Nakatukod ang siko ni Fiona sa armchair at ang palad ay nakadikit sa kanyang pisngi. Nakatunganga lang siya sa harap ng board habang nagsasalita ang kanilang adviser sa harap.
Lutang siya dahil pabalik-balik sa kanyang isip ang sinabi ni Cyler sa kanya sa AVR. Wala talaga siyang naapuhap na salita noon hanggang sa natagpuan sila ng school guard na nagpa-patrol noon. Alam pala nitong sira ang doorknob sa AVR at kinabukasan pa mapapaayos bago ang event.
Para siyang nabunutan ng tinik sa gilid at nakahinga nang maluwag. Life saver niya yata ang guard nang mga sandaling iyon. Hindi na niya kinailangang sagutin si Cyler kung dapat nga bang may isagot siya sa tanong nito. It was truly unexpected. Not even in her wildest dreams did she imagine he would say those words to her.
Hindi nga siya nagpahatid kahit sa alok ng binata. Gayunpaman, sakay ng jeep ay sinundan siya nito habang nakamotorsiklo ito upang masiguradong ayos lang siya pag-uwi.
Nitong mga huling araw, pinilit niyang iwaksi iyon dahil kinumbinse niya ang sarili na si Jenna o kaya si Shiloh talaga ang gusto nito. Ayaw niya kasing umasa kahit gusto niya talagang umayaw sa umuusbong niyang damdamin para sa binata. Natatakot naman kasi siyang masaktan. Ulit. Kaya dapat ay hindi siya agad maniwala sa mga ipinapakita sa kanya ni Cyler. Yes, she backpedaled. There was nothing wrong with it, was there?
Lalo namang umigting ang pagkainis sa kanya ni Shiloh dahil kumalat sa campus na magkayakap silang natagpuan ng guard sa AVR. Duda naman siyang ang guard o si Cyler ang nagpakalat niyon. Bakit? Ano ang mapapala nila? Sigurado siyang may ibang nakakita sa kanila roon, katulad na lang ng minions ni Shiloh o ito mismo. Pero paano? Baka plano talaga iyon ni Shiloh na ikulong sana siya sa AVR pero nagkataon lang na nandoon si Cyler kasama niya. After all, si Shiloh naman ang nagsabi sa kanyang doon siya maglinis ayon daw sa utos ng teacher nila gayong hindi naman pala totoo.
Napakurap-kurap siya nang may biglang isang pink calla lily ang sumulpot sa harap ng mukha niya. Sinundan niya ng tingin ang kamay at braso ng may-ari ng nag-abot sa kanya ng bulaklak.
Hindi man lang niya namalayang tapos na ang klase nila at heto siya, nakita niya si Cyler na may inabot sa kanyang bulaklak. Kung saan nito kinuha o binili iyon, malay niya. Baka nga naman sa isang flower shop sa may kanto, hindi kalayuan mula sa campus nila. Kung kailan nito nakuha iyon, ayaw na niyang pahirapan pa ang isip na analisahin iyon.
Panaginip niya ba ito?
Napalinga-linga siya at nakita ang umasim na mukha ni Shiloh habang nakangising parang asong ulol si Benjie samantalang ang iba nilang mga kaklase ay nagulat, namangha, o nalilito. Lalo na silang dalawa ni Jenna.
“B-bakit…?” umpisang tanong ni Fiona kay Cyler. Nakapinta ang pagtataka sa kanyang mukha.
“You haven’t forgotten what I confessed to you last Friday, have you?” seryosong anito.
Nganga si Fiona. Bakit palagi na lang siyang napapanganga ng lalaking ito? Ginawa na siyang Nganga Queen.
Mabilis ang ilang beses niyang pagkurap habang napatakbo ang dila niya sa mga labi. Sino ba kasi ang makalilimot sa sinabi ng lalaki sa too close for comfort na distansya nila ni Cyler? Kahit sinong babae yatang kinumpisalan ng katulad ni Cyler ay hindi iyon makalilimutan. Baka nga sinunggaban na ang lalaki at…
Napapilig siya ng ulo. She should not think what is next. SPG iyon.
“Ano’ng sinabi mo sa kanya?” agaw ni Jenna, sinulyapan ang magandang bulaklak.
Napatingin sa paligid si Cyler. “I like—” anunsyo sana nito.
Biglang tumayo si Fiona at saka tinutop ang bibig ng binata. Napatingin sa kanya ang binatang hindi nakapagtapos sa nais sabihin.
“Kailangan mo ba talagang sabihin sa lahat?” pabulong na aniya sa lalaki na namumula sa hiya at kinakabahan.
Lalong napanganga ang kanilang mga kaklase dahil sa ginawa niya sa binata. Siya pa lang ang nag-dare na humawak kay Cyler. Nang ganito. Hinila niya ang binata sa labas papunta sa rooftop. Hindi na nila alintana ang pagsipa ni Shiloh sa isang armchair at nagdadabog na umalis samantalang nakakunot-noo si Benjie. Amused namang kinindatan ni Keith si Jenna na nag-ikot ng mga mata.
“Tatanggapin mo ba ito o hindi?” tanong ni Cyler. Nakaabot pa rin sa kanya ng hawak na bulaklak pagdating nila sa rooftop.
Humugot ng malalim na hininga ang dalaga. “Huwag mo nga akong paglalaruan, Cyler. Ginagawa mo pa ito sa harap ng mga classmates natin. Hindi mo ba alam na lalo lang akong pagdidiskitahan ng mga admirers mo, lalo na ni Shiloh, ha? This is cliché, alam mo ba? Palagi ko nang napapanood ‘to sa palabas, eh. Kung hindi si nerdy girl, ordinary girl, o pangit na girl na napapansin ng campus crush ay katulad ko namang mataba. Nagsimula pa yata ito kay Shan Cai ng Meteor Garden, eh!”
“Campus crush you say? Meteor Garden?” parang hindi makapaniwalang alunignig nito.
Napaiwas siya ng tingin habang nakatitig ito sa kanya nang malagkit. There was a hint of amusement in his eyes and a slight lifting of one corner of his mouth. He looked sexy, by the way, which made her knees wobble.
“Hindi kita crush,” sabi niyang lumiko ang nguso sabay kuros ng mga braso. Pasimple siyang napatukod ng balikat sa pader para hindi bumigay ang kanyang mga tuhod.
Humakbang ang lalaki at halos gadangkal na lang ang layo nila sa isa’t isa. Nakadungaw ito sa kanya at napaatras siya nang bahagya. Para siyang inalisan nito ng kalayaan sa mga sandaling ito dahil medyo na-trap siya sa katawan ng lalaki at sa dingding na nasa likod niya lang.
“But I’m courting you,” turan ng binata.
“C-courting me? Are you insane? Hindi mo ba naiisip na kapag nalaman nila ‘yan ay pagtatawanan ka nila? Tutuyain ka nila at lalo na ako! Baka akalain pa nilang ginayuma kita, ‘no?” Umusli ang mga labi niya habang nakatingin nang disgusto sa binata.
“Ginayuma mo nga ako,” anito. Seryoso ang mukha.
“A-ano? Hindi, ah! Wala a-akong alam sa gayuma, ah! ‘Tsaka… k-kailan kita binigyan ng pagkain o k-kaya inumin na nilagyan ng gayuma? A-at lalong wala kaming lahing witch!” utal-utal na aniya pero nakataas ang nguso.
He chuckled. “I know. Ginayuma mo lang ako sa ganda at pagkainosente mo, sa ngiti mo, sa mga kilos mo, sa mga salita mo,” turan ng binata.
Natameme siya. Siya, maganda sa paningin ng isang katulad ni Cyler? Hindi ba dapat nagagandahan ito sa katulad ni Shiloh o kaya kay Jenna? Normal size ang mga iyon, sexy, at ayos manamit. Ano’ng kabalbalan ang pinagsasabi nitong nagpapatunaw sa kanyang kalooban, ng kanyang puso?
Sinikap niyang huwag tumingin sa magandang mga mata ng binata na parang kinakabig siyang papalapit. Napagtanto niyang unti-unting lumapit ang mukha nito sa kanya. Inilipat niya ang paningin sa pink calla lily na hawak pa rin nito. Inagaw niya ang bulaklak at iniharang sa mukha nilang dalawa.
“Salamat dito kahit hindi ko alam ang ibig sabihin nito.” Iyon na lang ang naisip niyang paraan para ma-distract ito. O kaya ay siya?
“It means admiration and appreciation. I admire your soul, and I appreciate your being there, making me feel good whenever I see you, even with just a glimpse of you. It’s like…” He paused, seemingly choosing the right words. “You’re the balm of my afflicted heart. I really, really like you a lot, Fiona!” Madamdamin ang pagkasabi nito sa kanya kaya naman hindi na siya nakasagot nang pabalang.
Bakit ramdam niya ang sinseridad nito nang sinabi ang mga salitang iyon? Paniniwalaan na ba talaga niya ito?
“Huwag mong guluhin ang utak at damdamin ko, Cyler. Please lang. Diyan ka na nga!” Umiling siya at itinulak ito saka iniwan nang hindi nakapagsalita ang lalaki.