Chapter 39 Ang paglapit ni Bianca kay Mark Wayne
"IINOM ka na lang ba diyan sa halip na hanapin mo ang asawa mo?" sarkastikong tanong sa kanya ng isang babae.
Napahinto sa pagtungga ng alak si Mark Wayne dahil talaga namang napaisip siya sa tanong nito. Kaya, matapos niyang titigan ang bote ng alak na tinutungga niya, lumipad na ang tingin niya sa may-ari ng boses. Nang matitigan niya ito'y kumunot ang kanyang noo. Hindi nga niya ito kilala pero pamilyar naman ang mukha nito sa kanya.
"I'm Bianca Francisco," nakangiti pa rin nitong pagpapakilala sa kanya.
Matamis na matamis ang ngiti nito sa kanya na para bang gustong makuha ang kanyang loob pero tiyak naman niyang ang ngiting iyon ay hindi dahil sa gusto siyang akitin. Dahil kung sakali ngang ganoon lamang ang plano nito, hindi ito magtatagumpay.
Kahit duda niya'y nasa piling ni Lance si Jillian ngayon, wala siyang planong gumanti kay Jillian. Alam niyang hindi siya nito pagtataksilan dahil buung-buo ang tiwala niya rito. Kahit pa sabihing si Lance pa rin ang mahal nito ay alam niyang kanyang kanya pa rin ang asawa niya.
Asawa? mangha niyang tanong sa sarili. Kahit kailan ay hindi niya naging asawa si Jillian sa tunay na kahulugan noon.
Dahil nga sa gusto sana niyang maging kanya na si Jillian habambuhay ay palihim siyang nagpapagamot para maitama ang pagkakaroon niya ng erectile dysfunction at dahil sinusunod niya ang sinasabi ng Urologist niya ay alam niya sa kanyang sarili na unti-unting nagi-improve ang kanyang kapansanan.
Sabi nga ng urologist niya, ang dahilan kaya nahihirapan siyang 'tigasan' ay dahil sa aksidenteng nangyari sa kanya noong bata siya pero paunti-unti na nilang naitatama ang kangyang kapansanan. Nakatulong ang palagian niyang pagkain ng prutas, gulay, tamang pag-eehersisyo at mga gamot.
"Ang..."
"Lance's girlfriend."
Sa sinabi nito'y parang biglang pumasok ang maraming katanungan sa kanyang utak. Kung may girlfriend na si Lance, bakit kinailangan pa nitong kunin sa kanya si Jillian? Biglang naningkit ang mga mata niya ng may bumangong hinala sa kanyang utak. Gagamitin na naman ba nito si Jillian para matalo siya?
Hindi naman siya nakikipagkumpetensiya kay Ysmael Lance Madrigal pero parang gustung-gusto nito na tinatalo siya. At sa tingin niya, sa isip ni Lance, ang magiging pinakamalaking premyo nito ay makuha ang kanyang matalik na kaibigan.
"Kawawa naman ang asawa mo kung nilalaspag na ngayon ni Lance."
Sa sinabi nito'y parang gusto niya itong saktan. Ngunit, hindi naman niya magawang iangat man lang ang kanyang kamay. Wala naman kasi sa bokabularyo niya ang manakit lalo na ng babae. Kaya nga lang talagang nakaramdam siya ng panggigigil nang maisip niya ang sinabi ng girlfriend daw ni Lance.
Blanca o Bianca?
Kung anuman ang pangalan nito ay hindi naman mahalaga sa kanya. Hindi siya interesado rito.
"Alam mo ba kung nasaan sila?"
"Palawan."
"Palawan?" mangha niyang bulalas.
Marahas na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Ngayon ay alam na niya kung bakit hindi siya naniwala nu'ng pinuntahan niya si Lance sa opisina nito. Baka nga noong kinumpronta na niya si Lance ay hawak na nito si Jillian kaya noong sumunod na araw ay hindi na niya ito natagpuan pa sa Channel 26.
"Hindi kasi ako katulad mo na magpapatalo na lang. Ako, ipaglalaban ko ang mahal ko hanggang kamatayan."
Hindi niya napigilan ang mapamura. Tama naman kasi ang babaeng ito. Parang tinatanggap na niya ang kanyang pagkatalo gayung hindi naman niya alam kung ano ba talaga ang kalagayan ni Jillian sa piling ni Lance. Paano kung sumisigaw na pala si Jillian sa sobrang hirap nito pero siya ay naglalasing lang.
Muli'y namura niya ang kanyang sarili. Kung bakit ba naman kasi inuna pa niya ang pagseselos kaysa piliin alamin ang totoo.
Kahit na alam niyang si Lance pa rin ang nasa puso ni Jillian, hindi niya dapat isinara ang isip na maaaring bumigay na rin si JIllian sa ex-boyfriend nito. Bakit ba kinalimutan niyang siya pa rin ang unang nagustuhan ni Jillian.
Damn his insecurity!
At nang mapatingin siya sa babae ay kitang-kita niya ang kislap ng galit sa mga mata nito. Para tuloy siyang nakaramdam ng takot para kay Jillian.
"Alam mo naman palang nasa Palawan sila, bakit hindi mo pa sila pinuntahan?" buwisit niyang tanong. Talagang walang kuwenta sa kanya ang mga inuming nakakalasing dahil kahit gaano karami na ang kanyang nainom ay hindi pa rin siya tinatablan. Gayunman, nakatulong ang espirito ng alak para luminaw ang kanyang isipan.
Bigla rin niyang naalala si Apple. Nang mawala si Jillian ay parang kinalimutan na rin niya ang pagiging ama rito. Kung nahihirapan siya ay siguradong nahihirapan din ang kanilang anak. Tanong ng tanong si Apple kung nasaan ang Mommy nito pero hindi niya alam ang kanyang isasagot. Hindi niya alam kung paano magpapaliwanag kaya dinadaan niya sa pag-inom ang kanyang problema. Ang problema nga lang, di siya nalalasing.
"Hey, saan ka pupunta?" tanong sa kanya nang babae.
Napahinto siya at hinarap ito nu'ng nasa labas na siya ng bar. Marahas na buntunghininga muna ang pinawalan niya bago siya nagsalita. "Sa Palawan."
"Saan sa Palawan?"
Bigla siyang natigilan.
"Stupid Moron!" inis nitong sabi.
"Saan sa Palawan?"
"I don't know yet."
"What?" buwisit niyang tanong saka pinakatitigan ito ng husto. Hindi rin kasi niya alam kung paniniwalaan ba niya ang sinabi nito. Para kasing ang hirap. Kaya nga lang, hindi niya magawang basahin ng tuluyan.
"Iyon pa lang ang binibigay sa aking report ng bobo kong imbestigador," inis nitong sabi.
"Kahit saang parte pa ng Palawan 'yan kukunin ko asawa ko."
Pumalakpak ito na parang siyang-siya sa kanyang sinabi. "At hihintayin na lang kitang magtagumpay. Siyempre, hindi muna ako eeksena. Ayoko rin namang malaman ni Lance na sa aking galing ang impormasyon. Kaya, do the honor."
"Siguraduhin mo lang na hindi na lalapit pa si Lance sa asawa ko."
"Deal!" Nakangising sabi nito.
Nang oras na iyon tuloy ay parang gusto niyang magsisi na makipagkasundo siya sa kanyang kaharap. Kung susuriin kasi'y parang may kung ano pang naglalaro sa isipan nito. At malaking bahagi ng isipan niya ay nagsasabing nanganganib ang buhay ni Jillian dito. Gayunman, ipinangangako niya sa sariling walang makakasakit kay Jillian habang siya'y nabubuhay.