Chapter 35 - Brother

"Amnesia? Paano naman ako magkaka-amnesia?" naguguluhan kong tanong sa kaniya.

"Hindi ko alam. Iyon ang sabi ng doktor. Siguro daw ay may naalala ka kaya sumakit ang ulo mo. Unti-unti na raw bumabalik ang ala-ala mo pero hindi pa raw ganoon kalinaw." Kahit siya ay naguguluhan na rin sa mga sinasabi niya.

"Nick..." nabanggit ko na lang dahil bigla siyang pumasok sa isip ko. Parang may naaalala ako tungkol sa kaniya. Si Nick... Siya ang kababata kong close na close namin ni Darwin. Pero bakit si Darwin lang ang naalala ko? Bakit hindi ko siya naalala?

"Bakit si Nick?" nagtataka niyang tanong.

"Tristan, puwede bang sabihin mo kay Nick na 'wag muna siyang sumipot sa practice nila? Gusto ko siyang makausap."

Naguguluhan man ay tumango na lang siya.

***

"Seryoso?! May amnesia si Nasha? Eh bakit kilala pa naman niya tayo?" gulat na gulat na tanong ni Jannise nang sabihin iyon ni Tristan.

Gaya nga ng sabi ni Nick ay maaga ngang pumunta rito si Jannise. Alas sais ng umaga siya dumating.

"'Yon ang sabi ng doktor. Siguro ay matagal na siyang may amnesia, ngayon lang unti-unting bumabalik."

Bumaling ang atensyon sa akin ni Jannise at agad niya akong nilapitan. Hinila niya ang upuan at naupo.

"Tell me, ano ang mga naalala mo sa past?"

"That's my childhood days. Si Nick ang natandaan ko kaya nga gusto ko siyang makausap."

"So, that means, kilala ka ni Nick dati pa? Pero, bakit hindi man lang niya sinabi sa 'yo?"

Nagkibit-balikat lang ako. Naisip ko rin 'yon. Bakit nga ba hindi niya sinabing magkakilala na pala kami?

Sabay-sabay kaming napalingon nang magbukas ang pinto. Sinara ni Nick ang pinto bago lumapit sa amin.

Nakatingin lang siya sa akin at parang hinihintay ang sasabihin ko.

"Nick, kilala mo na ba ako dati pa?"

Hindi siya sumagot. Sinenyasan niya muna sina Tristan at Jannise na lumabas.

"Ang daya naman! Bakit kailangang i-private n'yo pa 'yang pag-uusap niyo?" Tumayo siya habang nakahalukipkip 'tsaka niya hinila si Tristan palabas.

Nang masara na ang pinto ay napabuntong-hininga siya 'tsaka umupo sa kaninang inupuan ni Jannise.

Ngumiti siya at inabot ang kamay ko.

"Naaalala mo na ako?"

"Oo... Pero hindi ganoon kalinaw. Ikaw 'yong kaibigan namin ni Darwin noong bata pa tayo, 'di ba?"

Tumango siyang nakangiti. "Salamat naman at naalala mo na ako."

"Bakit hindi mo sinabi sa akin na kilala pala kita? At paano ako nagka-amnesia?" litong-lito kong tanong.

"Ayo'kong sabihin sa 'yo dahil... I don't know if this is the right time, but I think I should tell you."

"Ano? May hindi ba ako alam?"

Bumuntong-hininga siya 'tsaka ako tiningnan sa mga mata. Parang nag-aalala siya sa magiging reaksyon ko, kung ano man ang malalaman ko.

"Matagal ko nang alam ang tungkol sa 'yo. Kilalang-kilala kita simula pagkabata hanggang sa..."

Tumigil siya sa pagsasalita at tila nag-aalinlangan sa sasabihin. Kumunot ang noo ko dahil dito.

"Nick? Puwede bang diretsuhin mo na?"

Huminga siya nang malalim at tiningnan ako sa mga mata. "Hanggang sa ma-aksidente ka."

"Aksidente? Kailan ako na-aksidente?" Wala akong natatandaang na-aksidente ako.

"Na-aksidente ka noong 10 years old pa tayo."

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Noong 10 years old ako? Kung kailan ako nabulag? Napapikit ako nang may bigla na namang nag-flash sa isip ko.

"Kuya! Saan tayo pupunta?" tanong ko sa isang lalaking nasa edad trese habang pinagmamasdan ang madilim na daan ng bukirin. Siyam o sampung taong gulang pa lamang ako no'n. Nakasakay kami sa isang sasakyang sa mga probinsya lang makikita, sa isang kuliglig.

"Sa bayan. Piyesta kasi roon. Sasakay tayo ng kaba-kabayo roon," nakangiting tugon nito.

"Talaga kuya? 'Yong may mga iba't-ibang hayop na umiikot?" excited kong tanong.

Nilingon kami ng lalaking nagmamaneho ng kuliglig at nginitian kaming dalawa pero saglit lang.

"Hindi naman kaba-kabayo ang tawag doon, anak. Carousel ang tawag doon," natatawang paliwanag ng isang babae kay kuya.

"Ay, malay ko po ba," kakamot-kamot nitong sabi.

Nagtatawanan kaming tatlo nang may mamataan kaming isang truck sa 'di kalayuan. Mabilis ang takbo nito at tila babanggain kami. Medyo masikip ang dinadaanan namin, isang malaking truck lang ang kakasya.

"Mahal! Ipreno mo muna!" aligagang utos ng babae sa nagmamaneho.

Naramdaman kong niyakap ako ni kuya. Hindi ko namalayang umiiyak na pala ako dahil sa takot.

Hininto ng lalaki ang sasakyan pero ang truck ay hindi pa rin tumitigil.

"Bumaba na muna tayo! Pababain mo na ang mga bata!"

Nagulat ako nang tinutulak na kami ng babae pababa ng kuliglig. Napalingon ako sa lalaking nag-drive at kinabahan dahil nahihirapan siyang bumuba. Doon ko lang napagtanto na wala pala siyang kaliwang paa. Humagulhol na ako dahil ilang segundo na lang ay mababangga na kami.

"N-nay! Si tatay!"

Pero bago pa man kami maibaba ay biglang bumangga sa sinasakyan naming kuliglig ang truck. At doon na nagdilim ang lahat.

Dumilat ako kasabay ng pagtulo ng mga luha ko.

"N-nay! Tay! Kuya!" sigaw ko at nagwawala.

Niyakap ako ni Nick para mapakalma ako.

"Nasaan sila?!" Humagulhol na ako.

"Matagal na iyon Nasha," aniya habang yakap pa rin ako.

Iyak lang ako nang iyak. Sobrang sakit nitong nararamdaman ko. Kahit matagal na iyon at ngayon ko lang naalala, parang kanina lang nangyari.

Matagal kami sa ganoong posisyon, hanggang sa medyo kumalma na ako ay 'tsaka siya kumalas sa pagkakayakap sa akin. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko at tiningnan ako sa mga mata.

"O-okay lang naman sila, 'di ba? N-nakaligtas ako sa aksidente k-kaya nakaligtas din sila, 'di ba?"

Ngunit hindi siya nagsalita at nakatitig pa rin sa mga mata ko. Muling tumulo ang mga luha ko dahil sa nakikita ko sa kaniyang mukha. Matagal na iyon, at kung nakaligtas man sila ay dapat kasama ko sila ngayon.

"I'm sorry, Nasha. Matagal na silang pumanaw."

Niyakap ko na lang siya at humagulgol ako. Naaalala ko na ang lahat simula noong magkaisip ako hanggang sa malagim na aksidente na iyon.

"S-si kuya... Nakaligtas ba siya?"

Hinagod niya ang buhok ko bago sumagot. "Buhay siya Nasha."

***

Nang makalabas na ako ng ospital ay niyaya ko si Nick na lumabas para makausap ko siya. Gusto sanang sumama ni Jannise pero hindi ako pumayag. Kailangan muna naming makapag-usap nang masinsinan.

Sa isang maliit na park kami pumunta. Bukod sa konti lang ang tayo ay makakapag-usap kami nang maayos.

"Nick, sabihin mo, nasaan si kuya? Maayos ba ang lagay niya? Bakit hindi niya ako pinupuntahan? Bakit--" natigil ako sa pagtatanong nang may maalala ako.

"I-ibig sabihin... Ampon lang ako ng parents ko ngayon?"

Dahan-dahan siyang tumango. "Ilang buwan ka ring nakatulog dahil sa coma. Walang nang p'wedeng mag-alaga sa inyo ng kuya mo kaya dinala siya sa ampunan para alagaan. Dahil mature na ang isip ng kuya mo sa edad trese, hinanap niya ang kapatid ng nanay mo.

"Nang mahanap niya ito ay roon niya nalaman na nakapag-asawa ng mayaman ang kapatid ng nanay niyo at wala pa silang anak. Hinanap niya ito hanggang sa magkita sila. Nakiusap siya na ampunin ka nila dahil hindi ka niya maaalagaan dahil sa bata pa ito noon. Pero hindi pumayag ang tiya niyo dahil malaki ang galit nito sa kapatid niya.

"Hindi ko alam kung ano ang dahilan, maski ang kuya mo ay hindi alam. Pero dahil naawa ang asawa niya sa kalagayan niyo ay pinilit nito ang asawa na ampunin ka na lang lalo na't hindi sila magkaanak."

Kaya ba ganoon na lang ang trato sa akin ni mommy? Kaya ba ayaw niya akong pansinin at palagi siyang malamig sa akin?

"Paano mo nalaman?" tanong ko dahil napansin kong ang dami niyang alam.

Ngumiti siya bago sumagot. "Kapit-bahay kasi namin ang umampon sa kaniya."

Nanlalaki ang mga mata kong nakatingin sa kaniya. Ibig sabihin ba, makikita ko na rin si kuya?

"N-naroon pa rin ba si kuya?"

Tumango lang siya.

"Pero, bakit hindi mo sinabi agad nang magkita tayo ulit? At bakit hindi niyo man lang ako pinuntahan at nagpaliwanag?"

"Balak ka sanang puntahan ng kuya mo nang malamang magaling ka na. Pero hindi siya tumuloy dahil nalaman niyang nabulag ka at nawalan ng ala-ala. Hindi ka rin niya magawang lapitan matapos kang ma-operahan at makakita dahil natatakot siyang mawala ka. Narinig niya kasing sinabi ng mga doktor na hindi mo muna p'wedeng maalala ang lahat dahil baka sumakit ang ulo mo 'pag na-i-stress ka. Baka bumigay ka raw lalo na't malakas ang pagkakabagok ng ulo mo."

"P-puwede ko ba siyang makita?"

Tumango lang siya at hinila na ako patayo.

***

Bumaba ako sa sasakyan ni Nick at nakatingin ako sa isang maliit at simpleng tahanan. May gate sila na gawa sa kahoy. Nakaramdam ako ng kirot sa dibdib nang maisip kong ang ganda ng buhay ko samantalang ang kuya ko ay ganito lang. Hindi ko namalayan na pumatak na pala ang mga luha ko na napansin naman ni Nick matapos bumaba ng sasakyan niya.

"Mamaya mo na lang ilabas 'yan kapag nagkita na kayo ng kuya mo," biro niya kaya natawa na lang ako.

Tinawag na ni Nick 'yong mga nakatira sa loob. Nakita ko pang may babaeng humawi sa kurtinang nakakabit sa bintana nila. Ngumiti siya at kumaway sa kumakaway ring si Nick. Mabilis naman siyang umalis doon at lumabas mula sa loob.

"Uy, Nick! Kailan ka pa nakuwi?" nakangiti nitong tanong habang lumalapit sa amin para pagbuksan kami ng gate na gawa sa kawayan.

"Noong enrolment," tugon niya.

Nang mabuksan ang gate ay napatingin sa akin 'yong babae at nginitian ako.

"Ah, siya nga pala ate Lianne. Si Grace, kapatid ni kuya Gerald."

Makikipag-kamay na sana ako nang manlaki ang mga mata niya 'tsaka tinuro ako.

"Ikaw si Grace?"

Ngumiti lang ako't tumango.

"Bago ka magtanong, papasukin mo muna kaya kami. Ang init dito sa labas."

"Ah, oo nga pala. Tuloy kayo."

Nang makapasok kami sa bahay nila ay nilibot ng paningin ko ang kabuuan ng tahanan nila. Gawa sa concrete ang bahay nila pero ang kalahati ay gawa na kawayan.

"Maupo kayo," aniya at niligpit ang mga diyaryong nakakalat sa upuan nilang gawa sa kawayan.

"Pasensya ka na Grace, medyo makalat dito."

"Okay lang po."

"Teka lang, ipagtitimpla ko muna kayo ng maiinom," aniya at nagmadaling nagtungo sa kusina.

Nilingon ko si Nick sa aking tabi para magtanong.

"Siya ba 'yong anak ng umampon kay kuya?"

Nilingon niya ako. "Hindi. Siya ang girlfriend ng kuya mo. Malapit na kasi silang ikasal kaya rito na muna niya pinatira. In love na in love kasi ang kuya mo riyan kay ate Lianne kaya niyaya niya agad magpakasal," natatawa niyang sagot.

"Buti ka pa marami kang nalalaman ngayon kay kuya. Samantalang ako, kinalimutan siya."

"Ano ka ba? S'yempre nagka-amnesia ka kaya nakalimutan mo siya." Pinitik niya ang noo ko.

Napahawak ako rito at sinamaan siya ng tingin. "Masakit 'yon ah?"

Tumawa na lang siya at ginulo ang buhok ko. Magrereklamo pa sana ako nang dumating na si ate Lianne dala ang dalawang baso na may lamang orange juice. Nilapag niya ito sa lamesitang gawa sa kawayan bago siya naupo sa isa pang upuang nasa harap namin.

"Dapat mamaya na lang kayo pumunta rito. Mamayang alas siyete pa kasi matatapos ang shift niya sa trabaho."

Alas dose ng hapon pa lang kasi.

"Okay lang ate. Maghihintay kami," sabi ko habang nakatingin sa mukha niya.

Ngayon ko lang napansin na ang ganda pala ng mapapangasawa ni kuya. Medyo maputi siya at makinis ang kutis, at ang amo rin ng mukha niya.

"Sige. Magkuwentuhan na lang tayo," suhestiyon niya habang nakangiti sa amin.

"Ang ikwento mo sa amin ay kung paano kayo nagkakilala ng kuya nitong si Nasha Grace," nakangising sabi ni Nick.

Medyo namula naman ang mukha niya saka sinamaan ng tingin si Nick.

"Naku Nick. Ayo'ko, nahihiya ako. Si Gerald na lang ang magkukuwento."

"Aysus! Nahiya ka pa. Hindi ka nga mahiyain eh."

"Tumigil ka! S'yempre mahihiya ako, eh kapatid na 'yan ni Gerald."

"Ang sabihin mo, nagpapa-impress ka lang para approve si Nasha sa 'yo."

Natawa na lang kami sa sinabi niya. Nagpatuloy sila sa biruan. Hindi na namin natuloy ang kuwentuhan namin dahil dumating na ang mga tatay-tatayan ni kuya-- 'yong umampon sa kaniya. Lumapit kaming tatlo sa kaniya at nagmano. Mabait ito at may katandaan na pero malakas pa rin, at kaya pang mag-trabaho sa bukid. Sabay-sabay kaming kumain ng tanghalian. Pagkatapos ay nagkwentuhan kami saglit hanggang sa nagpaalam na si tatay sa amin para bumalik sa bukid dahil magpapakain pa ito ng mga alagang hayop doon.

Pinagpahinga muna kami ni ate Lianne hanggang sa malapit nang magdilim. Nagkukuwentuhan kami hanggang sa marinig namin ang pinto na bumukas. Sabay-sabay kaming napalingon sa kaniya 'tsaka agad siyang sinunggaban ng yakap ni ate Lianne. Nakasuot siya ng uniform ng isang security guard.

"Rald, may mga bisita ka," ngiting-ngiti niyang sabi dahilan para mapatayo kami.

Nilingon niya ako at nagtama ang mga paningin namin. Unti-unting bumuhos ang mga luha ko nang makita ko siya. Nagkita na pala kami dati. Hindi ko lang alam na siya pala 'yon. Kaya pala sa tuwing nakikita ko siyang nagbabantay sa entrance ng book store ay ang gaan ng loob ko sa kaniya at tila matagal ko na siyang kilala.

"K-kuya..." Mabilis akong lumapit sa kaniya para yakapin siya nang pagkahigpit-higpit.