Chapter 47 Ang Relasyon nina Lance at Jillian

MAGTIWALA ka, sa palagay ni Jillian ay iyon ang kailangan niyang gawin para hindi na sumama ang loob niya kay Lance. Palagi naman kasi nitong sinasabi na mahal siya pero parang nagdadalawang isip naman itong angkinin siya. Pakiramdam tulo'y niya'y may itinatago ito sa kanya.

Inaaway na nga niya ito para malaman niya ang sagot sa kanyang katanungan pero kapag niyayakap na siya nito ay parang bulang naglalaho ang galit na kanyang nararamdaman. Talaga naman kasing masarap ang makulong sa mga bisig nito.

Trust me, bulong nito sa kanya.

Mataman niya itong pinagmasdan. Bakit parang ang bigat bigat ng damdamin ni Lance nang sabihin ang mga katagang iyon?

"Malalaman mo ang sagot sa takdang araw."

"Ano ka si Kuya?"

"Sinong Kuya?" nagtatakang tanong nito.

"Si Big Brother," wika niya. Ang reality show na iyon kasi ang madalas niyang panoorin ng nakalipas na araw.

"Kung ako lang ang papipiliin, gusto ko sanang ganito na lang tayo palagi. Masaya, magkayakap at palaging magkasama."

Malungkot na malungkot si Lance nang sabihin ang mga salitang iyon kaya naman mas lalo siyang nagtaka. O mas maiging sabihin na nakaramdam ng matinding takot. "Bakit pupuwede pa ba tayong magkahiwalay?"

Malalim na buntunghininga ang pinawalan ni Lance. "Basta isipin mo na lang na mahal na mahal kita."

"Tinatakot mo naman ako niyan, eh."

"Ano bang gusto mong panoorin natin?"

"Horror," mabilis niyang sagot.

Natawa si Lance.

"Anong nakakatawa?" Nagtataka niyang tanong.

Piningot nito ang ilong niya pero hindi naman masakit. Talagang naglalambing lang. "Ang hilig mong manood ng horror pero lagi ka namang nakasiksik sa akin."

Natawa siya sa sinabi ni Lance pero maya-maya'y naglaho ang ngiti sa kanyang labi. Mayroon kasing alaalang gustong sumingit sa kanyang utak kung saan sinabi iyon ng isang lalaki pero tiyak niyang hindi boses ni Lance.

Ibig sana niyang magtanong kay Lance pero nagbago ang kanyang isip. Tiyak niya kasing masasaktan ito kapag sinabi niyang may ibang boses ng lalaki siyang naaalala. Kaya, ipinilig na lang niya ang kanyang ulo para mataboy iyon sa kanyang isipan.

"Nanonood ba tayo ng sine dati?" Wala sa loob na tanong niya.

"Madalas," malungkot nitong sabi pero nakangiti naman.

Hindi pa siya nakapagdedesisyon kung paniniwalaan ba niya ang sinabing iyon ni Lance ng may eksenang sumingit sa kanyang isipan.

"Saan mo ba ako dadalhin pa?" Tanong niya kay Lance pero hindi naman takot ang kanyang nararamdaman kundi excitement.

"Sa langit."

Pinalo niya ang braso nito. "Loko ka nasa sinehan tayo kaya mag-behave ka," nagbabanta niyang sabi.

"May palagay akong ikaw ang hindi magbi-behave mamaya," nanunudyong sabi ni Lance.

"Jillian..."

"Naalala ko nga ang panonood natin ng sine?" nakangisi niyang sabi. Sa palagay nga niya kahit nasa kasalukuyan na siya'y nagbabalik pa rin sa nakaraan ang kanyang isipan.

"Na-naaalala mo na lahat?"

Kabado ang boses ni Lance kaya napakunot ang kanyang noo. Parang gusto niyang magtaka kung bakit ganoon ang reaksyon nito. Hindi ba dapat ay matuwa ito? Gayunman, sinagot niya ang tanong nito, "Bigla lang pumasok sa isip ko 'yung eksena na magkasama tayong nanonood ng sine. Dahil sobrang nakakatakot ang movie, wala akong ginawa kundi magpayakap sa'yo," natatawa niyang sabi.

"UNti-unti ng bumabalik ang memorya mo."

"Parang hindi ka masaya."

"Matatapos na rin kasi ang bakasyon natin," wika nito.

"Hindi ba pwedeng mas magtagal pa tayo rito?" nagtataka niyang tanong.

"Marami ng naghihintay sa pagbabalik mo."

"Pagbabalik ko?" taka niyang tanong. Kahit kasi anong isip ang gawin niya'y hindi niya makuha ang ibig nitong sabihin. Ayaw naman niyang kulitin pa ito dahil baka hindi rin niya magustuhan ang isasagot nito sa kanya.

"Hindi ka ba nagugutom?"

"Manonood tayong movie, eh."

"Kaya nga dapat tayong kumain," wika ni Lance.

Hindi na siya nakapagsalita dahil mabilis na lumabas ng kuwarto si Lance na para bang may kung anong gustong takasan. Ayaw na niyang pasakitin pa ang ulo niya sa pag-iisip dahil tiyak naman niyang ang mga alaala ay kusa ring magbabalik sa kanya. Kaya nga lang, pakiramdam niya ay may dapat siyang katakutan.

Marahas na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Alam niya ang dahilan kung bakit ganoon ang nararamdaman niya. Nahahawa siya kay Lance. Kung anuman ang kinatatakutan nito kapag bumalik na ang kanyang alaala ay alam niyang ganoon din ang kanyang nararamdaman.

"Wow," bulalas na lang niya dahil pagbalik ni Lance ay marami itong dala -- iba't ibang sitsirya, cookies at soda's. Mayroon pang mineral water. "Hindi na tayo magugutom niyan."

"Ayoko siyempreng gutumin ang buwaya mo sa tiyan," natatawang sabi nito. Inakbayan pa siya nito at hinalikan sa noo kaya hindi na siya napikon sa sinabi nito. Siyempre, mas nangibabaw kasi ang kilig na kanyang nararamdaman.

"Kung magsalita ka naman parang ang takaw ko," natatawa niyang sabi. Huminig na rin siya sa dibdib nito. Mas gusto nilang manood sa lapag, nakaupo sa carpet at nakasandal sa kama. Habang ang mga pagkain ay nasa gilid nila at harapan.

"Mag-concentrate ka sa panonood," wika nito sa kanya.

"Shhh..." wika naman niya nang magsimula na ang palabas. Ngunit, ang totoo ay nahihirapan siyang sundin ang sinasabi sa kanya ni Lance. Paano naman kasi siya makakapag-concentrate sa panonood ng palabas kung ang isipan niya ay naglalakbay pabalik sa kanyang tabi.

Ah, ang sarap-sarap naman kasi talaga sa pakiramdam na kasama niyang nanonood ng pelikula ang kanyang pinakamamahal. Kahit na hindi pa buo sa isipan niya ang kanyang alaala, tiyak naman niyang malaking bahagi ng nakaraan niya si Lance.

Kaya talagang hindi niya maintindihan si Lance kung bakit pakiramdam niya ay kinatatakutan din nito ang sandaling bumalik na ng tuluyan ang kanyang alaala. Maging siya rin tuloy ay nakakaramdam ng takot sa pagbabalik ng kanyang alaala. Naiisip niya kasi na baka kapag naalala na niya ang lahat ay baka mawala rin sa kanya si Lance. Siyempre, ayaw niyang mangyari iyon. Damang-dama naman kasi niya ang pagmamahal niya sa kanyang 'asawa'.

Kumunot ang noo niya ng tumino sa kanyang isipan ang katagang asawa.

"Apple," wala sa loob niyang bulalas habang nasa screen ng tv ang kanyang pansin. Isa kasing matandang babae ang binigyan ng mansanas ng bida sa horror movie na kanilang pinanonood ngunit ang mata niya ay mas napako sa pulang-pulang mansanas.