Chapter 44 Si Jillian, May Amnesia

ILANG sandaling natulala si Lance nang rumehistro sa kanyang isip ang isang katotohanan. May amnesia si Jillian.

Nang imulat kasi nito ang mga mata ay wala siyang makitang galit o kaya takot. Sa halip, ang nasilayan niya roon ay pag-ibig. Kumikislap kasi na para bang christmas light ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya. Ganoong-ganoon ang mga mata ni Jillian nu'ng magkarelasyon sila.

It's my Lance, iyon na ulit ang tawag nito sa kanya kaya hindi niya talaga napigilan ang ma-excite. Matagal na kasi niyang pinananabikan na muling marinig ang pagtawag sa kanya ni Jillian sa endearment na It's my Lance.

"Bakit natulala ka riyan?" nagtatakang tanong nito sa kanya.

"Hindi lang talaga ako makapaniwala na kasama na ulit kita." Kung hindi lang niya napigilan ang sarili ay baka napaiyak na siya. Kahit naman kasi lalaki siya, hindi niya kontrol ang emosyon kung si Jillian ang sangkot.

Mahal na mahal niya si Jillian. Nang mawala ito sa kanyang buhay, para na rin siyang namatay. Para lang siyang bumalik sa normal nu'ng makita niya itong muli. Akala nga lang niya ay nakukuntento na siya na nakikita at nakakasama lang niya ito. Ngunit, nang malaman niyang hindi lang siya iniwan ni Jillian dahil sa gusto siya nitong ipagpalit kay Mark Wayne, ginusto na niyang lumaban para sa kanilang dalawa.

Iyon nga lang, hindi makakayang gawin iyon ni Jillian dahil hindi nito magagawang saktan ang matalik nitong kaibigan. Masakit iyon sa kanya pero nauunawaan niya ito. Kung tutuusin naman ay siya ang talagang may kasalanan. Hindi niya pinagkatiwalaan ang pag-ibig ni Jillian sa kanya. Masyado siyang nagpadala sa selos.

Nagkaroon tuloy ng pagkakataon ang dati niyang bestfriend para sirain ang relasyon nila ni Jillian.

"Kung magsalita ka naman ay parang nawala ako sa buhay mo."

"Muntik na." HIndi niya napigilang sabihin.

"Ano?" mangha nitong sabi.

Malalim na buntunghininga ang kanyang pinawalan dahil hindi niya magawang sagutin ang tanong ni Jillian. Siguro kasing masaya siyang ligtas na ito sa kapahamakan. Kaya naman, hindi niya napigilan ang sariling yakapin si Jillian. Mahal na mahal niya ito kaya hindi rin niya gugustuhing mapahaman ito. Kung mangyayari kasi iyon, siguradong mapapatay niya ang kanyang sarili.

Nagtangkang tumakas si Jillian kanina dahil gusto na nitong makabalik sa pamilya. Handa na naman siyang gawin iyon kanina dahil alam niyang kapag hindi niya naibigay ang gusto nito'y paulit-ulit lang siyang tatakasan ni Jillian. Ngunit, nag-iba ang kanyang desisyon nang imulat na nito ang mga mata at tawaging siyang It's my Lance.

Kung nabura sa isip nito sina Mark Wayne at Apple, ito na ang pagkakataong hinihintay niya para makuha niya ng tuluyan ang pag-ibig ni Jillian.

Mahal siya ni Jillian kaya dapat lang na sila ang magsama habambuhay. Pinili lang naman nito si Mark Wayne dahil inakala ni Jillian na niloko niya ito. Kapag naiisip niya ang mga taon na nasayang sa pagitan nila nila ni Jillian, parang gusto niyang hagilapin si Franco para bugbugin. Ang matalik na kaibigan niyang iyon ang dahilan kaya nasira ang buhay nila ni Jillian kaya parang gusto na niyang burahin sa isipan na minsan ay pinagkatiwalaan niya si Franco at itinuring na parang kapatid. Gayunpaman, ibig pa rin niyang magpasalamat dito na sa huling sandali ay nagkaroon ito ng lakas ng loob na sabihin sa kanya ang katotohanan.

"Naaksidente ako?" hindi makapaniwalang tanong ni Jillian.

"Yes. Mabuti na lang at dumating ako sa oras bago ka tuluyang mapahamak."

"Anong nangyari ba?" nagtataka niyang tanong.

"Muntik kang makagat ng ahas at tumama ang ulo mo sa bato kaya nawala ang alaala mo." Nahagilap niyang sabihin. Hindi naman siya nagsinungaling sa parte na iyon dahil talaga namang nangyari iyon. Ngunit, may bigat pa rin siyang nararamdaman sa kanyang dibdib dahil muntik mapahamak ang kanyang mahal dahil sa kagagawan niya.

At dahil na rin sa kanyang kasakiman, inis niyang sabi sa kanyang sarili.

Kasal na si Jillian kaya dapat sana ay ipaubaya na niya itong tuluyan kay Mark Wayne. Ngunit, paano niya gagawin iyon kung sa tingin niya ay hindi talaga ito masaya sa buhay na pinili?

"Oh my God. Mabuti na lang ay naligtas mo ako. Hanggang kailan kaya ako ganito?"

"I don't know. Ang importante ligtas ka." Napabuntunghininga siya nang malalim. Masama man hilingin pero mas gusto niyang matagalan na bumalik ang alaala ni Jillian. Ibig kasing sabihin noon ay matagal pa niya itong makakasama.

Alam niyang isang krimen ang ginawa niyang pag-kidnap ngunit hindi niya mapapalampas ang pagkakataon na makasama at mahalin ni Jillian. Umaasa siyang kapag mas minahal siya nito ay maagaw na niya itong tuluyan kay Mark Wayne.

"At kasama kita," anitong titig na titig sa kanya.

Hindi tuloy niya napigilan ang sarili na yakapin ito. Kaytagal na panahon niyang muling inasam na marinig ang mga malalambing na salitang iyon ni Jillian. Ah, kung maaari lang na hindi na niya ito pawalan ay ginawa na sana niya ngunit makaraan ay ilang sandali ay itunulak siya nito. Nakaramdam siya ng takot nang pinakatitigan siya nito.

"I'm sorry."

Kumunot ang kanyang noo. "Saan?"

"Sa palagay ko kasi, hindi naman ako mapapahamak ng ganito kung hindi matigas ang ulo ko."

"May amesia ka nga," anito. Nakangisi.

Kumunot ang noo niya. Hindi niya malaman ang gusto nitong sabihin pero maya-maya lang ay nakuha na niya ang gusto niyang kasagutan. "Hindi kasi ang Jillian Cordova na kilala mo ang marunong humingi ng tawad pero nakakatuwa pa rin na nagsu-sorry ka kaya kung nakaramdam ka ng guilt ay alisin mo na. Ang importante lang naman sa akin ay nandito ka na at ligtas."

"Nasaan ba tayo?"

"Palawan."

"Palawan?"

"N-nagbabakasyon," sabi niya.

"Bakit ba tayo nandito?" tanong ni Jillian sa kanya habang inililibot ang tingin sa paligid na para bang nakikita ang kabuuan ng Isla na pinagdalhan niya rito.

"Magsi-celebrate tayo ng 6th year anniversary natin." Nahagilap niyang sabihin. Siyempre, hindi naman niya magagawang sabihin dito na kaya sila naroroon ay dahil kinidnap niya ito. Basta ang layunin niya ay makuha ang pag-ibig ni Jillian at sisiguraduhin niyang mangyayari iyon.

"Ang tagal na rin pala natin. Mag-asawa tayo?" Nakakunot noong tanong nito. Matiim itong nakatingin sa para bang gustong makasigurado.

"Yes," mariin niyang sabi habang nakatitig sa mga mata ni Jillian.