Chapter 13

Hindi maalis ang ngiti sa labi ni Renz habang naglalakad pauwi. Labis ang kanyang kaligayahan dahil sa muli nilang pagkakabati ni Huimy. Katatapos lang nilang mag-usap at dahil sa pagkalibang ay hindi na niya namalayaang alas nuebe pasado na pala ng gabi.

“Oh pare, mukhang ang saya natin ngayon a!” sarkastikong bati sa kanya ni Robert nang makasalubong niya ito. Iba ang tono ng pagsasalita nito pero hindi na lamang niya pinansin. Matagal na niyang napapansin na tila nanlamig ito sa kanya. Hindi na ito tulad ng dati na masiglang bumabati sa kanya. Katunayan ay ngayon lang ulit siya pinansin nito. Hindi na ito masyadong nagpupunta sa kanila at parang umiiwas ito sa kanya tuwing magkikita sila. Iba na rin ang sinasamahan nitong barkada.

Alanganing ngiti ang itinugon niya rito. Hindi niya sigurado ang pakay nito sa pagpansin nito sa kanya ngayon pero hindi siya komportable. Pakiramdam niya ay huwad ang pinapakita nitong ngiti sa kanya.

“Kayo na ba ni Huimy?” biglang tanong nito sa kanya na seryosong nakatingin sa kanya.

“Advance ka naman masyado, pare. Wala kaming relasyon ni Huimy.”

“Pero mahal mo ba siya?”

Hindi siya nakaimik at tinitigan lang ito. Hindi niya sigurado kung anong tumatakbo sa isip nito para itanong sa kanya ang bagay na iyon. Pero ano nga ba ang sagot sa tanong na iyon? Kahit siya ay hindi sigurado sa nararamdaman. Mahalaga sa kanya si Huimy at ang pagkakaibigan nila. Sapat na ba ang salitang mahalaga para masabi niyang mahal niya rin ito?

Bigla na lang siyang natumba nang dumapo sa kanya ang kamao ni Robert. Biglaan ang pangyayari kaya hindi man lang siya nakaiwas. Tiningnan niya ito ng masama habang hawak ang gilid ng labi na tinamaan ng suntok nito. Naglandas doon ang dugo dahil sa lakas ng tinamo.

“Anong problema mo?” galit na sigaw niya rito. Mabilis siyang tumayo at kinuwelyuhan ito.

“Ikaw!”

“A-ako? Anong nagawa ko sa'yo?”

“Tss... hindi mo alam dahil wala kang pakiramdam. Alam mo bang mahal ka ni Huimy ha?”

Hindi siya nakasagot kasabay ang panlalaki ng mata. Umamin naman sa kanya si Huimy noon na gusto siya nito pero nagkasundo na lang din silang kalimutan ang nararamdaman para sa kanilang pagkakaibigan. At natatandaan pa niyang sinabi ni Huimy na huwag niya itong ligawan dahil lang may gusto ito sa kanya. Kaya naman, hindi niya talaga ginawa. Gusto niyang respetuhin ang desisyon nito at maging mabuting kaibigan sa dalaga. Ayaw din naman niyang ikasira nilang dalawa kung isasama pa niya si Huimy sa listahan ng mga naging ex-girlfriends niya. At isa pa, special sa kanya si Huimy at ayaw niyang masaktan ito ng dahil sa kanya.

“Ang manhid mo, pare! Lagi mo na lang pinapaiyak iyong tao. Ni wala kang pakialam sa nararamdaman niya. Pinaubaya ko siya sa'yo kahit masakit dahil alam kong ikaw ang gusto niya pero ito lang ang gagawin mo?” Sa tono ng pananalita nito ay ramdam niya ang sama ng loob nito. Marahil ay matagal na iyong kinikimkim. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit bigla na lang itong nagbago ng pakitungo sa kanya.

Lumapit ito sa kanya at kinuwelyuhan siya. Inilapit nito ang bibig malapit sa tenga niya at pinagbantaan siya, “Kung mahal mo siya, huwag mo siyang saktan dahil hindi lang suntok ang aabutin mo sa akin kapag nakita ko pa siyang umiiyak ulit.”

Dahil sa inis ay itinulak niya ito. “Okay kami ni Huimy at wala akong balak na saktan siya.”

“Siguraduhin mo lang!” anito saka tinalikuran na siya. Sinundan lang niya ng tingin ito saka nagpasyang magpatuloy na sa paglalakad pauwi.

Ang kaninang sayang naramdaman niya ay napalitan ng pagkainis. Tama siya ng hinala, may gusto pa rin si Robert kay Huimy. At hindi naman siya papayag na umekstra pa ito sa eksena dahil poprotektahan niya si Huimy kahit anong mangyari. Hindi niya hahayaang masaktan ulit ito. Hindi niya hahayaang umiyak muli ito dahil sa kanya.

Nakauwi na siya at pagpasok palang niya sa bahay ay mapanuring tingin na ng kanyang ina ang sumalubong sa kanya.

“Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo Renz na tigilan mo na ang babaeng iyon? Iwasan mo na siya,” mahina ngunit madiing sabi ng kanyang ina. Nakahalukipkip ito at nakaupo sa silyang nasa sala.

“Hindi ko gagawin ang sinasabi ninyo, Ma. Magkaibigan kami ni Huimy.”

“Hindi lang pagkakaibigan ang nakikita ko sa inyong dalawa.” Tumayo ito at lumapit sa kanya. “Hindi ako pinanganak kahapon para hindi malamang hindi mo siya minamahal, Renz.”

“Mahal ko na nga ba siya?” tanong din niya sa sarili. Hindi siya nakaimik sa sinabing iyon ng kanyang ina.

“Layuan mo na siya, Renz. Hindi makakabuti sa ating lahat na ipagpatuloy mo pa ang makikipagmabutihan mo sa babaeng iyon.”

“Best friend ko siya, Ma,” pagdidiin din niya sa kanyang sinabi. Iyon lang ang tanging paraang alam niya para tigilan siya nito sa sinasabi nitong layuan ang babaeng mahalaga sa kanya.

“Best friend na kung best friend pero hindi kayo puwedeng magkaroon ng relasyon. Alam mo iyan at hindi ko na kailangang ulitin pa sa'yo!”

Marahas siyang napabuntong hininga. Nadagdagan ang kanyang inis dahil sa sinabi nito pero ayaw niyang makipagtalo rito. Nirerespeto pa rin niya ang kanyang ina at ni minsan hindi niya sinuway ang sinasabi nito. Ngayon palang at noong araw na sumugod siya sa ulan para lapitan si Huimy.

“Hindi ko gagawin ang sinasabi ninyo, Ma. Kaibigan ko siya at mananatili kaming magkaibigan habang buhay,” aniya rito saka tinalikuran na ito.

“Panindigan mo iyang pagkakaibigan ninyo pero sinasabi ko sa'yo, Renz, hindi ka puwedeng magkaroon ng relasyon sa babaeng iyon kung ayaw mong magkagulo tayo,” pahabol pa nitong sabi sa kanya.

Malinaw sa kanya ang dahilan ng pinagkakaganoon ng kanyang ina. Malinaw dahil matagal na nilang napag-usapan ang bagay na iyon. Maaari siyang makipaglandian sa iba't ibang babae pero hindi niya puwedeng mahalin ang mga iyon hanggang sa oras na magbalik ang babaeng nakatakdang ipakasal sa kanya. Sa isiping iyon pa lang ay napu-frustrate na siya. Hindi niya akalaing nagawa ng mga magulang na ibenta siya para lang maging maginhawa sa buhay.

“Hindi tayo mayaman at kailangan nating bayaran ang naging pagkakautang natin sa mga Regado. Ang kasal ninyo lang ni Amanda ang tanging sagot para hindi tayo mamulubi ng tuluyan.”

Si Amanda ang nag-iisang anak ng kanilang gobernador sa lugar na iyon. Nagkaroon sila nang malaking pagkakautang dito nang malulong sa sugal at bisyo ang kanyang ama. Bisyong naging dahilan rin para ikamatay nito. Naging pusher ang kanyang ama ng drugs at napasali sa isang malaking sindikato at nang balak na nitong tumiwalag ay itinumba nila ito. Si Governor Gary Regado ang sumalba sa kanilang pamilya noon. Ipinahuli nitong lahat ang kasapi sa sindikato. Wala na rin nagtangka pang mag-drugs sa lugar nila dahil sa takot sa gobernador. Lahat ng malalaman nitong gumagamit ng bawal na gamot ay pinapatumba nito. At kapalit ng naging tulong nito sa kanila ay ang pagpapakasal niya sa nag-iisang anak nito.

Labis ang paghanga sa kanya ng dalaga mula pa man noong tumuntong sila ng highschool at nangako itong papakasalan siya kapag lumaki na sila. Balewala naman sa kanya ang sinabing iyon ng babae dahil hindi niya ito gusto noon pa man kahit pa pinagpipilitan nitong may relasyon na sila. Mabuti na nga lang at nang maka-graduate sila ng high school ay nagtungo ito sa ibang bansa para ipagpatuloy ang pag-aaral. Nakahinga siya ng maluwag dahil doon pero hindi pa doon natatapos ang lahat dahil sa kasunduang pinirmahan nila bago ito umalis.

Huling gabi na nina Huimy sa Bicol. Bukas ng hapon ay uuwi na sila pabalik ng Cavite. Huling pagkakataon na rin ito na makakasama niya si Renz. Parang ang bilis lang ng halos dalawang buwan niyang pamamalagi roon.

Oo, dalawang buwan! Mula nang magbakasyon siya ng 1st semester break ay nagpunta na siya roon. Nagsimula na ang second semester at hindi na siya nakapag-enroll. Ganoon nga siguro siya talaga kabaliw para gawin ang bagay na iyon. Totoo nga siguro ang kasabihang “Ang pag-ibig, kung pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat, masunod ka lamang.”

Kabaliwan at katangahan nga sigurong ipagpalit ang pag-aaral alang-alang sa pagkakaibigan. Pero dapat pa nga ba niyang pagsisihan? Siguro nga, sinubok ang kanyang tatag sa pagharap ng pagsubok at para malaman niya ang kanyang naging pagkakamali. Masaya na rin siya nang nalagpasan nila ang pagsubok na iyon sa kanilang pagkakaibigan. Siguro pagdating ng panahon, tatawanan na lang niya ang ginawa dahil sa pag-ibig.

Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi nang tingnan niya si Renz na nakaupo sa kanyang tabi at nakatingala sa langit. Nasa balkonahe sila ng bahay ng kanyang tiyahin. Matagal na katahimikan ang namayani sa kanila na tila ba nagpapakiramdaman.

“Puwede ba akong mahiga sa hita mo?” pagbasag ni Huimy sa katahimikan. Tumango naman si Renz at tipid na ngumiti.

Humiga siya sa hita nito habang tinitigan ang mukha nito. Nakatanaw pa rin ito sa mga bituin at tila napakalalim ng iniisip.

“Ano kayang iniisip niya? Malungkot kaya siya dahil aalis na ako?” naisaloob niya.

“Renz,” mahinang tawag niya sa pangalan nito.

“Hmmm?” Sumulyap naman ito sa kanya at tipid pa ring ngumiti.

“Mahal kita,” lakas loob na sabi niya. Hindi niya alam kung saang baul niya hinugot ang lakas ng loob na iyon basta ang alam lang niya ay kailangan niyang sabihin sa binata ang tunay niyang nararamdaman bago pa man sila tuluyang magkahiwalay. Hindi rin siya sigurado kung may pagkakataon pa para sa kanila na maulit ang pagsasama nilang ito o baka tuluyan na ring mawala ang komunikasyon nila kahit pa nga nagsumpaan sila.

Gusto niya ring malaman kung ano ba talaga ang turing nito sa kanya? Kung best friend lang ba o higit pa? Nahihirapan kasi siyang mangapa sa dilim, iyong tipong hindi niya alam kung ano ba ang mayroon sila.

Nakatitig lamang ito sa kanya at halatang nagulat sa kanyang sinabi.

“Nasobrahan kasi ako sa pagka-prangka. Hay! Natuluyan na nga yata ako sa kabaliwan ko.” Kinagat niya ang pang-ibabang labi, bigla siyang nakaramdam ng hiya rito.

“Baka nagkakamali ka lang sa nararamdaman mo,” anito matapos umiwas nang tingin.

“Hindi ako nagkakamali. Sigurado ako. Sa'yo ko lang naramdaman ang ganito.” Nasaktan siya sa sinabi nito ngunit pinanindigan na lamang niya ang sinabi. Hindi na niya babawiin na mahal niya ito dahil iyon naman talaga ang totoo. Bahala na basta ang mahalaga ay nasabi niya. Mabuti na iyong sinabi kaysa pagsisisihan niyang hindi nasabi dito kahit kailan.

“Di ba sabi mo sa akin bago ka nagpunta dito, may long time crush kang kaklase mo? Nakalimutan mo na ba agad siya?” tanong nito sa kanya. Naalala niyang kinuwento niya rito ang tungkol sa kanyang high school crush na si Mark.

“Crush ko lang iyon. Hindi natuloy sa love dahil nang dumating ka, nakalimutan ko na siya.” Iyon ang totoo at hindi rin niya maipaliwanag kung bakit nag-switch ng ganoon kabilis ang feelings niya samantalang halos apat na taon niyang crush si Mark. Bigla na lang naglaho ang nararamdaman niya rito mula nang makilala niya si Renz.

“Baka naguguluhan ka lang,” mahina ngunit tila may lungkot sa tinig nito. Kada lumalabas sa bibig nito ay parang punyal namang tumutusok sa puso niya.

“Bakit ayaw niyang paniwalaan ang sinasabi ko at para bang pinipigilan niya pang maramdaman ko ito? Ganito ba siya mag-reject? Bakit ang mga babaeng nagtatapat sa kanya, pinagbibigyan niyang maging girlfriend niya? Bakit ako, hindi? Ramdam ko namang special ang turing niya sa akin kumpara sa iba pero bakit ganito? Hanggang matalik na kaibigan lang ba talaga ang turing niya sa akin?” Ito ang mga katanungang naglalaro sa kanyang isip habang nakatingin sa binata. Ramdam niya ang pamamasa ng kanyang mga mata pero pinigilan niyang pumatak iyon. Pinalakas niya pa rin ang kanyang loob kahit nasasaktan.

“Hindi. Sigurado talaga ako, mahal kita at kung mahal mo rin ako, sabihin mo naman o,” nakikiusap na sabi niya. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang siya kadesperada na malaman ang sagot nito. Siguro dahil ayaw na niyang maguluhan pa sa kinikilos nito. Hindi kasi si Renz ang tipo ng taong palasalita ng nararamdaman, kailangan pa niyang hulihin at hulaan ang nararamdaman nito bago ito mapaamin. Kahit sa mga problema nito, madalas na kukulitin muna niya ito bago mapaamin.

Muli siyang tiningnan nito. Hindi lang basta tingin, tinitigan siya nito sa mga mata na para bang ang dami nitong gustong sabihin ngunit ayaw lumabas sa bibig nito. Matagal nagtagpo ang mga mata nila bago muli itong umiwas ng tingin at nagsalita,

“Ewan ko,” kibit-balikat na sabi nito.

“Anong ewan mo?” Naguguluhan siya sa sagot nito.

“Hindi ko alam.”

“Anong hindi mo alam? Hindi ka ba sigurado sa nararamdaman mo?”

“Siguro?”

Bumangon siya at bahagya niyang tinulak ang dibdib nito.

“Ano ba namang klaseng sagot 'yan? Oo at hindi lang naman isasagot mo. Mahal mo rin ba ako?” medyo iritable na niyang tanong.

“Ewan ko. Hindi ko alam. Siguro?” Bahagya pa itong tumawa nang sabihin iyon na para bang binibiro lang siya nito.

“Ano ba sa tingin niya ang sinasabi ko? Joke?” Napabuntong hininga siya dahil sa pagkadismaya. Hindi niya napigilan ang sariling mapasimangot rin at humalukipkip.

“Hay! Ano bang klaseng sagot ‘yon? Dapat sa’yo ang pangalan mo... ewan ko, tapos ang middle name mo hindi ko alam, surname mo, siguro.”

“Okay na pangalan 'yon ah.” Tumawa ulit si Renz na lalong ikinainis niya. Tawang hindi niya sigurado kung totoo, para kasing pinapasaya lang nito ang sarili.

“Ewan ko sa'yo,” sabi niya sabay irap. “Seryoso ako tapos dinadaan mo lang sa biro, kainis ka.”

“Masyado ka kasing seryoso, best,” sabi nito sabay akbay sa kanya.

“Best? Best friend na lang ba talaga? Bakit kailangan niyang ipagdiinan pa?” muling naisaloob niya.

Gusto na niyang maiyak pero pinigilan niya ang sarili. Naiiyak siya dahil pakiramdam niya na-busted siya ng sampung beses dahil hindi man lang nito sinagot nang maayos ang tanong niya at pinagkalandakan pa nito na best friend lang ang turing sa kanya. Baka nga talagang walang pag-asang maging sila. Hanggang doon na lang talaga sila.

“Eh, bakit kasi ayaw mong sagutin ng maayos ang tanong ko. Ang dali-dali namang sagutin 'yon 'no? Pinapagulo mo pa.” Ngumuso siya at ibinaling sa ibang direksyon ang tingin. Gusto niyang iparamdam dito na nagtatampo siya pero napansin niyang biglang natahimik ito at malalim na buntong hininga lang ang pinakawalan. Sinulyapan niya ito at kitang-kita niya kung paano biglang lumungkot ang mga mata nito. Kanina pa niya iyon napapansin kahit nakangiti pa ito sa kanya.

“Ayaw kitang saktan. Mabuting ako na lang ang masaktan kaysa ikaw.” Yumuko ito pagkasabi niyon.

“Anong ibig mong sabihin? Na-broken-hearted ka na ba dati?” Ito ang naisip niyang dahilan kung bakit hindi nito maamin sa kanya ang nararamdaman.

Hindi ito sumagot kaya nanahimik na lang siya. Sa anim na buwan nilang pagiging mag-best friend, minsan pakiramdam niya ay may hindi pa nasasabi sa kanya si Renz na nagpapabigat ng kalooban nito. Ayaw naman niyang pilitin ito at hahayaan na lang kung kailan ito magsabi sa kanya. Makulit siya pero inilulugar din niya lalo na kapag nararamdaman niyang ayaw talaga nitong pag-usapan.

“Ingat ka sa pag-uwi mo ha.” Binago ni Renz ang usapan nilang dalawa. “Kapag nagkaroon ako ng sarili kong cell phone, araw-araw kitang ite-text at tatawagan, okay?”

“Pangako 'yan ha? Baka makalimutan mo na ako pagbalik ko ng Cavite.”

“Hinding-hindi mangyayari 'yon. Hinding-hindi kita kakalimutan, promise.” Ngitian siya nito nang matamis upang mapanatag ang kanyang kalooban. Itinaas pa nito ang kanang kamay.

“Okay. Bestfriends?” Kahit dismayado ay tinaas na lamang niya ang kanyang hinliliit na daliri tanda ng isang sumpa. Pinagsugpong nila ang kanilang hinliliit sabay sabing, “forever.”