Chapter 36 Ang Galit ni Bianca

KUNG inaakala ninyo na tatanggapin ko ang aking pagkatalo, nagkakamali kayo! paulit-ulit na sabi ni Bianca sa sarili. Hindi naman kasi siya ang tipo ng taong basta-basta tumatanggap ng pagkatalo.

Ipinilig lang niya ang kanyang ulo nang pumasok sa isipan niya ang kanyang boyfriend na nang-iwan sa kanya, si Joshua, tapos ay nagpakasal sa ibang babae. Marahas na buntunghininga ang kanyang pinawalan dahil hindi naman niya nagantihan ang manloloko niyang ex-dyowa. Ang dahilan, nakilala na niya si Ysmael Lance Madrigal.

Nang maisip niya ang lalaking itinitibok ngayon ng kanyang puso, hindi niya napigilan ang mapangiti ng todo. Sobra kasi niyang hinahangaan at minamahal ito kaya parang himalang napawi ang sakit na naramdaman niya sa naunang pag-ibig. Kaya naman gagawin niya ang lahat para hindi na mawala si Lance sa kanyang buhay. Wala rin siyang pakialam kung mayroon itong ibang minamahal.

Basta ang nais niya, kanya lang si Lance.

Dinampot niya ang kanyang cellphone at tinawagan ito. Siguro naman ay sapat na ang ilang araw na hindi niya nagparamdam dito para magawa na siya nitong patawarin. Nakaramdam lang siya ng panggigigil nang maalala niya ang babaeng iyon. Unang tingin pa lang niya rito ay mainit na ang loob niya rito at alam niya kung bakit.

Ito ang mahal ni Lance.

Siya ang tipo ng babae na gustong nakukuha ang lahat ng kanyang magustuhan, spoiled brat siyang talaga. Tiyak niyang hindi rin hahayaan ng mga magulang niyang di maibigay sa kanya ang lahat ng gustuhin niya dahil siguradong magwawala siya ng bonggang-bongga. Medyo kailangan lang niyang kumalmante ng si Lance na ang pumasok sa kanyang buhay dahil alam niyang hindi rin ito ang lalaking mapapasunod niya sa kanyang gusto.

At dahil doon ay mas nagustuhan niya ito. Pinatutunayan din kasi noon ang kalakasan nito kaya alam niyang napakasarap nitong masandalan. Kung ito ang makakarelasyon niya ay hindi na siya mamumublema pa sa buhay. Ang kaso nga lang, hindi naman ito interesado sa kanya o sa kahit sinong babae dahil sa ex-girlfriend nito.

Kapag magkasama sila ni Lance ay palagi nitong sinasabi na hindi ito nakikipagrelasyon o pumapasok sa friends with benefits relationship dahil iisa lang ang nagmamay-ari sa puso nito. Kahit tuloy madalas siyang mabasted kay Lance, hindi niya nagawang isipin na wala na siyang pag-asa rito. Katunayan, mas minahal pa nga niya ito. Paano napagtanto niyang karapat-dapat itong ibigin.

Kahit na guwapo ito ay hindi ito playboy. Umiiwas pa nga ito kapag may nagtatangkang mang-seduce dito. Ibig sabihin, talagang mapagkakatiwalaan ito. At kahit na mayaman ito, hindi ito abusado sa kapangyarihan, mababait pa nga ito sa mga empleyado nito. May pagkakataon din na nagpapakain ito. At higit sa lahat, mabuti itong anak. Minsan na niyang nakasama ang pamilya nito kaya alam niyang maganda ang pagpapalaki kay Lance.

Ang ngiting nasa labi niya ay unti-unting nawala dahil out of coverage ang cp ni Lance. Kaya naman, agad siyang tumawag sa opisina nito at ganoon na lang ang panggigilalas niya ng sabihin ng sekretarya ni Lance na out of the country si Lance.

Mararahas na buntunghininga tuloy ang pinawalan niya. Hindi kasi niya maiwasan ang makaramdam ng panggigigil. Pakiramdam niya ay binabalewala siya Lance gayung dapat ay alam niya kung ano ang nangyayari sa buhay nito dahil itinalaga niya ang kanyang sarili bilang girlfriend nito at kahit na anong sabihin ni Lance ay hindi mababago iyon. Dahil mahal na mahal niya itong talaga.

At hindi niya hahayaan na may taong sisira ng kanilang relasyon.

Nang maisip niya ang babaeng iyon, pakiramdam niya'y may kinalaman ito sa biglang pag-alis ni Lance. O, baka nga magkasama ang mga ito ngayon. Sunud-sunod na mura tuloy ang pinawalan niya pagkaraan ng ilang sandali. Pakiramdam niya ay may kasalanan siya kung balit nagawa siyang lusutan ng babaeng iyon. Ilang araw siyang dumistansiya kay Lance.

Pwes, hindi na niya hahayaang mangyari iyon.

Ngunit, kung hindi niya ito malalapitan, mas maiging ang kausapin niya ay ang asawa ng babaeng iyon. Tiyak naman niyang hindi hahayaan ng mister nito na agawin lang ang asawa nito.

Sa kaisipang iyon ay napapalakpak siya. Ang sumuot kasi sa kanyang isipan ay kung ano ang maaaring magawa ng mister nito sa kanyang asawa kapag sinabi niyang nilalandi nito si Lance.

Kung ang babaeng iyon kasi ang kanyang kokomprontahin, siguradong magmimistulang knight in shining armour lang si Lance na ililigtas ang minamahal nito. Samantalang kung ang asawa ng babaeng iyon ang kanyang lalapitan, tiyak niyang may mangyayari. At hindi siya masisisi ni Lance dahil titiyakin naman niyang hindi siya madadamay sa gulong kanyang gagawin. Sa ideyang nabuo niya sa kanyang isipan, hindi niya napigilan ang mapapalakpak.

Kung kanina ay iniisip niyang humilata na lang ngayon ay nagbago na ang kanyang isip. Bumalikwas na siya ng bangon dahil kailangan niyang gawin ang kanyang pinlano. Nang mawala siya sa eksena ay minabuti niyang imbistigahan ang ex-girlfriend ni Lance na nalaman din niyang isang International writer.

Gusto pa sana niyang humanga rito dahil masasabi niyang hindi rin pala basta-basta ang babaeng mahal na mahal ni Lance pero nagbago ang kanyang isip dahil hindi naman iyon ang dapat niyang maramdaman sa isang kaaway. Ang dapat niyang maramdaman dito ay pagkamuhi at kailangan niyang gawin ang lahat para mailayo ito sa kanyang mahal at alam niyang ang asawa lang ng babaeng iyon ang makakatulong sa kanya.

Kaya naman tinawagan niya ang imbestigador na inutusan niyang sumunod palagi sa asawa ni Jillian Cordova. Nang sabihin nito na nasa opisina ang lalaking iyon ay napangisi siya. Agad nga lang napalis ang ngiti sa kanyang labi ng sabihin din nito na ilang araw ng hindi umuuwi si Jillian kaya palaging wala sa sarili ang mister nito.

"Tonto! Bakit hindi mo ibinabalita sa akin 'yan?" galit niyang tanong dito na nagngangalit ang bagang. Nang makita nga niya ang kanyang sarili sa salamin ay ang pula-pula ng kanyang mukha sanhi ng matinding galit. Ang agad kasing pumasok sa kanyang utak ay magkasama ngayon sina Lance at ang Jillian na iyon.

Iniisip pa lang niya na magkasama ang mga ito sa kung saang lugar ay gusto na niyang magwala. Paano pa kung talagang nagyayakapan, naghahalikan at nagsi-sex ang mga ito?

Ah, ngayon pa lang ay parang gusto na niyang pumatay.