Chapter 40 Ang Panaginip ni Jillian
"APPLE..." sabik na bulalas ni Jillian nang makita niya ang anak. Miss na miss ma ito kaya naman hindi niya napigilan ang tumakbo. Ngunit, natigilan siya nang tumingin ito sa kanya. Puno ng pagdaramdam ang mga mata nito.
"Hindi mo na ba ako mahal?" tanong nito.
Sa klase ng tanong nito ay parang dinurog ang kanyang puso. Damang-dama niya ang hinanakit nito. Gusto niyang sabihin na mahal na mahal niya ito pero hindi niya magawa. Parang nawalan siya ng boses. Saka, hindi rin niya alam kung paano siya magpapaliwanag dito.
Kinidnap siya ng ama nito at hindi niya alam kung paano siya tatakas. Ngunit, parang tinutukso siya ng isang bahagi ng kanyang isipan. Sabi nito, kapag gusto'y mayroong paraan. Talaga lang marami siyang nahahagilap na dahilan dahil gusto niyang makasama si Lance.
"Kawawa naman kami ni Daddy," wika nitong matalim na matalim ang tingin sa kanya.
Sukat sa sinabi nito ay nakaramdam siya ng guilt. Mayroon siyang pamilya pero nananatili pa rin siya sa piling ng kanyang ex-boyfriend. At pumapayag siyang makatabi ito sa kama kahit na mayroon siyang asawa.
Anong klase siyang babae?
Hindi niya maikakatwiran sa lahat na wala namang nangyayari sa kanila ni Lance. Mali pa rin ang kanyang ginagawa dahil hinahayaan lang niya si Lance sa gusto nitong mangyari. Masyado siya baliw na umiibig dito kaya nagawa niyang kalimutan na may mga pusong nasasaktan dahil sinusunod niya ang isinisigaw ng kanyang puso.
NAPABALIKWAS nang bangon si Lance dahil sa pag-ungol ni Jillian. Tinapik-tapik niya ang pisngi nito sa pag-aalalang binabangungot ito.
"Jillian, wake up."
Agad naman itong dumilat at nang makita siya ay bigla na lamang siyang niyakap. Kahit na nag-aalala siya rito ay hindi niya napigilan ang mapangiti sa ginawi nito. Pakiramdam niya kasi'y kailangang-kailangan siya nito kaya ginawa iyon. Well, kailangan din naman niya ito sa kanyang buhay.
Kaya naman ang higpit ng yakap niya rito habang hinahagod niya ang likod nito. Siyempre, gusto niyang payapain ito. Gusto niyang maging kalmante na ito dahil parang dinudurog ang puso niya kapag nakikita niya itong hindi okay.
"Pwede bang yakapin mo muna ako kahit ilang minuto lang," nakikiusap nitong sabi sa kanya.
Lalo niyang hinigpitan ang yakap dito. "Kahit habambuhay pa kitang yakapin."
Naramdaman niyang humigpit din ang yakap nito sa kanya at isinubsob pa ang mukha nito sa kanyang dibdib kaya hindi na siya magtataka pa kung sasabihin ni Jillian na naririnig na nito ang tibok ng kanyang puso.
Mahal siya ni Jillian, alam niya. Kaya ramdam din niya ang paghihirap nito. Kahit hindi nito sabihin, alam niyang lahat ng paraan ay ginagawa nito para malabanan ang damdamin para sa kanya.
"Shhh..." sabi niya rito nang maramdaman niyang yumugyog ang balikat nito. Alam niyang umiiyak ito.
Dapat sana ay ma-guilty siya dahil alam niya ang kahulugan ng pag-iyak nito. Nami-miss na nito ang pamilya ngunit hindi niya pinagsisihan ang ginawa niyang pag-kidnap dito. Gusto lang naman niyang ipaglaban ang kanyang nararamdaman. Ang damdamin nila. Mali, pero kailangan naman ay maging selfish siya.
"I'm so sorry."
Alam niya ang tinutukoy nito kaya malalim na buntunghininga na lang ang kanyang pinawalan. "Hindi na natin maibabalik ang nakaraan pero magagawa pa nating baguhin ang kasalukuyan."
Bahagya siya nitong itinulak saka siya tinitigan. Marahan niyang pinalis ang luha sa mga mata nito. Ayaw niya sanang nasasaktan ang kanyang pinakamamahal pero wala naman siyang ibang pagpipilian.
"May anak ako."
Napabuntunghininga siya. Kahit pala matibay na ang desisyon niyang ipaglaban ang pagmamahal niya kay Jillian ay parang gustong magbago ng kanyang isip kapag natitigan niya ang anak nito. Hindi man siya ang ama ni Apple pero magaan na magaan ang loob niya rito. Siguro dahil kamukhang-kamukha nito si Jillian.
Kung sakaling nagkaroon sila ng anak noon ni Jillian, talagang ipaglalaban niya ito. Hindi niya hahayaan na pumasok pa si Mark Wayne sa kanilang buhay. Ngunit, hindi nangyari ang plano niya noon. Ang mabuntis si Jillian para makapagsabi na siya rito ng, Will you marry me? Nang panahon kasing iyon kahit alam niyang gustung-gusto na niyang pakasalan si Jillian ay duda siya kung tatanggapin ba nito ang alok niyang kasal kung palagi nitong sinasabi na may pangarap pa itong gustong tuparin.
"I'm sorry..." wika nito sabay hagulgol kaya wala na siyang nagawa kundi ang yakapin si Jillian.
KAHIT gustung-gusto na sabihin ni Jillian ang totoo kay Lance, hindi niya magagawa. Alam niyang malaking gulo lang kapag nalaman ni Lance ang katotohanan tungkol sa tunay na pagkatao ni Apple. Ayaw din naman niya ilagay sa alanganin si Mark Wayne. Nang magpakasal siya ay nagsumpaan din silang walang makakaalam sa tunay na pagkatao ni Apple kundi sila lang.
At hindi ko iyon babaguhin ngayon dahil kay Lance. Magugulo rin kasi ang buhay nito kapag nalaman ang katotohanan. Mas maigi pang maniwala na lang ito na anak nila ni Mark Wayne si Apple. At least kung mag-aasawa ito ay wala itong anak na iintindihin sa kanya. Iyon nga lang nang maisip niyang may ibang pakakasalan si Lance ay parang dinudurog ang kanyang puso. Sobrang sakit talaga ang kanyang nararamdaman.
"Mahal mo pa rin ako?"
"No."
"Liar."
"Pinaninindigan ko lang si Mark Wayne."
"Pero ako. Hindi mo napanindigan."
Don't cry! naiinis niyang sabi sa sarili. Kahit utusan niya ang pusong maging matigas ay hindi pa rin niya magawa. Talaga kasing nakakaramdam siya ng panghihina kapag nakikita niyang nasasaktan si Lance.
"Akala ko kasi..."
"Mga bata pa lang tao, mahal na mahal na kita. Kaya nga, inis na inis ako kay Mark Wayne dahil nasa kanya ang atensyon mo samantalang ako, hindi mo napapansin. Oo nga pala, nagagawa mo akong pansinin kapag inaaway ko si Mark Wayne. Kaya palagi ko siya inaaway. Kasi gusto kong mapansin mo ako."
Hindi niya makuhang makapagsalita sa sinabi nito dahil damang dama nga niya ang paghihirap na nararamdaman ni Lance.
"Kaya ng maging tayo, ginawa ko lahat para matutunan mo akong mahalin."
"Mahal naman kita."
"See..."
Maang siyang napatingin dito.
"Nahuli ka sa sarili mong salita."
"Ano?" gilalas niyang tanong. Hindi niya naintindihan ang sinabi nito.
"Sabi mo, mahal naman kita. Kung hindi mo na talaga ako mahal, ang sasabihin mo, minahal naman kita."
Natutop niya ang bibig sa sinabi ni Lance. Naalala nga niya ang mga salitang kanyang ginamit at parang gusto niyang lumubog sa kahihiyan. Ngunit, hindi siya aamin kaya itinikom na lamang niya ang kanyang bibig habang ang tingin nito sa kanya ay naghahamon.
Ngunit, nakapagdesisyon na siya. Tatakasan niya si Lance!