Chapter 32 Ang Pagkawala ni Jillian
NAPAGTANTO ni Lance na hindi lahat ng tama ay dapat sundin, lalo na kung hindi ito ang makapagbibigay ng kasiyahan sa kanya. Matagal na panahon na siyang nagdusa kaya gusto naman niyang sumaya at alam niyang sa kanya din naman liligaya si Jillian dahil tiyak niyang kinikimkim lang nito ang nararamdaman para sa kanya.
Hindi siya manhid para hindi mabasa sa kilos ni Jillian ang tunay nitong nararamdaman na pinipilit nitong labanan. Iniiwasan nitong mapatingin sa kanya dahil natatakot itong mabasa niya ang pag-ibig at pangungulila nito sa kanya. Kung noon ay sinasabi niyang pinaasa lang niya ang sarili, ngayong nalaman niya ang dahilan kaya siya iniwan ni Jillian ay nakatitiyak na siya. Kailanman ay hindi siya nawala sa puso ni Jillian.
Ang hindi lang malinaw sa kanya ay ang dahilan ni Jillian kung bakit kinailangan nitong pakasalan si Mark Wayne gayung siya naman pala talaga ang mahal nito. Nais lang ba talagang ipamukha sa kanya ni Jillian na mas matimbang siyang talaga kay Mark Wayne?
Alam niyang napakaimportante kay Jillian ang bestfriend nito, kaya, kahit na masaktan ito ay nagawa siyang talikuram. Kahit dapat siyang magalit sa pang-iiwan sa kanya noon ni Jillian, minabuti na lang niyang unawain ito. Siguro ganoon talaga ang nagmamahal. Handang magpakatanga para sa kanyang minamahal.
Marahas na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Alam na alam niyang maaari siyang makasuhan ng kidnapping dahil sa ginawa niyang pag-kidnap kay Jillian. Malaki rin ang posibilidad na maeskandalo ang kanyang pamilya kapag nalaman ng mga Toledo at Cordova ang ginawa niya ngunit wala siyang pakialam dahil ngayon, si Jillian at siya lang ang importante. Kailangan din kasing magkaunawaan sila.
Kahit na limang taon ng natuldukan ang kanilang relasyon, gusto pa rin niyang ipaalam kay Jillian ang kanyang panig. At importante sa kanya na maniwala ito sa kanya.
Ngunit, hindi niya basta-basta magagawa ang paglayo kung hindi niya makukuha ang tulong ng kanyang ama, pati na rin ng kanyang sekretarya na magpapatunay ng kanyang mga 'schedule'. Tapat ito sa kanya kaya alam niyang hindi siya nito ilalaglag anuman ang malaman nito. Katunayan ay para pa ngang natuwa ito ng malaman nitong ex-girlfriend niya si Jillian. Ewan nga lang niya kung ang kasiyahang nakikita niya sa mukha nito ay talagang dahil sa saya o pinilit lang nitong maging mukhang masaya para makampante ang kanyang kalooban.
Ilang sandali pagkaalis ni Mark Wayne ay binalingan na niya ang kanyang sekretarya. "Alam mo na ang gagawin at sasabihin mo."
"Yes, Boss."
"Good." Nang ibulalas niya ang katagang iyon ay hindi rin niya napigilan ang mapangiti dahil magagawa na niyang makasama si Jillian.
Kung ilang oras, araw, linggo, buwan o taon, hindi pa niya alam. Basta ang nais lang niya ay makapiling ito at magawa niyang maipadama rito kung gaano niya ito kamahal.
PARANG may nagsasabi kay Mark Wayne na hindi siya dapat maniwala kay Lance pero hindi naman niya ito maakusahan. Sinabi rin kasi ng guwardiya kanina na maagang umalis si Jillian at hindi maipagkakaila sa mata nito ang pag-iyak. Gusto sana niyang magalit at isiping may kinalaman si Lance sa pag-iyak nito kaso lang, parang may bumatok sa kanya at sinabing may kasalanan din siya sa nangyari.
Siguro nga ay masyado siyang nagseselos kaya minabuti niyang manlamig kay Jillian. Ibig din kasi niyang makita kung gaano siya nito kamahal. Gusto niyang suyuin siya ng asawa kaya naman hindi niya mapigilan ang mapamura. Malaking kahibangan naman kasi talaga iyong gustuhin niyang suyuin ni Jillian gayung wala naman itong kasalanang ginawa sa kanya.
Oo nga't naramdaman niyang pagtutol ng katawan nito sa ginagawa niya pero hindi naman ito tumanggi at dahil doon mas lalong para siyang binuhusan ng nagyeyelong tubig. Para kasing may boses na nagsabi sa kanya na kahit na anong mangyari ay walang ibang magiging laman ang puso ni Jillian kundi si Lance lang.
Nang dumating siya sa bahay ay agad siyang dumiretso sa kuwarto ng kanyang anak dahil gusto niyang umasa na makikita roon si Jillian. Ngunit, nang hindi niya makita roon ang asawa'y dumagundong na naman ang kabog ng kanyang dibdib.
"Where is Mommy?" naiiyak na tanong sa kanya ni Apple. Ganoon ito kapag madilim na at wala pa sila ni Jillian sa bahay. Iniisip nitong kukunin sila ng monster.
Marahas na buntunghininga lang ang pinawalan niya dahil sa kanyang gunita, si Lance ang naiisip niyang monster na kukuha kay Jillian at hindi niya iyon papayagan. Hanggang sa alam niyang siya ang pinipili ni Jillian, hindi niya ito pawawalan.
"Anong problema, anak?" tanong ng kanyang biyenang babae. Noon lang niya napansin na naroroon pala ito. Ni hindi nga siya makakilos para lapitan man lang ito at manuhan.
Malalim na buntunghininga lang ang kanyang pinawalan. Hindi niya kasi alam kung ano ang sasabihin niya.
"M-may inaasikaso siya," wala sa sariling bulalas niya. Ewan niya kung tamang iyon ang sabihin niya para lang hindi ito mag-alala.
Manghang-mangha ang kanyang biyenan. "Huwag mong sabihin na hindi uuwi ang asawa mo?"
Sa halip na sagutin niya ito ay tumalikod na siya. Talaga kasing hindi niya alam kung ano ang iisipin at gagawin niya ng mga oras na iyon. Pero, ang alam niya, kailangan niyang matagpuan si Jillian dahil baka ikapahamak nito kapag hindi pa niya ito natagpuan.
Kaya naman agad niyang hinagilap ang kanyang susi ng kotse.
"Saan ka pupunta?" tanong na naman ng kanyang biyenan. Hindi pala ito nakatiis na di siya sundan at tanungin.
"Hahanapin ko po ang asawa ko," nalilito na rin siyang sabi.
"Anong hahanapin? Bakit kailangan mong hanapin? Nawawala ba ang anak ko?" nagpa-panic nitong tanong. Bigla tuloy niyang naalala na ito ang numero unong kontra na pumasok si Jillian sa Channel 26 dahil nakasisiguro daw ito na malaking gulo ang mangyayari kapag binalikan pa nila ang nakakaraan at sa palagay niya'y tama nga ito.
Hindi na kasi niya naiwasan ang makaramdam ng takot dahil hindi naman ugali ni Jillian na layasan siya. Ito ang unang pagkakataon na wala siyang kaalam-alam sa kinaroroonan ng kanyang asawa at ang dahilan kaya wala ito kaya mas nakaramdam siya ng pagkataranta. Paano kasi, naisip niya, paano kung hindi na bumalik sa kanya si Jillian?