Chapter 2
Dumating ang araw ng Sabado at ang lahat ay excited na sa outing na iyon maliban sa kanya. Naghihintay sila sa harap ng building kasama ang ibang mga kasamahan nila sa trabaho. Hinihintay nila ang pagdating ni Francis dahil doon sila nakatokang sumakay. May dadaanan pa raw ito kaya naman mahuhuli ng dating.
Nagpaalam muna si Huimy kay Trisha na pupunta siya sa washroom. Siya lang yata ang hindi excited ng araw na iyon. Mas iniisip pa niya ang kanyang anak na naiwan sa pangangalaga ni Joy. Hindi talaga siya pabor sa ideyang ito na pagpunta sa kung saan-saan. Mula ng manganak siya ay ipinangako na rin niya sa sarili na itutuon na lang ang atensiyon sa kanyang anak. Kinalimutan na niya ang magsaya para sa sarili. Masaya na siya sa piling ng kanyang anak.
Nag-apply siya ng kaunting lipstick at pulbos saka niya kinuha ang kanyang celphone sa sling bag. Idinayal niya ang numbero ni Joy at binilinan ito ng paulit-ulit patungkol sa kanyang anak. Matapos makausap ang pinsan ay nagpasya na siyang lumabas ng washroom.
“Ano? Ready na ba kayo?” Narinig niyang tanong ni Francis.
“Ready na!” Naghiyawan naman ang mga kasamahan niya dahil sa excitement.
Natigilan siya sa paglalakad nang matanaw sa hindi kalayuan ang pamilyar na mukha. Hindi niya maigalaw ang kanyang mga paa at agad dinagsa ng kaba ang kanyang dibdib habang nakatitig sa mukha niyon.
“No! Bakit nandito na naman siya?” bulong niya sa sarili. Nagtataka siya kung bakit kasama nito ang kanilang manager.
“Huimy! Halika na! Aalis na tayo!” Kinawayan siya ni Trisha at pinapalapit. Hindi naman niya alam kung paano igagalaw ang mga paang tila nakadikit na sa semento. Hindi pa rin maalis ang tingin niya sa lalaking ngayon ay nakatitig rin sa kanya.
“Renz, bakit andito ka? Anong ginagawa mo rito?” tanong niya ngunit sa isip lang.
“Huy, bessy!” muling tawag sa kanya ni Trisha saka siya nilapitan at giniya palapit sa kinaroroonan ng mga kasama. Umiwas siya ng tingin sa binata nang makalapit.
“Siya nga pala si Renz, kaibigan ko. Sasama siya sa atin,” sabi ni Francis pero parang walang narinig si Huimy. Nakayuko pa rin ito. Nakipagkamay naman si Renz sa mga kasamahan niya at nag-abot rin ng kamay sa kanya ngunit tiningnan lamang niya iyon.
“Hi, Huimy,” bati pa nito sa kanya na nakalahad pa rin ang mga kamay.
“Magkakilala na kayo?” nagtatakang tanong ni Francis. Nagsalitan ang tingin nito sa dalawa.
Hindi siya tumugon at nanatiling nakayuko. Hindi rin naman sumagot si Renz at napapahiyang ibinaba ang nakalahad na kamay at alanganing nginitian si Francis.
“Okay! Tara na Sir! Dito ako uupo Sir ha?” ngiting-ngiting sabi pa nito. Nauna na itong umupo sa harap ng van. Halatang nagpapa-cute ito sa manager nila.
“Sure,” nakangiting sagot naman ni Francis.
“Teka! Bakit diyan ka mauupo? 'Di ba dapat magkatabi tayo?” naalertong tanong ni Huimy sabay tingin sa mga kasamahan na nakaupo na rin sa loob ng van. Dalawang upuan na lang sa gitna ang bakante.
“Okay lang yan, Huimy. Harmless naman si Renz,” biro pa nito sabay kindat sa kanya. Pinanlakihan naman niya ng mata ang kaibigan.
“Pahamak ka talaga! Ano bang nasa isip mong babae ka? Naku!” Halos patayin na niya sa titig ang kaibigan. Humagikhik lang ito na parang balewala lang ang masamang tingin niya.
Muli niyang tiningnan si Renz na ngayon ay nakalahad ulit ang mga kamay sa kanya at nag-aalok ng pag-alalay sa kanya para makasakay. Alanganing tinanggap niya ang kamay nito at pumasok sa loob ng van. Umupo siya sa gitna at sa gilid niya si Renz.
Kasabay ng maingay na tunog na likha ng pag-start ni Francis ng sasakyan ay malakas na tibok ng kanyang puso. Hindi pa rin siya makapaniwalang katabi niya ngayon ang lalaking unang nagpatibok ng kanyang puso at unang nagwasak niyon.
Nagsimula na ang mahabang biyahe at nanatili siyang walang imik ang dalawa. Nakikiramdam lang siya at tila ganoon rin naman si Renz. Tahimik lang ito habang nakaupo sa tabi niya. Hindi rin naman niya mabasa ang nasa isip nito.
“K-kumusta ka na?” sambit nito matapos ang mahabang katahimikan.
Nanatili naman siyang nakayuko na waring walang narinig. Ni pagtapon ng kaunting tingin sa binata ay hindi niya ginawa. Hindi rin naman niya kung anong isasagot. Okay ba siya o hindi? Dahil sa totoo lang, hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman ng mga sandaling iyon. Hindi rin niya maunawaan kung bakit para bang ang dali lang para kay Renz ang kumustahin siya pagkatapos ng ginawa nito sa kanya.
“Hindi ninyo sinabi sa aking magkakilala pala kayo,” ani Francis na pumutol sa tensiyong namamagitan sa kanila ng mga oras na iyon. Nilingon naman niya ito at nahuli niya itong nakatingin sa kanya. Nginitian pa siya nito.
“Hindi ko rin kasi akalaing magkikita kami rito,” sagot naman ni Renz.
“So, magkaano-ano kayo ni Huimy? Ex mo?”
Bigla naman siyang inubo nang sunod-sunod na umagaw sa atensiyon nilang lahat. Tila bigla siyang nasamid sa sinabing iyon ng kanyang manager.
“Hindi sila mag-ex, mi-loves este Sir Francis,” si Trisha ang sumagot. “Pero parang slight.” Nagmuwestra pa ito sa daliri ng kaunti saka humagikhik.
Pinanlakihan naman ng mata ni Huimy ang kaibigan. May babala sa mga tingin nito.
“Huwag po kayong magpapaniwala diyan kay Trisha, Sir Francis. Magkaibigan lang po kami dati ni Renz.” May diin ang katagang "dati" nang sabihin niya iyon.
Kung paanong naging madali sa kanila ang magkasundo noong una silang magkakilala ay ganoon naman kahirap na mag-usap sila sa muli nilang pagkikita. Sobrang awkward para kay Huimy ang sitwasyon nila ngayon. Ni hindi siya makagalaw sa kinauupuan dahil sa matinding presensiya ng kanyang katabi. Sumasakit lamang ang dibdib niya sa pag-iisip na kung paanong ang pagkakaibigang nabuo sa kanila noon ay bigla na lang naglaho.
Ramdam niya ang mga tingin ni Renz sa kanya kahit pa man hindi niya tinitingnan ito. Tumatagos iyon sa bawat himaymay ng kanyang balat patungo sa kanyang puso. Mga tinging hindi niya magawang salubungin man lang dahil sa takot na makita ang katotohanang iniwan siya nitong luhaan. Kung maaari lamang ay ayaw na niyang isipin pa ang nakaraan pero ngayong narito ito sa kanyang tabi ay patuloy lamang siyang nasasaktan.
Malayo-layo na rin yata ang nalalakbay ng kanilang sasakyan ngunit parang ilang oras ding may dumaang anghel sa kanilang kapaligiran. Ni walang nais bumasag ng katahimikan kung hindi pa nagsalita si Francis at iyon ang naging mitsa para maungkat ang matagal ng dapat ibinaon sa limot.
“Mukhang malalim iyang dating pagkakaibigan na iyan a,” biro pa ni Francis.
“Ay sinabi mo pa Sir Francis, sa sobrang lalim nga, nagkaroon ng bunga.” Mabilis na napatakip ng bibig si Trisha nang mabanggit ang salitang iyon. Mabilis rin itong na tiningnan sa kanya. Nagbabanta naman ang kanyang mga tingin niya sa kaibigan. Bakas din ang pagtataka at pagkagulat sa mukha ni Renz.
“Bunga?” sambit ni Francis na nagtataka rin.
Napakagat-labi naman si Trisha bago alanganing ngumiti. “Ah... ang ibig kong sabihin, a-ano, a, e...” Halos pagpawisan na ito sa sobrang nerbiyos habang iniisip ang dapat sabihin. Kinakabahan naman si Huimy habang hinihintay ang sunod pang sasabihin ng kaibigan.
“Ano kasi, ganito kasi iyon, Sir. Sa sobrang close nila dati, hindi naiwasang ma-in love nitong best friend ko kay Renz. Kaya iyon ang sinasabi kong bunga ng malalim nilang friendship. Na-develop itong si Huimy kaya lang…”
“Kaya lang ano?”
“Wala, Sir. Gawa-gawa lang po ni Trisha ang mga kuwento niya.” Binalingan niya si Trisha at muling tinitingnan ng masama. “Hindi po talaga humigit sa friendship ang relasyon namin ni Renz. No feelings involve po.”
“No feelings?” pabulong namang pag-ulit ni Renz na hindi pa rin maalis ang tingin sa kanya. Alam niyang nakatingin ito sa kanya dahil nakikita niya ito sa kanyang peripheral vision. Bahagya pa siyang sumulyap sa binata at agad na nag-init ang kanyang mukha. Umiwas agad siya ng tingin.
Ang dali lang sabihin sa kanya na no feelings involve, samantalang kabaligtaran naman iyon ng kanyang nararamdaman ngayon.
Tahimik na sila hanggang sa makarating sa Bulacan. Tanging usapan na lamang ng mga kasamahan sa trabaho na excited na makarating sa lugar ang tanging naging ingay sa sasakyan. Hinayaan na lamang ni Renz si Huimy na tahimik lang na nakayuko. Naiintindihan naman niya ito kung bakit ganoon na lamang ang reaksiyon nito. Hindi naman kasi talaga ganoon kadaling kalimutan ang lahat ng sakit na ibinigay niya rito noon.
Agad na dumistansiya si Huimy kay Renz nang makababa sila ng sasakyan.
“Wow!” bulalas ng lahat maliban sa kanila ni Renz na hanggang ngayon ay nagpapakiramdaman pa rin.
Nakamasid ang lahat sa napakagandang resort na iyon. Pagbaba pa lang nila ay bumungad na ang napakagandang beach. Malinaw at bughaw na bughaw ang kulay ng dagat na kasing kulay ng kalangitan. May swimming pool din na iba't iba ang laki. May mga cottage din na gawa sa nimfa hut. May mga exclusive rooms para sa mga nag-o-overnight. May mga videoke rin.
“Sa inyo ba talaga ito, Sir Francis? Grabe! Big time!” manghang-manghang sabi ni Trisha. “Ang suwerte ko talaga kapag tayo ang nagkatuluyan.”
Natawa na lang si Francis sa sinabing iyon ni Trisha. Nagpatuloy ito sa paglalakad kasabay pa rin ang dalaga. Tuwang-tuwang inililibot sila nito sa bawat sulok ng beach resort. Nakasunod lamang si Huimy na hanggang ngayon ay
hindi magawang i-appreciate ang ganda ng paligid dahil sa tensyon. Hindi pa rin kumakalma ang kanyang puso mula pa kaninang nasa sasakyan sila. Alam niyang hinding-hindi siya mapapakalma hanggang nasa paligid lang niya si Renz.
“Ano ka ba, friend? Smile ka naman d'yan. Parang Biyernes Santo ang mukha mo.” Mahinang siniko ni Trisha ang kanyang tagiliran.
“Parang gusto ko ng umuwi,” bulong niya sa kaibigan.
“Ano ka ba naman? Kararating nga lang natin gusto mo na agad umuwi. Enjoy naman natin ito. Ganda kaya ng view. Tamang-tama sa pagse- selfie ko.” Kinuha pa nito ang cellphone sa bag at nag-post.
“Tara, picture tayo,” anyaya pa nito. Naki-post na rin lang siya kahit pilit ang ngiti.
Hinayaan na lang niya si Trisha sa kakakuha ng mga litrato. May group picture pa at panay din ang pictures sa mga magagandang view na naroon. Siyempre pa, kasama na ang pagpapa-picture nito kay Sir Francis. Mabuti na lang, hindi suplado itong si Sir Francis at pumapayag sa pagpapa-cute nitong si Trisha.
“Halika! Kukunan ko kayong dalawa ng picture.” Nagulat siya nang bigla siyang hilahin ni Trisha palapit kay Renz. Pinandilatan niya ito ng mata ngunit parang balewala lang dito.
“One shot lang, please?” Itinaas pa nito ang daliri bilang sign ng peace. Wala na siyang nagawa kundi ang tipid na ngumiti.
“Move ka pa konti,” utos pa ni Trisha kay Huimy ngunit pinandilatan lang niya ulit ito. Sumenyas naman ito kay Renz kaya nagulat siya nang akbayan siya nito. Tatanggalin pa sana niya ang kamay nito sa balikat niya pero biglang nag-click ang camera.
“Okay na souvenir ito para sa reunion ninyong dalawa,” masiglang sabi ni Trisha. Lumapit ito sa kanilang dalawa at ipinakita ang picture.
Ngiting-ngiti si Renz habang siya ay parang gulat na gulat na hawak ang kamay ni Renz na nakapatong sa balikat niya.
Bloopers na bloopers ang itsura ko, kakainis talaga itong babaeng ito. Inirapan niya ito pero nakakalokong ngiti lang ang itinugon nito sa kanya.
“I-send mo sa akin ha?” sabi naman ni Renz. Gulat na gulat naman siyang napatingin sa binata.
“Ano raw? Gusto pa niya ng kopya ng picture naming dalawa? Nananadya ba siya?” naisaloob niya.
“Oh sure! Open mo ang bluetooth ng cell phone mo,” utos naman ni Trisha. Parang close na close ang dalawa kung mag-usap. Nagtawanan pa ang mga ito.
Naiinis siya habang nakatingin kay Renz. Relax na relax ito at parang hindi apektado sa sitwasyon nilang dalawa. Marahil kinalimutan na nito ang nakaraan tungkol sa nangyari sa kanila noon. Siguro nga, kailangang kalimutan na rin niya 'yon ngayon. Ngunit ganoon lang ba kadaling gawin iyon?
Kanina pa nagkakasiyahan sa paglalangoy ang mga kasamahan ni Huimy ngunit heto siya, nananatiling nakamasid lamang sa 'di kalayuan. Nakaupo sa gilid ng pool at nilalaro ang tubig ng kanyang mga paa.
Hindi niya talaga magawang mag-enjoy man lang. Bukod sa hindi niya kasama ang kanyang anak, naiilang pa rin siya dahil alam niyang nasa paligid lang si Renz.
“Bakit ba kasi kailangang magtagpo ulit kami? Hindi ko na sana nararamdaman pa ang ganito.”
“Huimy!” Ikinagulat niya ang pagsigaw ni Trisha. Naroon ito sa swimming pool at nakikipagharutan sa mga kasama nila. Halatang enjoy na enjoy ito. “Halika na! Swimming ka na!”
“Mamaya na lang!” Kumaway pa siya at nginitian ito. Tumango naman ito at muling itinuon ang atensiyon sa pakikipagwisikan ng tubig.
Binalik na lang niyang muli ang tingin sa mga paa niyang nakalutang sa tubig. Kitang-kita ang tiles sa ilalim dahil sa malinaw na kulay-green blue na tubig. Medyo malamig ang tubig ngunit nakakagaan ito sa kanyang pakiramdam kahit na paano.
“Huimy.” Biglang nanindig ang kanyang mga balahibo nang marinig ang pamilyar na boses na iyon.
Agad siyang napalingon at nagulat nang makita si Renz na nakaupo na pala sa kanyang tabi. Ni hindi niya namalayan ang paglapit nito. Automatikong tumayo siya ngunit mabilis na nahawakan nito ang kanyang kamay.
“Huwag kang umalis. P'wede ba tayong mag-usap?” Malungkot ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya. Agad naman siyang umiwas ng tingin dito. Ayaw niyang makita kung ano man ang sinisigaw at sinasabi ng mga mata nito, dahil nasasaktan siya. Tinabig niya ang kamay nito para makawala sa pagkakahawak nito.
“Wala tayong dapat pag-usapan,” malamig pa sa yelong sabi niya. Pilit niyang pinipigilan ang pagsabog ng kanyang dibdib sa sobrang sama ng loob sa lalaking kaharap. Pagkatapos ng pitong taon, hindi niya pa rin pala kayang patawarin ito. Pitong taon niya pa ring dinadala ang sakit na dulot ng lalaking ito.
Tinalikuran niya ito at humakbang palayo. Mabilis siyang tumakbo at tinungo ang malapit na comfort room. Doon niya ibinuhos ang lahat ng sakit at sama ng loob. Doon niya ibinuhos ang kanyang mga luha habang nakaharap sa salamin.
“Ngayon niya pa ba ako balak kausapin kung kailan huli na ang lahat? Noong kailangan ko ang paliwanag niya, hindi man lang siya nagpakita tapos ngayon pa? Ngayon pa na matagal ng panahon ang lumipas? Para ano pa? Sana katulad na lang noon na madali ring naaayos ang lahat pero iba na ngayon. Ibang-iba!” Naghuhurumintado ang isip niya at gusto sana niyang isigaw ang nasa isip ng mga oras na iyon.
Muling nagbalik sa kanyang isip ang masasaya at masasakit na alaala na lalong pumiga sa puso niya.