Chapter 46 Ang Pagpapanggap ni Lance kay Jillian

TULAD noon, hindi pa rin magawang iwanan ni Lance ang labi ni Jillian. Para naman kasi iyong honey na hindi niya kayang pagsawaan kahit na magka-diabetes pa siya. At ganoon din naman si Jillian, hindi nito magawang pigilan ang nararamdaman nito. Buong alab nitong tinugon ang kanyang halik.

"I love you," hindi niya napigilang sabihin nang maghiwalay ang kanilang mga labi. Iyon naman talaga ang nararamdaman niya. Mula noon hanggang ngayon, tanging si Jillian lang ang sasabihan niya ng mga katagang iyon.

Matagal muna siyang tinitigan ni Jillian bago nito sinabi sa kanyang, "I love you too."

Kahit na lalaki siya'y gusto niyang maiyak sa salitang iyon ni Jillian. Alam niya kasing iyon talaga ang nilalaman ng damdamin nito. Na talagang mahal siya nito. Hindi na kasi nito nagagawang isipin ang tama at mali dahil wala sa alaala nito si Mark Wayne at ang alam ni Jillian, sila ang mag-asawa.

Alam niyang kapag bumalik na ang alaala ni Jillian ay sobra siya nitong kamumuhian pero ginagawa lang naman niya ang lahat ng paraan para maging maligaya sila. Dahil sila naman talaga ang dapat na magsama dahil sila ang tunay na nagmamahalan.

"Tititigan mo na lang ba ako?" nanunudyong tanong sa kanya ni Jillian. Mapang-akit pa ang ngiti nito.

Shit! Gusto niyang ibulalas dahil sa klase ng ngiti nito'y nabubuhay ang isang bahagi ng katawan niya na matagal ng hindi nagri-react sa isang babae. Tanging si Jillian lang kasi ang gusto nitong amo kaya ngayong nasa harapan niya si Jillian ay talagang sumasaludo ito na parang sundalo. Hindi niya napigilan ang mapaungol nang maramdaman niya ang pagpasok ng kamay ni Jillian sa loob ng kanyang t-shirt.

Humahaplos ito sa kanyang dibdib kaya naman gusto na niya talagang sibasibin ng halik si Jillian. Siyempre, nais din naman niyang ipadama rito ang kanyang pananabik. Kaya lang, mayroong umaawat sa kanya.

Kahit mahal niya si Jillian at magagawa naman niya itong panagutan ay hindi pa rin mababago ang katotohanan na may tunay itong asawa at siya ay nagpapanggap lang. Kaya, kung pakikialaman niya ito, tiyak na kamumuhian lang siya ni Jillian pagkaraan at iyon ang ayaw niyang mangyari.

"Jillian..."

"What?"

Hinawakan nito ang kamay niyang humahaplos sa kanyang katawan. Kung hindi lang talaga niya iniisip ang tama at mali ng mga oras na iyon, susundin na lang niya ang sinasabi ng kanyang katawan. Ngunit, inaawat siya ng kanyang puso. Kinukontra siya ng kanyang puso. Niloko na nga niya si Jillian ng sabihin niyang mag-asawa sila kaya hindi na niya gugustuhin pang maging marumi ang tingin nito sa sarili.

May tamang pagkakataon para sa kanilang pag-ibig. Sa ngayon ay kailangan muna niyang magtiis para sa kanyang pinakamamahal.

"Ayaw mo ba?"

"Jillian..." hirap niyang sabi pero kailangan na niyang lumayo rito kaya bumalikwas na siya nang bangon.

"What?"

"May sakit ka," nahagilap niyang sabihin.

"Dahil ba may amnesia ako ay makakalimutan ko na ring makipag-sex sa asawa ko?" napapantastikuhang tanong nito.

Kung hindi nga lang masyadong seryoso ang sitwasyon ay magtatawa siya. Kung umasta naman kasi siya'y parang siya ang maaagrabyado kapag may nangyari sa kanila. Hindi niya gugustuhin na mamuhi sa kanya ang minamahal kaya minabuti na muna buhusan ng imbisibol na malamig na tubig tubig ang init na kanyang nararamdaman.

Dahil ba may amnesia ako ay makakalimutan ko na ring makipag-sex sa asawa ko? Nang sabihin iyon ni Jillian ay para ring may bimbang sumabog sa kanyang harapan. Pagkatapos ay ipinamukha sa kanya na kahit pa sabihin ni Jillian na siya ang mahal nito, hindi pa rin mababago ang katotohanan na si Mark Wayne ang may karapatan dito.

"Gusto ko lang na kapag may nangyari sa atin ay okay ka na. Ayokong..."

"Ayaw mo lang yata," naiinis nitong putol sa sasabihin niya.

"Jillian..." nahihirapan niyang sabi. Hindi niya kasi alam kung paano niya ipapaliwanag kay Jillian ang sitwasyon. Hindi naman niya siyempre maaaring sabihin kay Jillian na, huwad lang ang pagiging mag-asawa natin kaya hindi pupuwedeng may mangyari sa atin.

Ang nais lang naman niya talaga ay maipadama at maiparamdam kay Jillian kung gaano niya ito kamahal. Hindi niya muna iniisip ang sex dahil hindi lang naman ang katawan nito ang mahal niya kundi ang buong pagkatao nito. At iyon ang nais niyang maangkin. Bakasakali kasing kapag naibalik niyang muli ang dating pagmamahal sa kanya ni Jillian ay magawa na nitong talikuran si Mark Wayne at siya ang piliin.

Mangyayari nga ba iyon? tanong niya sa sarili. Alam niyang 'hindi' pero nais pa rin niyang sumugal. Kaya nga, ng malaman niyang may amnesia si Jillian ay hindi muna niya ito dinala sa doktor dahil gusto pa niyang magkaroon sila ng oras na magkasama.

"I get it," mariing sabi nito. Bawat katagang iyonay matigas kaya naman parang sumusugat din iyon sa kanyang puso.

"Ano?"

"Ayaw mo na sa akin."

"No."

"Fine."

Sa lahat ng ayaw niya ay iyong nagagalit sa kanya si Jillian kaya ngayong ang talim-talim ng tingin nito sa kanya ay hindi niya maiwasan ang mataranta. Malalaim na buntunghininga ang kanyang pinawalan at minura niya ang kanyang sarili. Kung tutuusin naman kasi'y siya ang may kasalanana kung bakit mistulang dragon na magbubuga ngayon ng apoy si Jillian.

Siya ang naunang humalik dito at ngayong nag-iinit na si Jilian ay saka siya aatras. Well, ayaw din naman niyang huminto pero hindi magawa ng konsensiya niya niya na ipagpatuloy ang kanyang ginagawa. Si Jillian din naman kasi ang kanyang inaalala. Ayaw niyang kapag dumating ang araw na bumalik na ang memorya nito ay hindi na magawa pang makaharap kay Mark Wayne.

Maaari ngang malaki ang advantage noon sa kanya, na magkakasira ang relasyon ng mga ito dahil sa pagmamahalan nila ni Jillian kaya nga lang, nais din naman niyang lumaban ng patas kahit na nakapandaya na siya.

"Jillian..."

"Noong isang araw ko pa napapansin, eh. Panay ang iwas mo na may mangyari sa atin. Bakit, pinandidirihan mo ba ako? Talaga bang hindi ako naging mabuting asawa sa'yo kaya parang nagdadalawang isip kang..."

"Mahal kita kaya ginagawa ko ito."

Matagal siya nitong tinitigan na para bang gustong basahin ang tumatakbo sa kanyang isipan.

Napangiti siya ng salubungin niya ang titig nito. "Bakit ikaw, aawayin mo lang ba ako dahil sa hindi ko maibigay sa'yo ngayon ang katawan ko?" pakenkoy niyang tanong dito kaya naman maya-maya lamang ay humagalpak na ng tawa si Jillian.

"Loko ka talaga."

"I love you," wika niya pagkaraan.

"Talaga?"

"Maniwala ka sa akin. Mahal kita. Kaya, lahat ng pagpipigil ay ginagawa ko ngayon kahit ang totoo ay gustung-gusto na kitang angkinin."

"Wala naman problema, hindi ba? Mag-asawa naman tayo?" nalilitong tanong nito.

Malalim na buntunghininga ang pinawalan niya bago niya niyakap si Jillian ng sobrang higpit. "Sa tamang panahon ay malalaman mo kung bakit ko ito ginagawa."

"Kailan ang panahon na iyon?"

"Kapag bumalik na ang memorya mo," nakangiti niyang sabi pero mabigat ang kanyang dibdib. Alam niya kasing kapag bumalik na ang memorya ni Jillian ay gugustuhin pa rin niyang bumalik sa mag-ama nito.