Chapter 44 - I Love You
“Kilala mo siya kuya? Paano?”
“Sandali,” sabi ni kuya at lumapit kay Brey. Sumunod naman ako sa kaniya.
Nang makalapit kami kay Brey ay seryoso lang siyang nakatingin kay kuya. Napatingin siya sa akin pero 'di ko mabasa ang expression niya.
“Anong ginagawa mo rito?” seryosong tanong ni kuya.
Kinabahan tuloy ako, ano bang mayro'n?
“Teka nga kuya, ano bang mayro'n? Bakit mo siya kilala?” singit ko. Pero hindi niya ako pinansin.
“Ikaw ba ang ka-date ni Nasha ngayon? Kung gano'n, umalis ka na lang.” Kalmadong ngunit may galit sa boses ni kuya.
Mas lalo tuloy akong kinabahan. May galit si kuya kay Brey... pero bakit? Anong ginawa niya na ikinagalit ni kuya? Binuksan ko ang gate na kahoy at lumapit kay Brey.
“Nasha! Lumayo ka sa kaniya!” banta ni kuya.
Tumabi ako kay Brey at hinawakan ang kamay niya saka humarap kay kuya.
“Hindi ko alam kung bakit ka galit sa kaniya at anong kasalanan niya. Pero kuya... mahal ko si Brey.” Naramdaman kong humigpit ang hawak niya sa kamay ko kaya umangat ang ulo ko para tingnan siya. Nakatingin na siya sa akin ngayon at may maliit na ngiting sumilay sa kaniyang mga labi. Hayan na, naamin ko na nang wala sa oras.
“Ano? Nasha, hindi mo pa siya gano'n na kilala!”
Tumingin ako kay kuya. “Ano bang kasalanan niya kuya? Kung may kasalanan man siya sa'yo o kanino pa man, labas na ako ro'n! Walang ginawang masama sa akin si Brey. Noong kailangan ko ng tulong, siya ang taong tumulong sa akin. 'Wag mo sanang balakin na ilayo ako sa kaniya dahil hindi ko kaya! Mahal na mahal ko si Brey.”
“Hindi pa ba buo ang ala-ala mo? Kasi kung naaalala mo lahat-lahat noong magbalik ang ala-ala mo, sigurado akong hindi ka na lalapit d'yan sa lalaking 'yan.”
Magsasalita na sana ako pero hinila ako ni Brey sa likuran niya. “Sorry sa gagawin ko, Grace,” bulong niya saka niya sinuntok sa mukha si kuya.
Hindi ako makapaniwala sa ginawa ni Brey. Imbes na daluhan si kuya ay napatulala lang ako sa kaniya dahil sa gulat.
“Anong nangyayari?!” Lumabas ng bahay si Ate Lianne at si tatay para daluhan si kuya.
“A-anong ginawa mo, Brey? Bakit mo ginawa 'yon kay kuya?” Hindi makapaniwalang tumingin ako sa kaniya.
“I'm sorry, I had to do that,” sagot niya saka binitawan ang kamay ko.
“Brey?” tawag ko sa kaniya nang buksan niya ang pinto ng kaniyang sasakyan.
Tumigil siya at nilingon ako. “Aalis na muna ako para makapag-usap kayo ng kuya mo. Pero sana kausapin mo pa rin ako sa malalaman mo. I love you, Grace. Bye...” Tuluyan na siyang pumasok sa kotse niya at pinaandar ito.
***
Hindi na nakapasok sa trabaho si kuya dahil sa nangyari. Kasalukuyang ginagamot ni Ate Lianne ang pasa niya sa pisngi, habang si tatay naman ay pumunta na sa bukid.
“Ano bang ginawa mo at bakit ka sinuntok ng lalaking 'yon?” tanong ni Ate Lianne pero hindi siya nito sinagot.
Tumingin sa akin si kuya. “Simula ngayon, 'wag mo nang kakausapin ang taong 'yon.”
“Bakit kuya? Ano bang kasalanan niya? Ikuwento mo nga at nang maliwanagan ako.”
“Mahal, puwede bang iwan mo muna kami ng kapatid ko? May pag-uusapan lang kami,” sabi ni kuya kay Ate Lianne na agad namang sumunod sa utos niya.
Bumuntong-hininga siya saka sinimulang magsalita. “Siguro ay kilala mo na siya noong elementary ka pa?”
“Oo kuya. Pero ang natatandaan ko lang ay noong tinanong niya ako kung bakit mahaba ang pangalan ko.”
“Naaalala mo ba kung bakit nawalan ng paa ang tatay natin?”
Umiling ako. “Hindi ko na maalala 'yon. Ano bang kinalaman ni Brey kay tatay?”
“Noong bata ka pa, alam mo na ang tungkol doon. Galit ka pa nga sa kaniya noon eh.”
“Totoo ba 'yan kuya? Bakit wala naman akong nararamdamang galit sa kaniya?”
“Nasha, kung maaalala mo lang ang lahat, sigurado akong babalik ang galit mo sa kaniya. Hindi ko na dapat sabihin sa 'yo kung anong nangyari noon at ikaw na ang bahalang makaalala pero mukhang kailangan kong ipaalala sa 'yo.”
Bakit gano'n? Minahal ko lang naman si Brey pero bakit biglang ganito? Hindi ba puwedeng kalimutan na lang kung ano man ang nakaraan at magsimula nalang ng bago?
“Kuya... 'wag mo na lang ipaalala sa 'kin. Hayaan mo na lang na dumating ang panahon na maalala ko.” Tumingin ako kay kuya at hinawakan ang mga kamay niya.
“Pero kuya, kung sakaling maalala ko man, matagal na panahon na 'yon. Kung ano man ang naging kasalanan niya, pinapatawad ko na siya. Mahal ko siya kuya eh.” Tumulo na ang mga luha ko.
“Pero Nasha, kung hindi dahil sa pamilya ng taong 'yon e 'di sana hindi naputulan ng paa ang tatay. Kung hindi sana nangyari 'yon, e 'di sana hindi naputulan ng paa si tatay! E 'di sana hindi siya nawalan ng trabaho at hindi tayo naghirap!
“Edi sana hindi siya mamamasada ng kuliglig at hindi tayo maaaksidente! E 'di sana... sana... buhay pa sila nanay at tatay...”
Biglang humagulgol si kuya kaya pati ako ay napahagulgol na rin. Niyakap ko siya. Hanggang ngayon masakit pa rin sa kaniya ang nangyari sa mga magulang namin noon.
“Nakikiusap ako sa 'yong layuan mo na ang lalaking 'yon. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ng taong 'yon, naaalala ko lang ang nangyari kay tatay.”
Hindi ako kumibo, dinaan ko na lang sa iyak. Hindi ko kayang layuan si Brey. Iniisip ko pa lang na lalayo ako sa kaniya, nasasaktan na ako.
***
Kinabukasan ay umalis kami nina Ate Lianne at tatay para magsimba. May duty pa rin si kuya kaya hindi siya nakasama. Change shift na raw kasi sila bukas. Pag-upo namin ay agad akong lumuhod para magdasal. Dinaan ko sa dasal lahat ng worry ko.
Nang matapos ang misa ay nagpaalam na si tatay para asikasuhin ang mga alaga niyang kambing. Kami na lang ni Ate Lianne ang magkasama. Papunta kami sa gotohan ngayon.
“Ano bang nasa isip mo ngayon, Nasha? Parang malalim ang iniisip mo ah? Dahil ba sa sinabi ng kuya mo kahapon?”
Tumango lang ako bilang sagot.
“Sorry ah, narinig ko kasi lahat ng usapan niyo ng kuya mo. Alam mo, tama 'yong sinabi mong patawarin ang taong nagkasala sa inyo noon. 'Yong lalaking sumundo sa'yo kahapon, siya ba 'yong taong minamahal mo ngayon?”
“Opo... Handa naman akong patawarin siya kung may kasalan man siyang nagawa noon.”
“Na-ikuwento na sa akin ng kuya mo ang tungkol d'yan. Pero sa tingin ko naman ay wala siyang kasalanan. Kasi 'di ba mga bata pa kayo noon? Hindi ko maintindihan kung bakit nagagalit siya sa kaniya.”
“Kasi naaalala raw ni kuya sa kaniya ang nangyari kay tatay...”
Tumigil sa paglalakad si Ate Lianne kaya huminto rin ako. Humarap siya sa akin at hinawakan ang mga kamay ko. “Hayaan mo, darating din ang panahon na mare-realize ng kuya mo na walang kasalanan 'yong lalaking mahal mo. Kaya kung ano ang sinasabi ng puso mo, sundin mo. Hindi porque galit ang kuya mo sa kaniya ay dapat mo na siyang layuan.”
Na-touch ako sa sinabi niya kaya niyakap ko siya. “Salamat Ate Lianne at pinagaan mo ang loob ko. The best ka talaga! Ang suwerte talaga ni kuya sayo.”
Tumawa naman siya at niyakap din ako. “Ako ang ma-suwerte dahil mabait na ang kuya mo, bonus ka pa. Halika na nga, nagki-crave na ako sa goto.” Kumalas siya sa pagkakayakap at hinila na ako papunta sa gotohan.
Habang naglalakad kami ay may biglang humawak sa isang kamay ko kaya napahinto ako sa paglalakad, gano'n din si Ate Lianne. Nilingon ko naman ito. Napakunot ang noo ko nang makita ko siya.
“Brey?”
“Can we talk?” tanong niya.
Nilingon ko si Ate Lianne, nginitian lang niya ako at tumango.
Sumama naman ako kay Brey. Nasa tabi ng kalsada ang sasakyan niya. Pumasok kami roon.
“I'm sorry for everything,” sabi niya.
“'Wag kang mag-sorry, Brey. Wala kang kasalanan. Kahit naman maalala ko 'yong galit ko sa'yo noon, pinapatawad na kita...”
“B-but—”
“Kasi mahal kita, Brey,” pagputol ko sa sasabihin niya.
Kahit nahihiya akong sabihin 'yon ay nilabanan ko ang hiya ko. Gusto kong malaman niya na mahal ko siya.
Ngumiti si Brey at niyakap ako. “I love you, Nasha. I'm happy to know that you love me too.”
Mas humigpit pa ang yakap niya na para bang ayaw na akong pakawalan. Kumalas ako sa yakap at tiningnan ang mukha niya. Nagulat ako kasi umiiyak na siya.
“Sobra ka bang natuwa na halos mapaiyak ka na?” biro ko.
Hindi siya sumagot, niyakap lang niya ulit ako.
“I love you so much that I will die if you leave me,” bulong niya.