Chapter 30 Ang Paraan ni Lance kay Jillian
SABI ni Jillian sa sarili ay gusto niyang mawala sa isip niya si Lance at ang anumang nararamdaman niya rito, pero, paano niya magagawa iyon kung pinili pa niyang magpunta sa lugar na tinatambayan nila dati?
Dahil mahilig sa basketball si Lance ay lagi siya nitong dinadala sa open court na iyon na matatagpuan malapit sa kanilang university. Kung walang gumagamit ng court ay nagwa-one on one pa sila ni Lance sa paglalaro ng basketball. Lagi kasing may dalang bola si Lance na nakalagay sa kotse nito at kung minsan naman ay nasa loob ng bag.
"Natatandaan mo ba ang ginawa mo ng matalo mo ako nu'n sa basketball?" tanong sa kanya ni Lance habang humaharang ito para hindi niya ma-shoot ang bola."
Napangisi siya dahil natandaan niya agad kung anong tinutukoy nito. "Siyempre, binigyan kita ng upper-cut nu'n dahil natalo kita."
"Alam mo bang mula nu'n ay nagkaroon na ng problema ang puso ko?"
Sa winika nito ay hindi niya napigilan ang mag-alala lalo pa't napakaseryoso ng mukha ni Lance ng sabihin ang mga salitang iyon. Talaga tuloy kinabahan siya at parang gusto niyang umiyak dahil pakiwari niya'y may nais itong ipahiwatig.
"May sakit ka sa puso?" manghang tanong niya at gusto niyang umiyak dahil sa pagkakaintindi niya sa sinabi nito'y siya ang may kasalanan kung bakit nangyari iyon. "Paano kang nagkaroon ng problema sa puso, eh, sa baba naman kita sinuntok?"
Bahagyang tumawa ito.
Parang gusto na naman niyang sapukin ang boyfriend dahil parang pinagtatawanan pa nito ang paghihirap ng kanyang kalooban. Ngunit, hindi ganoon ang nagawa niya nang takbuhin niya ito dahil hindi niya napigilang yakapin si Lance.
"I'm sorry, I'm sorry," wika niya habang mahigpit na mahigpit niya itong niyakap tapos humagulgol siya.
"Hey," wika naman ni Lance at bahagya siyang nilayo. Ayaw sana niyang kumalas sa pagkakayakap nito pero desidido si Lance na ilayo siya sa katawan nito at pakatitigan siya. Buong suyo rin nitong pinahid ang luhang naglandas sa kanyang pisngi. "Wala akong sakit sa puso sa literal na ibig sabihin nu'n."
"Niloko mo lang ako. Sabi mo..."
Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil bigla siya nitong hinalikan sa labi. Dapat ay magalit siya sa ginawa nito. Aba, masyado na itong nasasanay na halikan siya. Kaya lang, hindi niya magawa. Mahirap din naman kasi talagang itanggi na may kasiyahan siyang nararamdaman kapag hinahalikan siya ni Lance.
"Ang ibig kong sabihin nu'ng nagkaroon ng problema ang puso ko'y bigla na lang bumibilis ang pintig ng puso ko kapag nakikita kita. Hindi na nga ako makakain kapag hindi kita nakikita. Nabubuwisit naman ako kapag nakikita kitang kasama mo si Mark Wayne. Kitang-kita ko kasi sa mga mata mo ang kislap kapag kasama mo siya. At hindi ko mapigilan ang magselos."
Sa pagkakatanda niya ay 13 years old pa lang siya ng mabigyan niya ito ng upper cut at dahil dalawang taon ang tanda nito sa kanya, 15 years old ito noon. "Ganoong katagal mo na ako gusto?"
"Mga bata pa lang tayo, cute na cute na ako sa'yo kaya nga lagi ko ring binubuwisit si Mark Wayne para mapansin mo. Jillian…"
"Ano?"
"Wala na akong ibang mamahalin kundi ikaw," wika nito habang nakatitig sa kanyang mga mata at hindi rin niya magawang iiwas ang tingin dahil talaga namang naeengganyo rin siyang pakatitigan ito. Paano ba naman kasi, napakaganda ng mga mata nito. Kaya naman para siyang lagi siyang nahihipnotismo tulad ngayon. Hindi niya magawang iiwas ang tingin dito kahit na unti-unting bumababa sa labi niya ang labi nito. Sa katunayan ay sinalubong pa niya ang halik nito at hindi rin niya napigilang gayahin ang ginagawa ng labi nito.
"KUNG sasabihin mo pang wala akong epekto sa'yo, hindi na ako maniniwala."
Mula sa pagkakadukdok ng mukha niya sa kanyang mga hita, gilalas siyang nagtaas ng tingin at nakita niya si Lance na nakatayo sa kanyang harapan.
"A-anong ginagawa mo rito?" gilalas niyang tanong.
"Hindi ko alam na narito ka kaya huwag mong isipin na sinundan kita. Talaga lang kapag nangungulila ako sa'yo ay nagpupunta ako rito."
Malungkot na malungkot ang boses nito ng sabihin iyon kaya parang gusto rin niyang umiyak. Nasasaktan din naman kasi siya talaga kapag nakikita niyang nahihirapan iito.
"Sana kinumpronta mo ako nu'n ng marinig mong sinabi ni Franco na planado ko lang na agawin ka kay Mark Wayne. Para naman naipagtanggol ko ang sarili ko at nasabi kong mali ang narinig mo."
"Hindi ako bingi?" wika niya pagkaraan ng ilang sandali. Nakabawi na kasi siya sa kanyang pagkabigla. Ewan niya kung paano nito nalaman iyon pero hindi na mahalaga sa kanya. Ang tanging gusto lang niya ay masabi na rin kay Lance ang lahat. Baka kapag ginawa niya iyon ay makapag-move on na siya. Ibig na niyang mabuhay ng masaya sa piling ni Mark Wayne. Naniniwala naman siyang mangyayari iyon. Ang kailangan lang naman kasi ay makakawala na siya sa alaala ni Lance.
"Alam ni Franco na nandoon ka at sadya niyang ipinarinig sa'yo ang mga salitang iyon para magalit ka."
"He's your bestfriend. Bakit niya kailangang sabihin iyon?"
"Dahil nagseselos siya sa'yo. Umamin na siya sa akin. Nagkagusto siya sa akin kaya ginusto niyang paghiwalayin tayo."
"Ano?" manghang sabi niya. Ayaw sana niyang paniwalaan ang sinabi ni Lance pero biglang pumasok sa isip niya ang mga sandaling masama ang tingin sa kanya ni Franco. "Bakla siya?"
Malalim na buntunghininga ang pinawalan ni Lance bago sumagot ng, "Yes."
"So, iyon nag dahilan kaya sinabi mo sa aking si Mark Wayne ang mahal mo?" nananantiyang tanong ni Lance.
Malalim na buntunghininga ang pinawalan niya bago ito sinagot. "Kung sasabihin kong oo, hindi na mababago pa ang katotohanan na kasal na kami at... may anak na."
"Kung mahal mo ako noon, bakit napakadali lang sa'yo na palitan ako?" nagtatakang tanong nito pero naroroon ang pagdududa.
"Na-develop kami," wika niya saka tumayo. "Huwag na nating balikan ang nakaraan dahil wala na rin namang mangyayari. Magkaiba na ang buhay natin at nakapag-move on na ako. Masaya na ako sa piling ng mag-ama ko kaya sana ay mag-move on ka na lang din. Alam ko naman na kung gugustuhin mo talaga ay madali mo lang naman akong makakalimutan."
Ang plano niya ay bilisan na ang kanyang paglakad pero parang mahirap gawin iyon. Pakiwari nga niya'y mayroong kadenang nakatali sa kanyang paa kaya hirap na hirap siyang humakbang at habang ginagawa niya iyon ay tumutulo ang kanyang luha. Siya man kasi ay parang gustong magsisi na nagpabigla-bigla sa pagdedesisyon noon.
Ang 'pagmamahalan' nila ni Lance ay bigla niyang kinalimutan dahil natakot siyang makumpirma na pinaglaruan lang talaga nito ang damdamin niya. Kaya naisip niyang iyon ang matinding rason kung bakit pinili na lang niyang tumakbo palayo rito. At si Mark Wayne ang nakita niyang makakapitan niya.
"Hindi na ako papayag na mawala ka pa sa akin," mariing sabi ni Lance kaya naman gilalas siyang napalingon dito.
Hindi lang niya inasahan na sa paglingon niya rito ay nasa likuran na niya ito kaya hindi na siya nakaiwas ng biglang takpan ni Lance na puting panyo ang ilong niya. At ang hui niyang natandaan ay iyong pag-ikot ng paligid.