.”
Napatitig naman siya kay Fiona na nakatingin din sa kanyang kagat ang ibabang labi. Parang gusto niya sa mga sandaling ito na siya ang kumagat-kagat nang marahan sa labing iyon pero pinilit niyang huwag madi-distract. Baka uumbagan siya ng ama nito.
“Kahit na may bagay na hindi ko kayang ibigay sa kanya, pipilitin ko pa rin ang sarili kong ibigay ‘yon sa kanya, mapaligaya ko lang siya… Huwag ko lang siyang masaktan, sir,” aniyang ibinalik ang tingin sa ama nito. “Hindi na baleng ako ang masaktan. I don’t care. I can and I will endure it,” dagdag na turan niya.
Lumapit sa kanya ang ama ng dalaga at saka bigla siyang niyakap at tinapik sa likod. “Iyan. Iyan ang gusto kong marinig! Pasado ka na, manugang ko!” natatawang anito.
Hindi niya alam kung anong init na kumalat sa dibdib niya nang mga sandaling iyon nang yakapin siya ng ama ng dalaga. Iyon ang isang bagay na ni hindi man lang niya naranasan mula sa sariling mga magulang. Uminit tuloy ang sulok ng kanyang mga mata at niyakap pabalik ang ama ng dalaga. Napansin naman niyang napaluha ang kanyang nobya na mabilis nitong pinahid sa pamamagitan ng likod-kamay habang nakangiti sa kanila ang ina nito.
“Halika. Sabayan mo na kami sa pagkain, Cyler,” aya ng ama ng dalaga.
Parang biglang best friends na sila nito at napangiti siya rito nang maluwag. He could not believe that a simple family like his girlfriend’s was so warm-hearted and caring, bagay na gustong-gusto niya at bagay na sana ay nagkaroon siya. And maybe this was it. Si Fiona at ang mga magulang na nga nito ang kanyang nakikita at ang magiging future family niya. Parang walang mapagsisidlan ang galak na nasa puso niya ngayon.
Naramdaman niya ang paghawak ni Fiona sa kanyang kamay nang papunta silang kusina at umupo nang magkatabi sa may hapag, kaharap ang mga magulang nito. Sa isip niya ay ito na yata ang pinakamasayang dinner niya. Hindi awkward silence o kaya awkward company. Puno ito ng pagmamahal, unawaan, at saya.
***
Palundag-lundag si Fiona nang manalo ang team nina Cyler sa baseball. Sobrang ingay na parang nakababasag ng eardrums. Nagpatugtog kasi ang band nila na kumpleto sa mga maliliit at malalaking tambol, trumpeta, cymbals, lira, at kung anu-ano pang instrumento na nasa kanang bleachers nakapuwesto. Silang supporters at audience ay nasa gitna, samantalang cheerleaders namang naka-uniporme ng maiiksi na pula, berde, at puti ang nasa kanan. Panay rin ang cheer ng mga ito.
Ang katapat na bleachers ay inukupahan naman ng host team, ang ngayon ay nasa second place dahil nasungkit ng taga-Concordia Academy ang trophy ng pagiging champion.
“Congrats sa inyo!” nakangiting bati ni Fiona sa kanyang nobyo na lumapit sa kanya sa may bleachers. Kasama nito ang kaibigang si Keith na ang laki-laki ng ngiti dahil sa pagkapanalo.
Niyakap naman siya ni Cyler nang buong higpit. “Thank you, bae!” bulong nito sa kanya at naramdaman niya pa ang ngiti nito. Ang bango-bango pa rin nito kahit pawisan. Hindi rin siya magsasawang damhin ang mahigpit na yakap nito sa kanya. Feeling niya kasi ay siya na talaga ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa. Ekis na si Shiloh.
Kumalas siya mula rito habang nakatitig nang mataman at dinampian ng face towel ang leeg nito. “Bae?” tanong niya sa lalaking nakadungaw sa kanya. Nakangiti pa rin ito nang maluwag at ang lagkit ng tingin sa kanya na para bang gusto nitong sumuot sa pinakailalim ng kanyang pagkatao, ng kanyang kaluluwa. She had no complaints, though. Para kasing siya lang ang nakikita nito.