Chapter 42 Ang Pagtakas ni Jillian
MAHAL ni Jillian ang kanyang pamilya kaya dapat lamang na si Mark Wayne ang kanyang piliin, kahit pa alam niyang kay Lance siya magiging maligaya. Talaga naman kasing may mga pangyayari sa ating buhay na hindi na natin magagawa pang baguhin kung ano ang pinili nating desisyon.
Ang tatlong araw na magkasama sila ni Lance ay sapat ng alaala na babaunin niya habambuhay. Sa ngayon ay kailangan na niyang bumalik sa piling ng kanyang pamilya. Tiyak niyang masyado ng nag-aalala sa kanya sina Mark Wayne at Apple. Tiyak din niyang sobrang sakit ang nararamdaman ngayon ni Mark Wayne at dalangin niya na kahit nawala siya ng ilang araw ay hindi nito iisipin na pinagtaksilan niya ito.
Hindi nga ba?
Maaaring wala siyang ginagawang 'milagro' sa piling ni Lance pero sa puso't isipan niya ay okupado na ng kanyang ex-boyfriend. At alam niya, hindi magtatagal ay bibigay na rin ang pagpipigil niya kung hindi pa siya aalis. Pakiwari niya ay mas nadadagdagan lang ang kasalanan niya sa kanyang mag-ama. Ang mga ito ang dapat na kasama niya pero ikinatutuwa pa rin niya na makasama si Lance at damang-dama niyang sobrang nasisiyahan ang kanyang puso.
At maling-mali iyon. Kailangan din naman niyang isipin si Mark Wayne. Ang magiging damdamin nito. Palaging nasa tabi niya si Mark Wayne kapag kailangan niya ito kaya hindi nito deserve na pagtaksilan niya.
Nang makaalis na si Lance ay bumalikwas na rin siya nang bangon, Masscomm student siya kaya naman magaling din siyang umarte at laking pasasalamat niya ay napaniwala niya si Lance na masama ang kanyang pakiramdam. Naisip tuloy niyang baka kaya hindi naghinala si Lance na nagdadrama lang siya ay dahil masyado siya nitong mahal. Kaya, ganoon na lang ang pag-aalala nito sa kanya.
Bigla tuloy bumalikwas ang guilt sa kanyang puso. Pakiramdam niya'y napakasama niyang tao dahil kailangan niya itong lokohin pero iyon lang naman ang alam niyang paraan para tumakas. Humingi na rin siya ng tawad kay Lance sa isang kapirasong sulat dahil kinailangan niyang pakialaman ang naiwang wallet nito para makakuha ng sapat na pera para makabalik ng Manila. Ngunit, sa ngayon ay kailangan muna niyang malaman kung paano ba siya makakaalis sa lugar na iyon.
Sa pagkakaalam niya'y sumakay sa motor boat si Lance kaya makapupunta ito sa bayan. Kaya, parang gusto na niyang panghinaan ng loob nang makita niyang wala siyang motor boat na maaaring sakyan. Ngayon ay naunawaan na niya kung bakit madali lang kay Lance na iwanan siya. Alam nitong hindi siya makakatakas.
Ngunit, ayaw niyang mawalan nang pag-asa. Sa tuwing naiisip niya ang hinanakit ni Apple sa kanyang panaginip ay bigla siyang nagkakaroon ng lakas ng loob. Saka sabi niya sa sarili ay kung gusto ay may paraan kaya kailangan niyang humanap ng paraan kung paano ang makatakas.
Kung hindi siya makakadaan sa dagat, saan siya maaaring magpunta?
Sa gubat! hiyaw nang isip niya. Nang igala niya kasi ang tingin sa paligid ay natuklasan niyang may ibang daan para siya ay makaalis.
KUNG kotse lang ang minamaneho niya ngayon, siguradong lumilipad na sa kalye ang sasakyan. Ngunit, dahil motor boat ang kanyang pinaandar ay hindi niya ito maitodo. Paano ba naman kasi niya gagawin iyon, eh, may speed limit lang ito. Saka, kung bibilisan pa niya ay baka lalong magkaproblema at hindi niya iyon dapat hayaang mangyari.
Nang iwanan nga niya si Jillian ay sobra na siyang nag-aalala kaya kailangan niyang makabalik agad. Kung bakit ba naman kasi hindi pa niya kinumpleto ang lahat ng kanyang kailangan. Ayaw naman niyang magpapunta lang ng kung sino sa kanyang Isla. Ibig niya kasing sila lang nila ni Jillian ang lugar.
Kaya, nakakasigurado niya na kahit hanapin sila ni Mark Wayne ay hindi nito malalaman kung saan eksaktong lugar sila naroroon. At kahit pa may gps ang cellphone ni Jillian ay hindi rin sila nito matutunton dahil walang signal sa lugar. Saka, itinapon na rin niya sa dagat ang cellphone ni Jillian dahil gusto rin niyang makasigurado na wala itong magiging komunikasyon sa kahit kanino.
Siya at si Jillian lang dapat. Wala ng iba. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin siya na bubuo sila ng pamilya. Kaya may mga sandaling gusto na lamang niyang angkining anak ang anak ni Jillian kahit alam niyang imposibleng mangyari iyon dahil tatlong taong gulang pa lang ito. Ngunit, pagkaraan ay parang gusto niyang magtaka. Para kasing...
Ipinilig nia lang niya ang ulo sa halip na ipagpatuloy pa ang kanyang naiisip. Kung pipiliin niya kasing isipin na parang hindi naman tatlong taong gulang lang ang anak ni JIllian ay baka isipin pa niyang anak niya ito.
Sa kaisipang iyon ay may kaba siyang naramdaman pero sinaway niya ang kanyang sarili. Ayaw niya kasing isipin na ipinagkait sa kanya ni Jillian na maging ama sa kanilang anak. Ngunit, bakit may kaba siyang unti unting nararamdaman?
Nang mabili niya ang kanyang kailangan ay nagmamadali na siyang bumalik kanyang motor boat. Kahit isang oras pa lang siyang napapalayo kay Jillian ay miss na miss na niya ito. Kaya pagdating niya sa bahay ay talagang yayakapin niya ito ng sobrang higpit. Gusto niya siyempreng iparamdam dito kung gaano niya ito kamahal.
Iyon nga lang, ang pagmamahal niya ay nagiging makasarili na. Wala na kasi siyang pakialam sa sinumang masasaktan pa niya. Ang tangi lang importante sa kanya ay ang sariling damdamin. Ang makasama ang babaeng kanyang pinakamamahal. Kaya, hindi niya magawang intindihin kung may anak man ito na nangangailangan ng pagmamahal ng isang ina.
"Jillian..." tawag niya sa kanyang mahal.
Ngunit, nang pumasok siya sa kuwarto ay wala ito. Bigla tuloy siyang kinabahan. Hindi niya napigilan ang mapamura nang makita niyang wala rin ito sa cr. Papalabas na siya sa kuwarto nang mamataan niya ang isang puting papel. Bigla niyang nilamukos iyon nang mabasa niya ang nilalaman noon.
Ngayon niya naisip na nagpapanggap lang itong may sakit kaya pala hindi naman ito mainit. Gayunman, naniwala pa rin siyang masama talaga ang pakiramdam nito. Nakalimutan niyang magaling nga pala itong artista kaya naging madali lang ito na magpanggap na talagang masama ang pakiramdam.
Ngunit, saan ito pupunta? nag-aalalang tanong niya. Hindi naman ito makakatawid sa dagat dahil wala namang...
"Shit, sa kasukalan!" gulat pa niyang sabi pero hindi niya maiwasan ang makaramdam ng takot. Talaga naman kasing mapanganib sa loob ng gubat dahil maraming mababangis na hayop doon.