Chapter 29: Ang Kaaway ni Bestfriend
BAKLA ako!
Kung hindi lang si Franco ang nagsabi sa kanya ng mga katagang iyon, hindi siya maniniwala. Well, hindi pa rin naman siya makapaniwala kaya nga hindi siya makakilos ngayon gayung kanina ay gustung-gusto na niya itong pagsasasapakin. Matalik na kaibigan niya ito, dapat ay karamay niya pero ito pala ang naging dahilan ng kanyang pagdurusa.
"Mahal na mahal kita pero hindi ko magawang masabi sa'yo dahil ayokong layuan mo ako. Ayokong pandirihan mo ako. Kaya lang, selos na selos ako kay Jillian kasi mahal na mahal mo siya. Gusto ko sana, akong tingnan mo ng ganu'n. Gusto ko, ako ang yakapin mo. Gusto kong ako ang halikan pero… pero hindi pwede."
"Talagang hindi pwede!" sigaw niya.
Ngayon niya naintindihan kung bakit ini-entertain lang ni Franco ang mga babaeng nagkakagusto rito kapag nasa paligid siya. Sadya lang nitong ipinagmamalaki sa kanya na playboy ito para hindi niya mapansin ang tunay nitong pagkatao na pilit nitong itinatago sa kanya. O marahil ay hindi lang niya pansin dahil nga malaki ang tiwala niya rito. Isa pa'y sa iisang tao lang naman kasi nakatuon ang kanyang atensyon.
Kahit na maraming babaeng nagpapa-cute sa kanya ay hindi niya pansin. Kay Jillian lang kasi nakatuon ang kanyang atensyon, lalo na nung panahon na nagpapanggap silang magkarelasyon.
Tanda nga niya'y todo pigil sa kanya si Franco na gawin ang charade na iyon dahil tiyak daw nitong masasaktan lang siya. Tiyak na tiyak daw kasi nito na head over heels si Jillian kay Mark Wayne. Magkapit bahay lang ang pagitan ni Franco sa bahay ng mag-bestfriend kaya alam na alam daw nito at palagi nga nitong sinasabi na tanaw lagi ni Franco na nasa loob ng kuwarto ni Jillian si Mark Wayne at kung minsan daw ay si Jillian ang nasa kuwarto ni Mark Wayne.
Kaya, nu'ng una pa lang ay tinanim na ni Franco sa isip niya na kahit walang relasyon sina Jillian at Mark Wayne ay friends with benefits naman ang mga ito. At naniwala naman siya. Kaya, para siyang sinuntok sa sobrang pagkapahiya nang malaman niyang virgin pa si Jillian nu'ng angkinin niya.
Kaya kasi niya ginawa iyon ay dahil gusto niyang ipaalam kay Jillian na anuman ang mangyari sa kanila nito ay paninindigan niya. Na kahit na anong mangyari ay hindi niya ito iiwan kaya lang ang layunin niyang iyon ay nabura sa kanyang isipan nang sabihin sa kanya ni Jillian na si Mark Wayne talaga ang mahal nito.
Sobrang sakit ang naramdaman niya nu'n kaya pinili muna niyang lumayo. Pakiramdam niya kasi'y hindi siya makakapag-move on agad kung lagi lang niyang makikita ang dalawa. At nu'ng bumalik na siya ay saka naman niya natuklasan na umalis na sina Jillian at Mark Wayne papuntang America at pagkatapos ng ilang buwan ay nagpakasal ang mga ito sa Las Vegas.
Nang mga panahong gusto niyang sirain ang buhay niya, si Franco ang laging naroroon sa tabi niya. Kapag nalalasing siya ng husto at inaasikaso siya nito ay inis na inis niya itong sinasaway dahil hindi na nito katungkulan iyon. Ang tanging gusto lang niya kasing makasama ng mga sandaling iyon ay si Jillian kaya lang ay nasa piling na ito ng iba kaya wala na siyang ginawa kundi ang magwala.
Matapos ang ilang buwan ay bahagya siyang naka-recover. Tama naman kasi ang kanyang mga magulang. Kahit na mahal niya si Jillian ay wala na siyang magagawa dahil iba na ang mahal nito at kasal na sa bestfriend nito kaya wala na siyang ibang dapat gawin kundi ang sumuko. Kaya, itinuon na niya ang atensyon sa pagpapalago ng kanilang negosyo.
Ngunit sa loob ng limang taon ay hindi nawala sa isip niya si Jillian, lalo na sa kanyang puso. Paano niya magagawa iyon kung mula pa ng mga bata sila ay wala na siyang ginawa kundi hangaan ito. Bata pa lang kasi ito ay litaw na litaw na ang ganda ngunit hindi lang siya sigurado kung alam nito iyon dahil parang wala naman itong pakialam kung nakaayos ba ito o hindi. At dahil doon ay mas nagustuhan niya ito dahil wala itong kaarte-arte sa katawan. Ngunit, ang higit na dahilan kaya nagustuhan niya ito ay nu'ng nakatikim siya ng upper cut dito.
Trese anyos lang siya nu'n at inis na inis siya kay Mark Wayne dahil kakampi niya ito nu'n sa basketball tapos natalo sila dahil sa kalampahan nito. Ngunit hindi lang dahil doon kaya siya naiinis kundi dahil sobra-sobra ang pag tsi-cheer dito ni Jillian samantalang siya laging nakaka-two points ay hindi man lang nito sinigawan at pinalakpakan.
Sa inis niya tuloy ay hindi niya ito napigilang alaskahin, sinabihan niya itong may cheerer pa pero hindi naman maka-shoot. Kaya parang gusto nitong umiyak sa labis na pagkapahiya at noon naman niya nakita si Jillian na parang torong sumugod para ipagtanggol ang bestfriend nito.
"Wala kang karapatan na pagsabihan ng ganyan ang bestfriend ko."
"Kung hindi po kasi dahil sa kanya ay panalo sana ang team namin," sabi niyang hindi maalis ang tingin sa magandang mukha ni Jillian. Sabi pa niya sa sarili, para siyang anghel na ipinadala ng langit para mapasaya siya.
"So, ikaw ang magaling."
"Aba, siyempre."
"Kung magaling ka, dapat nanalo ang team mo."
"Paano nga kami mananalo kung laging hindi maka-shoot ang bestfriend mo?"
"Ang sabihin mo, hindi ka magaling."
"Magaling kaya akong mag-shoot."
"Patunayan mo."
"Paano?"
"Talunin mo ako sa basketball," mayabang na sabi sa kanya ni Jillian.
Kahit panay ang awat dito ni Mark Wayne ay hindi ito pansin ni Jillian. Pakiramdam tuloy niya ng mga oras na iyon, sarili nila ni Jillian ang mundo dahil parang wala silang nakikita at naririnig kundi silang dalawa lamang.
"Baka naman umiyak ka," tudyo niya rito.
"Takot ka lang."
"Anong pustahan natin?"
"Katropa ko na kayo ni Mark Wayne kapag nanalo ako," sabi niya kahit ang gusto niyang sabihin nu'n ay katropa na rin kita kaya lang tiyak naman niyang hindi ito papayag na ma-etsapuwera ang bestfriend nito kaya no choice na siya kundi isama sa deal niya si Mark Wayne.
"Ayoko nga."
"Takot ka kasing matalo kita,"
"At kapag ako ang nanalo?"
"Katropa mo na kami ni Franco." Nakangisi pa niyang sabi nang lingunin ang bestfriend niyang nahuli niyang umirap pero hindi niya pinag-ukulan ng pansin ang ginawi ito.
"Ano, manalo o matalo ako, parurusahan mo ako?"
"Takot kang matalo."
"Hindi iyon ang gusto kong kapalit kapag ako ang nanalo."
"Anong gusto mo?"
"Ang bigyan ka ng... upper cut!" mariing sabi nito.
Sa alaalang iyon ay hindi niya napigilang mapangiti. Talaga kasing namangha siya ng todo ng sunud-sunurin ni Jillian ang three points samantalang siya ay ilang beses na sumablay at sa tuwing sasablay siya, hindi niya mapigilan ang mapamura dahil mawawalan siya ng tsansa na maging kaibigan si Jillian.
Kaya naman ng matikman niya ang upper cut ni Jillian sa kanya ay para naalog ang utak at puso niya dahil wala ng ibang laman iyon kundi si Jillian Cordova.