Chapter 37 - Long Time No See

"Sigurado kang kaya mong tiising tumira dito? Masikip dito at isa pa, maraming lamok." 'Yan agad ang sinabi ni kuya nang sabihin kong dito na ako tutuloy.

"Okay lang kuya. Kahit matagal na ako sa malaking bahay ni tita Cynthia, hindi ko pa rin naman nakalimutan ang buhay natin noon. Hindi naman ako naging spoiled kahit nagka-amnesia ako."

"Ayaw mo bang mag-apartment na lang? Sabi ng asawa ni tita Cynthia na pag-aaralin ka pa rin niya at bibigyan ng allowance."

Umiling ako. "Nakakahiya kuya. Hindi ko naman siya kadugo. At isa pa, malaki na rin ang na-itulong niya sa pag-aaral ko. Ikaw kuya ha! Parang ayaw mo akong makasama." Kunwaring nagtatampo ako 'tsaka nag-pout.

"Hindi naman sa gano'n. Iniisip ko lang ang kalagayan mo. Mahirap na, maraming dengue rito."

"Okay lang 'yan kuya. May kulambo naman, 'di ba? Puwede ring gumamit ng katol."

Bumuntong-hininga na lang siya at hinayaan ako. Kinuha niya ang maleta ko para buhatin patungo sa isang maliit na kuwartong hindi na ginagamit. Sumunod ako sa kaniya para makita 'yong kuwarto. Maliit lang ito at walang kagamit-gamit sa papag na walang kama. Maalikabok na rin dito. Huminto si kuya at nilagay niya ang maleta ko sa tabi.

"Linisan mo na lang itong kuwarto. Magpatulong ka na lang kay Lianne sa paglilinis. Papasok pa ako sa trabaho ko."

"Sige lang kuya. Ingat ka."

Lumapit siya sa 'kin at hinalikan ang tuktok ng ulo ko bago niya puntahan si ate Lianne para magpaalam.

Pumasok na ako sa magiging kywarto ko at sinimulan nang maglinis.

***

Natapos din agad ang paglilinis sa kuwarto sa tulong ni ate Lianne. Nilabas na rin niya 'yong kamang hindi gaanong malambot na nakatago. Nilatag niya ito sa papag. Nilabas ko naman sa aparador 'yong puting bed sheet.

Nang matapos na ay pinasok ko na 'yong maleta ko.

"Salamat ate Lianne," sabi ko.

"Wala 'yon. Magiging sister-in-law naman kita," sabi niya habang pinupunasan niya ang kaniyang pawis.

"Siya nga pala ate, ilang taon na kayo ni kuya?" tanong ko habang nilalabas 'yong mga damit ko sa maleta at maayos itong tinutupi.

Lumapit siya sa akin at umupo sa tabi ko.

"Isang taon na kami ng kuya mo."

"Medyo matagal na pala kayo. Ang tibay niyo ah?"

Tumawa siya. "Hindi ko alam kung sarcasm ba 'yan o ano. Pero, alam mo ba kung bakit gusto na akong pakasalan ng kuya mo?" nakangiti niyang tanong.

"Bakit nga ba?"

"Kasi marami siyang karibal. Gusto niya kasing sa kaniya lang ako. Kahit kami na kasi, marami pa rin ang nagtatangkang manligaw sa akin," sabi niya at bahagyang natawa.

Napangiti ako sa kaniya. "S'werte ka kay kuya. Iba kasi talaga magmahal at mag-alaga 'yang si kuya. Sobrang maalaga si kuya sa akin noon."

"Buti hindi mo ako pinagseselosan?"

Natawa ako sa sinabi niya. "Hindi naman ate. Hindi ako selfish na kapatid. Kung saan masaya si kuya, masaya na rin ako."

Ngumiti si ate Lianne 'tsaka niya pinatong ang kamay niya sa balikat ko. "Hayaan mo, may mahahanap ka ring lalaking tulad ng kuya."

Naalala ko si Brey sa sinabi niya. Hindi ko alam kung tulad rin ba siya ni kuya, pero siya ang gusto kong makasama kahit na hindi ko alam kung mahal din ba niya ako. Pero, hindi ko nakakalimutan ang sinabi niyang gusto niya ako kaya umaasa ako.

"Sana nga ate." Sana nga siya na 'yon.

***

Dahil Linggo ngayon at bukas pa ang pasok namin ay naglinis na muna ako sa bakuran. Nagdilig na rin ako ng mga halaman.

Pinaypayan ko ang sarili ko. Sobrang init na talaga ng panahon ngayon. Nakakapaso ang sinag ng araw.

"Nasha!"

Nilingon ko 'yong tumawag sa akin. Nakangiting kumakaway si Nick sa akin habang may hawak na bola.

Awkward ko siyang nginitian dahil naalala ko 'yong muntik na niya akong mahalikan.

Lumapit na lang ako sa kaniya.

"Uy, Nick. Saan ang punta mo?"

"May practice kami ng basketball doon sa court malapit dito."

Tumango lang ako. Medyo naiilang talaga akong kausapin siya ngayon.

"Ano nga palang ginagawa mo rito, Nasha?"

"Lumipat na ako rito."

Umaliwalas naman ang mukha niya nang sabihin ko 'yon. "Talaga? Pinalayas ka ba roon sa inyo?"

"Hindi. Umalis ako roon. 'Tsaka ayaw na rin ni tita Cynthia na tumira ako roon."

Tumango-tango siya. "Wala ka na bang gagawin?"

"Tapos na akong mgdilig kaya wala na," sagot ko.

"Sama ka sa practice namin. Gusto kong panoorin mo ako."

Tatanggi na sana ako nang magsalita siya. "'Wag ka nang tumanggi. Tara na!" aniya at wala na akong nagawa nang bigla niya akong hilain.

Naglakad kami sa kabilang gilid ng kalsada kung saan maraming mga puno para hindi kami maarawan. Konting lakad lang at nakarating na kami sa basketball court dito sa lugar nila. Sinalubong siya ng mga kasama niya at nakipag-highfive sa mga ito. Akala ko mga schoolmates namin ang makakalaro niya pero hindi pamilyar sa akin ang mga mukha nila.

"Sino siya Nick?" tanong ng isa sa kanila.

"Syota mo?" tanong naman no'ng isa.

Umiling siya. "Hindi. Siya 'yong sinasabi ko sa inyong kababata ko," sagot niya at nakangiting tumingin sa akin.

"Ohh," sabay-sabay sila sa pagsabi no'n at sabay ring tumango.

"Sino ba sila?" tanong ko kay Nick.

"Mga kaklase ko sila sa dati kong school."

"Siya 'yong kababata mong crush mo?" tanong no'ng isa.

Hindi sumagot si Nick, ngumiti lang siya. Kinantyawan naman siya ng mga dating kaklase nang hindi ito sumagot.

"Uhm, Nick... Bibili lang ako ng bottled water sa tindahan," sabi ko na lang para maiwasan sila dahil sobrang naiilang na ako.

"Sige. Ingat lang ha?"

Tumango ako at patakbong pumunta sa malapit na convenient store. Narinig ko pa silang naghiyawan.

"S'werte mo naman Nick! Bibilhan ka pa ng tubig eh," natatawang sabi no'ng isa.

"Ulol!" sagot ni Nick habang natatawa.

Bumuntong-hininga ako nang makalayo ako sa kanila. Natapos ko na 'yong kay Tistan, pero dumagdag pa si Nick. Ano bang gagawin ko? Bakit kasi ako pa Nick?

***

Nakaupo ako sa isang tabi habang pinapanood silang maglaro ng basketball. Minsan napapatingin sa akin si Nick at ngingitian. Awkward na ngiti lang ang sinagot ko sa kaniya.

Maya maya'y tumabi sa akin 'yong isa sa schoolmate niya.

"Hi. Anong pangalan mo? Hindi kasi sinabi ni Nickson ang pangalan mo."

"Uhm... Nasha," tipid kong sagot.

Tumango-tango lang siya at bumaling sa mga naglalaro. "Alam mo ba kung bakit umalis sa school namin si Nick?"

Napatingin ako sa kaniya. "Bakit?"

"Dahil sa 'yo. Grabe talaga ma-in love 'yong g*gong 'yon," tumawa siya.

Hindi ako sumagot sa sinabi niya. Po-problemahin ko naman ngayon si Nick.

"Hoy, Carlo! Pasok ka na ulit sa game!" tawag no'ng isa nilang kasama.

"Oo, nandiyan na!" sigaw niya pabalik at nilingon ako. "Sige, punta na ako roon."

Tumango lang ako kaya tumakbo na siya pabalik doon. Lumapit 'yong si Carlo kay Nick at nag-pass siya sa kaniya.

Umayos ako ng upo nang palapit na siya rito. Nang makalapit ay umupo siya sa tabi ko.

Huminga ako nang malalim 'tsaka siya nilingon.

"Ayos ka lang? Naiinip ka na ba?" tanong niya bago pa man ako makapagsalita.

Tumango ako bilang sagot. "Nick, diretsahin mo nga ako. Do you like me?" nahihiya man akong tanungin 'yan, nilakasan ko pa rin ang loob ko.

Tiningnan lang niya ako na parang tinubuan ako ng kung ano sa mukha ko. Maya maya lang ay ngumuso siya para pigilan ang pagngiti. Yumuko siya at napakamot sa batok, pagkatapos ay tumingin ulit sa akin at habang kagat nang bahagya ang ibabang labi nito.

"Masyado bang obvious?" anito sabay ngiti.

"Oo, gusto nga kita. Simula noong mga bata pa tayo," sabi niya kahit wala pa akong sinasagot.

"P-pero, Nick... Ano..." Paano ko ba sasabihin sa kaniya? Hayy. Bahala na nga!

"Nick... Kasi... M-may iba akong--"

Natigil ako sa pagsasalita at nanlaki ang mga mata kong nakatingin sa 'di kalayuan. Nakatingin lang siya sa amin habang nakakunot ang noo at nakakuyom ang kamao. Parang isang kalabit mo lang ay susugod na siya rito.

Napansin ni Nick ang hitsura ko at nagtaka siya.

"Nasha? Anong nangyari sa 'yo?"

Pero hindi ko siya sinagot dahil gulat pa rin ako sa nakikita ko ngayon. Kumunot na ang noo niya at lumingon sa kung saan ako nakatingin.

"Oh, nandito pala siya? Na-miss ko rin ang mokong na 'yon ah?" bulong ni Nick kaya nagtataka akong napabaling sa kaniya.

Magtatanong na sana ako nang mag-smirk siya at kumaway sa kaniya.

"Long time no see, Brey!" tawag nito sa kaniya habang tila mapang-asar na kumakaway.

Magkakilala sila?