Chapter 33 Ang Pagsasamang Muli nina Lance at Jillian
MASAKIT na masakit ang ulo ni Jillian nang magising siya kaya naman parang ayaw pa niyang bumangon. Saka masarap din sa pakiramdam na yakap-yakap siya ng kanyang asawa.
Si Mark Wayne? nagtatakang tanong niya sa sarili dahil hindi naman ganoon ang nararamdaman niya kapag kayakap niya ang asawa.
Ngayon kasi ay parang ang bilis-bilis ng pintig ng kanyang puso. Pakiwari niya'y may kung anong halimaw na humahabol sa kanya kaya gusto niyang tumakbo nang tumakbo. Saka, iba ang amoy nito. Sa limang taon na pagsasama nila ni Mark Wayne, hindi pa nangyaring parang nagkabuhol-buhol ang kanyang katinuan dahil sa amoy nito. Ngunit, ganoon ang nararamdaman niya kapag si Lance ang kanyang kapiling.
Si Lance! gilalas niyang sabi sabay balikwas nang bangon. Bigla rin kasing nag-flashback sa kanyang isipan ang nangyari kanina.
Masama ang loob niya dahil hindi niya alam kung ano ba talaga ang kanyang nararamdaman. Kahit kasi si Mark Wayne ang kasama niya sa iisang bahay at kama, si Lance pa rin ang palaging nasa utak niya at talagang nahihirapan na siya. Ngunit, alam niyang hindi niya ito basta matatalikuran lalo na kung binablackmail siya ng magaling niyang ex-boyfriend na parang alam na alam kung paano siya gantihan.
"Anong ginagawa mo rito?" mangha niyang tanong.
"Nakahiga!"natatawa pa nitong sabi sa kanya.
Nang una ay nag-alala pa siya dahil baka mapasukan sila roon ni Mark Wayne at kung ano pang isipin. Kaya lang nang igala niya ang tingin sa paligid ay napagtanto niyang nasa estrangherong lugar siya. Hindi niya tuloy napigilan ang makaramdam ng takot ngunit parang hindi naman iyon ang nararamdaman niya.
"Kinidnap mo ako!" manghang bulalas niya.
Marahang tawa lang ang pinawalan ni Lance. Parang sinasabi nga nitong tama ang kanyang sinabi.
"Hindi maaari ito!" sigaw niya saka siya bumalikwas nang bangon at lumabas sa kuwartong iyon. Ang pumasok kasi sa kanyang isip ay Apple. Mahal na mahal niya ang anak kaya ayaw niyang iwanan ito. Kailangan kasing talaga ay makaalis siya. Ngunit napa-"O-M-G!" siya nang paglabas niya sa bahay na pinagdalhan sa kanya ni Lance ay dagat naman ang sumalubong sa kanya. Hindi tuloy niya napigilan ang mapatili. "Nasaan ako?"
"Palawan."
"Palawan?" mangha niyang bulalas. "Paano ako makakauwi nito?"
"Wala akong balak na pauwiin ka."
"Ang layo naman nito."
"Hindi mo naman siguro ini-expect na kikidnapin kita pero sa malpit lang dadalhin. So, how do you find the place?"
"Iuwi mo na ako."
"Dito ka bagay. Sa piling ko."
"Baliw ka na ba?"
"Mas kabaliwan ang magtiis na manatili sa kasal na iba naman ang talagang mahal."
Dapat ay magalit siya sa sinabi ni Lance na para bang nababasa nito ang kanyang nararamdaman ngunit hindi niya magawa. Inayunan din naman niya ang sinabi nito.
"Mahal ko si Mark Wayne." Weh, sinong niloko mo? sarkastikong tanong niya sa saili pero ipinilig niya ang kanyang uo sa pagbabakasakaling maitaboy niya rin sa isipan ang mga salitang iyon. Hindi na naman kasi importante kung sino ang mahal niya. Ang mahalaga ay kung sino ang pinakasalan niya.
"Ako ang mahal mo!"
"No!" hiyaw niya.
Sa tingin niya ay makabasag eardrum ang ginawa niyang pagsigaw. Para ngang gusto ring mabasag ng kanyang eardrum kaya lang kailangan niyang itaktak iyon sa isipan ni Lance.
"Kung maloloko mo pa ang sarili mo, ako hindi. Ilang taon na tayong nagtiis kaya hindi ko na hahayaang dumagdag pa ng maraming taon."
"Iuwi mo na ako sa asawa ko," naiiyak niyang sabi. Tiyak niya kasing sobra na ang pag-aalala sa kanya ni Mark Wayne. Ayaw din naman niyang mag-isip ito ng masama sa kanya.
"Una kang naging akin."
Wala namang sumunod, gusto niyang sabihin pero hindi niya nagawa. Kahit mahal pa niya si Lance, hindi niya magagawang sabihin dito ang sitwasyon nila ni Mark Wayne. Saka mas maigi na iyong ang alam nito ay normal silang mag-asawa ni Mark Wayne. Bakasakaling mas madali lang sa kanya na itaboy ito.
"Kasal kami ni Mark Wayne." mariing sabi niya rito. Ibig niyang ipaalala iyon kay Lance at iyon din ang gusto niyang ipaalala sa sarili. Saka sa isang saglit ay parang gusto niyang kalimutan iyon.
"At ako ang mahal mo!" sigaw nito sa kanya.
Kahit alam niyang totoo naman iyon ay hindi pa rin niya gustong tumatak iyon sa isipan nito kaya ginusto pa niyang tumanggi pero walang salitang lumabas sa kanyang bibig kaya tinangka na lang niyang sampalin si Lance para matauhan. Kaya nga lang, hindi iyon nangyari dahil hinapit siya nito sa baywang at siniil ng halik sa labi.
Matagal na niyang pinananabikan na muling matikman ang labi ni Lance kaya hindi niya ito magawang maitulak. Nakakaramdam nga siya ng matinding panghihina kaya gustong bumigay ng kanyang mga tuhod pero mahigpit ang yakap sa kanya ni Lance na para bang kahit magpumiglas pa siya ay hindi ito papayag na makawala pa siya.
Kaya naman, tumugon na lang siya sa halik nito.
Napa-'Oh my God' lang siya nang maghiwalay ang kanilang mga labi.
"Ngayon mo sabihin sa aking hindi mo ako mahal."
"Minahal kita pero hindi ibig sabihin nu'n ay mahal pa rin kita. Okay tumugon ako sa halik mo pero hindi ibig sabihin nu'n I'm still In love with you dahil hindi," mariin niyang sabi. Sinikap niyang salubungin ang tingin ni Lance upang malaman nitong nagsasabi siya ng totoo.
Parang gusto niyang humagulgol nang makita niya ang lungkot sa mga mata ni Lance na alam niyang sobrang nasaktan sa kanyang mga sinabi pero iyon naman talaga ang dapat niyang gawin para hindi na siya masaktan pa.
Dinamayan siya ni Mark Wayne nung panahong kailangang-kailangan niya ng tulong kaya naman hindi niya maaatim na iwanan ito.
"Huwag mong lokohin ang sarili mo dahil hindi naman kita paniniwalaan."
"Wala akong magagawa kung ayaw mong maniwala," buong katarayan niyang abi. "Basta sinasabi ko sa'yo ang totoo. Matagal na kitang nakalimutan at kung tumugon man ako sa halik mo ay dahil namiss lang kita. Kaya please lang, huwag mo na pahirapan pa ang mga sarili natin. Wala na tayo matagal na. Maigi pang mag-move on na lang tayong pareho. Baka sa pamamagitan nito'y maging masaya na tayo pareho."