Chapter 12
Dumating na mga magulang ni Huimy para sunduin siya. Masaya niyang sinalubong ang mga ito pagkababa pa lamang sa sinakyang bus. Mahigpit niyang niyakap ang mga ito na para bang taon na mula nang huli silang magkita. Inaaamin niyang na-miss niya ng sobra ang mga ito. Hindi niya napigilan ang sariling mapaluha.
“Na-miss ko po kayo, sorry po sa nagawa ko,” humihikbing turan niya habang nakayakap pa rin sa ama. Inaamin niya ang pagkakamaling nagawa niya at nagi-guilty siya sa ginawang pag-alis at pagpapabaya sa kanyang pag-aaral dahil sa kanyang kabaliwan. Masyado siyang nagpadala sa bugso ng kanyang damdamin.
“Huwag mo nang alalahanin iyon. Ang mahalaga, na-realize mo na ang pagkakamali mo,” sabi naman ng kanyang ama.
“Basta tandaan mo anak, hindi mo kailangang madaliin ang mga bagay-bagay. Ang lahat ng bagay ay may nakatakdang panahon,” sabi naman ng kanyang ina.
Tumango na lamang siya at humiwalay na ng yakap sa mga magulang. “Tayo na po sa loob, baka nagutom po kayo sa biyahe. May inihanda po si Tita Mercy na masarap na laing.”
“Oh, talaga ba? Bigla akong nagutom a.” Humawak pa sa tiyan ang kanyang ama at hinimas-himas iyon. Natawa naman silang mag-ina saka sabay-sabay na silang nagsipasok sa loob ng bahay.
Masayang nagkuwentuhan ang kanyang mga magulang at ang ilang mga kamag-anak nila. Tila sabik na sabik sa isa't isa. Samantalang siya ay tahimik lang na nakikinig habang kumakain.
“Tamang-tama ang pag-uwi ninyo, fiesta na rito sa susunod na tatlong araw. Manatili na muna kayo para makisaya,” ani Tita Mercy.
“Magandang ideya iyan. Mabuti na lamang at naka-file na ako ng leave ng isang linggo,” sang-ayon naman ng kanyang ama. Nagtatrabaho ang kanyang ama bilang broker sa isang cargo shipping company. Regular na ito roon kaya walang problema kahit mag-file ito ng bakasyon paminsan-minsan. May bayad pa rin naman iyon.
“Okay lang naman sa'yo na magtagal pa ng ilang araw, hindi ba?” Kumindat pa ang kanyang ama sa kanya. Ngiti lang ang itinugon niya.
Ang totoo, may isang bahagi ng kanyang pagkatao ang ayaw pang umalis sa lugar na iyon. Isinisigaw pa rin nito ang pangalan ni Renz at ayaw pumayag na umalis siya na hindi man lang sila nagkakausap. Ngunit alam niyang hindi na maaari pa ang kagustuhan ng pagkatao niyang iyon dahil hindi siya puwedeng mabuhay sa hindi niya lugar. Wala siyang lugar sa baryong iyon, napatunayan niya iyon dahil sa mga tsismis na kumalat tungkol sa kanya. At gusto na lang niyang ibaon sa limot ang mga masasakit na narinig mula sa ibang tao. At siyempre pa, kalimutan na rin ang lalaking naging dahilan noon.
“Huimy!” Halos sabay-sabay silang napalingon sa pinanggalingan ng boses na iyon. Patakbong lumapit sa kanila si Carol. Hinawakan siya nito sa braso at tila nae-excite. “Tara, manood ng basketball. Championship ngayon!”
Tiningnan muna niya ang mga magulang na parang nagpapaalam. Tumango naman ang mga ito saka siya sumama kay Carol patungo sa basketball court.
Doon pa rin siya pumwesto sa lugar na lagi nilang pinupwestuhan kapag nanonood ng basketball. Nasanay na rin yata ang mga tagaroon na doon siya lagi nakatambay kaya naman nakita pa lang siya ng mga ito ay umalis na at pinapuwesto siya.
Wala naman ang atensyon niya sa mga naglalaro. Malalim ang kanyang iniisip at nasa iisang tao lamang. Walang laman ang isip niya kundi si Renz lang. Mga masasayang alaalang pinagsamahan nila kasama na rin ang huling pagkikita nila.
Nakatulala lang siya pero hindi maiwasang pumatak ang luha sa kanyang mata. Agad niyang pinahid iyon sa pamamagitan ng daliri.
Hindi ko na dapat iniisip pa siya, aniya sa sarili.
Ukupado ang isip niya nang biglang nagdilim ang kanyang paligid. May kamay na tumakip sa kanyang mga mata.
“Ano ba, Carol?” Hinawakan niya ang kamay niyon at pilit inaalis sa pagkakatakip sa kanyang mga mata. Nang magtagumpay siya ay inis na agad niyang hinarap ito.
“Bakit ba—” Hindi na niya naituloy ang kanyang sasabihin dahil sa gulat. Hindi kasi si Carol ang nasa kanyang harapan ngayon.
“R-Renz?” mautal-utal niyang sambit.
Matagal na nagtama ang mga mata nila. Kitang-kita niya ang lungkot sa mga mata nito at ang alanganing ngiti sa mga labi. Parang napakaraming gustong ipahiwatig ng mga matang iyon ngunit hindi niya mawari. Kung nakakabasa lang sana siya ng isip ng tao ngunit alam niyang napakaimposibleng mangyari iyon. Ayoko naman niyang umasa na nasasaktan rin ito dahil sa nangyari noong isang araw sa gitna ng ulan. Inaaamin niyang nasaktan siya ng tuluyan niyang talikuran ito at iwan ito. Magdamag din siyang umiyak ng gabing iyon.
Umiwas siya nang tingin at ibinaling muli ang mga mata sa mga naglalaro. Kinalabit naman siya nito sa bandang baywang. Madalas nitong gawin iyon sa kanya kapag gusto siya nitong gulatin. Alam kasi nito na malakas ang kiliti niya sa bahaging iyon. Napaigtad siya pero hindi niya pa rin hinarap ito. Kahit alam niya sa kanyang sarili na ang lakas ng epekto ng presensiya nito ay pilit niya pa ring inignora. Kahit halos lumabas na yata ang puso niya sa sobrang kaba ay hindi pa rin niya ipinahalata.
Ikinagulat niya ang biglang paghawak nito sa kanyang kamay. Hinila siya nito palayo sa court. Naglakad sila patungo sa may kubo na malapit lamang din roon. Nakatingin naman siya sa mga paa ng binata. Alam niyang nahihirapan ito sa paglalakad, paika-ika pa kasi ito.
Pagdating sa kubo ay may mga taong nakatambay roon kaya naglakad ulit sila. Hawak pa rin nito ang kanyang kamay. Mukhang naghahanap ito ng lugar na puwede silang mag-usap ngunit parang hindi nito alam kung saan tutungo. Hindi niya maintindihan ang kinikilos nito.
“Teka nga!” iritableng sabi niya. Hinila niya ang kanyang kamay mula sa pagkakahawak nito. “Saan mo ba ako dadalhin?”
Hindi ito tumugon sa halip ay magkasalubong ang mga kilay nito na nakatitig sa kanya, tila ba galit ito o naiirita din. Muli nitong kinuha ang kanyang kamay at hinila siya pabalik sa puwesto niya kanina. Sa ilalim ng puno ng mangga.
“Mag-usap tayo,” seryosong sabi nito na nakatingin sa mga naglalaro. Mahigpit pa rin ang pagkakahawak nito sa kanyang kamay na para bang ayaw siyang pakawalan. Kahit naka-sideview ito ay ramdam niya ang pagkairita sa mga kilos nito. Ramdam na ramdam niya ang tensiyon sa kanilang dalawa. Ibinaling na lang rin niya sa mga naglalaro ang kanyang paningin saka sumagot.
“W-wala naman na tayong dapat pag-usapan.” Halos pabulong niyang nasabi ang mga katagang iyon. Tila ba may nakabara sa kanyang lalamunan ng mga oras na iyon.
“Marami tayong pag-uusapan.”
Kinagat niya ang kanyang labi. Pilit niyang pinipigilan ang luhang nais kumawala sa kanyang mga mata. Hirap na hirap ang kalooban niyang balewalain ang presensiya nito tulad rin ng nangyari sa gitna ng ulan. Buti noong araw na iyon, hindi halatang umiiyak siya pero ngayon, mahirap ng itago iyon lalo sa maraming taong nasa paligid nila ngayon.
“Nasabi ko na ang mga dapat kong sabihin,” aniya pagkatapos magpakawala ng malalim na hininga.
“Sa sulat? Tss...”
“Oo. Sinabi ko na ang lahat doon. Nabasa mo na naman 'di ba? Wala na akong dapat ipaliwanag.”
“Wala akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao. Alam mo ang totoo kaya hindi ka dapat matakot.”
Nilingon niya ito at muling nagtama ang kanilang mga mata.
“Pero ayaw sa akin ng Mama mo.”
“Huwag mong isipin 'yon. Ako ang bestfriend mo. Ako ang nakakikilala sa'yo. Hindi mo dapat sila iniintindi.” Tila nagsusumamo ang mga mata nito. Kulang na lang ay lumuhod ito sa harap niya para lang magkaayos sila. Iyon ang nararamdaman niya at hindi siya maaaring magkamali sa pakiramdam niyang iyon. Kahit na hindi sila madalas magkasama ni Renz, kahit pa milya-milya ang layo nila sa isa't isa, kilala pa rin niya ito at nararamdaman niya kapag may dinaramdam ito. Sa ilang buwan nilang magkausap sa telepono, alam niyang lahat ng ipinakilala nitong katauhan sa kanya ay totoo. At hindi niya maipaliwanag kung bakit parehas lang sila ng nararamdaman. Nararamdaman nila ang paghihirap ng kalooban ng isa't isa kahit hindi pa man hindi nila sabihin iyon. Ngunit minsan ay iba ang ikinikilos nito sa totoong nararamdaman kaya nalilito rin siya minsan.
Yumuko na lang siya sa kawalan ng masabi. Unti-unti na naman niyang nararamdaman ang pamamasa ng kanyang mga mata. Kahit kasi sabihin ni Renz na huwag intindihin ang sinasabi ng ibang tao ay mahirap pa rin sa kanyang gawin iyon. Iniisip pa rin niya iyon at hindi basta-basta mawala sa isip niya.
Pinisil naman ni Renz ang kamay niya kaya muli siyang lumingon dito. Nginitian siya nito na para bang sinasabing magiging okay na ang lahat.
“Kahit anong mangyari mag-bestfriend pa rin tayo, okay? Please, huwag mo na akong iiwasan. Hindi ako sanay na ganyan ka. Nahihirapan ako. Okay na tayo, puwede ba? Ngumiti ka naman,” nakikiusap ang boses nito.
Tipid siyang ngumiti kasabay ang pagbagsak ng kanyang luha. Hinawakan nito ang pisngi niya at pinunasan ang luhang naglandas roon. Pumikit siya at dinama ang mga palad nitong nakahawak sa kanyang pisngi kasabay ang dalangin na sana nga ay maging okay lang ang lahat.
“Sabi ko, huwag ka nang mag-isip. Okay na tayo at walang makakasira sa atin kahit ang Mama ko pa o kahit na sino, okay?” paniniguro nito upang mapanatag ang loob niya. Tumango na lang siya bilang tugon. Hinawakan nito ang kanyang ulo at iginiya sa dibdib nito. Rinig na rinig niya ang tibok ng puso nito. Mabilis ngunit tila panatag na ito dahil sa kanilang pagkakaayos. Tumunghay siya at tiningnan ito. Ngumiti naman ito sa kanya saka muling nagsalita,
“Maglalaro ako mamaya sa second game. Panoorin mo ako ha?” Kumindat pa ito sa kanya.
“Ano? Maglalaro ka? Hindi ka pa naman magaling ah,” pagtutol niya. Bigla siyang nakaramdam ng pag-aalala sa kalagayan nito. Mabilis niyang naibaling ang tingin sa mga paa nito. Nakabenda pa iyon at medyo namamaga pa.
“Kaya ko na. Huwag kang mag-alala.”
“Kaya ba iyang paika-ika ka pa?” Tumaas ng bahagya ang kanyang boses. Gusto niya itong pagalitan dahil sa tigas ng ulo nito. Hindi kasi ito nagpapaawat kapag ginusto nito.
“Basta tiwala ka lang. Kaya ko ito.”
“Pasaway ka talaga!” naiiling na sabi na lang niya. Kahit kasi tumutol pa siya ay hindi na niya napigilan pa ito. Nagpumilit pa din itong maglaro. Kahit hirap na hirap pinilit pa rin nitong makapaglaro nang maayos. Hindi na siya makapag-cheer man lang dahil alalang-alala siya sa kalagayan nito lalo na nang makita niyang natumba ito matapos tumalon.
Nang matapos ang laro ay mabilis pa sa alas kuwatro niyang nilapitan ito.
“Tanggalin mo ang sapatos mo,” utos niya. Kahit hirap at nakangibit pa sa sakit ang itsura nito ay tinanggal naman nito ang sapatos.
“Ang tigas talaga ng ulo mo! Tingnan mo na ang nangyari? Gusto mo bang malumpo ka?!”
Pinagalitan niya ito nang makita ang pagdurugo ng paa nito. May bandage iyon ngunit tumagos roon ang dugo. Marahil napuruhan ito sa pagbagsak ng paa matapos tumalon.
Nakangiti pa rin itong tumingin sa kanya na para bang kayang indahin ang sakit kahit na hirap na hirap. At kahit hindi na siya nakatingin dito ay ramdam niya ang titig nito sa kanya habang inaasikaso niya ang paa nito.
“Wag kang mag-alala, malayo sa bituka ito,” biro pa ni Renz sabay tawa.
“Ang lakas mo pang magbiro, injured ka na nga!”
Tumawa lang ito sa kanyang sinabi na para bang tuwang-tuwa pa ito habang nakikita siyang nagagalit.
“Tawa ka pa d'yan! Bahala ka nga sa buhay mo!” Inirapan niya ito at pabagsak na binitiwan ang mga paa nito. Napaaray tuloy ito pero agad ring nakabawi.
“Cute mo kapag pikon.”
“Ewan.”
Kinuha naman nito ang kamay niya. “Tulungan mo na nga lang akong tumayo,” paglalambing pa nito.
“Naku! Kung 'di ko lang love itong lalaking ito baka inapakan ko pang lalo ang sugat nito eh,” lihim na sabi ng kanyang isip.
Inalalayan naman niya ito patungo sa may kubo. Nagpakuha na rin siya kay Richell ng bagong bandage para mapalitan ang bandage nitong may dugo.
Okay na ang lahat sa kanila ni Renz nang maghiwalay sila ng gabing iyon. Wari'y nagbalik na rin ang dating sigla ng kanyang puso. Pinangako niya sa sarili na hindi na iisipin ang sasabihin ng iba. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay ang samahan nilang dalawa. Sobrang na-miss niya ito at hindi niya kayang muling mawala pa ang pagkakaibigan nila. Hindi kaya ng puso niya na mawala ulit si Renz sa kanya.