Chapter 15
Year 2009
Limang taon ang mabilis na lumipas. Lalong naging malapit sa isa't-isa sina Renz at Huimy. Gabi-gabi silang magkatawagan sa cell phone. Tinupad ni Renz ang pangako nitong araw-araw siyang tatawagan at ite-text. Kahit abala na sila sa kanya-kanyang trabaho, hindi pa rin nila nakakalimutang kumustahin ang isa't isa.
Graduate na siya sa kursong Computer Secretarial at nagtatrabaho na sa Maynila bilang encoder. Secretary sana ang a-apply-an niya ngunit hindi naman siya makahanap ng maayos ng kompanya o walang tumatanggap sa kanya dahil two years vocational lang ang natapos niya. Hindi na kasi niya naipagpatuloy sa four years ang kanyang kurso. Nagkaroon kasi ng financial problem ang kanyang mga magulang kaya hindi na niya naituloy. Napilitan na rin siyang mag-part time noon sa iba't ibang klaseng trabaho para lamang makatapos at makatulong sa ina. Nang maka-graduate siya ay pinilit niya ang kanyang ina na payagan siya nitong mag-apply sa Maynila. Mas malaki kasi ang sahod doon kumpara sa Cavite na provincial rate lang.
Si Renz naman ay nasa Batangas at doon nakadestino. Isa na itong foreman sa pinapasukan nitong construction firm. Mga building ng bangko ang ginagawa nila. Hindi na rin nito nagamit ang kursong kinuha na vocational noon dahil may nag-alok daw dito na magtrabaho roon. Sa pagkakaalam niya ay nag-aaral na rin si Renz ng engineering habang nagtatrabaho. Iyon din naman ang gusto ng binata noon pa man. Nasa ikatlong taon na ito sa kinukuhang kurso. Natutuwa siya dahil alam niyang nagpupursige ang binata para sa kinabukasan nito.
“Best, hindi ka pa ba inaantok? Mag-aalas dose na. Kanina pa tayo magkausap. Alas-otso pa yata tayo nag-umpisa ng usapan. Ang init na ng tenga ko,” sabi niya na halos papikit na ang mga mata. Antok na antok na siya pero parang ayaw pang tapusin ang tawagan nilang dalawa. Para bang kahit paulit-ulit na lang ang pinag-uusapan nila ay hindi pa rin sila nagsasawa.
“Inaantok na rin pero puwede bang kantahan mo muna ako bago ako matulog?” Kabisado na ni Huimy ang paglalambing nito sa kanya.
“Grabe ha? Kailangan may pampatulog?” natatawa niyang biro sa binata.
“S'yempre naman.” Narinig niya ang mahinang tawa nito sa kabilang linya. “Gusto kong marinig ang boses mo bago ko ipikit ang mata ko.”
“Sige na nga! Pero huwag kang tatawa ha?”
“Susubukan kong hindi matawa basta gandahan mo ang boses mo. Huwag 'yong boses palaka,” biro nito kasabay ang malakas na pagtawa.
“Ang bad mo!”
Hindi pa rin naman ito matigil sa katatawa na para bang tuwang-tuwa itong asarin siya.
“Kakanta na ako, huwag kang maingay,” saway niya.
“Okay. Game.”
Nang tumahimik sa kabilang linya ay inumpisahan na niya ang pagkanta.
Isang hiling sa bituin na sana ay dinggin
Makilala at makasama ka sa bawat sandali
Ikaw lamang ang pangarap ko at tanging hiling ng puso ko.
Nang unang makita ka, hindi maipaliwanag ang saya.
Para bang ang lahat ng panaginip ko ay nagkatotoo na.
Hindi makapaniwalang ngayon ay kapiling ka.
Ngayon ang hiling naman ay huwag ka nang mawalay pa.
Natapos ang kanta. Feel na feel pa niya ang kanta dahil iyon ang nilalaman ng kanyang puso at gusto niyang iparating sa binata. Kahit na matagal nang panahon ay wala pa ring nagbago sa nararamdaman niya para dito. Mahal pa rin niya ito kahit na matagal na rin silang hindi nagkikita at kahit na ang tanging komunikasyon lamang nila ay ang linya ng telepono. Habang tumatagal, alam ni Huimy na lalo pa siyang nahuhulog dito ngunit pilit pa rin niyang inilulugar ang sarili at itinatatak sa isip niya na hanggang doon na lang sila. Kahit makulit ang puso niya dahil ito pa rin ang pangalang isinisigaw niyon sa bawat araw na lumilipas.
“Woooohhhh!”
Nagulat siya nang may marinig na palakpakan at sigawan sa kabilang linya.
“Sino ‘yon?” nagtatakang tanong niya.
“Mga ka-boardmate ko. Pinapakinggan ka nila. Naka-loudspeaker ang cell phone ko,” natatawang sabi nito.
“Loko ka talaga. Ginawa mong radio ang boses ko.” Ngumuso pa siya na animo ay nakikita ito.
“Okay lang 'yon. Maganda naman boses mo.”
“Sus, nambola ka pa.”
“Lagi mo na lang akong sinasabihang mambobola. Hindi nga ako marunong mambola, honest lang.”
“Oo nga pala, hindi ka marunong kaya pala sabay-sabay ang girlfriend mo,” biro niya kahit masakit sa kanya ang katotohanang iyon.
“How I wish na sana ako na lang ang girlfriend niya,” iyon ang lihim niyang dalangin.
Sa tinagal-tagal ng pagkakaibigan nila, marami-rami na rin itong naikuwento sa kanya. Kahit masyado itong malihim, madali niya itong nahuhuli. Dinadaan lang niya sa biro at napapaamin na niya. Isa lang ang hindi niya mapaamin dito. Iyon ay ang feelings nito para sa kanya. Kahit masaya na sila sa ganoong estado ng relasyon nila, umaasa pa rin siyang mutual ang feelings nila sa isa't isa at kahit na nga marami na siyang karibal.
Sa totoo lang, hindi naman niya masabing karibal ang mga girlfriends nito dahil parang mas marami pa ngang oras si Renz para kausapin siya kaysa ang makipag-date sa girlfriend nito.
Pagkatapos kasi ng trabaho ni Renz, makikipag-text na ito sa kanya. Pagkatapos ng hapunan, tatawag na ito at unlimited na iyon hanggang magdamag. Medyo nabawasan lang ng konti dahil nga abala rin sa pag-aaral at trabaho. Ang dating alas dos ng madaling araw, naging alas dose na lang. May trabaho pa kasi kinabukasan.
“Ikaw talaga. Hinuhuli mo na naman ako. Hindi naman sabay-sabay, sunod-sunod lang,” biro rin nito sabay tawa.
“Papalusot ka pa talaga ha? Sige na at baka magalit na sa akin mga girlfriends mo, hunting-in pa ako.”
"Okay goodnight, my dear. I love you."
My dear? 'Di ba endearment ng mag-asawa 'yon?
Parang kiniliti ang puso niya dahil sa sinabi nito. Ayan na naman siya. Hindi na naman mapigilan ang kanyang puso na kiligin kahit pa nga natural na lang din sa kanila ang salitang I love you.
“Anong sabi mo? My dear? Bakit tinawag mo akong my dear?”
“Ha? Ah... eh... my dear... my dear best friend! Oo, ‘di ba kapag nagsusulatan tayo my dear bestfriend muna bago ang message?”
Ewan niya kung isa na naman ito sa maraming palusot ni Renz. Pero bakit nga ba hindi niya mapigilang hindi umasa na baka may ibang kahulugan iyon?
“Ang dami mo talagang alam. Kaya nga inlove pa rin ako sa'yo eh. Ang galing mong magpalusot.”
“Inlove ka pa sa akin?” Halata sa boses ni Renz ang pagkagulat. Lumakas naman ang pintig ng kanyang puso. Hindi tuloy niya alam kung hanggang sa kabilang linya ay rinig nito ang pagdagundong ng puso niya.
“Ay! Ano ba 'yong nasabi ko. Nakakahiya! Ano ba kasi itong dila ko, masyadong matabil,” sisi niya sa sarili.
“Oh... kinilig ka naman d'yan. Matulog na nga tayo. Baka magkaron pa tayo ng relasyon, magkagulo sa Pilipinas.” Dinaan na lang niya sa biro ang lahat para mawala ang tensyon. Ayaw na lang din niyang isipin nito na higit pa sa pagkakaibigan ang nais niya. Baka makasira pa iyon sa kanilang samahan.
“Bakit naman magkakagulo?”
“Gegerahin kasi ako ng mga girlfriends mo,” sabi pa niya sabay tawa nang malakas. Sa pamamagitan man lang noon ay maitago niya tunay na nararamdaman. “Sige na. Good night na! Love you and miss you, best.”
“Love you and miss you too. Good night.”
Napabuga siya ng hangin nang matapos ang kanilang usapan.
“Ang tagal ng panahon. Mahal pa rin kita. Kailan kaya tayo magkikita ulit? Miss na miss na kita,” bulong pa niya sa sarili saka mahimbing na nakatulog yakap ang cell phone.
Samantala, nakatitig naman si Renz sa kanyang cell phone matapos ang pag-uusap nilang iyon ni Huimy. Naroon ang litrato ng dalaga at ginawa niyang wall paper. Ang matamis nitong ngiti ang tanging nagpapagaan ng kanyang loob kahit na nga ba picture lang iyon.
“Mahal kita, Huimy pero hindi ko pa rin kayang sabihin sa'yo. Hindi kasi puwede dahil masasaktan lang kita,” bulong niya sa sarili.
Pabagsak na ipinatong ni Renz ang kanyang cell phone sa kanyang dibdib habang tulala na nakatingin sa kisame at sunod-sunod na napabuntong hininga.
Limang taon na ang lumipas at napatunayan na niya sa sarili niyang mahal talaga niya ang dalaga. Na hindi na siya sanay na wala ito. Sanay na siyang laging kausap ito at ang mga mensahe nito sa kanya araw-araw na bumubuo lagi ng araw niya. Ngunit sa kabila ng saya niya sa pagkakaibigang mayroon sila ng dalaga ay hindi pa rin maitago ang kanyang pag-aalala. Gustuhin man niyang maging higit pa roon ang mayroon sila ng dalaga ay hindi puwede, lalo na ngayon.
“Hoy!” panggugulat sa kanya ng kaibigan at katrabaho niyang si Dino. Nasa iisang baracks lamang sila at iisang kuwarto lamang natutulog. Magkakaiba lamang sila ng kamang tinutulugan. Nasa taas na bahagi ito ng double deck at siya naman ang naka-puwesto sa ibaba. Bumaba pa talaga ito para istorbohin siya.
“Ano ka ba naman, pare? Bakit ka ba nanggugulat d'yan?” iritableng tanong niya. Muntik na niyang mabitawan ang hawak na cell phone.
“Iyan kasi ang hirap sa babaerong torpe eh. Dinadaan sa imagination,” pang-aalaska nito.
“Ulol!” pabirong tugon niya rito.
“Hay naku, bakit pa kasi hindi mo na seryosohin ang panliligaw d’yan sa best friend mo kuno?”
“Alam mo namang hindi p'wede ‘di ba? Mag-BESTFRIEND kami.” Pagdidiin niya sa salitang iyon kahit parang sibat din iyong tumatama sa puso niya.
“Iyan kasi ang hirap sa'yo, bakit mo kasi binest-friend ang taong mahal mo? Nahihirapan ka tuloy ngayon.” Inakbayan pa siya nito. “Alam mo kasi, kapag mahal mo ang isang babae, dapat nililigawan mo agad, hindi 'yong bine-bestfriend mo kunwari pero deep inside gusto mong maging girlfriend,” dugtong pa nito na akala mo ay maraming alam sa larangan ng pag-ibig samantalang isa rin ito sa mga kaibigan niyang laging busted sa mga nililigawan nito.
“Iyon ang destiny naming dalawa, ang maging best friend forever lang.”
“Naku, destiny ka d’yan. Ikaw lang ang nagpapahirap sa destiny mo. Kung ako sa'yo magtatapat na ako. Alam mo namang mahal ka rin niya, hindi na mahirap para sa'yo ang mapasagot siya.”
Natahimik siya. May punto ito pero hindi iyon ganoon kadali. Wala itong alam sa tunay na estado na mayroon siya ngayon. Kung wala siguro siya sa sitwasyong iyon, hindi sana magiging kumplikado sa kanila ang lahat.
Mahigit anim na taon na mula nang pirmahan ang kasunduang iyon at hindi niya alam kung paano pa babaliin iyon gayong desidido na si Amanda na bumalik at ituloy ang kasunduang iyon. Hindi niya ito sinasabi sa kahit na sino, maging kay Huimy.
“Pare, pag-isipan mong mabuti. Ikaw rin, baka sa kabagalan mo, maunahan ka,” pahabol pang sabi ni Dino bago bumalik sa higaan nito sa taas.
Hindi pa rin siya umimik. Naiwan siyang nakatulala at nag-iisip pa rin. Hahayaan na lang ba niyang magmahal si Huimy ng iba? Makakaya niya bang makita itong may kasamang iba? Ngayon ay panatag siya dahil wala pang nagiging nobyo si Huimy kahit isa pero paano kung dumating ang araw na kinatatakutan niya? Paano kung dumating na si Amanda at kailangan na niyang iwan si Huimy? At paano kung malaman ni Huimy ang lahat at mismong ito ang lumayo sa kanya?