Chapter 11 Unexpected Visitor

Athalia'sPOV

"May pupuntahan ka ba ngayon?" tanong sakin ni Luke. Tiningnan ko siya tsaka umiling.

"Wala naman. Baka mananatili lang ako sa bahay kasi pupunta rito si inay para tulungan si Manang Daisy sa paglilinis. Bakit?" tanong ko.

Nag-aagahan kami ngayon. Kaming dalawa lang, niyaya namin si Manang Daisy na mag-agahan ngunit tumanggi siya. Kakain nalang daw siya pagkatapos namin.

"Ahm, pwede ka ba bumalik mamayang hapon? Mga alas-dos, basta yung free ka. Ililibot sana kita sa pananinam ng prutas, para maging familiar ka sa lugar at makita mo rin ang mga prutas at magkaroon ka ng report sa susunod na araw. Kung ayos lang sayo, kung hindi naman, ayos lang din." aniya at para siyang hindi mapakali habang sinasabi niya iyon.

Sabagay, wala naman akong gagawin. Maganda nga ang suhestiyon niya. Gusto ko rin makita ang mga prutas na gagamitin sa paggawa ng juice. Mula sa pag-iisip, tiningnan ko ulit siya. Kitang-kita ko sa kaniyang mga mata na parang nag-aalangan siya sa kung ano ang isasagot ko. Ngumiti ako sa kaniya at tumango.

"Sure, Luke. Gusto ko iyon." ani ko at nilapiran pa ang ngiti.

Nagliwanag ang bukas ng kaniyang mukha, sinuntok pa ito sa hangin na ikinatawa ko. Nahihiya siyang nagbaba ng tingin.

"Sorry. Excited lang." aniya. Tumawa ako ng malakas.

"Mahiyain ka parin hanggang ngayon, Luke?" tanong ko. Tiningnan niya ako ng nakasimangot.

"Sayo lang naman ako ganito." aniya subalit hindi ko masyado naintindihan ang sinabi niya. Pabulong kasi ang pagkakabigkas niya.

"Ano?" tanong ko para ulitin niya ang sinabi niya. Ngumiti siya.

"Wala. Sabi ko, nambubully ka na naman." aniya na nakasimangot.

"Eh sa totoo naman e." pang-aasar ko.

Mas lalong sumimangot ang mukha niya na ikinatawa ko ng mahina. Tumayo ako mula sa pagkakaupo. Kinuha ko ang plato at inilagay iyon sa sink para hugasan. Ayaw ko naman na iasa pa kay Manang Daisy iyon. Sumunod naman si Luke at inilagay sa sink ang kaniyang plato. Huhugasan ko na sana ang mga iyon ng maramdaman kong may pumalibot na braso sa aking bewang.

"Luke.." ani ko. Ramdam ko ang malalim niyang paghinga at any kaniyang hininga na tumatama sa aking taenga.

"Na-miss kita, Athalia. Ayos lang ba na yakapin kita ngayon?" tanong niya.

Tumango ako. Na-miss ko rin naman siya. Sobra! Mas lalong humigpit ang yakap niya sa akin. Magkadikit na ang aming mga katawan. Nararamdaman ko na nag-iinit na ang aking katawan.

"Wash the dishes, Athalia." aniya. Paano ako makakapaghugas ng mga plato kung nakayakap siya sakin? Pero pinilit ko parin na makapaghugas ng plato. Nang matapos ako, pinaharap niya ako na ikinagulat ko!

"Luke!!" ani ko at pinandilatan siya.

Hinawakan niya ang aking pisngi. Titig na titig siya sa aking mga mata. Ganun din ako sa kaniya. Punong-puno ng emosyon ang kaniyang mga mata na hindi ko mawari kung ano ang mga iyon.

"Paano kung bumalik ako dito sa Pilipinas na walang kasintahan, may posibilidad ba na magustuhan mo ako, Athalia?" tanong niya sakin. Nanlaki ang mga mata ko sa mga sinabi niya. Tama ba ang narinig ko? O guni-guni ko lang.

"A--no?" nauutal kong tanong. Umiling siya tsaka ngumiti subalit umabot iyon sa kaniyang mga mata.

"Wala. Halika, ihatid na kita sa inyo." ani Luke.

Tumango ako bilang pagsang-ayon. Hindi naman malisyosa at tsismosa ang mga mamamayan sa bayan. Alam naman nila na magkaibigan kami ni Luke. Iginiya niya ako palabas ng bahay patungo sa garahe.

Binuksan niya ang pinto ng passenger seat ng kaniyang Sedan. Hindi ko akalain na makakasakay pa ako rito sa Sedan niya. Sumakay ako, ganun din siya tsaka pinasibad iyon palabas ng mansiyon.

ALA-UNA ng hapon. Ginayak ko na ang aking sarili para maligo. Excited ako sa pamamasyal sa prutasan nina Luke. Nasa dulong bahagi iyon ng bayan. At higit sa lahat, nasasabik akong makasama siyang muli. Ito na ang simula na maibalik namin ang aming matamis na pagkakaibigan.

Pagkatapos kong maligo, nagbihis agad ako. Nagsuot ako ng white t-shirt na may Minnie Mouse na desenyo at pedal short na maong na above the knee. Pagkatapos magbihis, narinig kong may humintong sasakyan sa labas ng bahay.

Sumilip ako sa bintana ng kwarto na nakaharap sa kalsada. Napakunot-noo ako ng makitang black sports car iyon. May iba pa palang sasakyan na pag-aari si Luke. Sabagay, mayaman siya. Hindi imposible iyon. Bumukas ang pintuan ng sasakyan. Nanlalaki ang mga mata ko ng mapagsino kung sino ang lalaking lumabas mula sa sports car.

Walang iba kundi si Charles!

Tiningnan ko ang orasan na nasa dingding ng aking kwarto. Ala-una y medya na. Paano kung madatnan ni Luke si Charles dito sa bahay? Ano nalang iisipin niya? Huminga ako ng malalim at pinakalma ang sarili.

Ano ba ang ikinakatakot ko? Walang masama kung madatnan niya ako na kasama si Charles, hindi kami magkasintahan para magalit siya. At tsaka kabastysan kung papaalisin ko si Charles dahil lang sa may usapan kami ni Luke.

Sh*t! Ano ba itong mga pinag-iisip ko? Napukaw ako sa malalim na pag-iisip ng tumunog ang doorbell. Huminga ako ng malalim at niluwangan ang pagkakabukas ng sliding window ng kwarto.

"Charles! Saglit lang!" sigaw ko. Dumako ang paningin niya sa akin at nang magtama ang aming paningin. Ngumiti siya sakin at kumaway.

"Sige! Hihintayin kita, Ath." aniya. Bumaba ako ng hagdan at tinungo ang gate ng bahay. Binuksan ko iyon para makapasok siya. May dala siyang paper bag.

"Anong ginagawa mo rito, Charles? Paano mo nalaman na nandito ako?" tanong ko. Kitang-kita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata.

"Kung hindi pa ako pumunta sa Heirwone Enterprise, hindi ko pa malalaman na hindi ka pala pumasok." aniya na kababakasan ng tampo ang boses.

Napakagat-labi ako. Nawala sa isip ko iyon, pagdating ko kanina dito sa bahay. Natulog ako dahil napuyat ako sa pagbabantay at pag-aalaga kay Luke. Pagkagising ko, naligo agad ako. Nagbaba ako ng tingin.

"Sorry, nakalimutan ko Charles." ani ko. Hinawakan niya ang kamay ko at bahagyang pinisil iyon.

"Oo Ath, nakalimutan mo dahil sa inasikaso mo si Luke dahil lasing siya, diba?" tanong ni Charles na ikinagulat ko.

Paano nalaman ni Charles na inasikaso ko si Luke? Ang nakakaalam lang niyon ay si Ate Melissa, Manang Daisy, Manong Amboy at si Mr. Lereñio. Pero paano? Hindi naman close sina Manang Daisy at Manong Amboy kay Charles at mas lalo kay Ate Melissa. Sinabi ba ni Mr. Lereñio? Wala ng dahilan para magdahilan pa. Tumango ako.

"Oo, lasing na lasing kasi siya kagabi kaya kinailangan ko siyang alagaan, Charles." ani ko. Ngumiti siya.

"Ayos lang Athalia. Naiintindihan ko. Besides, hindi mo naman ako kasintahan para ipaalam lahat ng mga desisyon mo at mga nangyayari sa iyo. At tsaka kaibigan mo si Luke kaya natural lang na mag-alala ka sa kaniya." aniya na nakangiti.

Bakit ba ang bait ni Charles? Bakit napakamaunawain niya? Itinaas niya ang hawak na paper bag at malapad na ngumiti.

"Pwede ba ako pumasok? Meryenda tayo." aniya. Tumango ako na nakangiti at iginiya siya patungo sa loob ng bahay.

"Sure. Siguro masarap yang dala mo." ani ko habang niluluwagan ang pagkakabukas ng pintuan. Pumasok kami sa bahay. Tumawa siya ng mahina.

"Tikman mo para malaman mo. Ginawa ko itong dala ko." aniya at inilapag sa center table ang paper bag at inilabas roon ang tatlong tupperware. Binuksan niya isa-isa ang mga iyon. Hindi familiar sakin ang mga iyon. Tumabi siya ng upo sakin.

"Ano-ano ang mga iyan?" tanong ko at tinuro ang nasa isang tupperware.

"Ah ito, mga Japanese Appetizer ang mga ito. Yang tinuturo mo ay Agedashi Tufo, ito naman."—tinuro niya ang osa pang tupperware.—"gyoza a Japanese Potstickers, and lastly."—itinuro niya ang panghuling tupperware.—"crabmeat puff." aniya.

Inilabas niya ang isang maliit na bowl na may takip kung saan ang laman niyon ay sawsawan. Binigyan niya ako ng chopsticks.

"Thank you, Charles. Ngayon ko lang matitikman ang mga ito. Hindi kasi ako mahilig magkakain sa labas. Hindi ko alam na marunong ka pala magluto ng ganito." ani ko. Madalang lang ako kumain sa labas, at sa mga murahing kainan pa.

"Your welcome. Sana magustuhan mo luto ko. Oo, pangarap ko kasi maging Chef, kaso di natuloy dahil ako lang ang bukod-tanging tagapagmana ng aming kompanya. Ang kapatid kong babae naman ay nasa HongKong at may sarili ng negosyo." aniya.

Tumango-tango ako sa sinabi niya. Nakaka-pressure din pala ang maging tagapagmana. Hindi mo magagawa ang gusto mo lalo at ikaw ang bukod-tanging magmamana niyon. Si Luke kaya? Bukal kaya sa loob niya maging tagapagmana?

MAGANA kaming kumain ni Charles, nagkwekwentuhan patungkol sa mga nakaraan namin. Noon nag-aaral kami, sa mga hilig namin at kung ano-ano pa para mas makilala pay naming ang isa't-isa.

"Oo! Maganda ang movie na iyon. Sobra! Nakakadala! Wala kasi akong oras para panoorin ulit iyon. Gusto ko sa sinehan mapanood iyon kung sakali." ani ko.

Pinag-uusapan namin ang isang Movie na patungkol sa dalawang nagmamahalan na hindi hadlang ang estado sa buhay para maging masaya sila. Yun ay ang "No Matter What."

"Pwede ko naman rentahan ang buong sinehan para mapanood natin iyon." aniya.

Nanlalaki ang mga matang tinitigan ko siya. Talaga? Gagawin niya iyon?! Sasagot na sana ako ng may magsalita sa likuran namin.

"Mukhang nakakaistorbo ata ako?" aniya.

Bumilis ang kabog ng d*bdib ko ng mapagsino kung sino ang nagsalita. Hindi ko alam kung anong gagawin ko ng mga sandaling iyon. Ano na kaya ang iniisip niya? Na mas pinili kong makasama si Charles, kaysa sa kaniya.

"Luke, nandiyan ka pala." ani Charles na nakatingin sa aking likuran. Lumingon ako at nakita si Luke na nakatayo sa may pintuan at madilim ang mukha. Tumayo ako at humarap kay Luke. Tiningnan ako ni Luke.

"Luke, binisita ako ni Charles. Pupunta na ba tayo?" tanong ko.

Nakatingin lang sakin si Luke kaya nakaramdam ako ng kaba. Galit ba siya sakin o baka galit siya saming dalawa ni Charles?

"Diba usapan natin na pupunta tayo sa prutasan? Nakalimutan mo ba, Athalia?" tanong niya sakin.

Kitang-kita ko ang sakit at pagtatampo sa kaniyang boses. Sasagot na sana ako ng maunahan ako ni Charles.

"Luke, pumunta ako rito ng hindi alam ni Ath. Hindi ko alam na may usapan kayo. Pasensya na kung kinuha ko ang oras na para dapat sayo. Huwag ka sana magalit sa kaniya. Aalis na rin naman ako." ani Charles.

Tiningnan ni Luke ng matalim si Charles. Napahawak ako sa aking dibdib. Kinakabahan ako sa mga mangyayari, lalo at narinig ni Luke na tinawag ako ni Charles na Ath. Dahil si Luke lang ang pwedeng tumawag sakin nun. Hindi ko naman na itinama si Charles, dahil ayaw kong ma-offend siya.

"Ako lang dapat ang pwedeng tumawag kay Athalia ng Ath, Charles! Sino nagsabing pwede mo siyang tawagin ng ganun?" may diin niyang sabi. Mababa lang iyon pero ramdam sa kaniyang boses ang galit. Tumawa ng pagak si Charles.

"Luke, for your information, Athalia ang pangalan niya."—at tiningnan ako.—"Syempre matatawag ko talaga siyang Ath, kasi pangalan niya yun eh. Oo, ramdam ko na nagseselos ka Luke, pero sana ilugar mo ang selos mo. Hindi mo pag-aari si Athalia para magalit ka na makita kaming magkasama, kung may usapan kayo. It's okay. Iibigay ko naman yung oras niya na dapat sayo. Be fair, Luke." ani Charles habang nakakuyom ang kamao, ramdam ko rin ang galit niya pero pinipigilan niya iyon. Hindi nagsalita si Luke. Nakatingin lang siya kay Charles ng masama. Humarap sakin si Charles.

"Aalis na ako, Athalia. Salamat sa pagpapaunlak sakin. Sa susunod ulit." aniya.

Tumango lang ako. Ayaw ko na magsalita at baka madagdagan pa ang galit ni Luke kay Charles. Tatawagan ko nalang siya mamaya sa cellophone para iparating sackaniya Ang paghingi ko ng paumanhin sa inasal ni Luke. Kinuha ni Charles ang paper bag na nasa center table at naglakad palabas ng bahay. Nang tuluyan na siyang makalabas. Huminga ako ng malalim at tinitigan si Luke.

"Alam ko na may usapan tayo, Luke. Hindi ko naman pwede paalisin si Charles, nakakahiya yun. Minsan lang siya dumalaw dito kaya pinagbigyan ko na. Hindi ko namalayan yung oras. I'm sorry, Luke." ani ko at nagbaba ng tingin.

"Tama nga naman si Charles. Hindi kita pag-aari para ipagdamot kita sa kaniya. Sino ba naman ako? Isang kaibigan na iniwan ang matalik na kaibigan para mag-aral sa ibang-bansa at pagbalik kung makaangkin ako sa kaniya ay parang pag-aari ko na. Nasabik lang ako na makasama ka dahil gusto kong bumawi sa mga naging pagkukulang ko sa loob ng mahigit sampong taon, Ath." aniya at tumalikod na tsaka lumabas ng bahay.

Naiwan akong gulong-gulo ang isipan. Napaupo ako sa sofa at naihilamos ang palad sa mukha. Pakiramdam ko naiipit ako sa dalawang bato. Hindi ako makahinga.