Chapter 35 Sa piling ni Lance

"HINDI mo na ako madadaan sa pag-iyak kaya tigilan mo na 'yan."

Bahagya lang niyang tinapunan ng tingin si Lance dahil alam niyang nagsisinungaling ito. Wala naman kasi siyang tigas na naririnig sa boses nito kaya alam niyang naaapektuhan din ito sa pagluha niya. Gaya noon. Kapag may gusto siya't ayaw nitong pagbigyan, idinadaan niya sa pagluha. Sa huli tuloy ay sinusunod din siya nito.

Ngunit, agad niyang nakalimutan ang mga ginawa nito sa kanya dahil lang sa simpleng mga salitang narinig niya.

"Dito ka lang. Sa piling ko."

"Kawawa naman ang anak... ko," wika niya. Muntik na niyang masabing natin. Ngunit, kung ibinulalas niya ang katagang natin ay sigurado siyang agad siya nitong hihilahing pabalik ng Manila, para kunin si Apple. At iyon ang hindi niya mapapayagan dahil alam niyang mas masasaktan si Mark Wayne.

"Gusto mong kunin ko siya?"

"No," mariin niyang sabi. "Hayaan mo siya sa... Daddy niya."

Marahas na buntunghininga ang pinawalan ni Lance. Kung anuman ang iniisip nito ngayon ay ayaw na niyang intindihin pa dahil ang utak niya ay naglalakbay papunta sa Manila. Sigurado niyang sobra ng nag-aalala sa kanya si Mark Wayne.

Ngunit, talaga nga bang gusto niyang iwanan si Lance? Isag bahagi niya ang nagsasabing sunggaban ang pagkakataong ito.

"Okay. Ikaw lang naman ang importante sa akin. Anong gusto mong kainin?" tanong nito sa kanya pagkaraan ng ilang sandali.

"Wala akong ganang kumain."

"Hindi ako naniniwala," nakangising sabi nito sa kanya bago siya iniwan at lumabas sa kuwarto.

Nagbilang muna siya ng 10 seconds bago siya lumapit sa pintuan para buksan iyon pero hindi siya nagtagumpay. Naka-lock iyon. Talagang gustong makasiguro ni Lance na hindi siya makakatakas ngunit kahit naman makalabas siya sa kuwarto na iyon ay alam niyang hindi pa rin niya ito natatakasan. Sabi nga ni Lance ay nasa Palawan sila at sa tingin niya ay nasa isang isla sila kaya naman nang sumilip siya sa bintana ay wala siyang nakitang tao

Sabi nga ni Lance ay silang dalawa lang ang naroroon. Ang chopper na sinakyan nila ay umalis na. Kaya naman, wala na siyang pagpipilian kundi ang bumalik sa kama at mahiga. Sa ginawi niyang iyon ay parang gusto niyang matawa. Kung umakto naman kasi siya ay parang hindi siya kinidnap. Dahil agad niyang tinanggap na hindi talaga siya makakatakas. Gayung ang dapat ay naghahanap siya ng ibang paraan para tumakas.

O baka naman talagang ayaw lang din naman niyang umalis.

Pakiwari nga niya'y unti-unti ng nakakampante ang kanyang kalooban.

Nang muling bumukas ang pintuan ay hindi niya napigilan ang mapa-inhale dahil kahit hindi pa nakaharap sa kanya ang pagkain ay amoy na amoy na niyang tocino iyon at adobong manok. Favorite niya iyon at alam na alam iyon Lance.

"Ayaw mo bang kumain?" nanunudyong tanong nito sa kanya. Hindi ito sa kanya lumapit kundi sa pandalawahang mesa na talagang akmang-akma para sa nagdi-date.

Gusto sana niyang tarayan ito at magsabi ng ayaw kaya lang hindi niya magawa dahil talaga namang kumakalam na ang sikmura niya sa gutom at siyempre sa sobrang kasabikan na muling matikman ang luto nito.

Nakanguso siya ng sagutin ito ng buong katarayan. "Siyempre kakain ako. Kailangan kong maging malakas."

"Good."

"Dahil gusto kong makatakas sa'yo," mariin niyang sabi.

Tumawa ito.

Sabi ng utak niya ay dapat siyang mainis sa aksyon nito pero hindi niya magawa. Ang sarap-sarap kasing pakinggan ang pagtawa nito. Sobra na niya iyong na-miss. Ngunit, kailangan niyang supilin ang kanyang ngiti. Hanggang maaari ay ayaw niyang ipahalata rito ang kanyang nararamdaman.

"Alam kong hindi 'yan ang gusto mo," wika nito habang nilalagyan siya ng pagkain sa plato.

Napangiti siya dahil na-miss din naman niyang talaga ang pag-aasikaso nito sa kanya. Inaasikaso rin naman siya ni Mark Wayne tulad ng pag-aasikaso sa kanya ni Lance pero sa puso niya, alam niyang mas nasisiyahan siya sa pag-aasikaso sa kanya ni Lance.

"Hindi ka ba napapagod?" tanong nito sa kanya.

Sumubo muna siya nang ilang ulit bago ito sinagot. "Paano ako mapapagod kung wala naman akong ginawa rito kundi mahiga?"

"Ang pagkukunwari mo ang tinutukoy ko."

"Huwag kang magulo, nagku-concentrate ako," tukoy niya sa pagkain ng adobo. Pumipikit-pikit pa siya habang ninamnam ang bawat pagnguya. Kasabay din noon ay pumasok sa isipan niya ang nakaraan nila.

"Mas gusto ko sana sa five star restaurant kita dalhin," wika ni Lance.

"Ayaw mo ba akong kasama na tayong dalawa lang?" gulat niyang tanong.

"Siyempre, mas gusto kong solo kita. Kaso, gusto ko ring ipagmalaki sa lahat na akin ka."

Kapag sinasabi nito ang mga salitang iyon ay kilig na kilig siya. Pakiramdam niya kasi ay talagang mahal na mahal siya nito. Kaya naman pakiramdam niya ay tuluyan ng nabura sa puso niya si Mark Wayne. Para sa kanya, isa na lang itong kapatid at matalik na kaibigan.

"Wait..."

"What?"

"May I dance with you?" masuyong tanong sa kanya ni Lance.

Bigla tuloy siyang napamulagat. Akala niya kasi'y nasa nakaraan pa siya. Gayunman, kahit nasa kasalukuyan na siya ay hindi niya magawang tanggihan ito. Ibinigay niya rito ang kanyang kamay bago siya tumayo.

Nang hapitin siya nito sa baywang ay sinabi niyang hindi siya dapat hawakan ng ibang lalaki dahil kasal na siya pero hindi naman niya ito magawang itulak. Tumatanggi ang kanyang puso, lalo na ang kanyang katawan na miss na miss na niya ang bawat haplos nito. Kaya naman, awtomatikong napahilig siya sa dibdib nito.

"Mali ito," wika niya.

"Hindi mali ang magmahal."

"May asawa na ako."

"Ako ang mahal mo."

"Mahal ko rin si Mark Wayne."

"Pero, mas mahal mo ako."

Hindi na niya ito nagawang sagutin dahil totoo naman ang sinabi nito. Mahal niya ito at napapagod na rin siyang tumanggi. Kaya naman, mas ginusto na lang niyang pakinggan ang tibok ng puso nito.

"Ikaw lang ang sinisigaw ng puso ko."

"May Bianca ka nga."

Marahang tawa ang pinawalan nito. "At nagseselos ka?"

"Hindi, ah."

"Baka humaba ang nguso mo."

Gilalas siyang napakalas ng yakap dito pero hindi pa rin siya tuluyang nakakawala rito dahil nanatili iyong nakayakap sa kanya. Parang sinasabi nito na kahit na anong mangyari ay hinding-hindi siya pawawalan.

"Ilong ang humahaba kay Pinnochio."

"Si Pinnochio ka ba?" natatawa nitong tanong.

Mas humaba ang nguso niya sa sinabi nito. "Loko ka talaga," nakangising sabi niya rito.

HINDI na mabilang ni Mark Wayne kung ilang bote ng alak na ba ang kanyang nainom basta ang gusto niya ay magpakalunok na lang sa espirito ng alak.

"Ano ba ang ginagawa mo, anak ko?" tanong ng kanyang ina.

"May balita na ba kayo?" tanong niya sa halip na sagutin ang tanong nito. Ngayon siya nakaramdam ng inis dahil kahit na ilang bote ng alak pa ang kanyang inumin ay hindi siya nalalasing kaya hindi rin niya magawang lumimot.

Alam niyang kahit na siya ang kasama ni Jillian, ibang pangalan naman ang gusto nitong kasama. Minsan pa nga kahit na sa panaginip nito, si Lance pa rin ang tinatawag ni Jillian. Alam niyang hindi siya kayang iwanan ni Jillian kaya kung nawawala man ito ngayon, alam niyang hindi nito kasalanan iyon.

Kahit na nakita niya si Lance sa opisina nito nu'ng isang araw ay hindi pa rin siya naniniwala na wala itong kinalaman sa pagkawala ng kanyang asawa. Ngunit, hindi naman niya magawang ipagpilitan ang kanyang hinala dahil alam niyang hindi makabubuti sa sitwasyon.

Hindi lang ang negosyo nila ang kanilang inaalala kundi baka kapag ipinagpilitan niya ang kanyang hinala ay baka tuluyang hindi ibalik sa kanya ni Lance ang kanyang asawa.

Ang kanyang asawa.

Marahas na buntunghininga na naman ang pinawalan niya ng rumehistro sa isipan niya ang katagang iyon.

"Pumunta na tayo sa pulis," sabi ng kanyang ina.

"No need."

"Mark Wayne..."

Humigpit muna ang hawak niya sa alak bago sumagot. "Babalik din siya sa akin," wika niya sabay tungga.