Chapter 1

Naalimpungatan siya dahil sa sunod-sunod na pagtunog ng alarm clock na nasa side table. Tamad na pinindot niya ito para tumigil saka siya bumangon.

“Panaginip na naman,” dismayadong sambit niya habang tinitiklop ang kanyang kumot. Napadako ang kanyang tingin sa anak na mahimbing pa ring natutulog. Hinaplos niya ang buhok nito kasabay ang tipid na ngiti.

“Dahil sa hiling mo anak, napanaginipan ko na naman siya,” bulong niya sa isip saka nagbuga ng hangin.

Iniwan niya itong natutulog pa at pumasok na siya sa banyo para maligo at maghanda para sa pagpasok sa trabaho. Isa siyang encoder sa isang recruitment agency sa Cavite. Limang taon na rin siyang nagtatrabaho roon at sanay na siyang makihalubilo sa iba't ibang klase ng mga empleyado. Sila kasi ang nagha-hire sa mga taong nais makapasok sa iba't ibang company na hawak ng agency nila.

Makalipas lang ang kalahating oras ay handa na siya sa pagpasok sa trabaho. Suot niya ang kanyang navy blue polo shirt na may logo ng kanilang agency at ang black pant. Saglit na sinulyapan niya ang sarili sa salamin at ipinusod ang kanyang mga mahabang buhok. Nag-apply din siya ng pulbos at manipis na lipstick sa labi.

Lumabas na siya ng kanyang k'warto at naabutan niya sa kusina si Joy. Pinsan niya ito na taga-Bicol at doon pansamantalang nanirahan kasama niya. Second year college na si Joy at doon na rin nag-aaral sa Cavite sa kursong Computer Science.

“Joy, pasok na ako ah!” sabi niya sa dalaga na ikinalingon nito. “Ikaw na ang bahala dito sa bahay at kay Clark. Hindi ko na siya ginising. Sabado naman at wala siyang pasok,” dugtong pa niya.

“Hindi ka na ba mag-aalmusal, Ate?”

Kumalam bigla ang kanyang sikmura. Parang may sariling utak ang kanyang tiyan na maalala na hindi pa siya nag-a-almusal. Tiningnan niya ang kanyang wrist watch at nanlaki ang kanyang mga mata nang mapagtantong trenta minutos na lang ang nalalabi para mag-alas otso. Tiyak na male-late siya sa kanyang trabaho lalo pa at rush hour pa rin ng ganitong oras sa kanilang lugar. Wala na siyang oras para mag-almusal.

“Hindi na, male-late na kasi ako.” Kinuha niya ang black flat shoes at nagmamadaling isinuot.

“Okay, Ate, ingat na lang.”

“Salamat.” Tinalikuran na rin niya ito at nagmadaling lumabas ng bahay. Pumara na siya ng jeep papunta sa agency.

Habang nasa biyahe ay hindi pa rin maalis sa isip niya ang kanyang panaginip. Naulit na naman ang panaginip na iyon, ilang taon na ang nakakaraan. At hindi pa rin niya makalimutan ang unang araw na magkakilala sila. Napabuntong hininga siya at pilit iwinaksi ang nasa isip. Sakto namang napansin niya ang building ng kanilang opisina.

“Para na po!” sigaw niya sa driver.

Mabilis siyang bumaba ng jeep nang tumigil ito sa mismong tapat niyon. Patakbong tinungo niya ang entrance ng building na iyon. Panay rin ang tingin niya sa kanyang orasan at panay ang bulong na sana ay hindi pa siya ma-late.

“Lord, huwag naman sana akong ma-late. Lagot na naman ako nito kay Ma'am Glydel,” bulong niya sa sarili. Si Glydel ang kanilang supervisor at napaka-istrikta nito pagdating sa late at absentees. Palibhasa ay matandang dalaga na ito kaya palaging mainitin din ang ulo. Madalas din siyang pinag-iinitan nito sa hindi malamang dahilan.

“Aaay!” daing niya nang bigla na lamang siyang sumalpok sa isang bulto ng tao. Muntik na siyang matumba kung hindi lamang siya biglang nasalo nito. Hawak nito ang kanyang baywang at nakakapit naman siya sa braso nito.

Tila tumigil na naman ang kanyang mundo nang magtama ang kanilang paningin. Mabilis at malakas ang tibok ng kanyang puso habang nakatitig sa mga mata ng lalaki. Nakangiti ito sa kanya at nakalabas ang dimples sa magkabilang pisngi.

“R-Renz?” Halos malunok niya ang kanyang dila sa sobrang kaba.

“Totoo ba ito o panaginip na naman? Bakit siya nandito?” tanong niya sa isip.

Hindi siya makapaniwalang muling pagtatagpuin ang landas nilang dalawa. Sa loob ng mahabang panahon, hindi niya inaasahang mangyayari pa ang araw na ito. Hindi niya inaasahang magkikita pa sila nito.

“Huimy, k-kumusta na?” tanong nito sa kanya habang inaalalayan siyang makatayo nang maayos.

Para naman siyang natulos sa kinatatayuan at hindi maalis ang pagkakatitig sa binata. Ina-absorb pa ng kanyang isip ang hindi inaasahang pagkikita na iyon.

“Huimy,” muling sambit nito sa kanyang pangalan na nagpabalik sa kanya sa realidad. Kumurap-kurap siya at pasimleng kinurot ang sarili.

“Totoo nga! Nandito siya sa harap ko,” naisaloob niya.

“Hindi puwede, hindi maaari ito,” bulong niya kasabay ang panay na pag-iling. Umaasang sa ganoong paraan ay mawawala sa kanyang isip ang itsura ng lalaking nakabangga.

Kumunot naman ang noo ng lalaking nasa harapan niya. Tila naguguluhan sa inaakto niya. Mabilis niyang itinulak ito nang mapagtantong hawak pa rin siya nito. Mabilis rin niyang tinalikuran ito at tumakbo palayo.

“Huimy!” tawag pa sa kanya ng binata habang tumatakbo palapit sa kanya ngunit hindi na niya ito nilingon man lang sa halip ay mabilis siyang pumara ng sasakyan. Nawala na sa isip niya ang trabahong kailangan niyang pasukan. Okupado na iyon ng nag-iisang lalaking nagpagulo muli sa isipan at puso niya.

“Hoy, Mayumi!” malakas na tawag ni Trisha sa buong pangalan ni Huimy sabay hampas ng mahina sa braso niyang nakapatong sa lamesa. Nasa canteen sila ng oras na iyon dahil break time nila sa trabaho. Halos mapuno na ang maliit na canteen sa dami ng mga kumakain roon na karamihan ay mga estudiyante galing sa malapit na school roon at mga aplikante nila.

Tila naman nagising si Huimy sa mahabang pagkakatulog at gulat na napatingin sa kaibigan.

“Ha? Anong sabi mo?” wala sa sariling tanong niya.

Sunod-sunod na napailing ito. “Kanina pa ako salita nang salita dito, wala ka naman pa lang naintindihan sa mga sinabi ko.”

Nagbuga siya ng malalim na hininga bago matamlay na nagsalita, “sorry.”

“Ano ba kasing nangyayari sa'yo?” nag-aalalang tanong nito.

Hindi agad siya nakasagot. Nagbalik na naman sa alaala niya ang nangyari kanina. Muli siyang bumuntong hininga.

“Hoy, ano ba Huimy? Sasabihin mo ba o panay buntong hininga na lang ang gagawin mo? Aba, kanina pa kita napapansin, parang wala ka sa sarili mo ngayon. Na-late ka kanina tapos ngayon tulala ka na.”

Lagpas alas nuebe na siya nakabalik sa opisina dahil sa naging katangahan niya kanina. Wala siya sa sariling umuwi ng bahay at bumalik lang nang tawagan siya ni Ma'am Glydel. Hindi raw puwedeng um-absent siya ngayon dahil tambak ang kanyang trabaho at kahit anong pagdadahilan niya ay hindi tinanggap nito. Kaya naman kahit kabado at wala sa kundisyon na magbalik sa opisina ay pinilit pa rin niya ang sariling pumasok kasabay ang dalangin na sana ay hindi na niya makita pa ito.

“Sana guni-guni ko lang iyon,” paulit-ulit niyang kinukumbinsi ang sarili.

“Guni-guni ang ano?” Lalong kumunot ang noo nito.

“Nakita ko ulit siya,” halos pabulong na sagot niya.

“Sino?”

“Si Renz.”

Agad na nanlaki ang mga mata nito sa gulat.

“Talaga? Saan? Kailan? Paano?” sunod-sunod nitong tanong na hindi makapaniwala sa narinig. Kilala nito si Renz dahil madalas na maikuwento ni Huimy ito noon.

“I'm not sure kung siya nga ba talaga iyon.”

“Ha? Paanong hindi sigurado? Saan mo ba kasi nakita?”

“Dito mismo sa agency,” nakagat niya ang kanyang labi dahil bigla na namang dinagsa ng kaba ang dibdib niya.

Muling nanlaki ang mga mata ni Trisha. “Talaga? Anong ginagawa niya dito?”

Kumibit balikat siya saka napailing. “Hindi ko rin alam. Baka namalikmata lang ako.”

“Namalikmata? Sa reaksiyon mong iyan parang sigurado kang siya iyon. Imposibleng namalikmata ka lang tapos hindi na nawala sa isip mo. Sabihin mo nga sa akin, kinausap ka ba niya?”

Sandali siyang natigilan, inisip ang nangyaring banggaan kanina at ang pangungumusta ni Renz sa kanya.

“Kinumusta niya ako.”

“Tapos?”

“Tinakbuhan ko siya,” nahihiyang tugon niya.

Napanganga ito sa narinig. “Ha? Tinakbuhan mo? Bakit?”

“Parang 'di mo naman alam, ano ka ba?”

“Diyos ko naman, bessy.” Napahawak ito sa noo. “Ang tagal nang panahon noon. Hindi ka pa ba naka-move on? May naramdaman ka nang magkita kayo 'no? May feelings ka pa rin ba?”

Hindi siya nakasagot. Labis talaga siyang nabigla nang muli silang magkita. Hindi niya inaasahan ang araw na ito at hindi rin niya ninais na mangyari pa ito. Ibinaon na niya sa limot ang lahat pero ngayong nagkita silang muli, naramdam pa rin niya ang sakit ng ginawa nito noon. Ramdam niya kung gaano pa siya kaapektado nang magkita silang dalawa kanina. Alam niyang pitong taon na ang nakakalipas mula nang mangyari ang dahilan nang pagkakalayo nilang dalawa. Inakala niyang nakalimutan na niya iyon.

“Hey!” Pumitik ito malapit sa kanyang mukha na ikinagulat niya. Natulala na naman pala siya dahil sa tanong na iyon ng kaibigan. Mahirap pa rin sa kanyang sagutin ang tanong na iyon kahit halata naman ang kasagutan. Kumurap-kurap siya at sunod-sunod na umiling para iwaksi ang nasa isip.

“Ikaw na rin ang nagsabi, matagal ng panahon iyon at kinalimutan ko na iyon. May kanya-kanya na kaming buhay,” tugon niya saka sumubo ng kanin. Nang lumapat ang malamig na kanin sa kanyang bibig ay saka lamang niya napagtantong kanina pa pala niya hindi nagagalaw ang pagkain.

“Matagal na nga pero bitter ka pa rin.”

“Hindi 'no? Naka-move on na ako,” depensa niya.

“Kung naka-move on ka na, bakit tinakbuhan mo? Bakit hindi mo siya kinausap? Bakit hindi mo nilinaw sa kanya ang lahat?”

“Para ano at para saan pa?” Ipinagpatuloy niya ang pagkain.

“Sa tingin mo, bakit kaya pinagtagpo ulit kayo ng tadhana? Maybe there's a reason. Hindi puwedeng wala. Parang... love is sweeter the second time around.” Tila kinikilig pang sabi nito.

“Loka-loka! Tadhana ka d'yan. Nagkataon lang iyon 'no? At isa pa, kung may purpose man, hindi iyon love in second time around na sinasabi mo kundi closure.”

“Ibig mong sabihin, handa kang makipag-closure sa kanya?”

“Hindi ko alam.” Kibit-balikat na sabi niya. “Hindi ako sigurado. Inaaamin ko, marami akong tanong na gustong masagot pero... kalimutan na nga natin. Change topic na tayo.”

“Ah, oo nga pala!” palatak nito nang biglang may naalala. Biglang kumislap ang mga mata nito at tuwang-tuwa. “Nagyayaya si mi-loves na mag-outing overnight nextweek. Doon sa resort nila sa Bulacan. Sama tayo ha?”

“Sus! Kaya naman pala.” Naiiling na bulong niya sa sarili.

Ang mi-loves na tinutukoy nito ay ang manager nilang si Sir Francis. Ito ang apple of the eye nitong si Trisha mula pa noong nagsimula itong magtrabaho dito, siyam na taon na ang nakalilipas. Ito rin ang dahilan kung bakit hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa rin ito nag-aasawa o nagbo-boyfriend. Twenty-seven years old na si Trisha at magpasahanggang ngayon ay naghihintay pa ring mapansin ng prince charming nito. Naku, good luck talaga sa kung hindi ito maging matandang dalaga sa kahihintay.

Wala pa rin namang asawa si Sir Francis kaya matatag pa rin ang kanyang kaibigan sa paninindigan na maghihintay pa rin na mapansin nito.

“Naku, alam mo namang wala na akong hilig sa mga ganyan,” tanggi niya sa alok nito. Wala talaga siyang kahilig-hilig sa mga kasiyahan. Bahay-trabaho na lamang siya. Mas gusto niya pang manatili sa bahay kasama ang kanyang anak.

“Ang KJ mo naman, bessy. Minsan lang naman ito. Sumama ka na para naman makapag-relax ka kahit papaano. Ang dami kayang stress dito 'no?”

“Sige, pag-iisipan ko.”

“Huwag mo ng pag-isipan. Go ka na please.” Pinagdikit pa nito ang dalawang kamay at nag-puppy eyes pa.

“Sige na nga.” Napilitan na rin siyang pumayag dahil alam niyang hindi ito titigil sa pangungulit hanggang hindi siya napapapayag.