Chapter 45 Hindi Nakakalimot ang Puso
MAAARI ngang wala siyang maalala pero naniniwala si Jillian sa mga sinasabi sa kanya ni Lance. Dama naman kasi niyang mahal niya ito kaya naniniwala siya na asawa siya nito. Napangiti tuloy siya sa kaisipang nakakalimot ang utak pero hindi ang puso.
Kaya, bilang asawa ay dapat niya itong asikasuhin ng husto at ibigay mga pangangailangan nito. At hindi naman niya mapigilan ang labis na masiyahan dahil kitang-kita niyang sobrang naa-appreciate ng kanyang asawa ang kanyang ginagawa. Lagi tuloy siyang nakatatanggap dito ng mahigpit na yakap at maiinit na halik na siyempre, tinutugon naman niya rin ng buong alab. Gayunman, hindi niya maiwasan ang magtaka kung bakit parang pinipigilan ni Lance ang sarili na may mangyari sa kanila.
"My Beloved!"
Napapitlag siya sa sigaw na iyon ni Lance. Para kasing may kumikiliti sa kanya kapag naririnig niya ang endearment nito sa kanya. Nawala lang ang kanyang ngiti dahil parang may eksena siyang naalala na ganoong ganoon din. Hindi tuloy siya nakakibo kahit na narinig na naman niya ang sigaw si Lance.
"Jillian…?" wika nito nang bumungad sa kusina. Wari'y nakahinga nang maluwag nang makita siya.
"My Lance," wika niya pero napakunot ang kanyang noo dahil parang hindi tama ang pangalang sinabi niya. It's my Lance nga pala dapat. "Good Morning."
Sa halip na tugunin nito ang pagbati niya'y niyakap siya nito ng sobrang higpit. Pakiramdam niya tuloy, hindi lamang ito basta nananabik sa kanya kundi mayroon itong gustong sabihin na hindi masabi sa kanya.
"Akala ko umalis ka na naman," wika nito ng bahagyang lumayo sa kanya.
Nagkaroon daw siya ng aksidente nu'ng nag-away sila kaya't kahit na nasa Isla sila ay nagtangka siyang maglayas. Hindi niya tuloy napigilan ang mapangiwi. Para kasing napaka childish ng kanyang ginawa.
"Ayoko na mapahamak kaya hindi ko na gagawin 'yon."
Akala niya'y sapat na ang kanyang mga salita para mapakalma niya si Lance, hindi pa rin pala. Pakiramdam nga niya'y mas hinigpitan pa nito ang yakap sa kanya.
"Baka naman magkalasug-lasog na ang buto ko sa'yo," biro niya kay Lance.
Bahagya naman itong lumayo sa kanya pero hindi pa rin inaalis ang pagkakayakap sa kanya. "Mahal na mahal kita."
Napangiti siya sa sinabi nito. "Maaari ngang makalimot ang isip ko pero hindi ang puso ko. Ramdam kong mahal na mahal din kita. Kain tayo," wika niya matapos pahirin ang luhang sumungaw sa mga mata ng kanyang asawa.
"Mas mahal kita dahil nagawa kong kalimutan ang tama at mali…"
"Anong ibig mong sabihin?" Nagtataka nyang tanong.
"Nagugutom na ako."
Napahagikgik siya sa sinabi ni Lance. "Kaya pala kung anu ano na sinasabi mo riyan."
"Wow, adobo. Miss na miss ko na ito."
Gilalas siyang napatingin dito. "Bakit hindi ba kita pinagluluto?"
"May mga katulong kasi tayo."
"Kahit na. Responsibilidad kong asikasuhin ka. Ano bang klaseng asawa ako?" Naiinis niyang tanong sa sarili.
"You're the best. Nagugutom na kong talaga. Ako na ang magsasandok nito. Maghain ka na lang."
Agad naman siyang tumalima pero hindi pa rin nawawala ang bigat sa kanyang dibdib. Pakiramdam kasi niya'y hindi niya nagawa ang responsibilidad niya kay Lance bilang asawa. Napabuntunghininga na lang siya sa kaisipang marami siyang pagkukulang sa kanyang mahal kaya kailangan naman ay makabawi siya.
"Masyado kang tahimik," untag sa kanya ni Lance habang kumakain sila.
Uminom muna siya ng tubig bago ito hinarap. "Nagi-guilty kasi ako sa'yo."
"Bakit naman?"
Napangiti siya nang biglang naging mas malamlam ang mga mata nito. Hindi niya tuloy napigilang haplusin ang guwapong mukha nito na ubod ng kinis. "Para kasing hindi ako naging mabuting asawa sa'yo."
Bahagya itong umubo na hindi niya alam kung nahirinan ba dahil agad itong naghagilap ng tubig.
"So, totoo?"
"Jillian..."
Parang gusto na niyang maiyak sa reaction na iyon ni Lance. Alam niyang ayaw lang nitong masaktan siya kaya hindi nito masabi sa kanya ang mga bagay na maaaring makasakit sa kanya. Hindi niya tuloy napigilan ang mapaiyak.
"Jillian, huwag ka naman ganyan."
"Sorry," wika niya.
Hinagilap nito ang palad niya saka pinisil. "Wala kang kasalanang nagawa sa akin. Kung tutuusin nga'y ako ang may kasalanang nagawa sa'yo."
"Nambabae ka!" sigaw niya.
Humagalpak nang tawa si Lance. "Kahit kailan ay hindi ko maiisipan na pagtaksilan ka," anitong ngiting-ngiti habang nakatitig sa kanyang mga mata.
Wala man siyang matandaan ay hindi niya napigilan ang mapangiti. Alam niya kasing hindi naman nagsisinungaling ang kanyang asawa ng sabihin ang mga salitang iyon. KIta niyang nagniningning ang mga mata nito sa kasiyahan. Siguro ay dahil naaaninag nito ang pagseselos sa kanyang boses na siyang makakapagpatunay kung gaano niya ito minamahal.
"Eh, bakit ba tayo nandito?" nahagilap niyang itanong pagkaraan.
"Nagbabakasyon."
"So, saan tayo talaga nakatira?"
"Sa Maynila."
Kumunot ang noo niya dahil napansin niyang biglang pag-iwas ni Lance. Ewan niya kung bakit pakiramdam niya'y mayroon itong itinatago sa kanya.
"Bakit tayo nagbabakasyon?"
"Dahil gusto nating magkaroon ng oras sa isa't isa. At hindi natin iyon magagawa kung nasa Manila tayo dahil abala tayo sa trabaho."
"Anong bang trabaho natin?" Hindi niya napigilan ang mapa-aray ng biglang sumakit ang kanyang ulo.
"Jillian..."
"Su-sumakit ang ulo ko."
Napabuntunghininga ito. "Huwag ka na kasing magtanong ng kung anu-ano dahil talagang sasakit ang ulo mo. May sakit ka. Kaya, kailangan mo lang ay magpahinga. Sige na, tapusin mo na ang pagkain mo."
Sabi ni Lance ay ito na raw ang bahalang magligpit ng pinagkainan nila ngunit hindi siya pumayag. Para sa kanya ay obligasyon niyang ligpitin bilang asawa nito ang kanilang pinagkainan kaya sa huli ay magkatulong na lang silang nagliligpit. Ngunit, nang matapos sila sa kanilang pagliligpit ay bigla siyang napatili dahil binuhat siya ni Lance kaya naman siya'y napakapit sa leeg nito.
Nang magkatitigan sila'y hindi na siya nakatiis na hawakan ang mukha nito at halikan ang labi nito. Gusto niya kasing iparamdam rito kung gaano niya ito minamahal. Na kahit na wala siyang maalala ay hindi pa rin iya magawang kalimutan ang pagmamahal na nararamdaman na nararamdaman dito. Katunayan, ang puso niya'y ang lakas-lakas ng pintig habang magkahinang ang kanilang mga labi.
Ah, parang hindi na niya makayang matapos ang mga sandaling iyon.