Chapter 3

April 2004

“Sa wakas! Bakasyon na!” masigla at sabik na sambit niya.

Hindi lang para sa kanya ang pinakamasayang panahong iyon kundi para na rin sa karamihan ng mga estudyante dahil pahinga muna sa pag-aaral. Tapos na rin siya sa high school kaya naman bago sumabak sa college life ay makakapag-relax muna siya. Excited na rin siya habang nag-i impake ng mga gamit matapos sabihin ng kanyang Mama na uuwi sila sa Bicol para dalawin ang kanyang Lola at makasama ang mga kamag-anak nila. Parang magiging grand reunion ito pagkatapos ng mahabang panahon na hindi pagkikita.

Matagal na rin silang hindi nakakabalik sa lugar na iyon. Sa pagkakantanda niya, bata pa siya nang huli siyang dalhin ng kanyang mga magulang doon. Nasa anim na taong gulang pa lang yata siya noon nang umalis sila roon at manirahan sa Cavite. Doon na kasi nagkaroon ng hanap-buhay ang kanyang mga magulang at nagkaroon ng sariling bahay. Ngayon ay labing-anim na taon na siya kaya halos sampung taon na rin mula nang huli siyang makapunta roon.

Halos hindi na niya matandaan ang itsura ng lugar na iyon. Ang tanging natatandaan lamang niya ay ang sapa malapit sa bahay ng kanyang mga tiyahin. Dati ay naliligo sila doon at nanghuhuli ng hipon at alimango kasama ang kanyang mga pinsan. Doon din naglalaba ang kanyang mga tiyahin. Tandang-tanda pa niya ang malinaw at malamig na tubig nito.

Sa wakas, natapos na niyang ilagay lahat ng kaniyang gamit pati na rin 'yong mga gamit ni Marikit. Si Marikit ay kanyang nakababatang kapatid. Pangalawa sa limang magkakapatid. Tatlong taon lamang ang pagitan nilang dalawa at siya ang panganay. Silang dalawa lamang ni Marikit ang sasama sa Bicol para magbakasyon. Ang tatlo pa niyang kapatid na babae ay maiiwan sa kanilang Lola na ina ng kanyang Papa.

Tulad ng nakaugalian niya bago matulog, tumingala muna siya sa langit. Tinitigan niya ang paboritong bituin na pinangalanan niyang Venus. Ito ang pinakamalaking star na nakikita malapit sa buwan. Sabi ng iba, planeta daw 'yon na malapit sa Earth at bihira lang 'yon magpakita. Kapag nagpapakita na ito, kinakausap niya iyon. Natatawa na lamang siya kapag iniisip na tila nababaliw na siya. Ngunit ito na talaga ang tinuturing niyang bestfriend bukod kay Lord. Si Lord ang number one bestfriend niya at hindi rin puwedeng hindi niya kakausapin si Lord bago siya matulog at pagkagising sa umaga. Ito ang isa sa mabuting itinuro ng kanyang lola at nadala na niya hanggang sa pagtanda.

“Ano kayang adventure ang naghihintay sa akin doon?” sambit niya. Inilagay niya ang kanyang mga kamay sa ilalim ng babâ habang nakatitig pa rin sa mga bituin. Iniisip pa lamang niya kung anong mangyayari sa bakasyon ay nakakaramdam na siya ng hindi maipaliwanag na labis na pagkasabik.

“Sana doon ko na makita ang lalaking magtatagal sa buhay ko... ang aking FOREVER.”

Natawa siya sa kanyang sarili. Masyado siyang naging hopeless romantic mula nang matutunan niya ang salitang pag-ibig. Umaasa siyang magkakaroon din siya ng masayang lovelife kapag nagdalaga na siya pero naka-graduate siya ng highschool na hindi man lang naranasan ang magkaroon ng nobyo. Hanggang crush lang talaga siya at ni hindi sumagi sa isip niya ang magnobyo. Para sa kanya, kapag nagkaroon siya nito ay iyon na ang lalaking mamahalin niya habang buhay.

“Hay naku, Venus. Nangarap na naman ako kahit alam kong imposible iyon. Para talaga akong baliw na kinakausap ka, ano? Sino kayang tao na mahilig din tumingin sa'yo at nakikipag-usap din na gaya ko?” Nakahalumbaba pa rin siya habang titig na titig pa rin sa makislap na mga bituin. Bukod kay Venus, humahanga siya sa ganda ng kalangitan sa gabi lalo na kapag sadyang maliwanag ang buwan at napakaraming bituin.

“May lalaki kayang mahilig ring mag-star gazing?” wala sa sariling naibulong niya. Maya-maya pa'y bigla na lamang siyang napangiti nang sobrang tamis. May kakaibang ideya na pumasok sa kanyang isip.

“Posible kaya na may isang lalaking nakatingin rin sa'yo ngayon at kinakausap ka?” tanong pa niya. “Bulong mo naman sa akin oh para makilala ko rin siya.”

Tumigil siya sandali na animo ay nakikinig sa binubulong nito. “Ang daya mo naman. Paano ko siya makikilala kung hindi mo sasabihin sa akin kung sino siya?”

“Ah! Alam ko na, Venus. Manghihingi ako ng sign kay Lord. Kung sino ang lalaking makakasama kong tumingin sa'yo, ‘yon na ang lalaking magtatagal sa buhay ko. Siya na ang aking forever. Tama, iyon na nga! Makikilala ko lang siya kung makakasabay ko siyang tumingin at humiling sa’yo.”

Lalo siyang nasabik na malaman kung ibibigay nga ba sa kanya ang sign na iyon o hindi. Ngunit umaasa siyang ibibigay nga iyon kahit na alam niyang medyo malabo. Nagpasya na siyang matulog nang gabing iyon dala ang pag-asa sa puso niya na malapit na niyang matagpuan ang lalaking nakatadhanang makasama niya niya habang buhay... ang kanyang forever.

Kulay indigo na ang kalangitan dahil sa unti-unting paglubog ng araw. Sakop na ng kulay niyon ang buong kalangitan at napakaganda talaga nitong pagmasdan lalo na sa tabing-dagat. Nakaupo siya sa may buhanginan at nakatingala sa langit. Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi habang dinadama ang paghaplos ng hangin sa kanyang pisngi at ang paglipad ng ilang hibla ng kanyang mahabang buhok dahil sa ihip niyon.

Sa ganitong pagkakataon, mas nadarama niya ang totoong ganda ng buhay. Sa kanyang pagmumuni, nagpapasalamat siya sa ganda ng nilikha ng Diyos. Labis na na-a-appreciate niya ang mga iyon lalo na sa kanyang pag-iisa. Gumagaan din ang kanyang pakiramdam sa tuwing nakamasid lamang siya roon.

Nilaro ni Huimy sa kanyang mga kamay ang buhangin at dinama ang gaspang niyon. Dahan-dahan niyang inilapat ang hintuturo sa buhangin at gumuhit ng letrang "C ♡ M".

Abala siya sa kanyang ginagawa nang bigla na lamang magdilim ang kanyang paningin. May tumakip na palad sa kanyang mga mata. Hinawakan niya iyon para kilalanin kung sino ang pangahas na iyon. At dahil kabisado na niya kung kanino ang kamay na iyon ay agad siyang nagsalita,

“Alam kong ikaw iyan.”

“Ikaw talaga ha!” Mahina niyang hinampas sa braso ang lalaki nang alisin nito ang palad sa kanyang mata at harapin siya. Ngumiti lamang ito sa kanya nang ubod tamis. Lumabas ang mga biloy nito sa magkabilang pisngi. Hindi maipaliwanag na damdamin ang nadama niya habang nakatitig sa guwapo nitong mukha.

“Ate Huimy (Yumi), gising na! Andito na tayo.” Boses iyon ng kanyang kapatid na si Marikit na gumambala sa kanyang mahimbing na pagkakatulog.

Dahan-dahan niyang idinilat ang kanyang mga mata at kinusot. Napakahaba rin ng oras ng nilakbay nila patungong Bicol. Sa tantiya niya ay kulang-kulang labing-dalawang oras rin. At kahit gusto sana niyang i-enjoy ang pagmamasid habang nasa biyahe ay hindi na niya nagawa dahil dinalaw na siya ng matinding antok.

“Panaginip lang pala 'yong nasa tabing-dagat ako?” naibulong niya sa sarili sabay kamot sa kanyang batok. “Sino kaya iyong lalaki sa panaginip ko? Bakit kaya parang kilalang-kilala ko siya?”

“Huy, ate! Ano pang binubulong-bulong mo diyan? Bumaba na tayo.”

Sinulyapan niya si Marikit na sukbit na ang back pack nito. Napapahiya namang tumayo na siya at sinundan ito pababa ng sasakyan. Bitbit na rin niya ang malaking travelling bag at isang back pack.

Agad niyang nilibot ang paningin sa paligid nang makababa ng bus. Hindi niya mapigilang mapa-wow sa ganda ng tanawin. Kitang-kita roon ang bundok sa 'di- kalayuan at ang sapa sa ilalim ng tulay. Katulad din noong huling nagpunta sila roon, walang halos pinagbago. Maliban na lang sa naging concrete na ang dating mga bahay-kubo na mga bahay. Mukhang sumasabay na rin sa pag-asenso ng sibilisasyon.

Sa kanyang pagmamasid ay bigla na lamang siyang natulala. Napako ang kanyang atensiyon sa mga kabataang naglalaro ng basketball sa may court, sa tapat ng bahay na binabaan nila. Partikular sa isang kabataang may hawak ng bola at dini-drible iyon. Napukaw ang kanyang atensiyon ng binatang iyon na tila pamilyar ang mukha. Tumingin din ito sa kanya at ngumiti.

Nasapo niya ang kanyang dibdib dahil sa biglang pagbilis ng pagtibok ng kanyang puso. Parang tumigil rin ang ikot ng mundo para sa kanya at ang tanging nakikita lamang niya ay ang mukha ng lalaking nasa hindi kalayuan. Gaya ng napapanood niya sa telebisyon na parang kumikinang ang paligid at sila lang dalawa ang naroon. Kahit na malayo ang distansiya nito sa kanya ay tila malapit lang ito.

“My God! Siya na yata ang gusto kong maging asawa,” biglang sambit ng isip niya.

Hindi rin niya maipaliwanag kung bakit iyon ang bigla niyang nasambit. Hindi pa siya matitinag sa kanyang kinatatayuan kung hindi pa niya naramdaman ang marahang pagsiko ni Marikit sa kanyang tagiliran. Ibinaling niya ang tingin dito na tila nagulat at bahagyang natauhan.

“Hoy, ate! Ano bang tinitingin-tingin mo riyan? Tara na sa loob,” anyaya pa nito at tinulungan siyang magbuhat ng malaking bag. Bahagya pa niyang nilingon ang kinaroroonan ng lalaking iyon bago niya tuluyang sinabayan si Marikit sa pagpasok sa loob ng bahay ni Tita Mercy.

Walang sawang kumustahan at k’wentuhan ng magkakamag-anak ang kanilang naririnig. Daig pa ang may reunion dahil dinagsa ang bahay ng kanyang tiyahin ng mga kamag-anak nito. Lahat ay sabik na sabik sa kanilang pagdating. Nakaupo lamang siya at nakikinig sa mga ito na halos hindi rin naman niya maunawaan ang pinag-uusapan dahil ibang dialekto bukod sa Tagalog ang gamit ng mga ito.

“Kit! Huimy!” Isang boses ng babae ang sabay na nagpalingon sa kanilang magkapatid.

“Carol?” Isa ito sa mga pinsan nila. Kasing tanda niya ito, mas maliit nga lang siya ng kaunti pagdating sa height. Hindi kasi siya biniyayaan ng tangkad. Sa edad niyang labing-anim ay nasa limang pulgada lang siya. Mas matangkad pa ng kaunti sa kanya si Marikit kahit na siya ang panganay.

“Halika kayo sa labas. Hayaan n’yo na munang magk'wentuhan 'yong mga matatanda. Bonding tayo. May ipapakilala ako sa inyo,” sabi pa nito na halatang sabik na sabik ding makasama silang magkapatid.

Sumama naman sila palabas ng bahay at tinungo ang basketball court. Sakto namang tapos na ang laro ng mga kabataan doon.

“Halikayo!” Tinawag ni Carol ang ilan sa mga kabataang lalaki. Lumapit naman ang mga ito.

“May ipapakilala ako sa inyo. Mga pinsan ko sila, sina Huimy at Kit," pakilala pa nito sa kanilang magkapatid. Nginitian naman nila ang mga binata.

“Ito naman sila Gab, Robert at George.” Isa-isa nitong itinuro ang mga kaibigang lalaki. Nakangiti namang nakipagkamay ang mga ito sa kanila.

“Hello, ako nga pala si Robert,” pakilala sa kanya ng isang medyo chubby na lalaki sa grupo. Matingkad ang pagkakayumanggi nito. Medyo magaspang din ang mga kamay nito na tila banat sa trabaho. Ngiting-ngiti ito sa kanya habang nakatitig. Naasiwa naman siya kaya umiwas siya ng tingin at muling ibinaling sa binatang nais niyang makilala.

“At siya naman si Renz.” Itinuro ni Carol ang isang lalaking may biloy sa magkabilang pisngi. Kitang-kita ang biloy nito sapagkat nakangiti ito.

Ang totoo, kanina pa siya tulalang nakatitig sa mukha ng binata. Hindi siya makapaniwalang kaharap na niya ang lalaking kanina lang ay tinatanaw niya. Lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso.

“P-pamilyar ka. Nagkita na ba tayo dati?” Halos panabay pa nilang tanong. Sabay rin silang natawa nang mapagtantong parehas sila nang nasabi.

“Ngayon lang sila nagbakasyon ulit dito pero pumunta na sila dito dati,” sagot naman ni Carol.

“Ah, siguro nga nagkita na tayo noong huling punta mo dito kaya pamilyar ka sa akin,” sabi naman ng binata.

“S-siguro nga,” sang-ayon na lamang niya kahit na ang totoo, imposibleng maalala pa niya iyon dahil anim na taong gulang palang siya noong huling magbakasyon sila roon.

Hindi pa rin maalis ang tingin niya sa binata. Para bang ayaw na niyang mawala ito sa kanyang paningin. Tila nagsasayaw ang mga paru-paro sa kanyang tiyan hanggang sa makabalik sila sa bahay ng kanyang tiyahin.

“Mababait naman pala ang mga kaibigan mo. Ang kukwela rin nila,” masiglang sabi ni Kit sabay upo sa mahabang silyang naroon. Mukhang naaliw nga ito sa pakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan ni Carol.

“Oo, mababait talaga ang mga iyon. Kaklase at kababata ko na sila noon pa.”

“Si Ate, mukhang crush niya iyong isa doon.”

“Ha?” usal niya na parang wala sa sarili. Tila nananaginip pa rin ng gising.

“Kita mo na, hanggang ngayon para pa rin siyang nagayuma.” Sabay namang tumawa si Kit at Carol.

“Huy! Walang ganoon a,” tanggi naman niya.

“Halata kaya ang titig mo doon sa isang kaibigan ni Gab. Ano nga bang pangalan noon?”

“Si Renz,” sagot naman ni Carol.

“Ah oo, iyong may dimples sa magkabilang pisngi,” sabi naman ni Kit.

“Hindi ko siya crush,” muling tanggi niya. “Kasi feeling ko, mahal ko na yata siya.” naisailoob pa niya.

“Naku, si Ate Huimy, halata na nagde-deny pa.”

“Ah, bahala kayo diyan.” Nagtungo siya sa kuwarto para iwasan na ang pangangatiyaw ng kapatid at pinsan. Isinara niya ang pinto at sumandal doon. Impit siyang tumili. Kanina pa niya pinipigilan iyon habang kaharap ang binata. Hindi mawala sa isip niya ang magandang ngiti nito. Para siyang dinadala sa alapaap sa mga titig nito. Ngayon lang niya naramdaman ang ganoong pakiramdam sa isang estrangherong ngayon lamang niya nakita.

“Ito na kaya ang tinatawag nilang, love at first sight?”