Chapter 41 Ang Pag-amin ni Jillian
SABI ni Jillian ay masamang-masama ang kanyang pakiramdam kaya naman hindi mapigilan ni Lance ang mataranta. Kahit naman parang normal lang naman ang temperatura ni Jillian, hindi niya maiwasan ang labis na mag-alala. Nangangalumata naman kasi talaga ito kaya naisip niyang nasa loob ang sakit nito.
Para tuloy gusto na niyang murahin ang kanyang sarili. Ang inisip lang kasi niya ay gusto niyang makasama si Jillian. Nais niyang ipaglaban ang kanilang pag-iibigan kahit alam niya namang mali dahil may mga taong masasaktan. Kaya lang, talagang mahirap kalabanin ang pusong labis na nagmamahal.
"Shit!" bulalas ni Lance dahil wala siyang gamot na mahagilap. Gusto sana niyang maghagilap ng tulong pero ayaw niyang may makaalam ng lugar na ito. Kaya naman, binalingan niya si Jillian. "Okay lang ba kung iiwan kita sandali?"
"Saan ka pupunta?"
"Bibili lang ako ng gamot sa Bayan."
"Wala bang masamang loob dito?" nag-aalala nitong tanong.
"Mababait ang mga tao rito. Pero, i-lock mo ang pinto para makasigurado tayo. May susi naman ako."
"S-sige," wika nito saka sumubsob sa unan at pumikit.
Sa ayos nito ngayon ay parang dinudurog ng pinung-pino ang kanyang puso. Naiisip niya kasing masamang-masama ang pakiramdam nito pero nilalabanan lang ang sama ng pakiramdam nito para ipakita sa kanya na okay lang ito.
"Sigurado kang okay ka lang?" tanong pa niya.
"O-oo."
Ayaw sana niyang iwanan si Jillian sa ganoong kalagayan lalo na at wala itong kasama kaya nga lang kapag hindi niya ito nabilhan ng gamot ay baka naman mas lalong sumama ang pakiramdam nito.
"Promise, sandali lang ako."
"Pwedeng mag-request?"
"What? May gusto ka bang kainin?"
"Pwede bang yakapin mo muna ako ng mahigpit na mahigpit. Kahit ten minutes lang," anitong puno ng pakiusap ang boses.
Nang makita niyang nangingilid na ang luha ni Jillian ay hindi niya ito naatim na hindi pagbigyan. Mahirap naman kasi talagang tanggihan ang pakiusap nito lalo na't damang-dama niya ang sobrang pangangailangan sa kanya.
Maaari ngang hindi magawang maibulalas ni Jillian sa kanya kung gaano siya nito kamahal pero hindi naman siya manhid para hindi niya maramdaman na talagang sinisikap lang nitong labanan ang tunay na nararamdaman para magawa ang tama. Dahil doon ay mas minahal niya si Jillian. Patunay lang iyon na karapat-dapat itong mahalin at pagkatiwalaan.
Kung siya ang naging asawa ni Jillian, siguradong magiging proud na proud siya dahil ito ang kanyang misis niya. Kaya kahit wala siya sa tabi nito ay kampante pa rin siya dahil alam niyang hindi ito gagawa ng kalokohan sa kanyang likuran. Kaya nga lang, hindi siya ang asawa ni Jillian.
Kaya naman kahit alam niyang magiging mahirap sa kanya na labanan ang kanyang sarili ay pinagbigyan niya ito. Tumabi siya rito at niyakap ito ng mahigpit na mahigpit. Kasabay noon ay muli na namang bumalik sa kanyang isipan ang nakaraan. Kapag magkasama sila ni Jillian sa kanyang condo ay lagi rin silang magkayakap nito kapag magkatabi.
Iyon nga lang, hindi lang sa yakapan sila nagtatapos. Sigurado kasing mauuwi sila sa mainit na tagpo. Ngunit ngayon, hindi niya magawa ang kanyang nais dahil kailangan niyang respetuhin si Jillian. Kaya naman kailangan niyang pigilan ng husto ang kanyang sarili hindi niya ito ma-seduce. Saka kahit gusto niyang gawin iyon, hindi maaari dahil nga masama ang pakiramdam ni Jillian.
"Kung kinompronta lang siguro kita noon, baka mas nagkaunawaan tayo. Baka nasabi mo sa aking mali ang narinig ko. Kaya lang, naging duwag ako. Natakot kasi akong sabihin mo sa akin na talagang pinaglaruan mo lang ang feelings ko dahil gusto mong makaungos kay Mark Wayne lalo na't alam mo namang crush na crush ko noon si Mark Wayne."
"Hindi mo ba siya minahal?"
"Mahal ko siyempre siya."
Nawala ang ngiti niya sa sinabi ni Jillian. Para kasing may sumuntok sa kanya sa sinabi nito. KUng hindi nga lang niya napigilan ang sarili ay napabulalas na talaga siya ng 'Aray, ang sakit!' dahil iyon naman talaga ang kanyang nararamdaman.
"Kaya lang ng maging tayo ay higit kitang minahal."
Sa sinabi ni Jillian ay hindi niya napigilan ang sarili na yakapin ito. Talaga kasing labis niyang pinagsisihan na nagawa niya itong pawalan dati. Hindi man lang niya inisip ang mga pagmamahal na ipinakita nito. Agad siyang sumuko ng sabihin nitong na-realize nito na si Mark Wayne pa rin ang mahal nito.
Kung bakit ba naman kasi agad kinain ng selos ang kanyang puso. Well, ganoon naman talaga ang nagmamahal. Nakakaramdam ng matinding selos lalo na't alam niya naman kung gaano ka-close noon sina Jillian at Mark Wayne.
"Mahal na mahal din naman kita."
"Kaya lang, narinig kita noon na wala ka namang balak na pakasalan ako."
Gilalas siyang napatingin dito. "Hindi totoo 'yan. Ang plano ko nga ay yayain na kita ng kasal kapag tapos nating mag-aral. Plano ko ngang mag-propose ako sa graduation natin."
Hindi agad ito nagsalita. Nanatili lang itong nakatingin sa kanya na para bang gustong tiyakin kung nagsasabi nga ba siya ng totoo. "Narinig kita noon ang sinabi mo kay Franco nu'ng tanungin ka niya kung kailan tayo magpapakasal. Sabi mo pagputi ng uwak."
"Nagselos kasi ako sa inyo ni Mark Wayne nu'ng time na iyon. Nakita ko kayong magkayakap nu'ng pupuntahan kita sa inyo."
"Niyakap ko lang siya noon dahil sabi ko sa kanya na mahal kita at bestfriend na lang ang nararamdaman ko para sa kanya. At noong magkasama kami ni Mark Wayne sa Tagaytay ay dahil masamang-masama ang loob ko sa'yo noon dahil narinig ko nga ang sinabi ni Franco na plano mo lang gantihan si Mark Wayne sa pamamagitan ko."
Sunud-sunod na mura ang kanyang pinawalan saka niya niyakap ng mahigpit na mahigpit si Jillian. Ibig lang sabihin kasi noon ay labis silang nagdusa dahil nagkulang sila ng tiwala sa isa't isa. Kahit na tunay na pag-ibig na ang nararamdaman nila ay kinalimutan nila iyon dahil sa alinlangan na kanilang naramdaman.
Ah, kung maibabalik lang niya ang nakaraan.
"Umalis ka na," wika ni Jillian.
"Ayoko kitang iwanan," mariin niyang sabi. Lalo pa niyang hinigpitan ang yakap kay Jillian saka siya pumikit. Kung maaari nga lang niyang ibalik ang kahapon ay ginawa na sana niya pero alam niyang hindi maaaring mangyari iyon.
"Kailangan ko ng gamot."
"Shit, oo nga pala."