Chapter 37 Ang Pagsasama nina Lance at Jillian sa Isla

SA tingin ni Jillian ay hindi siya basta-basta pawawalan ni Lance kaya kailangan na niyang gumawa ng paraan kung paano makakawala rito. Kung magwawala siya palagi, sigurado siyang mas maghihigpit lang ito sa kanya. Kaya, ang dapat niyang gawin ay kunin ang loob nito. Kailangan niya itong papaniwalain na gagawin niya ang lahat ng gusto nito.

Gusto nga lang ba niya itong papaniwalain? tanong niya sa sarili.

Nang magsayaw sila ni Lance, nakaramdam siya ng kaluwalhatian sa mga bisig nito. Parang ayaw na niyang kumawala pa sa yakap nito habambuhay. Parang gusto niyang damhin lang ang mga haplos nito, langhapin ang bango nito para lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso. Kaya lang, kumokontra ang kanyang utak.

Alam niya kung ano ang tamang gawin at hindi 'yung manatili siya sa piling ni Lance. Kahit pa ang sinisigaw ng puso niya ay ang pangalan nito.

Noon, inakala niyang kapag hindi na sila nagkita ay mawawala na rin ito sa kanyang puso't isipan, pero, nagkamali siya. Sa bawat araw na magdaan ay wala siyang ibang tinatanong sa kanyang sarili. Kung si Lance kaya ang kasama niya, mas magiging masaya siya?

Masaya siya sa piling ni Mark Wayne, alright! Pero, alam niyang may kulang. Hindi lang dahil sa hindi nito magawang maibigay sa kanya ang pangangailangan niya bilang babae kundi dahil hindi ito ang hinahanap-hanap ng kanyang katawan. Para kasing kilalang-kilala ng katawan niya si Lance kaya naman bawat himaymay ng kanyang kalamnan ay nagre-react kapag nasa paligid lang ito.

Ngunit, mali ang kanyang nararamdaman.

At kailangan nang maputol iyon dahil kung hindi pa siya makakaalis sa piling ni Lance, baka naman tuluyan na siyang makalimot at hindi niya hahayaang mangyari iyon. Kailanman ay hindi niya gugustuhing masaktan si Mark Wayne. Ngunit, kahit naman nagpaplano na siyang takasan ang lalaking tunay niyang iniibig ay gusto pa rin niya ng panahon na makasama ito. Ibig niyang madagdagan pa ang mga alaalang gusto niyang balikan.

KAHIT kasama ni Lance si Jillian, hindi pa rin lubos ang kasiyahan na nararamdaman niya. Paano ba naman kasi, kahit na kasama naman niya si Jillian ay alam niyang ang isip nito ay naglalakbay pabalik kay Mark Wayne.

Damn, hindi niya napigilang sabihin.

Ngunit kahit na alam niyang inaalala rin ni Jillian ang kanyang asawa't anak, hinding-hindi pa rin lalambot ang puso niya para ibalik si Jillian sa pamilya nito.

He sighed. Malalim na malalim. Kung minsan talaga, ang pusong nagmamahal ay nagiging makasarili. Ganoon na siya sa kanyang palagay. Mahal niya si Jillian kaya dapat lang na ipadama niya rito kung gaano niya ito kamahal. Kahit pa mayroon na itong pamilya.

Nang malaman niya kay Franco ang naging kasalanan nito sa kanila ni Jillian ay bigla niyang naisip na baka naman ibinaling lang ni Jillian ang pagtingin nito kay Mark Wayne dahil sa pag-aakalang niloko lang niya ito. Kung talaga kasing mahal na mahal nito si Mark Wayne ay magwawala ito ng todo-todo hanggang sa ibalik niya ito sa asawa nito.

Ngunit, bakit hindi nito ginagawa?

Dahil sa kilala rin naman niya si Jillian ay naisip niya ang kasagutan. Ibig din nitong makasama siya o maaaring kinukuha nito ang kanyang loob saka tatakas. Gusto niyang isipin ang unang dahilan dahil ibig lang sabihin noon ay may pagtingin pa rin ito sa kanya pero kailangan nitong pigilan ang sarili dahil kasal na ito. Kung ang ikalawa naman ang dahilan nito ay siguradong hindi ito magtatagumpay dahil wala naman itong mapupuntahan.

Nasa isang Isla sila na pag-aari niya kaya naman sa dagat lang ito maaaring dumaan kung talagang maglalakas loob itong tumakas. Maaari ngang marunong lumangoy si Jillian pero sigurado siyang hindi ito magtatangkang gawin iyon dahil maaari nitong ikapahamak iyon. At dahil isa na itong ina, alam niyang hindi ito magpapabigla-bigla ng desisyon.

Marahas na paghinga ang kanyang pinakawalan. Minsan kasi ay pinangarap niyang magkaanak sila ni Jillian kaya nga hindi siya gumagamit ng proteksyon kapag nagtatalik sila. Sa kaisipang iyon ay bigla siyang natigilan.

"Ilang taon na ang anak mo?" bigla'y tanong niya kay Jillian.

"Three," mabilis na sagot sa kanya ni Jillian pero hindi naman siya nito nilingon. Abala kasi ito sa pagwawalis.

What are you thinking? inis niyang tanong sa sarili. Ngunit pagkaraan ay ibig niyang magtawa. Para kasing may katanungang biglang sumuot sa kanyang isip, hindi nga ba sila nagkaanak ni Jillian?

Unang kita pa lang niya sa anak ni Jillian ay magaan na ang loob niya rito kaya bigla rin niyang naisip, iyon ba ang tinatawag na lukso ng dugo. Kaya lang, parang may malaking kamay na bumatok sa kanya sa isinagot ni Jillian. Kinumpirma lang kasi nu'n na anak nga ito ni Mark Wayne.

"Mabuti hindi pa ninyo nasundan?" tanong niya kahit pakiramdam niya'y tinu-torture siya. Para siyang pinapatay sa eksenang may ibang kapareha si Jillian sa pakikipagtalik. Kung hindi nga lang niya napigilan ang sarili'y napasuntok na siya sa pader.

"Nagpa-family planning kami."

Kumunot lang ang noo niya sa tono ng pananalita ni Jillian. Parang ilang na ilang itong sabihin iyon. At hindi niya napigilang pagtawanan ang sarili sa kanyang kaistupiduhan. Natural, ex boyfriend siya ni Jillian kaya talagang nakakailang namang pag-usapan nila ang sex life nito sa asawa.

Iyon nga lang ba ang dahilan? nagtataka niyang tanong sa sarili. Sa pagkakatingin kasi niya kay Jillian ay parang mas nataranta ito. Maging ang pagwawalis nito ay parang naging mabilis gayung parang wala naman itong nalilinis.

LIHIM naman na nakahinga nang maluwag si Jillian dahil hindi niya nagawang ipagkanulo ang kanyang sarili. Mabuti na lang at mabilis na gumana ang kanyang utak kaya naman hindi niya nasabi ang tunay na edad ni Apple. Kung nasabi niya kasing apat na taon na ang kanyang anak ay baka maghinala pa si Lance na anak nga nito si Apple.

Hanggang sa kaya niyang itago ang katotohanan ay gagawin niya. Kapag kasi nalaman ni Lance ang totoo ay siguradong magkakaroon ng malaking gulo at hindi niya iyon hahayaang mangyari. Hindi rin siya papayag na maging kahiya-hiya si Mark Wayne sa paningin ng marami. Tama ng silang mag-asawa na lang ang nakakaalam ng totoo.

Ngunit, paano naman si Lance? tanong ng isang bahagi ng kanyang utak.

Napabuntunghininga siya sa kaisipang kahit na may karapatan itong malaman ang totoo, mas maigi pang itago na lang niya rito. Saka, kung mag-aasawa rin naman ito ay makabubuting wala na itong aalalahaning anak sa kanya. Ayaw din naman niyang magulo ang buhay ni Apple. Tama ng si Mark Wayne ang kinikilala nitong ama.

"Anong iniisip mo?"

"Ha?"

Sa katarantahan niya sa tanong na iyon ni Lance ay napatingin siya rito.

Kumunot naman ang noo nito. "Okay ka lang ba?"

"Yes," mabilis niyang sabi. Ang lakas din ng kanyang pagsinghap nang lapitan siya ni Lance at salatin ang kanyang noo at leeg upang tingnan kung mainit ba siya.

Simpleng gesture lang iyon ni Lance pero parang may kumikiliti sa kanyang puso sa ginawi nito. Dama niya kasing pinahahalagahan talaga siya nito.

"Parang hindi, eh."

Pinanlakihan niya ito ng mata. "Okay lang ako."

"Hindi mo ba nami-miss ang asawa mo?" nakangising tanong sa kanya ni Lance.

"Nami-miss," mabilis niyang sabi pero umiwas siya ng tingin dito. Para rin kasi siyang nakokonsensiya sa kanyang sagot dahil parang hindi niya gaanong hinahanap ang presensiya ng kanyang asawa dahil lang nasa tabi niya si Lance.

"Hindi halata."

"Pauwiin mo na kasi ako," naiinis niyang sabi rito. Sa nanunudyong boses ni Lance ay mas lalo siyang kinain ng guilt dahil pakiramdam niya'y nagtataksil na siya sa kanyang asawa dahil sa kanyang nararamdaman.

Asawa? ulit niyang sabi.

Kahit kasi kasal sila ni Mark Wayne ay parang hindi niya pa rin itong maikukonsiderang asawa dahil hindi naman sila naging isa sa tunay na kahulugan noon. Pakiramdam nga niya'y mas dapat pa niyang tawaging asawa si Lance dahil sa pinagsamahan nila tapos may anak pa sila. Dahil doon, hindi niya napigilang mapahagulgol. Matalim na matalim ang tingin niya kay Lance.

"Hindi mangyayari 'yan."

Pinaningkitan niya ito ng mata. "Matatakasan din kita."

Kahit naman tumatanggi ang puso niya na iwanan si Lance, sabi ng utak niya ay iyon ang kanyang dapat gawin para hindi na siya magkasala pa dahil parang nabubura na sa isipan niya ang tunay na relasyon nila ni Mark Wayne sapagkat ang kanyang puso ay nagtatraydor na. Para ngang gusto na lang niyang magpayakap, magpahalik at magpaangkin kay Lance.

Napamura siya sa sarili. Maling-mali ang naiisip niya kaya kailangan niyang maghagilap na ng paraan para siya ay makatakas. Hindi lang sa piling ni Lance kundi sa katotohanang wala siyang ibang kayang mahalin kundi ito lamang.