Chapter 14

Kanina pa nakatulala si Huimy. Wala siyang maintindihan sa itinuturo ng kanilang guro sa accounting. Lutang na lutang ang kanyang isip. Para bang naiwan pa iyon sa Bicol kung saan siya nanggaling dalawang linggo na ang nakakaraan.

“Hoy, Huimy!” tawag sa kanya ni Trisha sabay siko nang bahagya sa braso niyang nakapatong sa desk.

Wala sa sariling nilingon niya ito at kumunot ang noo. Sinenyasan naman siya nitong tumingin sa kanilang guro na kanina pa siya tinatawag. Maging ang pagtawag pala ng kanilang guro ay hindi na niya narinig dahil sa lalim ng kanyang iniisip. Bigla siyang nataranta at napatayo.

“Yes Ma'am!” Para siyang sundalo dahil sa tuwid na tuwid niyang pagkakatayo, kulang na lang ay sumaludo siya rito. Natawa naman ang kanyang mga kaklase sa inakto niya.

“Ms. Gonzales, if you're mind is in the outer space, can you please take it back here so you can focus on our lessons?” mataray na turan ng kanyang gurong si Mrs. Legaspi.

Lalong nagtawanan ang kanyang mga kaklase maliban kay Trisha at kay Daryl na nakatitig sa kanya. Napayuko naman siya at nag-sorry na lamang sa guro saka siya nahihiyang umupo.

“Asan ba kasi ang utak mo, girl? Bakit ba tulala ka?” pabulong na tanong sa kanya ni Trisha.

“Ano kasi...” Kinagat niya ang kanyang labi at nag-isip kung dapat ba niyang sabihin sa matalik na kaibigan ang gumugulo sa isip niya. “Si Renz...”

“Susmaryosep!” palatak nito na napahampas pa sa sariling noo. Mabuti na lang at mahina lang iyon kaya hindi ito napansin ng kanilang guro. “Ano ka ba naman, Huimy? Halos 24/7 nang tumatakbo sa utak mo iyang si Renz, hindi ba iyan napapagod? Pagpahingahin mo naman.”

Sa halip na matawa siya sa biro nito ay napasimangot siya. Kasalanan ba niyang ma-inlove? Grabe naman kasi siyang ma-inlove, daig pa niya ang naka-drugs. Hindi na mawala sa isip niya si Renz mula nang maghiwalay sila noong gabing iyon at palaisipan pa rin sa kanya kung ano ang totoong feelings nito sa kanya.

“Ewan, hindi ko alam, siguro.”Paulit-ulit na lang ding tumatakbo sa isip niya ang tatlong salitang iyon na para bang napakalalim ng kahulugan nito sa kanya. Iyon ang sinagot sa kanya ni Renz nang tanungin niya ito tungkol sa nararamdaman nito para sa kanya.

Dalawang linggo na mula nang bumalik siya ng Cavite at dalawang linggo na ring hindi pa nagte-text man lang sa kanya si Renz. Alam naman niyang walang celphone ang binata pero nag-aalala pa rin siya at umaasa pa rin siyang magte-text ito sa kanya kahit isang beses man lang para kumustahin siya. Pinanghahawakan pa rin niya ang pangako nito na hindi siya nito kakalimutan at ang sumpaan nilang bestfriend forever.

“Sa tingin mo ba, mahal din niya ako?"

“Tigilan mo nga iyang mahal-mahal na iyan, Huimy. Mahal rin ang tuition fee natin kaya kung puwede lang mag-focus ka muna sa pag-aaral natin. Parehas tayong babagsak nito e. Pero alam mo, pasalamat ka kay Daryl dahil ipinakiusap ka niya kay Mrs. Legaspi na pabalikin ka kahit super late ka na para sa second sem.”

Napatingin naman siya sa gawi ni Daryl. Nahuli niyang nakatingin ito sa kanya. Ngumiti pa ito nang magtama ang kanilang mga mata. Napakabait ni Daryl sa kanya, isa ito sa naging malapit niyang kaibigan sa school na iyon. Ito rin ang unang tumutulong sa kanya sa mga mahihirap na subjects nila tulad ng Html at itong accounting na second major nila. Nakakaloka naman kasing mag-compute ng assets and liabilities.

Natapos ang klase na wala siyang halos naintindihan sa itinuro ng kanilang guro. Nag-aayos na siya ng gamit nang lumapit sa kanya si Daryl.

“Masaya ako na nakabalik ka na,” sabi nito sa kanya. Ibinigay nito ang notebook nito sa kanya. “Andiyan ang mga notes ko na hindi mo na-take up para sa prelim exam, hiramin mo muna para mapag-aralan mo.”

“Naku, nakakahiya na sa'yo,” aniya rito pero tinanggap pa rin ang inaabot nito. “Pero salamat dito ha?”

“Basta para sa'yo, Huimy.”

Ngiti lang ang itinugon niya rito saka pinasok sa loob ng kanyang bag ang notebook na ibinigay nito. Hindi lingid sa kanya na may pagtingin sa kanya si Daryl pero no to boyfriend ang motto niya kaya hindi siya nag-i-entertain ng mga manliligaw. At isa pa, sinara at kinandado na niya iyon para sa nag-iisang tao.

“Ah, Huimy... puwede ba kitang yayaing kumain mag-lunch? Sabay na tayo, puwede?” nahihiyang tanong nito sa kanya.

Tatanggi pa sana siya pero sumingit na sa usapan si Trisha. “Sureness! Payag si best basta libre mo ha?”

“Oo naman.” Bakas ang sigla sa mukha nito.

“Kasama ako sa libre ha? Baka naman si best lang ang ilibre mo, hindi na lang kami papayag.”

Natawa naman si Daryl sa hirit ni Trisha. Siya naman ay napailing na lang. Minsan hindi niya alam kung saan humuhugot ng kapal ng mukha itong best friend niya. Siya tuloy nahihiya para dito.

Magkasama na silang nagtungo sa canteen ng eskuwelahan. Hindi naman gaanong puno ang loob niyon kaya mabilis silang nakahanap ng mauupuan. Nakabili na rin si Daryl ng pagkain nila at nag-umpisa na silang kumain. Tinolang manok, kanin at soft drinks ang in-order nito para sa kanya. Beef stake, kanin at soft drinks naman para kay Trisha.

“Bakit iyan lang ang in-order mo para sa'yo?” tanong niya nang mapansing isang chicken sandwich at tetra pack juice lang ang in-order nito.

Ngumiti naman ito nang matamis sa kanya bago sumagot, “makita lang kitang busog, busog na rin ako.”

“Bakit? Kapag kinain ko ba ito, sa tiyan mo ang diretso?” pilosopong biro niya na kinatawa nito.

“You're funny, that's why I like you,” muling banat nito na ikinapula naman ng mukha niya. Hindi dahil kinikilig siya sa sinasabi nito kundi dahil nahihiya na siya sa mga matang nakatingin sa kanila. Para bang alam na alam na ng mga kaklase nila ang panliligaw nito sa kanya at ayaw naman niyang harap-harapang soplahin ang pagpapalipad-hangin nito.

“I'm sorry, Daryl,” pabulong niyang sabi dito na bahagya pang inilapit ang bibig sa tenga nito upang walang makarinig sa susunod pa niyang sasabihin. “May mahal na ako at hindi kita gusto.”

Bigla namang lumamlam ang mga mata nito at nawala ang ngiti sa labi. “Mahal ka rin ba niya?”

Siya naman ang hindi nakasagot sa sinabi nito. Paano ba niya iyon sasagutin kung hindi siya sigurado sa sagot?

Hinawakan siya nito sa kamay at bahagyang pinisil iyon. “Kung mahalaga ka rin sa kanya, babalik siya. Papasayahin ka niya at hindi sasaktan. At sasabihin niya rin sa'yo kung gaano ka niya kamahal.”

“Sasabihin? Paano kung hindi sinasabi pero pinaparamdam naman?” Gusto sana niyang itanong ang nasa kanyang isip pero nagdalawang-isip siya. Baka lalo pang isipin ni Daryl na hindi siya mahal ng taong mahal niya.

“Basta ako, ipaparamdam ko pa rin at sasabihin sa'yo na mahal kita Huimy at handa akong maghintay kahit gaano katagal,” pahabol pang sabi nito saka tumayo at nagpaalam, “sige, enjoy your lunch. Balik muna ako sa classroom.”

Wala siyang nasabi at lalo lamang niyang inisip ang mga katagang binitiwan nito sa kanya.

Nakahalumbaba siya habang nakatingin sa mga bituin higit sa partikular na bituing lagi niyang kinakausap. Nakauwi na siya at hindi pa rin maalis ang mga katanungang gumugulo sa isip niya pati na rin ang mga sinabi ni Daryl.

“Bakit ganoon? Humiling ako ng sign at ibinigay mo naman pero bakit best friend lang?” tanong niya rito na para bang naghihintay na sagutin siya nito.

“Sabagay, hindi naman kasi ako naging specific sa hiniling ko. Sana pala sinabi ko na, siya na ang ibibigay mong prince charming ko,” aniya kasabay ang buntong hininga. “Hanggang kailan kaya ako aasa na siya na ang ibinigay mong nakatadhana sa akin? Ang hirap naman kasing hulaan kung mahal din niya ako. Ano sa palagay mo, mahal din niya kaya ako?”

“Oo mahal ka niya.” Nanlaki ang mga mata niya sa gulat nang biglang may magsalita. Lumingon pa siya sa paligid pero walang tao. Nahintakutan siyang napatingin ulit sa bituin.

“Ikaw ba ang sumagot? Nagsasalita ka na?” tanong niya sa bituin.

Isang malakas na halakhak naman ang narinig niya mula sa kanyang likuran. Nang lingunin niya ito ay tumatawang si Marikit ang nakita niyang papasok sa loob ng kanilang kuwarto.

“Nababaliw ka na naman, ate.”

Ngumuso naman siya at inirapan ang kapatid. “Pinagti-trip-an mo naman ako.”

“Nakakatawa ka kasi. Sobrang fanatic ka ng mga fantasy at fairytale at akala mo siguro may mystery na rin ano?” Muli iting tumawa ng malakas. “Akala mo sinagot ka na ng star, e ako lang naman iyon.”

“Bakit masama bang maniwalang may forever at totoong nagkakatotoo ang sign?”

Tumabi ito sa kanya at sabay silang tumingala sa langit. “Iniisip mo bang si Renz ang binigay ng sign sa'yo?”

Tumango siya at ngumiti. “Unang kita ko pa lang sa kanya alam kong siya na. Lalo na noong sabay kaming tumingala sa bituin at humiling. Pero minsan nag-aalinlangan din ako lalo na noong ikaw ang niligawan niya at hindi ako.”

“Hindi naman talaga niya ako niligawan e.”

“Ha?” Nabaling ang tingin niya rito at kumunot ang kanyang noo.

“May aaminin ako sa'yong isang sikreto, ate.”

Kinabahan naman siya dahil doon. Ano naman kayang sikreto ang sinasabi ng kanyang kapatid na hindi pa nito nasasabi sa kanya? Close silang magkapatid at bihira silang mag-away. Madalas ding silang magkuwentuhan tungkol sa mga bagay-bagay kahit sa mga crushes nito sa school.

“Aaminin? Sikreto?”

Sunod-sunod na tango ang isinagot nito. “I like Clarenz before, naging crush ko rin siya.”

Kumirot bigla ang kanyang puso nang marinig ang sinabi ng kapatid. Agad na nawala ang ngiti sa kanyang mukha. Akala niya ay tapos na ang karibal issue nilang magkapatid dahil binusted na ito ng kapatid niya noon.

“But don’t worry, one day ko lang siyang naging crush or maybe an hour. Iyon lang iyong time na magkausap kami sa tabing-dagat noong nag-outing tayo.”

Hindi siya tumugon. Masakit pa rin sa kanya na maalala ang araw na iyon na pakiramdam niya ay naitsapuwera siya at ipinamukha sa kanya na hindi siya ang gusto nito. Hinayaan lang niyang magpatuloy sa pagkukuwento ang kapatid.

“You know why I like him? Because I know that he like you,” nakangiting sabi nito na lalong ipinagtaka niya.

“H-he likes me?”

“Yap. I can feel it lalo na sa mga tingin niya sa'yo tuwing magkausap kami. Pero alam mo ba kung bakit nawala ang crush ko sa kanya? When I realized that he was only using me to hide his feelings.”

“Using you?”

“Yap. I don't know why he had to hide his true feelings. I don't know kung bakit kailangan pa niyang palabasin na nanliligaw siya sa akin. Siguro dahil nanliligaw na si Robert sa'yo noong time na iyon o siguro may iba pang dahilan.”

“Bakit nga ba?” Isa na naman iyon sa dumagdag sa isipin niya.

“Ate, hindi ako pabor na mahalin mo si Renz at ang umasa kang siya ang binigay ng sign sa'yo. Hindi dahil sa ayaw kong sumaya ka o galit ako sa kanya dahil ginamit niya ako para itago ang nararamdaman niya. Ayoko lang sa kanya para sa'yo dahil ilang beses na kitang nakitang umiiyak dahil sa kanya. Ayokong saktan ka ng isang taong hindi alam kung paano sabihin ang totoong nararamdaman niya. Ayoko lang din na makita kang hinahabol mo siya at nagpapakatanga ka sa kanya.” Masakit ang binitiwang salitang iyon ni Marikit kanya pero alam niyang concern lang ito sa kanya.

“Pero kung sa kanya ka sasaya, susuportahan kita. Sana lang ay magkaroon na siya ng lakas ng loob na sabihin sa’yo kung ano ka ba talaga para sa kanya,” dugtong pa nito.

Lumabas na ito sa kanilang kuwarto at naiwan naman siyang nag-iisip pa rin.

“Kung totoong mahal niya nga rin ako, bakit nga ba hindi niya masabi sa akin?”

Kasabay naman niyon ay ang biglang pagtunog ng kanyang cell phone. Tiningnan niya ito at gumuhit ang ngiti sa labi niya nang mabasa ang mensaheng naroon. Sa wakas nag-text na ang taong pinakahihintay niya.

From: +6391734....

Hi best, kumusta ka na? Ito na ang new number ko. Dito ka na lang mag-reply. Ingat ka palagi. I miss you and I love you best.

I love you best... kung wala sanang best na nakalagay sa dulo. Iisipin niyang ang I love you na iyon ay may malalim ng kahulugan.

Pero sa ngayon, hindi na lang muna siya aasa. Hihintayin na lamang niya ito hanggang sa kusa na itong magsabi sa kanya ng tunay nitong nararamdaman. Sa ngayon, susulitin na lamang niya ang mga panahong masaya sila bilang matalik na magkaibigan. Masaya na siyang nananatili ito sa buhay niya at sisikapin niyang tuparin ang sumpaan nilang forever... best friend.