Chapter 31 Ang pakiramdam ng Asawa

SA limang taong pagsasama nila ni Jillian ay ginawa niya talaga ang lahat para maging karapat-dapat siya sa pag-ibig nito kaya naman kahit asawa na niya ito, sinikap pa rin niyang magpaka-gentleman. Alam kasi niyang noong panahon na iyon ay masyado pang sariwa sa alaala nito si Lance kaya't kahit na igiit niya kay Jillian ang kanyang karapatan, hindi naman siya masisiyahan dahil alam niyang ibang lalaki pa rin ang maiisip nito at siyempre, ayaw niya ng ganoon. Ang nais niya kapag kinuha niya ang kanyang karapatan ay walang ibang makikita si Jillian kundi siya.

Sa kaisipang iyon ay parang gusto niyang magtawa, talaga nga bang 'makukuha' niya si Jillian gayung alam naman niyang nawalan na ng silbi ang kanyang pagkalalaki mula nu'ng maaksidente siya?

Nang sabihin ng unang doktor na tumingin sa kanya na nawalan na ng silbi ang kanyang pagkalalaki ay inisip na niya agad na wala na siyang karapatang magkapamilya. Hindi na rin niya kayang paniwalaan ang sinabi ng ibang manggagamot na gagaling pa ang kanyang kapansanan dahil ang agad na tumatak sa kanyang isipan ay nagpapaasa lang ang mga ito.

Kung talaga nga kasing may pag-asang gumaling siya dapat ay may nararamdaman siya kay Jillian kapag magkatabi sila. Pakiramdam tuloy niya'y utak lang niya ang gustong yumakap at humalik kay Jillian pero hindi ang kanyang katawan. Ngunit, hindi ganito ang naramdaman niya nu'ng isang araw. Parang gusto niyang buhayin ang kanyang pagkalalaki dahil nakakaramdam na siya ng takot. At ang may kagagawan ay ang mortal niyang kaaway na si Ysmael Lance Madrigal.

Kahit alam niyang mabuting asawa at tapat na kaibigan si Jillian para pa ring may bahagi ng isipan niya ang nagsasabi na huwag siyang makapante. Tapos noon ay nag-flash nga sa kanyang isipan ang masasayang sandali nina Lance at Jillian na ewan niya kung bakit kahit alam niyang masasaktan siya ay sinusundan pa rin niya ang mga ito at mula sa malayo ay pinagmamasdan ang mga ito.

Kahit na nagtuturingan silang mortal na magkaaway ni Lance, gusto na niya tuluyang ipaubaya dito si Jillian dahil alam niyang liligaya si Jillian kay Lance pero naghiwalay ang dalawa at pumasok siya sa eksena. Mahal niya si Jillian kaya hindi na niya makakaya pang pawalan ito. Kahit ang anak nito kay Lance ay mahal na mahal na rin niya. Kaya, hindi siya papayag na magkakaroon pa ng pagkakataon si Lance na maagaw sa kanya si Jillian.

Marahas na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Alam naman kasi niyang may ginagawang plano si Lance kaya gusto nitong makatrabaho si Jillian ngunit pumayag pa rin siya dahil kailangan. Isa pa, malaki ang tiwala niya kay Jillian.

Kaya lang...

May kakaiba siyang naramdaman nu'ng tinangka niyang iparamdam dito na asawa niya ito. Dama niya sa panginginig nito na labis na tumututol ang katawan nito kaya minabuti na lang niyang huwag na ituloy ang nasimulan. Tutal, hindi naman niya sigurado kung magagawa nga ba niyang matapos iyon.

Ngunit, hindi pa rin niya napigilang mag-walkout. Pakiramdam niya kasi'y sasabog ang kanyang dibdib dahil ramdam niyang kahit siya ang araw-araw na kasama ni Jillian, katabing matulog. Iba pa rin ang nasa puso't isipan nito.

Ngunit kahit gannon, hindi pa rin niya hahayaang mawala sa kanya si Jillian, hindi niya hahayaang tuluyang mahulog ito kay Lance. Siya ang asawa kaya nasa kanya pa rin talaga ang karapatan.

So, anong gagawin niya ngayon?

Siyempre, kailangan niyang patunayan kay Jillian lalo na kay Lance na kahit na anong mangyayari ay ipaglalaban niya ang kanyang misis.

Kaya naman gusto niyang sunduin si Jillian at dalhan pa ito ng bulaklak.

"Si Jillian?" tanong niya sa sekretarya ni Lance na nakapuwesto sa labas ng opisina nito samantalang ang misis niya ay ipinuwesto sa loob ng opisina nito. Napa-tsk tuloy siya. Ngunit sa halip na magalit siya'y napangisi pa siya. Alam na alam naman kasi niyang hindi naman siya pagtataksilan ni Jillian dahil pala nitong pipiliin ang tama.

O, hindi nga ba, mas pinili siya ni Jillian dati kahit si Lance ang mahal nito. Ang dahilan, ayaw nitong maapi siya. So, talagang pinahahalagahan ni Jillian ang pinagsamahan nila. At doon pa lang pakiramdam niya'y panalung-panalo na siya.

"Maagang umalis si Jillian."

"Ano?" mangha niyang tanong.

"Nagmamadali kaninang umalis."

Damn! "Si Lance."

"Miss me?"

Gulat siyang napalingon nang bumukas ang pintuan sa kuwarto ni Lance at lumabas ito, ngiting-ngiti.

"Nasaan ang asawa ko?" galit niyang tanong dito. Hindi man sila magkaibigan ni Lance pero kilala niya ang ngiti nito kapag may kalokohang ginawa.

Kumunot ang noo nito. "Bakit sa akin mo hahanapin, ako ba ang asawa?"

"Pumasok dito si Jillian kanina."

"Hindi ba maaga umalis?" tanong ni Lance.

"Yes, Sir."

"Wala pa siya sa bahay," wika niya pero nagduda rin siya kaya naman kinuha niya bulsa ang telepono at tumawag sa bahay. Nang sabihin ng katulong na wala pa si Jillian sa bahay, hindi niya napigilang bigyan ng nakamamatay na tingin si Lance.

"Umalis siyang maaga dahil parang wala rin sa sarili habang nagtatrabaho," wika nito saka humalukipkip. "Umiiyak pa nga siya sa pwesto niya kanina. O, may rosas ka pang dala. Ibig sabihin, bibigyan mo siya ng peace offering. Kaya, ikaw ang dahilan kung bakit siya umalis nang maaga dito sa opisina at di pa umuuwi sa bahay ninyo. Hmmm, hindi kaya gusto na niya talagang iwanan ka."

Kung hindi lang niya napigilan ang sarili, gusto na niyang sugurin ng suntok si Lance pero dahil tama naman ang sinabi nito'y minabuti na lang niyang humugot ng hininga.

"Wala akong kinalaman sa pagkawala ng asawa mo."

Naningkit ang mga mata nito. "Paano ka nakakasiguro na nawawala si Jillian?"

"Kung hindi siya nawawala, wala ka sana rito ngayon," natatawang sabi ni Lance na para bang siya'y napakalaking istupido.

Pero, hindi ba naman talagang tanga siya? sarkastiko niyang tanong at parang gusto niyang batukan ang sarili.

Biro mo nagawa niyang tikisin si Jillian kahit ang totoo'y gustung-gusto na niya itong yakapin kapag nagkakasalubong sila. Alam niyang nagi-guilty din ito sa naging reaksyon nito. Kaya naman, hindi rin ito makatingin ng diretso sa kanya. Siguro ay iniisip ni Jillian na nagagalit siya rito.

"So, hindi ka pa ba aalis para hanapin ang asawa mo?" sarkastikong tanong ni Lance sa kanya.

KAHIT na may tampo sa kanya si Jillian, alam niyang uuwi ito kaya hindi siya dapat na mag-alala. Mararahas na paghinga ang kanyang pinawalan bago niya pinaandar ang sasakyan. Pangako niya sa sarili, oras na bumalik si Jillian ay gagawin niyang lahat para tuluyang makuha ang puso nito.

Alam niya kasing hindi niya ibinigay ang the best niya para tuluyan niya itong maangkin. Naisip niya kasi na kahit na nasa kanya si Jillian ay hindi naman siya nag-effort ng todo para makuha niya ang puso nito ng tuluyan. Paano ba naman kasi niya gagawin iyon kung hindi naman niya tuluyang makuha ang katawan nito. Hindi dahil sa ayaw nitong ibigay kundi dahil natatakot siyang hindi ito ma-satisfy kaya nakukontento na lang siya sa yakap nito't halik.

Ilang beses din sinabi sa kanya ni Jillian na magpagamot. Kahit naman sinunod niya ang kanyang misis, hindi naman niya ipinaaalam dito ang kanyang ginagawa. Gusto kasi niyang masorpresa na lang ito kapag dumating ang araw na magal na mahal na siya nito.

Ngunit, darating bang talaga ang panahon na iyon?