Chapter 36 - He's Back
Puro iyakan lang ang maririnig dito sa loob na akala mo ay may namatay. Nang mapagtanto ni kuya na ako 'yong kapatid niya ay bigla siyang humagulhol kaya nahawa rin si ate Lianne pati na rin si Nick. Gusto kong matawa pero masyado ako na-ca-carried away sa dramahan session namin.
Pagkatapos ng mahaba-habang iyakan ay humiwalay na si kuya sa pagkakayakap at luhaang tumingin sa akin.
"K-kuya... Pumangit k-ka," biro ko habang humihikbi dahil sa hitsura niya ngayon.
Natawa siya pero umiiyak pa rin. "Loko kang bata ka ah."
"Tama na muna 'yang dramahan. Maghapunan na muna tayo," sabi ni ate Lianne na ngayon ay namumula na ang ilong sa kakaiyak.
"Parang ewan na tayong lahat kakaiyak. Ang drama niyo kasi masyado, parang namatayan lang tayo rito," natatawang komento ni Nick habang pinupunasan ang luha.
Nagtawanan na lang kaming lahat 'tsaka sumunod kay ate Lianne sa kusina para maghapunan.
"Kuya, kailan kayo magpapakasal ni ate Lianne?" tanong ko.
Nasa harap na kami ng hapag, kumakain ng hapunan. Kasabay na rin namin si tatay na kararating lang galing bukid.
"Sa pasko. Para makatipid sa pang-handa."
"Maganda 'yon, kuya. 'Tsaka mas masaya. 'Pag ako ikakasal, sa New year ako."
"Pag-aaral muna 'yang isipin mo bago 'yan."
"Sa future lang naman kuya eh."
"Kahit na, 'wag muna future sa lovelife ang isipin mo. Future ng kinabukasan mo ang isipin mo."
"Alam ko po, kuya. Don't worry, nag-aaral akong mabuti."
"Good. Baka naman pinopormahan ka nitong si Nick ah?" seryosong tanong ni kuya sabay tingin niya kay Nick.
Napaubo siya nang marinig niya iyon. Kinuha niya ang baso ng tubig 'tsaka uminom dito.
"Hindi naman, kuya. Buti nga at nagkita kami ulit dahil kung hindi, baka hindi pa rin babalik ang ala-ala ko at hindi ko malalaman na ampon lang pala ako."
Tumigil sa pagkain si kuya at tiningnan ako nang seryoso.
"Maganda ba ang trato nila sa 'yo?"
Dahan-dahan lang akong tumango. "Hindi nila ako pinagbubuhatan ng kamay pero, ang cold nila sa akin lalo na si mommy. Ni hindi niya ako magawang pansinin. Bakit ang laki ng galit ni mommy kay nanay? Magkapatid sila, 'di ba?"
"Hindi ko rin alam. Hayaan mo, 'pag tungtong mo ng college babawiin na kita sa kanila."
"Kahit hindi mo naman po ako bawiin sa kanila magagawa ko pa ring makaalis dahil parang mas gusto kasi ni mommy na umalis na lang ako roon sa pamamahay nila."
Tumikhim si tatay kaya napatingin kami sa kaniya. "Tama na muna 'yang kuwentuhan. Tapusin muna natin ang hapunan," aniya kaya tumango na lang kami.
Pagkatapos naming maghapunan ay hinatid na kami ni kuya hanggang sa kawayang gate nila. Nagpaalam na kami. Papasok na sana ako sa kotse ni Nick nang may maalala ako kaya nilingon ko si kuya.
"Kuya, puwede ba nating puntahan ang puntod nila nanay at tatay?"
***
Bumaba na kami ng sasakyan nang makarating na kami sa sementeryo. Sinundan namin si kuya hanggang sa huminto siya sa dalawang magkatabing puntod katabi ang isang puno. Lumuhod siya sa harap ng dalawang puntod at hinawi ang mga dahong nakapaibabaw sa lapida nila. Lumuhod na rin ako at binasa ang mga pangalan nilang nakaukit dito.
"Glenda Romero-Pineda... Napoleon Pineda..."
Ngayon ko lang napansin na hindi pala binago nila daddy ang apelyido ko. Ngayon ko lang naalala na hindi ko pala alam ang apelyido ni daddy at mommy. Seryoso, hindi ko talaga alam kasi madalang ko lang silang makausap. Kaya nga sa tuwing mag-e-enroll ako at isusulat ang pangalan nila, Pineda ang nilalagay ko.
Hinawakan ko ang puntod nila at marahang hinaplos ang mga pangalan nilang nakaukit sa lapida. Muli na namang pumatak ang mga luha ko nang maalala ko ang aksidenteng nangyari sa amin bago ako magka-amnesia. Masakit pa rin kahit pitong taon na ang nakalipas.
"Nay... Tay... Miss ko na kayo. Hindi niyo man lang masasaksihan si kuya na ikakasal. Alam niyo po ba? Ang ganda ng mapapangasawa niya at mabait pa. Patawarin niyo po ako kung hindi agad bumalik ang ala-ala ko. Nagpapakasarap-buhay ako tapos hindi ko pa kayo n-naalala..." Pumiyok na ako dahil sa pag-iyak ko.
Naramdaman kong niyakap ako ni kuya dahilan para lalo akong maiyak.
"Sira ka talaga Nasha. Amnesia ang sisihin mo, 'wag ang sarili mo."
Kumalas ako sa pagkakayakap niya sa akin. "Eh bakit kasi nagka-amnesia pa ako."
"Sisihin niyo 'yong truck," sabi bigla ni Nick dahilan para kami ay magtawanan.
"Umuwi na tayo. Mukhang uulan pa," sabi ni kuya dahil sa pagkislap ng madilim na kalangitan.
Nag-usal muna kami ng mailing dasal bago tuluyang lumisan.
***
Nagpahatid na ako kay Nick dahil hindi na ako natatakot na mapagalitan. Alam ko naman na ang totoo. Huminto na ang kotse niya nang makarating kami sa bahay.
"Salamat Nick. Kung hindi dahil sa 'yo, hindi ko malalaman ang lahat. Salamat at naging kaibigan kita," sabi ko at nginitian siya.
Ngumiti rin siya sa sinabi ko at nagulat na lang ako nang unti-unti siyang lumapit sa akin. Umatras ako dahil ang lapit na niya.
"N-Nick... A-anong ginagawa mo?" Pero patuloy lang siya sa paglapit. Hinawakan niya ang kaliwang pisngin ko. Napapikit na lang ako dahil sobrang lapit na ng mukha niya sa akin. Nararamdaman ko na rin ang hininga niya. Malapit nang maglapat ang mga labi namin nang biglang kumidlat nang malakas kaya napatili ako't napayakap sa kaniya.
Tumawa siya sa reaksyon ko. "Ayaw yata ng kidlat na halikan kita," bulong niyang natatawa.
Kumalas ako sa pagkakayap sa kaniya. "S-sige... Kailangan ko nang pumunta sa bahay baka lumakas pa ang ulan," sabi ko at nagmadaling lumabas ng sasakyan niya. Dali-dali kong binuksan ang gate 'tsaka pumasok. Hindi ko na siya nilingon at mabilis na pumasok sa bahay bago pa ako tuluyang maging basang sisiw.
Pagpasok ko sa loob ay nadatnan ko sina daddy at mommy na magkatabi sa sofa at abalang nakatutok sa isang laptop. Business na naman.
Lumapit ako sa kanila at huminga nang malalim. "Dad, mom... Alam ko na ang totoo," sabi ko dahilan para tumigil sila sa ginagawa at nilingon ako.
"Alam ko nang ampon niyo lang ako. Naalala ko na rin kung sino ang mga magulang ko,"
dugtong ko.
"Mabuti naman kung gano'n. Kating-kati na akong malaman mo pero itong asawa ko ay ayaw pang sabihin. Gusto kong mawala ka na rito sa pamamahay ko. Nakikita ko lang sa 'yo ang kapatid ko."
Nagulat ako sa sinagot ni mommy. Ang akala ko ay siya ang magugulat pero ako naman. Talaga ngang gusto na niya akong umalis sa buhay nila.
"Cynthia!" saway ni daddy sa sinagot ni mommy.
"Bakit galit ka kay nanay? May nagawa ba siyang masama sa 'yo?"
"Bakit ako galit sa kaniya? Siya lang naman ang dahilan kung bakit nawala ang aming ama! Dahil sa kaniya, naghirap kami! Wala na nga kaming ina, papatayin niya pa ang aming ama!"
Mabilis ang paghinga ko na lumapit sa kaniya 'tsaka siya sinampal.
"Hindi niya magagawa 'yon! Mabait si nanay, hindi niya magagawang pumatay!"
"Wala kang alam! Hindi mo alam ang nangyari noon! Kitang-kita ng dalawa kong mata na tinulak niya si papa sa hagdan! At nagkunwari pa talaga siyang umiyak at aksidente raw ang nangyari. Akala naman niya maniniwala ako?"
"Sigurado akong aksidente talaga 'yon! Mabait si nanay!" Naiiyak na ako dahil sa inis.
"Nasha! Umakyat ka na lang muna sa kuwarto mo. Mag-uusap lang kami ng mommy mo," utos ni daddy habang hawak ang magkabilang braso ni mommy.
"Hindi ko anak 'yan!"
"Cynthia! Tumigil ka na! Sige na Nasha, umakyat ka na sa kuwarto mo."
Umiiyak akong umakyat at padabog na binuksan at sinara ang pinto.
Mabilis akong lumapit sa closet ko at kinuha ang maleta ko. Hinakot ko na lahat ng mga gamit ko at sinilid sa maleta. 'Yong mga importante lang ang kinuha ko para magkasya sa maleta dahil nag-iisa lang ito.
Habang nag-iimpake ako ay hindi ko mapigilang umiyak. Mas magandang umalis na lang ako rito para walang gulo.
Nang matapos ako sa pag-iimpake ay naupo ako sa kama 'tsaka nahiga habang pinupanasan ang mga luha kong ayaw pa ring tumigil.
Maya maya pa'y nakaramdam na ako ng antok hanggang sa makatulog na ako.
***
Dumilat ang mga mata ko nang makarinig ako ng ilang katok sa pinto ng kuwarto ko.
"Nasha, p'wede ba kitang makausap?" Dinig ko si daddy sa labas.
Bumangon ako at tumingin sa pinto. Tiningnan ko muna ang oras at nakita kong 5:27 na ng umaga. Huminga ako nang malalim bago tumayo para buksan ang pinto.
Pagbukas ko ay pinapasok ko siya. Tumayo lang siya sa tapat ng pinto at napatingin sa maleta kong nakatayo sa gilid ng kama. Bumuntong-hininga muna siya bago ako kausapin.
"Pasensya ka na sa ginawa ng tita Cynthia mo. Patawarin mo rin kami dahil hindi namin agad nasabi dahil ayaw kong mabigla ka dahil sa amnesia mo."
Tumango lang ako habang nakatitig sa kawalan.
"Sigurado ka na bang aalis ka?"
"Opo. Nakita ko na ang kuya ko. Doon na lang po ako tutuloy."
Bumuntong-hininga siya. "Kung 'yan ang gusto mo, wala akong magagawa. Hindi naman kita kadugo. Sige, mag-ayos ka na at ihahatid kita sa kuya mo." Lumabas na siya ng kuwarto ko.
Kumuha na lang ako ng mga damit at pumasok na sa CR para maligo.
Nang matapos ako ay hinila ko na ang maleta ko. Pinihit ko na ang door knob at bago ko buksan ang pinto ay lumingon ako 'tsaka nilibot ang paningin ko sa buong silid. Bumuntong-hininga ako 'tsaka ko pinihit ang door knob at lumabas na.
Pagbaba ko sa living room ay hindi ko nakita si mo— I mean, si tita. Siguro ay nasa kuwarto niya. Ang asawa lang niya ang nadatnan ko. Tumayo na siya nang makita ako 'tsaka lumapit para buhatin ang maleta ko. Lumabas na kami ng bahay at dumiretso sa garahe. Binuksan ko ang pinto sa may passenger's seat at pumasok dito. Nasa likuran ng sasakyan si dad— I mean ang asawa ni tita para isilid ang maleta ko doon. Pagkatapos ay umikot siya para puntahan ang driver's seat 'tsaka pumasok dito. Walang imik na pinaandar na niya ang sasakyan. Sumandal ako para magkunwaring tulog dahil baka biglang mag-open ng topic ang asawa ni tita Cynthia. Ayo'ko pa munang magsalita ngayon. Gusto kong mag-isip.
Ilang minuto lang ay dumilat ako at binaling ang tingin sa labas ng bintana. Pinagmasdan ko na lang ang mga kabahayang nadadaanan namin. Habang lumalayo kami ay nagiging pamilyar na itong lugar na ito. Madadaanan namin ang mansyon nila Brey.
Bumuntong-hininga na lang ako. Kahit naman tingnan ko pa ang mansyon nila, wala naman siya roon. Inabangan kong madaanan namin ang mansyon nila. Nang makadaan na kami sa tapat ng mansyon ay nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko alam kung namamalik-mata ba ako o ano, pero nakita ko siyang pumasok sa mansyon nila! Wala sa sariling napangiti ako habang sinundan siya ng tingin. Bumalik na si Brey.