Chapter 43 - Connected
“Nasha? Okay ka lang ba?” Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko and wiped my tears using his thumb.
Tumingin ako sa kaniya. Naaalala ko na 'yong pangako ko na sinasabi niya, pero 'yon lang. Sigurado akong marami pang ala-ala na hindi ko matandaan at natatakot akong malaman 'yon. Paano na si Brey kung maalala ko lahat?
Tumango ako at tinanggal ang mga kamay niya sa mukha ko. “I'm sorry Nick, pero kailangan ko nang umuwi.” Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad palayo.
Ayo'kong sabihin sa kaniya na may naaalala na ako tungkol doon. I'm so sorry, Nick. Hindi ko kayang palitan ang nararamdaman ko para kay Brey.
***
Pagdating ko sa bahay, nasa kuwarto lang ako habang nakatulala lang sa may bintana. Halos dalawang oras na rin akong ganito at kinakagat na ako ng mga lamok, pero 'di ko na pinansin sa lalim ng iniisip ko. Maya maya lang ay may humawi sa kurtina ng kuwarto — si kuya pala. Mukhang kararating lang niya galing trabaho.
“Ayos ka lang Nasha? Sabi ng Ate Lianne mo mahigit isang oras ka na raw na nandito lang. Masama ba ang pakiramdam mo?”
“Ah, ayos lang ako kuya. Medyo pagod lang sa school. Sige kuya, tulungan ko lang si Ate Lianne na maghanda ng hapunan,” sabi ko na lang saka nagtungo sa kusina.
Pagpunta ko ng kusina, sakto namang dumating si tatay — 'yong umampon kay kuya. May dala siyang mga ibon na nakatali patiwarik.
“Tay!” Agad akong lumapit sa kaniya at nagmano. Ganoon din ang ginawa ni kuya na nakasunod pala sa akin.
“Siya nga pala, hija. May naghahanap sa 'yo sa labas na lalaki, kaklase mo raw. Pinapapasok ko, pero ayaw namang pumasok.”
“Baka si Nickson 'yon? Bakit naman ayaw pumasok no'n? Nag-away ba kayo, Nasha?” tanong ni Kuya.
“H-hindi naman kuya. Siguro may kailangan lang. Sige po, puntahan ko lang siya sa labas,” sagot ko saka lumabas.
Paglabas ko, nadatnan ko siyang nakasandal sa may headlight ng kaniyang sasakyan habang nakapamulsa. Lumingon siya sa akin nang mapansin ang presensya ko. Hindi siya ngumiti. Malungkot ang mukha niyang nakatingin sa akin.
Lumapit ako sa kaniya pero hindi ko binuksan ang gate naming gawa sa kahoy. Nakahawak lang ako roon. “Nick, may kailangan ka ba?”
Dumiretso siya ng tayo at lumapit sa akin. “Naiwan mo 'to.” Sabay abot niya sa akin ng isang pulang rosas — 'yon 'yong binigay niya sa akin kanina sa school. Pero hindi ko ito tinanggap.
Bumuntong-hininga siya. “Sige na, tanggapin mo na. Aalis din naman ako kaagad.”
Hindi ako nag-salita at tinanggap na lang ang rosas. Makalipas ang ilang minuto ay nagsalita rin ako. “Nick... sorry—”
“Please, 'wag kang mag-sorry. Hindi pa rin ako susuko sa'yo,” aniya saka siya lumayo sa akin at pumasok ng kaniyang sasakyan.
Tumingin muna siya sa akin bago pinaandar ang sasakyan niya. Sinundan ko ng tingin ang sasakyan niyang papaalis. Ang hirap ng sitwasyon ko. Ganito pala ang feeling na darating ka sa point na mamimili ka sa dalawang taong nagmamahal sa'yo.
“Oh, anong sabi ni Nick?” Napatingin siya sa hawak kong rosas. “'Yan lang ba ang binigay nya sa'yo? Pinopormahan ka na ba no'n?”
Nilingon ko si kuya na naghihintay sa may pinto. “Uhm... ano, kuya kain na tayo. Nagugutom na ako eh,” sabi ko at hinila na siya patungo sa kusina.
“Nasha, hindi masama na sabihin mo sa akin ang totoo,” aniya kaya huminto ako sa paglalakad.
“Alam ko na 'yan noon pang mga bata pa tayo. Sinabi mo sa akin noon na crush mo si Nick. At sinabi mo pa ngang magpapakasal kayo paglaki niyo.” Tumawa siya nang sabihin niya iyon.
“Naalala ko pa noon na todo bantay ako sa inyo. Ang bata mo pa noon, pero nakikita kong mahal mo siya. Malaki naman na kayo ngayon kaya papayagan na kitang mag-boyfriend.”
Hindi ko nagawang ngumiti sa sinabi niya. Kung hindi siguro nawala ang ala-ala ko, si Nick na sana. Okay si kuya kay Nick, pero kay Brey kaya?
Nawala ang ngiti ni kuya nang makitang hindi ako ngumiti. “May problema ba? Mali ba ang nasabi ko?”
“Ah, hindi naman kuya. Ano lang kasi, hindi ako komportableng pag-usapan ang ganiyang bagay.”
“Gano'n ba? Kung may problema man kayo ni Nick, o kung may iba pa maliban sa kaniya, 'wag kang ma-atubiling magsabi sa akin. Kapatid mo ako. Tayo ang magkakampi at handa akong tumulong sa mga problema mo.”
Ngumiti ako at tumango. “Ang bait talaga ng kuya ko. Suwerte sa 'yo si Ate Lianne”
“Ano 'yan? Bakit narinig ko ang pangalan ko?” Nakasilip si Ate Lianne mula sa kusina.
“Ito talagang mahal ko, ang lakas ng pandinig,” sabi ni kuya.
“Hay naku, halina nga kayo. Kakain na tayo.”
Tumawa kami ni kuya saka kami pumunta sa kusina.
***
Mabuti na lang at ang sumunod na araw ay Sabado. Hindi ko pa talaga kayang harapin si Nick pagkatapos ng insidente kahapon at noong isang araw. Kung wala lang talagang Brey Simpson sa buhay ko, may pag-asa pa sanang mahalin ko siya.
Ako ang nagluluto ng agahan namin ngayon. Medyo napaaga ang gising ko, tulog pa sina kuya, ate, at tatay. Katatapos ko lang magsangag ng kanin nang may mag-text sa cellphone ko. Napangiti ako nang mabasa ang pangalan ni Brey.
"Let's meet up at 8am. Sunduin kita. Been busy yesterday, Imissyou."
Mag-re-reply na sana ako pero naubusan na pala ako ng load. Hinayaan ko na lang at inaayos ang lamesa.
Pagkatapos namin nag-almusal ay naligo na ako at nag-ayos. Hinanda ko na rin ang mga importanteng gamit at nilagay ito sa maliit kong sling bag. Lumabas na ako ng kuwarto pagkatapos. Nadatnan ko pa si kuya na nagsasapatos sa sala.
“Oh? Saan ang lakad mo? Gara ng suot mo ngayon ah. May date ba kayo ni Nick?” tanong niya nang mapansin ako.
“Si Nick agad kuya? Hindi ba puwedeng magkikita lang kami ni Jannise?”
“Madalas si Nick ang kasama mo nitong mga nakaraang araw eh.”
“Sige na kuya, alis na ako,” paalam ko at hinalikan siya sa pisngi bago umalis.
Paglabas ko ng bahay ay tumawag si Brey. Agad ko naman itong sinagot.
“Hello? Paalis na ako, Brey.”
“Tell me your address, susunduin kita sa inyo.”
“Ha? Eh, hindi na. Sabihin mo na lang kung anong meeting place natin.” Nakakahiya naman kasi hindi na kagandahan 'yong tinitirahan namin. Bigla na tuloy akong nahiya kasi hindi ako nakatira sa magarang bahay.
“Why? May problema ba?”
“Uhm... Ano kasi, nahihiya akong makita mo 'yong tinitirahan ko ngayon.”
“Oh, 'yon lang ba? It's okay. Parang hindi naman kita nakilala noong mga bata pa tayo. Please tell me your address at susunduin kita.”
“Uhm, sige.”
Wala na akong nagawa kun'di ang sundin siya. Sinabi ko na ang address namin tapos ay in-end na ni Brey ang tawag.
“Sino 'yong kausap mo sa cellphone mo?”
Gulat na napalingon ako kay kuya. “Uhm... Ano kuya—”
“Nasha, kuya mo ako. Walang masama kung magsabi ka ng totoo. Hindi naman ako magagalit basta ba hindi ka mapapahamak d'yan sa kausap mo kanina.”
Hindi pa nakikilala ni kuya si Brey. Mukhang kailangan ko nang sabihin 'to sa kaniya. Bumuntong-hininga ako at sinabi kay kuya ang totoo.
“Napakahalagang tao sa buhay ko po ang kausap ko kanina, kuya.”
“Boyfriend mo? Anong pangalan niya? Sabihin mo pumunta rito at nang makilatis ko.”
“Teka kuya, hindi ko pa siya boyfriend.”
“Nanliligaw pa lang? Aba, dalawa na ang nanliligaw sa maganda kong kapatid ah.” Sinundot-sundot niya ang tagiliran ko.
“Ano ba, kuya? Hindi naman ako maganda. Sakto lang,” sabi ko habang umiiwas sa pagsundot niya.
“Sino ba 'yang lalaking pumalit sa crush mo noong si Nick? Kawawa naman pala si Nick, basted agad kahit ikaw naman itong unang nagkagusto sa kaniya noon. Parang pinaghintay mo lang siya sa wala.”
“Nang-gi-guilty ka ba kuya? Hindi ko naman kasalanan na magka-amnesia ako.” Humalukipkip akp at tinaasan siya ng kilay.
“Ito naman, pikon agad. So, sino ba ang lalaking napupusuan ng mahal kong kapatid?”
Bago ko pa masagot ang tanong ni kuya ay may bumusina sa tapat namin. Sabay kaming napalingon doon. Bumaba si Brey mula sa sasakyan niya. Nakatayo lang siya roon habang nakatingin sa amin ni kuya.
Nilingon ko si kuya na nakatingin pa rin kay Brey. “Uhm, kuya, siya 'yong sinasabi kong—”
“Teka, si Brey ba 'yon?”
Nangunot ang noo ko sa sinabi niya. Paanong kilala siya ni kuya?
Bakit parang halos lahat ng taong konektado o related sa akin ay kilala si Brey?